XIAOTIME, 2 October 2012: SI AGLIPAY BA ANG NAGTATAG NG AGLIPAYAN CHURCH? (Iglesia Filipina Independiente)

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 2 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Mahal na Birhen ng Balintawak

2 October 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=1Sgr5BWsyb8&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Kahapon po ang ika-isandaan at sampung anibersaryo ng pagpirma ng sampung sekular na mga pari sa pamumuno ni Obispo Gregorio Aglipay [sa ikalawa sa anim na bahagi ng] konstitusyon ng Iglesia Filipina Independiente sa Sta. Cruz, Maynila.  Idineklara nila ang kanilang sarili bilang isang bagong pananampalataya na hindi kumikilala sa kapangyarihan ng Santo Papa sa Roma.  Nakilala ang Simbahan bilang Aglipayan Church, ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi si Apo Aglipay ang nagtatag nito.  Isa sa mga tagapagtatag nito ay si Don Belong—Isabelo delos Reyes.  Nakita ni Don Belong na sa kanyang mga pag-aaral bilang isang iskolar at folklorista na may potensyal na magkaroon ng pagsasama ng sinaunang mga paniniwala at ng Kristiyanismo, kaya kinumbinsi niya ang nagdadalawang-isip noon na si Apo Aglipay na kumalas na sa Roma upang maiwasan ang sitwasyon baka mapalitan lamang ang mga prayleng kanilang kinamuhian ng mga bagong Amerikanong mga pinunong simbahan.  Itinatag nila ang simbahan noong Agosto [Tres], taon ding iyon ng 1902.  Isang kaibahan nila sa mga paring Katoliko ay maari silang mag-asawa.  Isa sila sa pinakamalaking Kristiyanong denominasyon sa Pilipinas at tinatayang anim na milyon ang kanilang kasapi, ang mga unang kasapi nito ay mga kasapi ng Katipunan at mga rebolusyunaryo.  Si Pangulong Ferdinand Marcos ay bininyagang isang Aglipayano.  Makabayan at progresibo ang oryentasyon ng samahan.  Si Don Belong ay ang unang labor leader ng ating bansa at pinuno ng Union Obrera Democratica Filipina.  Si Apo Aglipay naman ay inatasang mangolekta noon ng pondo sa Ilocos para sa mga rebolusyunaryong Pilipino.  Hindi nakapagtataka na minsan na nilang idinekalarang santo si Gat Dr. José Rizal at nagdarasal sa Mahal na Birhen ng Balintawak, isang birheng Maria sa wangis ni Inang Bayan na may kasamang batang may nakasukbit na itak at may dala-dalang watawat na may nakasulat, “Ama ko, sumilang nawa ang aming pagsasarili.” Ang kanilang pakikisangkot sa bayan ay makikita sa paglingap sa mahirap ng ika-siyam na Obispo Maximo nito na si Alberto Ramento ng Tarlac, Tarlac.  Ninakawan at brutal na pinatay si Ramento.  Isang aral na maaaring makuha mula sa mga Aglipayano:  Kung tunay na mahal mo ang Diyos, dapat mahal mo rin ang bayan mo.  Pro Deo et Patria, para sa Diyos at para sa Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 26 September 2012, pasasalamat po kay Dr. Lars Raymund Ubaldo sa pagtulong sa episode na ito at kay Kristine Conde-Bebis, isang kasapi ng IFI, sa pagwawasto sa ilang mga datos sa blog na ito.)

Isabelo “Don Belong” de los Reyes

Obispo Maximo I Gregorio Aglipay kasama ang dalawa niyang pari.

Obispo Maximo IX Alberto Ramento