XIAOTIME, 28 September 2012: SAN LORENZO RUIZ
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 28 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

St. Laurentius Ruiz of Manila, likhang-sining sa hagdan ng Seminaryo ng San Carlos sa Lungsod ng Makati
28 September 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=cdzvmu7u9Cw&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 375 years ago bukas, noong September 29, 1637, namatay si Saint Laurentius Ruiz. Huh? Who’s that Pokemon? Ito pala ang pangalan sa Latin ni Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo. Ipinanganak si Lorenzo sa isang amang Tsino at Inang India at ipinangalan sa Kristiyanong martir na si St. Lawrence. Lumaki siya sa Binondo, kung saan inilagay ng mga Espanyol ang mga Tsino na naging mga Katoliko na. Siya ay naging sakristan at kalaunan, sa ganda ng kanyang sulat ay naging isang escribano ng simbahan. Ang ating unang santo ay nakapag-asawa ng isang girl na ang pangalan ay Rosario, at nagkaroon pa sila ng tatlong anak. Ang kanilang mapayapang buhay ay mababago nang mapagbintangan siyang pumatay ng isang Espanyol. Dali-dali itong sumama sa mga Dominikano sa kanilang paglalakbay bilang misyunero papunta sa Japan noong 1636. Ang Japan noon ay nasa ilalim ng tinatawag na Tokugawa Shogunate, tulad ng napanood ninyo sa Samurai X, na may patakarang close-door at ayaw madumihan ang kanilang kultura ng dayuhang impluwensya. Nang ang mga paring dayuhan na kasama niya ay nahuli, ang saling pusang mestizo-indio na si Lorenzo ay kasama sa mga nagdanas ng tortyur tulad ng pagpasok ng mga malalaking karayom sa bawat daliri. Ang tanging dapat niyang gawin upang mapalaya ay bumaligtad at maging Shinto. Ngunit kanya diumanong sinabi, “Isa akóng Katoliko at buong-pusóng tinátanggáp ang kamatayan para sa Panginoón. Kung ako man ay may ‘sanlibong buhay, lahát ng iyón ay iaálay ko sa Kaniyá. Kaya gawin niyo na ang nais ninyo sa akin.” September 27, 1637 nang sila ay dalhin sa Nishizaka Hill sa Nagasaki, ang burol ng mga martir, kung saan sila ay binitin ng patiwarik sa isang butas, isang masakit at mabagal na pagpatay na tinawag na ana-tsurushi. Tatlong araw pa bago tuluyang pumanaw si Lorenzo, umaawit ng papuri sa Diyos. Upang bigyan ng importansya ang mga Third World countries, ang saling pusang si Lorenzo ay ginawang bida ni John Paul II nang gawin niya itong Beato noong 1981 sa Luneta, sa unang beyatipikasyon na ginawa sa labas ng Vaticano. Sa isang martir ng simbahan hindi kailangan ng milagro upang maging Beato, ngunit nang gumaling diumano sa pananalangin kay Lorenzo ang 2-year old na batang si Cecilia Alegria Policarpio sa sakit na hydrocephalus, ito ang isang kailangang milagro para siya ay gawing santo noong 1987. Ngayong ang araw ng kanyang pista. Anuman ang ating relihiyon, si Lorenzo ay huwaran ng isang ordinaryong tao na maaaring magkaroon ng ekstra-ordinaryong paninindigan sa pinaniniwalaan, sa harap ng kamatayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, 21 September 2012)