XIAOTIME, 19 September 2012: ISANG DAKOT, Ekonomiya Noong Martial Law

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 19 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Pope John Paul II kasama ang kanyang sekretaryang si Stanislaw Dziwisz at ang mag-asawang Marcos sa Manila International Airport noong Pebrero 1981.  Larawan mula sa: http://www.juice.ph/cms_images/3882/feb1981manillaairportph3ph.jpg

19 September 2012, Wednesday:

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sumikat sa MetroPop noong Nineteen Eighties ang “Isang Dakot.” Ano ang nag-inspire kay Vehnee Saturno na isulat ang lyrics nito? Sagot: Nang bumisita kasi si Blessed John Paul II sa Pilipinas noong 1981, nakita niyang nagsulputan ang mga malalaking puting pader sa ruta na kanyang dadaanan. Ikinukubli sa likod nito ang mga maralitang tagalungsod at ang ating kahirapan! “…Isang dakot na gunita ang bulong ng isang dukha / Na humihingi sa tulad mo, sa tulad mong ganap ang karangyaan / Ba’t di bigyan? Tapunan mo ng pagtingin na’ng langit ay ‘di magdilim.” May mga nagsasabi na mas ok ang ekonomiya noong Martial Law: Totoo naman, ang daming naipatayong kalsada at tulay na hanggang ngayon pinakikinabangan natin. Pasasalamatan mo si Imelda kapag kahit na mahirap ka makapagpagamot ka pa rin sa kanyang Heart Center. Ngunit ang naaalala natin ay ang ganda ng ekonomiya noong mga unang taon ng Martial Law. Pero lomobo ang bilang ng mga walang trabaho 6.25 % noong 1972 hanggang 11.058 % noong 1985. Ang poverty incidence naman ay 41% noong 1965 hanggang 58.9% noong 1985. Ang utang panlabas natin na 360 Milyong dolyar nooog 1962 ay lumaki hanggang 28.3 Bilyong dolyar noong 1986, at naging isa sa topnotcher na utangero sa Asya. Mula 3.9 piso sa dolyar sa pagsisimula ng rehimen noong 1965, ang palitan ay naging anim na piso sa isang dolyar matapos gumastos ng pera ng bayan sa pinakamaruming halalan sa bansa noong 1969. Pagdating ng 1986, 19.030 pesos na ang isang dolyar. At ito ang malala, ang inflation rate ay tumaas mula 10 % noong 1983 hanggang 50 % noong 1984, ang pinakamataas na infalation rate mula pa noong digmaan. Habang naagaw sa mga Marcos sa kanilang pag-alis sa bansa ang 24 na maleta ng ginto, diamante sa mga diaper, at sa palasyo naiwan ang libo-libong sapatos ng Unang Ginang. Bakit hindi alam ito ng mga magulang natin? Kasi naman teh, epektibong naitago ito ng sensura at mga puting pader. Aminin! Hanggang ngayon, sobra atang natuto ang mga opisyal natin mula sa style ng Martial Law, naglalagay pa rin ng puting pader upang ikubli ang kahirapan. Chong, maawa naman kayo sa bayan, isang dakot man lang. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 14 September 2012)