Bilang paggunita sa linggo ng ika-40 anibersaryo ng proklamasyon ng Batas Militar sa Pilipinas, nais kong muling ibahagi ang papel sa aking klase ng isa sa aking mga naging estudyante sa Kasaysayan 1 sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong taong 2006. Si Alaysa Tagumpay Escandor ay kaanak ng doktor ng masa na si Dr. Juan Escandor na pinaslang noong 1983. BASAHIN LAMANG NG MGA HINDI MAHIHINA ANG LOOB:

JOHNNY ESCANDOR
Ni Alaysa Tagumpay E. Escandor
UNANG KABANATA
Introduksiyon
Hadlangan ang kamatayan. Sagipin ang mga tao mula sa sakit. Arugain ang mga may-buhay. Pahupain ang pagdurusa. At ampatin ang mga sugat. Ito ang mga hamon ng larangan ng mga manggagamot.
Mahigit-kumulang sampung taong pag-aaral ang kailangan bago maging isang ganap na manggagamot. Magkakaroon ka lamang ng titulong M.D. matapos ang apat na taon sa isang pre-medical na kurso at apat ding taon sa College of Medicine. Sunod dito ay isa pang taon para sa medical internship na kinakailangan bago makapag eksamen sa medical board.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang mahaba nilang lakbay. Kailangan din nilang bumiyahe papunta sa isang malayong probinsiya para sa kanilang Compulsory Rural Internship bago payagang dumalo sa Sumpa ni Hippocrates. At kung nais nilang magkaroon ng espesyalisasyon, dagdag aral ng apat hanggang anim na taon. Dahil dito, makapagtatapos lamang sila sa edad na 30 pataas.
Dahil likas sa kanilang propesyon ang tila nakalulula at nakalulunod na dami ng pinag-aaralan, kadalasan ay hindi na nila alam kung ano ang mga importanteng pangyayari sa labas ng kanilang propesyon. Ika nga nila, kung ang medisina ay isang misteryo para sa mga ordinaryong nilalang, halos lahat naman ay isang misteryo para sa ordinaryong manggagamot.
Ngunit, kung titingnan natin ang daloy ng kasaysayan ng bayan, iilan na ang ating mga bayaning duktor. Kabilang dito sina Dr. Jose Rizal, Dr. Bobby de la Paz, Dr. Aurora Parong at Dr. Johnny Escandor.
Sila ang ating mga manggagamot na malayo sa pagiging ordinaryo…
Wanted: Duktor
Nananatiling malubha ang kondisyon ng kalusugan at nutrisyon dito sa ating bansa. Maraming mga Pilipino ang napipilitang magtiis; mas lalong pumapayat ang kanilang mala-kawaling katawan sa kawalan ng tamang nutrisyon at sapat na makakain. Maliwanag sa atin na higit na nangangailangan ang bansa ng serbisyo ng mga manggagamot. Ngunit dahil sa pagnanais ng maraming doktor na payamanin ang kanilang sarili bago paglingkuran ang sambayanan, marami sa kanila ang lumilisan papuntang ibayong bansa o di kaya’y sa isang malaking ospital sa Maynila. Ika nga nila, ang sanhi ng mga sakit ng lipunan ay hindi takot ngunit kasakiman.
Ayon sa Philippine Medical Association, noong 1983, mayroon lamang hanggang 16,000 na mga duktor sa loob ng bayan samantalang mayroong 20,000 sa Amerika. Kung dapat 1:800 ang bilang ng doktor sa mga pasyente, ang kasalukuyang bilang ay 1:4,000.
Maliwanag na hindi sapat ang bilang ng mga duktor sa Pilipinas, lalong-lalo na dahil halos lahat sa kanila ay nasa malalaking ospital sa siyudad. Kakaunti lamang ang nananatili sa probinsiya. Subalit, dito mismo sa probinsiya matatagpuan ang karamihan sa mga nangangailangan.
