XIAOTIME, 27 November 2012: NINOY@80
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment today, 27 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
27 November 2012, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=mdqe8WHB8jg&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Mahalagang pagdiriwang po ang araw na ito! Ito po ang 80th birth anniversary ni Benigno S. Aquino, Jr. NINOY@80! Isinilang siya noong November 27, 1932 sa Concepcion, Tarlac. Ang ama ni Ninoy na si Benigno Sr. ay nanilbihan bilang opisyal sa ilalim ng mga Hapones at binansagang kolaboreytor at taksil sa bayan. Nag-iwan ito ng mapait na alaala sa batang Ninoy na mahal na mahal ang kanyang ama. Kaya naging determinado ito na iangat ang pangalang Aquino.

Ang bata at gwapong war correspondent na si Ninoy Aquino sa Korean War, pangalawa mula sa kaliwa. Mula sa Video 48.
Sa kanyang sobrang ambisyon at kayabangan, naging pinakabata sa lahat ng bagay, pinakabatang war correspondent sa Korean War sa edad na 17 at pinasuko ang pinuno ng rebeldeng Huk na si Luis Taruc sa edad na 21. Naging pinakabatang alkalde, bise gobernador, gobernador at kahit hindi gaanong kilala noong 1967, nangunang senador dahil sa sipag mangampanya gamit ang isang helikopter. Maaari siyang ituring na tradisyunal na pulitiko. Gumamit ng guns, goons and gold, isang balimbing, malakas ang charm sa kababaihan.
Ngunit masipag, nagbigay ng eksplosibong mga rebelasyon ukol sa sinasabing katiwalian sa pamunuan ni Pangulong Marcos—ang pagiging “Garrison State in the Make” ng pamahalaang Marcos, ang Jabidah Massacre, ang luho diumano ng Cultural Center of the Philippines na proyekto ni Gng. Imelda Romualdez Marcos na ex niyang niligawan, at ang pagsasabatas ng “Study Now, Pay Later.” Target niyang maging pangulo sa eleksyon ng 1973, ngunit ang brad niyang equally ambitious ay naunahan siya. Nang ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar, si Ninoy ang unang inaresto noong September 22, 1972 at binulok sa kulungan ng pitong taon at pitong buwan.
Nang minsang pinabartolina ni Pangulong Marcos dahil sa kanyang pasaway na pagsulat ng mga artikulo na nalathala sa Bangkok, kanyang kinwestiyon kung totoo ba ang Diyos, at doon din kanyang napagtanto na ang buti sa kanya ng Diyos, bakit nga ba siya malulumbay e nabigyan siya ng lahat ng biyaya sa mundo—mabuting pamilya, pagkakataong makapaglingkod bilang pinakabatang lahat. At naalala niya si Kristo sa kalbaryo, walang kasalanan ngunit inalay ang pagdurusa para sa kaligtasan ng mundo. Sino ba naman siya? Naisip niya.

Si Senador Ninoy Aquino at anak na si Kristina Bernadette. Mula sa Ninoy: the Willing Martyr ni Alfonso Policarpio.
Kaya naman mula noon nagkaroon ng pagbabagong puso si Ninoy at minsang sinabing, “While it’s true Mr. Marcos, I sad, that after eight years in prison I have lost appetite for office, I am no longer seeking the presidency of this land, I am not seeking anymore any office in this country, but believe me, I said when I tell you, that while I have vowed never to enter the political arena again, I shall dedicate the last drop of my blood to the restoration of freedom and the dismantlement of your Martial Law.” Naging bayani na sumama sa paghihirap ng bayan, ipinakita ang sinseridad nang hindi kumain ng 40 days bilang pakikibaka sa diktadura.

Si Ninoy, malaking mama na pumayat nang mag-hunger strike ng 40 araw dahil sa kalokohang paglilitis militar laban sa kanya. Koleksyong Dante Ambrosio sa Sinupang Xiao Chua.
Nang payagang umalis papuntang Amerika upang magpagamot, ito na marahil ang pinakamasayang tatlong taon nila niya bilang ama at asawa kay Cory, ngunit iniwan niya ang lahat ng ito sa paniniwalang may magagawa siya upang makausap si Pangulong Marcos, udyukin si Hesukristo sa puso ni Marcos, upang ibalik ang demokrasya. Sa kanyang pagkamartir sa tarmac noong 1983, ipinakita niya na ang mayabang pulitiko noon ay maaari rin palang mag-alay ng buhay para sa bayan.
Dalawang milyon ang nakipaglibing kahit na bawal, inspirasyon sa mga pinuno natin, magbago na tulad ni Ninoy at nang malasap niyo ang pagmamahal ng sambayanan! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Trellis, Kalayaan, 14 November 2012)
Si Ninoy ang pinakahinahangaan kong bayaning Pilipino. Tunay na inspirasyon sa paglilingkod sa bayan. Maligayang kaarawan Ninoy!