XIAOTIME, 1 October 2012: Balik-tanaw sa THRILLA IN MANILA nila Muhammad Ali at Joe Frazier

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 1 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

1 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=QRm-GJEIm4Q&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  37 years ago, October 1, 1975, ginanap ang isa sa pinakasikat na laban sa kasaysayan ng boxing, ang Thrilla in Manila.  Ito ang pangatlong pagkakataon na magkakabuno ang dalawa sa pinakamagagaling na boksingero sa buong mundo:  Si Muhammad Ali at si Joe Frazier.  Nang alukin ng Pangulong Ferdinand Marcos ang Maynila bilang lugar ng makasaysayang laban, kinagat ito ni Don King at ginanap ang laban sa Araneta Coliseum, ang pinakamalaking indoor facility sa Asya.  Bago ang laban, nag-insultuhan ang dalawang boksingero.  Sa isang press conference nagdala si Ali ng manikang Gorilla na kumatawan kay Frazier at sinabing “It’s gonna be a thrilla, and a chilla, and a killa, when I get the Gorilla in Manila.”  Tinawag naman ni Frazier si Ali sa dati niyang pangalan na “Clay” na itinuting na pangalang alipin ni Ali.  Alas 10:45 ng umaga nang magsimula ang laban.  Noong una, tila na kay Ali ang laban at desidido siyang patumbahin ang kalaban sa unang mga round pa lamang ngunit sa kalagitnaan ng laban, hindi pa rin natitinag si Frazier.  Dati rati ang mga championship bouts ay umaabot ng 15 rounds!  Sa ika-14 na round, parehong napagod na ang dalawa.  Bibiyakin na dapat ng kampo ni Ali ang kanyang gloves, simbolo ng pagsuko sa laban, ngunit nauna si Frazier na magdeklara nang pagsuko kaya nanalo si Ali sa pamamagitan ng TKO.  Nang gabing iyon nagpaparty si Frazier, habang ang nanalong si Ali ay naratay sa banig ng karamdaman.  Ayon kay Ali, ang Thrilla in Manila ang pinakamalapit niyang karanasan sa pagkamatay.  Di naglaon, parehong nagretiro ang dalawang boksingero, sa dami ng namamatay sa championship rounds naging 12 rounds na lang ang laban mula 15, at itinayo ang Ali Mall malapit sa Araneta Coliseum bilang parangal sa pagkapanalo ni Muhammad Ali.  Ito ang pinakaunang multi-level indoor mall sa Pilipinas.  Para sa mga tagahanga ng rehimeng Marcos, nagdala ng dangal at mga turista ang Thrilla ni Manila sa ating bansa, ngunit para  rin sa marami, ginanap ito sa Pilipinas dahil nais ni Pangulong Marcos na mailayo ang atensyon ng mga tao sa lagim ng Batas Militar.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 26 September 2012)