Duktor ng Masa
Noon pa lamang ay nagsimula na ang kultura ng Diaspora. Marami sa mga nasaunang henerasyon ang nagtanong: Saan ba dapat magtrabaho? Sa labas ng bansa o sa loob?
Ngunit para kay Johnny, maliwanag kung anong landas ang nais niyang tahakin. Para sa kanya, ang serbisyong medisina ay dapat unang ipaabot sa mga dukhang nilalang na nangangailangan nito: ang mga mangingisda, magsasaka, taga-tribo, trabahador ng plantasyon at manggagawa.
Hindi biro ang isakripisyo ang isang kumikinang na dalampasigan sa Maynila upang maglingkod sa mga gusgusing manggagawa, magsasaka at mangingisda. Marami sa kanila ang walang wastong pera o sapat na pambayad. Kung kaya’t sa gutom at hirap hinasa ni Johnny Escandor ang talim ng paglingkod, paghilom ng mga dumudugong sugat, liksi ng kamay sa pagtistis ng laman, at paggamot ng mga nagdurusang may-sakit.
IKALAWANG KABANATA
Rebelde
“Doctor-turned-rebel shot dead.” Ito ang nasa unang pahina ng isang diyaryo noong ika-2 ng Abril, 1983. Ayon sa pulisya, ang bangkay ay nagtamo ng mga bala mula sa mga Metrocom troopers sa lunsod ng Quezon. Makalipas ang ilang araw ay nakilala ang bangkay bilang si Major Vicente Raval o Jose Barrameda alias Kumander Escandor o Ka Sidro.
Ayon sa dyaryo, ipinakita ng tala ng militar na si Barrameda, 35, isang alumnus ng U.P. College of Medicine noong 1966, ay miyembro ng Communist Party of the Philippines at kumander ng New People’s Army sa Cagayan.
Ayon din sa tala, ang barilan ay naganap noong 3:05 ng umaga ng ika-1 ng Abril. Isang Metrocom patrol ang nasabing nakatagpo kay Escandor na kasama ang isang hindi pa nakikilalang nilalang. Silang dalawa ay sangkot daw sa isang ilegal na krimen.
Ang pagtatagpo ni Escandor at ng Metrocom ay nauwi sa barilan. Nasawi si Escandor sa nasabing insidente.
Noong ika-6 ng Abril lamang pormal na nakilala ang bangkay ng isang kapamilya. Nakilala ito bilang si Juan “Johnny” Barrameda Escandor, 41 anyos, lumaki sa Gubat, Sorsogon at kabilang sa Class ’69 ng U.P. College of Medicine. Hindi nag-aksaya ng panahon ang kanyang pamilya, at noong ika-11 ng Abril ay inilibing na ang bangkay sa sementeryo ng Gubat.
Hindi siya nakita o nahagilap man lamang ng kanyang pamilya sa loob ng mahigit sampung taon. Ang kanyang ama ay si Sotero Escandor, Sr., isang district supervisor ng Department of Education. Ang kanyang ina naman ay si Victoriana Barrameda-Escandor. Walo silang magkakapatid, si Johnny ang ika-pito.
Nais ng kanyang pamilya na mabigyang linaw ang pagkamatay niya dahil marami sa mga detalye ng tala ng militar ay tila hindi kapanipaniwala. Ilang mga tanong ang gumugulo sa kanilang isipan. Una, ang natamo bang sugat sa may kanang tenga ay dahil sa baril na pinaputukan sa malayo o malapit na distansiya? Ikalawa, lumulubog at mayroong maitim na diskolorasyon sa paligid ng kanyang kanang mata – maaari bang tinanggal ang kanyang mata? Bakit namamaga ang kanyang mga labi? At bakit may mga paso ng sigarilyo sa kanyang mukha? Malinaw na nagdusa si Johnny bago ito tuluyang namatay. Hindi maaaring isang barilan lamang ang sanhi ng kanyang paglisan.
