XIAOTIME, 27 September 2012: HEN. MIGUEL MALVAR: Rebolusyunaryong May Balbas
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 27 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Heneral Miguel Malvar, ang pangulo ng Pilipinas matapos si Hen. Emilio Aguinaldo, larawan sa kagandahang loob ng Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar sa Sto. Tomas, Batangas / Gng. Zarah Escueta
27 September 2012, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=wCr4sahvE4c&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sabi ng Parokya ni Edgar sa kanilang kantang “Yes Yes Show”: “Huwag kang mag-aangas sa lalaking may balbas.” Lalo na siguro sa rebolusyunaryong heneral na may balbas, si Heneral Miguel Malvar ng Batangas na nagdiriwang ngayon ng kanyang 147th birthday. Ipinanganak si Malvar noong 1865 sa Sto. Tomas, Batangas, at naging schoolmate ni Apolinario Mabini. Ngunit siya ay nagdrop-out. Naging negosyante na lamang siya ng mga manok at hayup. Pinahiram pa ni Saturnina Rizal, kapatid ng ating pambansang bayani, si Miguel ng puhunan. Maging ang Tsinong si Carlos Palanca pinahiram siya ng puhunan ng walang kolateral, at lumawak pa ang negosyo niya maging sa industriya ng asukal. Bumili siya ng mga lupa sa Sto. Tomas at Banahaw at nagpatanim ng mga oranges at sumikat ang brand na “Naranjita-Malvar” sa buong Pilipinas! Dahil sa pagiging matipid at marunong makisama, dumoble ang kanyang kita at naging tanyag sa kanyang bayan. Ginawa siyang gobernadorcillo o mayor. Astig si Malvar, naging bukas sa kanyang mga opinyon sa harap ng mga prayle at gobernador-heneral, at nang pumutok ang Himagsikang 1896, dinis-armahan ang lokal na pulisya upang itatag ang sariling hukbo na matagumpay na nilusob ang yunit ng mga Espanyol sa Talisay, Batangas, napalaya pa ang nakakulong niyang ama. Sumama kay Heneral Emilio Aguinaldo at nagtagumpay sa Zapote, at matapos ang maraming labanan, magiging pinunong hukbo ng Batangas, at sa kalaunan ng buong Timog Luzon. Nang dumating ang mga Amerikano, lumaban siya sa Muntinlupa, Tunasan at sa maraming bayan sa Laguna. Nang dakpin si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela ng mga Amerikano noong 1901, bilang pangalawa kay Heneral Aguinaldo bilang pinunong hukbo ng Timog Luzon, siya ay itinuturing ng marami na sumunod na Pangulo ng Pilipinas matapos si Aguinaldo. Sa pag-iisip ng kapakanan ng pamilya at mga tapat na tauhan, sumuko si Malvar sa mga Amerikano noong 1903, isa sa pinakahuli noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Sa edad lamang na 46, namatay si Malvar noong 1911. Sa kabila ng pagiging magaling na negosyante, nakilalang hindi sakim si Miguel Malvar, isang pahiwatig na imbes na isigaw na ibagsak ang mga mayayaman, kailangang ipakita sa mayayaman na maaari rin nilang mahalin ang bayan at mga kababayan. Pangulong Miguel Malvar, isa kang bayani! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, 21 September 2012, pasasalamat kay Gng. Zarah Escueta ng National Historical Commission of the Philippines sa pagtulong sa akin sa episode na ito)