XIAOTIME, 3 October 2012: ANO ANG KASAYSAYAN?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 3 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Dr. Zeus Salazar at ako, nang una kaming magkakilala, Freshman Walk malapit sa Melchor Hall, UP Diliman, 30 Setyembre 2004

3 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=4oH8oTl_LHI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong isang linggo tinalakay natin na walang talab sa puso ng marami at boring ang pag-aaral ng history sapagkat kung ito ay nakasulat na dokumento ng nakaraan, ang nagsusulat lamang nito ay ang mga edukado at mayayaman.  Sa Pilipinas, mga dayuhan ang sumulat tungkol sa atin nakaraan.  Kaya naman na mahalaga na magkaroon tayo ng pakahulugan sa pag-aaral ng nakaraan sa saswak sa ating sitwasyon.  At ang katumbas na salita ng History sa pambansang wika natin ay kasaysayan.  Ayon kay Dr. Zeus A. Salazar, ang salitang ugat nito na “saysay” ay dalawa ang kahulugan:  ang saysay ay isang salaysay o kwento at saysay rin ang katuturan, kabuluhan at kahalagahan.  Kaya naman ang kasaysayan ay mga salaysay na may saysay.  Ngunit, kailangang tanungin:  Kung ito ay may saysay, may saysay para kanino?  Siyempre para sa sinasalaysayang grupo o salinlahi.  In short, para sa tao.  Sa ganitong pakahulugan, mga kwentong may kwenta para isang bayan, hindi na nalilimita sa mga opisyal na dokumento nang makapangyarihan ang kasaysayan.  Ang mga pasalitang tradisyon na tulad ng mga epiko, alamat, mito, kwentong bayan at maging at mga kanta at jokes, bagama’t kathang isip ay maaaring maging batis ng kaisipan at paniniwala ng mga tao na hindi nagsisulat ng mga dokumento, lalo na ang mga lolo at lolang ninuno natin.  Halimbawa, sa mito ng mga Bisaya na “Sicalac at Sicavay,” ang lalaki at babae ay sabay na lumabas sa halaman o sa ibang bersyon ay sa kawayan.  Kumalat ito at pinagpasa-pasahan dahil nakarelate ang mga ninuno natin dito tulad ng pagresend natin sa emo texts na natatanggap natin kapag emo din tayo.  Dalawa ang maaaring pinapakita ng kwento ukol sa aktwal na mga ninuno natin.  Sabay lumabas ang lalaki at babae kaya pantay ang pagtingin sa kasarian ng mga ninuno natin noon at itinuturing natin ang kalikasan bilang ating pinagmulan at kasamang may buhay.  Mga teh, ang kasaysayan ay mahalaga sapagkat ito ay sumasalamin sa mga kwento at kaisipan natin.  Sa pamamagitan nito makikilala natin ang ating sarili at ang ating bayan.  Tanging kung kilala lamang natin ang bayan, doon lamang natin pwendeng sabihin na tunay nating minamahal ito.  Paano mo mamahalin ang isang irog kung hindi mo siya kilala.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 27 September 2012)