Nagtataka din sila kung bakit nakalagay sa kanyang death certificate mula sa St. Peter’s Memorial Homes na namatay siya noong ika-31 ng Marso, mas maaga ng ilang araw kaysa sa nasabing barilan. Noong nagtanong ang kanyang pamilya tungkol dito, inirason ng St. Peter’s na nagkamali lamang sila.
Asan ka, Katarungan?
Matapos ang ilang linggong pagbubusisi, hindi pa rin nalilinawagan ang pagkamatay ni Johnny. Si Ireneo, isang abugado, ang naglakbay sa Maynila upang kunin ang mga natitirang gamit ng kapatid. Ngunit, sa halip na malinawagan ay mas lalong naguluhan ito dahil sa mga anomalya ng mga resulta, tala at testimonyang naani. Tila pilit na tinatago ang totoong pangyayari, pilit na tinatakpan ang katotohanan.
Tulad na lamang ng pinapalabas ng mga Metrocom troopers na naganap ang barilan noong ika-1 ng Abril, 3:05 ng umaga. Ngunit kung totoo ito, paano natanggap ang bangkay sa St. Peter’s Memorial Homes noong Abril 1, 1:35 ng umaga?
Mula sa St. Peter’s, isang pares ng denim na pantalon lamang ang naibigay kay Ireneo habang ang relo, pitaka at mga medikal na kagamitan ng nasawi ay naiwan. Katwiran ng mga may awtoridad, kailangan ang mga ito bilang ebidensiya.
Nang tingnan naman ni Ireneo ang sinauling madugong pantalon, nadiskubre niyang ang hawak ay hindi pag-aari ni Johnny. Ayon sa mga testimonya at tala ng pulisya, ang suot ng kapatid noong araw na nasawi ito ay itim na slaks, at hindi bughaw na denim.
Samantala, halos tatlong buwang naghintay ang pamilya bago nakuha ang resulta ng awtopsiya mula sa Philippine Constabulary. Ani ng nagluluksang ama, “Ang pagsisikap naming makabuo ng isang maliwanag na imahe at ang aming paghahanap ng mga kasagutan tungkol sa pagkamatay ng aking anak ay pilit na hinahadlangan. Ang ilang buwang paghahabol namin sa hustisya ay napapawalang bisa dahil ang mismong mga bantay ng batas ang sumisira at humaharang nito.”
Mga Bangungot
Noong ika-22 ng Mayo, 1983, isang fact-finding team na binubuo ng mga boluntaryong duktor, manunulat at potograper ang naglakbay papuntang Gubat, Sorsogon, kung saan nakalibing si Dr. Johnny Escandor, upang patuloy na imbestigahan ang kanyang pagkasawi. Nagbabakasakaling hinukay ang 52-araw na bangkay sa pag-asang may maipapakita itong kasagutan.
Si Dr. Jaime Zamuco, isang pathologist at dating propesor ni Johnny Escandor ang unang nakadiskubre sa pangbababoy na naranasan ng nasawi. Sinaksak ang isang pares ng briefs sa bungo ng bangkay, samantala ang utak naman ay natagpuan sa abdominal cavity nito. Halos lahat ng lamang panloob ay nagkaroon ng malubhang hemorrhage, hematoma at pagdudugo. Mayroong superficial wound sa likod ng bangkay, malapit sa leeg. Ipinakita rin ng X-ray ang mga fractures sa occipital bone, malapit sa kanang tenga. Imposibleng resulta ng mga natamong bala ang mga fractures. Ngunit maaaring nanggaling ito sa mga hampas ng isang mabigat na bagay.
Ang konklusyon ng awtopsiya, na pinamunuan ni Dr. Zamuco, ay nagsasabing craniocerebral injury ang ikinamatay. Ngunit ayon naman sa PCCL, “cardio-respiratory arrest due to shock and hemorrhage secondary to gunshot wounds in the body” ang sanhi.
