XIAOTIME, 13 November 2012: ANG HALAGA NG PAGKAKAROON NG PAMBANSANG WIKA
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 13 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanggapan ng Surian ng Wikang Pambansa sa Maynila noong Dekada 1950. Larawan mula sa SIL Philippines.
13 November 2012, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=IWhcOF9Rni4&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 76 years ago ngayon, November 13, 1936, itinatag ang Institute of National Language of the Philippines. Ano ba ang halaga na may pambansang wika tayo? Madalas kong makita mga karatula sa mga paaralan ngayon na ipinagmamalaki na “This is an English-Speaking Zone.”

Si Joel Costa Malabanan, kompositor ng “Speak in English Zone” : “Ang bayan ko ay Speak in English Zone / Alipin kami noon hanggang ngayon / Ang pagbabago ang tanging solusyon / Durugin ang kolonyal na edukasyon!”
Diumano upang tayo ay maging “globally-competitive,” ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang polisiya na halos lahat ng asignatura ay dapat itinuturo sa Ingles. Dito, kapag ikaw ay nagsasalita sa Ingles, kahit wala namang laman ang sinasabi mo, ang tingin sa iyo ay matalino. Sa isang mamahaling kolehiyo aming nakita minsan ni Dr. Zeus Salazar, “English is the language of leaders.”
Sabi niya, “Bakit? Si Napoleon ba iningles ang mga Pranses? Si Mao ba iningles ang mga Tsino?” Kahit marami ngayon ang “wrong grammar” sa paggamit ng Ingles, ipinagmamalaki natin na mas marami pa ring nagsasalita ng Ingles dito sa Pilipinas kaysa sa Inglatera. Kung totoo ito, bakit tila hindi tayo mga pinuno sa daigdig? Bakit tayo naghihirap? Bakit walang sapat na marangal na trabaho sa bansa na kinakailangan na matuto tayo ng Ingles upang magsilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan sa mga kasambahay, nars at caregiver at tagasagot ng telepono? Bakit ang Hapon, Tsina, Europa ay mayaman kahit na maging ang mga CEO ng kanilang mga kumpanya ay bobo sa Ingles? Sapagkat ang biyaya ng edukasyon, ekonomiya at pulitika dito sa Pilipinas ay nananatili lamang sa mga marunong mag-Ingles. Ang may kontrol sa wika ay may bahagi sa kapangyarihan. Maraming dahilan kung bakit tayo mahirap, ngunit hindi ba’t kabilang dito ang katotohanang hindi talaga makasawsaw ang mas nakararami sa mga isyu ng pagkabansa? It’s the language… . Samahan niyo ako mag-imagine: Sa kabila ng iba’t ibang wika na nakapaloob sa Kapilipinuhan, tayo ay nagkakaintindihan sa isang wika na mula sa ating kapuluan. Ayon kay Dr. Salazar, “Gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, …pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa. Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang ‘code’—ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali. Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.” Imbes na sa Ingles lamang nakalimbag ang Harry Potter o Twilight saga, ito ay isinasalin sa wikang mababasa na rin ng mas nakararaming Pilipino; na naglilimbag na tayo ng mga aklat ukol sa pilosopiya, quantum physics o quantum mechanics sa ating sariling wika; Na sa sistemang legal sa Pilipinas hindi na naagrabyado sa kaso ang mga mahihirap dahil wala silang maintindihan; Na naisasama na ang mahihirap sa biyaya ng ating ekonomiya dahil naiintindihan na nila ito; Na unti-unting nabubuo ang ating bansa dahil “nag-uusap tayo,” tulad ng sinasabi ni Boy Abunda, ukol sa ating sariling kasaysayan at karanasan, natutuklasan natin ang ating sariling lakas, at sa pagkakaintindihan nabubuo ang respeto sa isa’t isa, na nagbubunsod ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba. Hindi ba napakaganda ng bansa natin kung ganoon? Kailangan magkaintindihan muna tayo at makilala ang ating sarili bilang bayan bago tayo makaharap sa iba. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)