XIAO TIME, 12 November 2012 / 8 January 2014: ANG TAGUMPAY SA LABANAN SA BINAKAYAN

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 12 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Labanan sa Binakayan, diorama na nasa Dambana ng Kasarinlan, Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo, Kawit, Cavite.

12 November 2012 / 8 January 2014:  http://www.youtube.com/watch?v=JScdpPxzLmY

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  116 years ago kahapon, November 11, 1896, nang magtagumpay ang Katipunan sa Battle of Binakayan sa Kawit, Cavite laban sa mga Espanyol.  Ito ang itinuturing na isa sa unang malaking tagumpay ng himagsikan laban sa mananakop at pinangunahan ito ni Heneral Emilio Aguinaldo.  Paano nangyari ito?  November 8, 1896, dumating sa mga dalampasigan ng Binakayan ang isang batalyon ng mga sundalong Espanyol na may mga suportang kanyon at nakubkob ang mga kuta ng mga rebolusyunaryo kinabukasan.  Dadalawang pulutong lamang sila ngunit kahit na nakuha na ang kanilang trintsera, hindi sila tumigil.

Monumento ni Candido Tria Tirona, mula kay Dr. Isagani Medina

Kagagaling lamang noon sa Labanan sa Talisay, Batangas ni Heneral Candido Tria Tirona nang samahan sila at mapasabak ulit sa labanan sa Binakayan alas-cuatro y media ng hapon noong araw na iyon.  Subalit napagod sila at nagsipagpahinga.  Kinabukasan, dumating ang tropa ni Heneral Crispulo Aguinaldo at sabay-sabay na nilang inatake ang napakalaking pwersang Espanyol.

Crispulo Aguinaldo, mula kay Dr. Isagani Medina

Nang matapos ang labanan, 600 na mga bangkay ang natagpuan, tinatayang 500 ang namatay sa mga pwersa ng Espanyol kabilang na ang isang komandante, isang kapitan, ang hepe ng marine infantry, at anim na tinyente.  Nakuha nila ang 26 na bihag, 200 mga baril na Mauser at Remington, ilang kanyon, mga gamit pang-inhinyero, daang-daang probisyon at supplies, at libo-libong mga bala.  Sa kasamaang palad, si Hen. Candido Tria Tirona, na nagpapahinga sa ilalim ng isang puno, ay natiyempuhan ng isang Espanyol na sinaksak siya sa ulo, patay.

Monumento para sa Labanan sa Binakayan sa harapan ng Island Cove Resort sa Kawit, Cavite.

Sa katotohanan, may kasabay na tagumpay ang labanan sa Binakayan na hindi gaanong nababanggit, ang labanan sa Dalahican, Noveleta, may anim na kilometro mula Binakayan.  Nabawi ang mga kutang rebolusyunaryo sa pamumuno ng mga Magdiwang na sina Heneral Santiago at Pascual Alvarez, Heneral Artemio Ricarte, Heneral Mariano Riego de Dios at Henerala Gregoria Montoya, na sa kasamaang palad ay namatay din sa labanang iyon.

Detalye ng monumento para sa Labanan ng Binakayan, Kawit, Cavite.

Ito ang pinakamalaking pagkabigo na nalasap ni Gobernador Heneral Ramon Blanco na mismong nanguna sa laban.  Naging sikreto ng mga taga-Kabite noon ang mga Western-style na mga trenches na itinatag ng inihinyerong nag-aral sa Belgium na si Edilberto Evangelista.

“Governor Blanco and His Troops” ni Felix Martinez, 1895. Nakasabit sa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Sa kasamaang palad nang lumusob ang mga bagong pwersang Espanyol, ang marami ay pinabalik ng Maynila mula sa pakikipagbakbakan sa mga Moro, ang mga trintserang nagpanalo sa Cavite ay makukubkob din sa mga susunod na mga buwan dahil madaling palibutan ang mga ito, kabisado ang istilo at nagamit pa ng mga Espanyol.

Ang mga trintserang itinatag ng mga taga-Cavite na gamit-gamit ng mga Amerikano, mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Ngunit ang Labanan sa Binakayan ang nagbigay ng status noon kay Heneral Aguinaldo bilang buhay na alamat at magaling na pinuno na nauna nang nagtagumpay at nakuha pa ang espada ni Heneral Ernesto de Aguirre, chief of the general staff ng pwersang Espanyol sa Pilipinas sa Labanan sa Imus noong September 3, 1896, isang espada na gawa sa Toledo, Spain noong 1869, ang taon ng kanyang kapanganakan.

Heneral Ernesto de Aguirre, mula kay Dr. Isagani Medina

Emilio Aguinaldo at ang espada ni Hen. Aguirre, mula sa Philippines Free Press.

Nagpatunay din ito sa tapang at galing ng mga anak ng bayan noong Himagsikan.  Ito ang dapat nating sariwain.  Kasi naman, kadalasan kasi, mas naaalala pa natin ang ating mga pagkatalo.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 7 November 2012)