Isang forensic specialist ang tumingin sa magkaibang resulta ng awtopsiya ng PCCL at ni Dr. Zamuco. Ayon sa kanya, hindi maaring namatay ang biktima dahil sa barilan. Tinablan ng anim na bala ang kanyang katawan mula sa harap, dalawa hanggang tatlong yarda ang distansiya. “Kung tunay na naganap ang barilan ayon sa deskripsiyon ng pulis, dapat ay mayroong mga sugat sa likod at gilid ng katawan. Ngunit nasa may tiyan ang apat na bala. Lumalabas na ang dalawa sa apat na bala ang tumama habang siya ay nakatindig, ang natirang dalawa naman ay habang nahuhulog na siya pababa. At nang nakahiga na siya ay saka pinaputukan sa kanang binti at ulo,” sabi niya.

Mula sa Pulang Hamtik, inedit ni Reynaldo T. Jamoralin. Sorsogon: Bikol Agency for Nationalist and Human Initiatives.
“Instantaneous,” ang sagot ng forensic specialist nang tinanong kung paano namatay si Dr. Johnny Escandor. Sa dami ng natamong pasa at sugat, agad-agad ang kanyang pagkamatay.
Ano nga ba ang totoo? Sino ba ang makakapagsabi kung ano ang nangyari sa bukang-liwayway ng Marso 31 o Abril 1? Hiling ng iba, sana ay nakakapagkuwento ang mga patay na katawan.
IKATLONG KABANATA
Personal at Malapitan: Dr. Johnny Escandor
Walang kaaway, karibal o utang – si Johnny ang tipong tao na kaibigan ng lahat. Jerry ang bansag sa kanya ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa Gubat, Johnny naman sa Maynila.
“Isa siyang responsableng anak. Hindi niya ako binigyan ng kahit anong problema,” sabi ng kanyang ama. Si Sotero Sr. ay nagsimula bilang isang guro, naging prinsipal hangga’t sa tuluyan nang naging district supervisor. Ngunit ang sahod niya noon ay hindi sapat para sa lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Kung kaya’t nagsikap siya at si Victoriana, kanyang asawa. Bago sila nagsimula ng pamilya, nag-ipon muna si Sotero upang magkaroon ng sariling lupa, at namana naman ni Victoriana ang ilang hektarya mula sa kanyang ama.
Si Victoriana, gaya ng kanyang kabiyak, ay produkto ng isa sa mga unang pampublikong paaralan na itinayo ng mga Amerikano sa Bicol. Parehong nangarap ang mag-asawa na makapagtapos ng kolehiyo ang kanilang walong anak. Upang magkatotoo itong pangarap, kasama nilang nagsikap ang mga bata. Nagtanim ang limang lalaki sa palayan, habang ang dalawang babae ang nag-asikaso ng mga alaga nilang hayop. Ngunit, mahirap lamang ang pamilyang Escandor. At kahit ipagsama pa ang sahod ni Sotero at ang kinikita ng palayan at mga alagang hayop, ay kapos pa rin ang pamilya.
Upang maipadala nila sa kolehiyo ang bawat anak, pakonti-konti nilang ibinenta ang kanilang lupa. Iyon ay isang desisyong maaaring mahirap ngunit kailan man ay hindi nila pinagsisihan. Si Johnny ay naging duktor; si Ireneo, isang abugado; si Leonides, electrical engineer; Sotero Jr, accountant; Nestor, veterinarian; Benjamin, mining engineer; at ang dalawang babae, sina Zenaida at Lilian, ay parehong naging guro. Lahat ng magkakapatid ay naging matagumpay sa iba’t ibang larangang kanilang pinili para sa sarili.
