IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

XIAOTIME, 27 September 2012: HEN. MIGUEL MALVAR: Rebolusyunaryong May Balbas

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 27 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Heneral Miguel Malvar, ang pangulo ng Pilipinas matapos si Hen. Emilio Aguinaldo, larawan sa kagandahang loob ng Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar sa Sto. Tomas, Batangas / Gng. Zarah Escueta

27 September 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=wCr4sahvE4c&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sabi ng Parokya ni Edgar sa kanilang kantang “Yes Yes Show”:  “Huwag kang mag-aangas sa lalaking may balbas.”  Lalo na siguro sa rebolusyunaryong heneral na may balbas, si Heneral Miguel Malvar ng Batangas na nagdiriwang ngayon ng kanyang 147th birthday.  Ipinanganak si Malvar noong 1865 sa Sto. Tomas, Batangas, at naging schoolmate ni Apolinario Mabini.  Ngunit siya ay nagdrop-out.  Naging negosyante na lamang siya ng mga manok at hayup.  Pinahiram pa ni Saturnina Rizal, kapatid ng ating pambansang bayani, si Miguel ng puhunan.  Maging ang Tsinong si Carlos Palanca pinahiram siya ng puhunan ng walang kolateral, at lumawak pa ang negosyo niya maging sa industriya ng asukal.  Bumili siya ng mga lupa sa Sto. Tomas at Banahaw at nagpatanim ng mga oranges at sumikat ang brand na “Naranjita-Malvar” sa buong Pilipinas!  Dahil sa pagiging matipid at marunong makisama, dumoble ang kanyang kita at naging tanyag sa kanyang bayan.  Ginawa siyang gobernadorcillo o mayor.  Astig si Malvar, naging bukas sa kanyang mga opinyon sa harap ng mga prayle at gobernador-heneral, at nang pumutok ang Himagsikang 1896, dinis-armahan ang lokal na pulisya upang itatag ang sariling hukbo na matagumpay na nilusob ang yunit ng mga Espanyol sa Talisay, Batangas, napalaya pa ang nakakulong niyang ama.  Sumama kay Heneral Emilio Aguinaldo at nagtagumpay sa Zapote, at matapos ang maraming labanan, magiging pinunong hukbo ng Batangas, at sa kalaunan ng buong Timog Luzon.  Nang dumating ang mga Amerikano, lumaban siya sa Muntinlupa, Tunasan at sa maraming bayan sa Laguna.  Nang dakpin si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela ng mga Amerikano noong 1901, bilang pangalawa kay Heneral Aguinaldo bilang pinunong hukbo ng Timog Luzon, siya ay itinuturing ng marami na sumunod na Pangulo ng Pilipinas matapos si Aguinaldo.  Sa pag-iisip ng kapakanan ng pamilya at mga tapat na tauhan, sumuko si Malvar sa mga Amerikano noong 1903, isa sa pinakahuli noong Digmaang Pilipino-Amerikano.  Sa edad lamang na 46, namatay si Malvar noong 1911.  Sa kabila ng pagiging magaling na negosyante, nakilalang hindi sakim si Miguel Malvar, isang pahiwatig na imbes na isigaw na ibagsak ang mga mayayaman, kailangang ipakita sa mayayaman na maaari rin nilang mahalin ang bayan at mga kababayan.  Pangulong Miguel Malvar, isa kang bayani!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012, pasasalamat kay Gng. Zarah Escueta ng National Historical Commission of the Philippines sa pagtulong sa akin sa episode na ito)

Si Miguel Malvar, tsinito kapag walang balbas

Heneral Miguel Malvar, rebolusyunaryong may balbas.

Si Miguel Malvar sa kamatayan, dinagsa ang kanyang burol at libing noong 1911. Larawan mula sa Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar.

Si Xiao Chua ang opisyal na tagapagsalita ukol sa mga aral ng pamumuno ni Miguel Malvar noong Lunes, 24 Setyembre 2012 sa Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar, Sto. Tomas, Batangas sa imbitasyon ng curator nito na si Gng. Zarah Escueta.

XIAOTIME, 26 September 2012: DEATH PENALTY SA PILIPINAS, Nakabuti nga ba?

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Paghahanda sa silya elektrika upang gamitin kinabukasan, 1969, larawan mula sa http://billgann.smugmug.com/Travel/Philippines/7788532_HKdK8p/507111649_HhBEp.

26 September 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=06gJuT1jGck&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  13 years ago, namatay sa pamamagitan ng lethal injection ang convicted rapist na si Pablito Andan noong 1999.  Napatunayan siyang nagkasala sa panggagahasa at pagpatay ng isang babae sa Bataan noong 1994.  Mahaba ang kasaysayan ng Death Penalty sa Pilipinas.  Sinasabing nasa dokumentong nagmula raw sa ating mga ninuno na itinuro sa atin sa paaralan, ang Kodigo ni Kalantiyaw, na ang mga nag-iingay sa mga libingan ay pinapakain sa langgam hanggang mamatay.  Napaparusahan din ng kamatayan ang mga bumibigay sa sobrang pagnanasa, pumapatay ng mga punong mukhang kagalang-galang, o namamana ng mga matatanda kung gabi.  E paano kung sa umaga namana o bata ang pinana?  Well, eventually, napatunayan ni William Henry Scott na fake ang dokumento at sinulat ito lamang ng isang Jose Marco.  Ayos naman pala.  Noong panahon ng mga Espanyol, binabaril tulad ng kay Rizal at ginagarote tulad ng sa GomBurZa ang mga sinasabing taksil sa Inang Espanya.  Sa panahon na wala pang sine, TV at internet, panonood ng pagbitay ang libangan sa Luneta.  Paglilinaw ni Ambeth Ocampo at Vic Torres, hindi pagsakal ang pagpatay ng garote kundi mabilis na pagputol ng spine at mabilis na kamatayan, para humane pa rin.  Well, wala nang makapagsasabi, wala pang nabuhay upang ikwento kung humane nga ito.  Noong panahon ng mga Amerikano, lubid na ang pagbitay tulad ng ginawa kay Sakay noong 1907.  Mula 1926-1976, tayo lamang ang tanging bansa sa mundo liban sa Estados Unidos na gumamit ng silya elektrika.  Itinigil ni Pangulong Tita Cory noong 1986 ang pagbibigay ng parusang kamatayan, na itinuloy naman ng Pangulong FVR, at una ngang nasampolan si Leo Echagaray noong 1999.  Tuluyang ipinatigil ni Pangulong GMA ang death penalty at iniregalo ng personal kay Pope Benedict XVI ang kopya ng batas.   Nang ikomyut tungong habambuhay na pagkakabilanggo ang kaso ng 1,230 na death convicts noong 2006, tinawag ito ng Amnesty International na “largest ever commutation of death sentences.”  Sa aking pananaw, ang parusang kamatayan ay hindi nakakapagpigil ng krimen sa bansa, at sa nakaraang panahon wala pa akong naririnig na mayaman na nabigyan ng parusang bitay, puro mga mahihirap.  Ang layunin ng bilangguan ay hindi talaga parusa kundi pagbabago.  Paano magbabago ang patay na?  Mas mainam pang magpalaya ng maraming nagkasala kaysa kumitil ng buhay ng isang inosente.  Teh, alam niyo ba kung ano ang tunay na nakakapagpapigil ng krimen?  Ang kaalamang hindi ka makakalusot sa krimeng gagawin mo dahil sa tamang pagpapatupad ng batas ng pamahalaan, anuman ang kapurasahan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)