Simula ng Pakikibaka
Ang pulitikal na edukasyon ni Johnny ay nagsimula noong kolehiyo, sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Ang lalaking nagtanim sa palayan na kasama ang iba pang mga magsasaka ng Gubat ay nakinig at natuto mula sa mga simposya at diskusyon. Dito niya unang nalaman ang tungkol sa pyudalismo, imperyalismo at mga kapitalista.
Estudyante pa lamang si Johnny nang itinatag ang Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964. Sa Gubat naman, inorganisa niya ang Sorsogon Progressive Movement. Matapos siyang natanggap sa Philippine General Hospital (PGH) ay itinatag niya ang Progresibong Kilusang Medikal (PKM).
Paglilingkod sa Bayan
Kung naghihingalo ngayon ang PGH, mas maparusa ang kondisyon noon ng ospital. Maaari nga itong ituring na mikrokosmo ng lipunang Pilipino, kung saan naghalo-halo ang mga pighati at paghihirap ng taong bayan. Tanging ang pangarap at pag-asa para sa mas makatarungang Pilipinas ang nagsustento kay Johnny sa pangaraw-araw na pakikihamok sa kamatayan. Masaya niyang ginamot ang mga pasyente, at walang reklamong pinasan ang mabigat na trabaho.
Nakilala si Johnny ng mga kapwa residente sa PGH dahil sa kanyang buong dedikasyon sa trabaho at mamamayan. Pagmamalasakit naman ang alaalang iniwan niya sa mga aktibista at miyembro ng PKM.
Ayon sa panayam ng isang residente ng PGH, “Walang tinatawag na referral system ang PGH noong araw. Kung kaya madalas tila nalulunod kami sa dami ng mga pasyente. Mahirap. Hindi maiiwasang mawalan ng morale. Sabi ko nga noon kay Johnny, ‘Walang pag-asa itong kondisyon natin. Tuluyan nang mabubulok ang bayan kung magpapatuloy ito.’
“ Sagot naman ni Johnny sa akin, ‘May solusyon…Rebolusyon.’ Nagulat ako sa sagot niya. Doon ko lang nalaman ang paninindigan niya. Sinabi ko sa kanya, ‘Magiging matagal at mahirap kung ganoon. Siguro ang sagot ay edukasyon.’
“ ‘Maaari,’ kanyang sinagot, ‘ngunit bulok ang mismong pundasyon ng ating lipunan. Sisibol muli ang pagbabago matapos nating wasakin itong pundasyon.’ ”
Ngunit bihira lamang ang mga pagkakataong ganito. Kadalasan, tahimik at reserba si Johnny. Dahil dito, at dahil na rin sa dami ng trabaho, kakaunti lamang sa kanyang mga kaklase ang naging matalik niyang kaibigan. Laging may handang ngiti ang kanyang mukha ngunit paminsan-minsan lamang magsalita tungkol sa sarili, paniniwala at pulitika.
Ilan sa mga nakuhang niyang parangal ay ang pagiging Chief Resident ng PGH mula 1971 hanggang 1972, Philippine Representative for the Third Seminar in Early Gastric Cancer Detection sa Japan, Head of the Research Department of the Cancer Institute noong 1972 at propesor ng Radiology sa U.P. College of Medicine.
Simple lamang ang pangarap niya: ang magtayo ng sariling pagamutan at klinika sa Gubat, para manumbalik o di kaya’y dalawin ng kalusugan at sapat na nutrisyon ang mga taga-doon. Isa sa mga dating propesor ni Johnny, si Dr. Porfirio Recio, ang nakapansin sa kanyang kakaibang pang-unawa: walang tinatanggihang pasyente, kahit na siya ay pagod, puyat o nanghihina.
Walang tinatanggihan. Ito ang magiging reputasyon ni Johnny Escandor. Naglingkod nang hindi kumikilala sa katayuang panlipunan o pinansiyal na kakayanan ng kanyang mga pasyente. Hindi niya ipinagkait ang ginhawa at gamot sa mga anakpawis. At masaya niyang tinatanggap ang kapalit ng naisulat na reseta: palay, prutas, gulay, isda, itlog, kamote o manok.
Noong Hulyo hanggang Augusto, 1972, nagkaroon ng malawakang pagbabaha sa Luzon. Agad siyang kumilos at gumawa ng Volunteer Medical Team. Silang grupo ng mga duktor, nars at iba pang tao-medikal, ang magiting na nagtawid sa rumaragasang tubig, maahas na gubat at maputik na daan para lamang mabigyan ng ginhawa ang mga nayong kulang na kulang sa gamot at tulong.
Nang matapos ang pagbabaha, bumalik sa PGH si Johnny. Ngunit, ilang linggo lang ang nakalipas, kinailangan niyang lumisan nang idineklara ang Martial Law noong Septiyembre dahil miyembro siya ng KM, na ideneklarang isa sa mga ilegal na samahan.
Para kay Sotero at Victoriana, isang bagay ang maliwanag: umalis ang kanilang anak upang patuloy na paglingkuran ang mga nangangailangan. Buong pusong tinanggap ang hamon ng punglong naglagos sa kanyang katawan, upang pahupain ang mga pighati, lagim at sakit; para yakapin ang mga gusgusing magsasaka, mangingisda at manggagawa; upang gamutin ang malupit na kondisyon ng karamihang mga Pilipinong humihiyaw dahil unti-unting dinudurog ang kanilang puso’t kalamnan ng mapang-aping tadhana.
Nagaanyaya man ang puting dalampasigan, hindi niya ito pinaunlakan. Sampung taon siyang naglayag sa mga pulo kasama ang mga mahihirap na kayumanggi – inabang katulad niya. Sampung taong hindi nakita, nasulyap o nahagilap man lamang ng kanyang pamilya. At sa huling pagkikita, isang bangkay ang sumalubong sa kanila.
Pagwawakas
Sa ikli ng panahong nabuhay si Johnny Escandor, milyon-milyon ang biglang nagising dahil sa isang pusong lumalagablab sa apoy. Ilang dekada na ang nakalipas mula noong masalimuot na araw, noong inialay niya ang sariling pawis at dugo upang patahanin ang mga hibik ng bayan. Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ang mga tampalasang nag-umang ng mga bala. Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ang mga salarin – sila na pumaslang sa mga kamay niyang dala lamang ay buhay. Marahil ay hindi nila makuha-kuhang maunawaan ang busilak ng kanyang kalooban, ang likas na pagnanais niyang makapag-lingkod sa kahit kanino mang nangangailangan – maging mayaman o maralita, sundalo o NPA. Sa kawalan ng pamagat, rebelde ang tinatak, insenso ang naging krimen. Nakakalungkot isipin na mayroon pa ring mga taong sa bawat pangyayaring hindi nila maintindihan ay iisa ang sagot: kalabitin ang gatilyo.
Rebelde – sapat na rason upang magpalipad ng mga bala. Insenso – sapat na rason upang kitilin ang buhay. Bingi nga ba ang katarungan sa huli niyang mga kataga? Siguro ay paos na rin ang tinig ng mamamayang kailan man ay hindi nasilayan ang liwanag ng pagbabago.
Anong batas itong kinabubuhayan natin? Anong batas itong mapalinlang? Anong batas itong tiwangwang? Anong batas itong mamad sa kasinungalingan? Ah. Ano pa nga ba, kung hindi ang kinikilalang batas ng mga sakim sa kapangyarihan at kayamanan: ang batas ng bulsa.
Tila ilang sandali lamang, isang kisap-mata, bago siya tuluyang namaalam. Parang kidlat na sinamsam ng kanyang pamilya, mga kaibigan at buong kapuloan ang kanyang mga yapak, haplos, yakap, ngiti at tinig.
Ninakaw sa atin ang isang magiting na manggagamot na nag-alay ng sariling dugo upang mahilom ang mga nagnanaknak na sugat ng lipunan. Ngunit ang mga problema at sakit ng bayang kanyang kinamatayan ay nandito pa rin – ngayon ay mas masaklap, mas mabangis at mas walang-awa. Wala bang saysay ang kanyang mga sakripisyo?
Sana ay magawa nating iukit sa ating isipan ang mga naiwang leksiyon ni Dr. Johnny Escandor, batikang manggagamot at bayani. Isa lamang ang mensahe ng buhay ni Johnny: na ang bawat tao ay iniluwal upang maglingkod sa lahat. At tanging sa ating pagkilala sa nasabing mensahe ay magagawang bumangon muli nitong gumagapang na bayan. Kung papaniwalaan natin ito, tiyak na hindi mawawalan ng saysay ang mga sakripisyo ng mga duktor ng nasaunang henerasyon: sina Rizal, Parong, De la Paz at Escandor.
Dahil dito…dito sa bukiring tigang, dito sa gitna ng lagim at gutom, dito sa landas ng karahasan at kamangmangan, sabay-sabay tayong magtatanim ng isang bulaklak ng bagong pag-asa.
In Memoriam:
Johnny Escandor
Bilang magaling na duktor ng masa
Nagsumikap kang gamutin ang mga may sakit
At ang kahirapang
Bunga ng kanilang mga hinagpis.
Ngunit maging sino man –
ikaw, si Bobby,
O ang isang libong kapwa mong manggagamot
(ating pagbigyan)
Ay hindi makakayanang lutasin itong malubhang hinagpis
Ng limampung milyong anakpawis
At ng kabataan
Hangga’t ang paghihirap
Na bunga nitong hinagpis,
Nitong pagbubulok
Nitong pighati
Ay patuloy na lumulukob at nagpaparusa.
Kung kaya’t nagbago ang iyong paningin, lumawak ang layunin.
Nakisalo ka sa sandatahan ng mga manggagawa
At nakipag-isa sa mga sundalo ng masa
Upang maibsan ang mga hinagpis ng bayan.
Bilang magaling na sundalo ng masa
Walang agam-agam kang nag-alay ng buhay
Para sa himagsikan.
Ikaw nga ay pinaslang nang
Sumalakay ang mga balang kumitil sa iyong pagsusundalo.
Subalit nagluksa ang mga nayon sa iyong pamamaalam – kahit na nagkalat ang marami pang manggagamot…
Dahil ang paglisan mo’y
Isang malaking kawalan!
At ngayo’y tanging ang mga natira’t naiwan
Ang haharap sa digmaan
At tatapos sa himagsikan.
Ngunit hindi sa labi ng baril o sa kandungan ng diktadura magtatapos ang iyong sakripisyo.
Nakitil man ang sundalo, ngunit ang manggagamot ay buhay pa rin.
Dahil bago pa man kumalabit ang gatilyo,
Bago pa man ang marahas na parusa na dinanas ng isang walang kaaway,
Bago pa man pumutok ang mga balang nagsiwasak ng
Iyong katawan,
Nang ikaw ay sumama sa himagsikan,
Ipinalaganap mo ang iyong diwa at pagmamahal sa Inang bayan,
Hanggang sa dumami ang manggagamot na, katulad mo’y, may malawak din ang layunin.
Sumama ka sa laban ng tao upang turuan ang ating lipunan kung paano gamutin at pahupain ang mga hinagpis ng sariling bayan.
-Alan Jazmines
Political-detainee ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
(sinalin sa wikang Filipino ni Alaysa Escandor)

Justice for Aquino, Justice for All… Matapos ang humigit-kumulang tatlong dekada, wala nang saysay na ipanawagan ito. Wala nang pananagutan sa batas ang mga taong siyang umutas sa buhay ng mga bayani ng Batas Militar. Ang kailangan na lamang ay matuto sa kasaysayan at hindi makalimot. Larawan mula sa Koleksyon Dante Ambrosio.