XIAOTIME, 17 September 2012: MAKABULOS? WHO’S THAT POKEMON?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 17 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Francisco Makabulos

17 September 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=BfcOujY09dg

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Bago ang lahat nais ko kayong anyayahan sa mangyayaring  Annual Conference ng Philippine Historical Association, “The Philippines in Asia” sa University of Iloilo mula Huwebes hanggang Sabado.  Para sa impormasyon, bisitahin ang pha1955.blogspot.com.

Ang monumento ni Makabulos sa Maria Cristina Park sa Burol ng Kapitolyo ng Tarlac (Kuha ni Xiao Chua).

Noong bata pa ako, may monumento sa may kapitolyo ng Tarlac ng isang sundalong may espadang dala at may tinuturo.  Biro namin, tinutugis na niya ang susunod niyang tutuliin!  Iyon pala, siya ang heneral na kahit na nakipagkasundo na si Aguinaldo sa mga Espanyol sa Biak-na-bato noong 1897 ay hindi tumigil sa paglaban sa mga Espanyol.  Siya pala si Hen. Francisco Makabulos Soliman.  Huh?  Makabulos?  Who is that Pokemon?  141 taon na ang nakalilipas ngayong araw na ito, September 17, 1871, isinilang siya sa La Paz, Tarlac.  Ninuno daw ng kanyang ina ang Hari ng Maynila na si Rajah Soliman.  Naging tanging heneral na taga-Tarlak noong rebolusyon.  Ayon sa historian na si Lino Dizon, dahil sa pagtortyur at pagpatay sa kanyang kaibigang si Francisco Tañedo dahil hindi niya chinuchu sa Kastila ang kanyang mga kasamang mason sa Katipunan, patuloy na lumaban si Makabulos sa mga Espanyol, nagtatag ng pamahalaan at nagratipika ng sariling saligang batas.  Siya ang nagpalaya ng Tarlac at Pangasinan sa daan-daang taong pananakop ng Espanya.  Tulad ni Mao Zedong at Andres Bonifacio, si Makabulos ay rebolusyunaryo at makata rin.  Sumulat ng mga komedya at isinalin pa ang Aida ni Verdi.  Naging presidente municipal ng La Paz noong 1908, ngunit namatay siyang isang magsasaka at limot na bayani noong 1922.  Hindi lang si Rizal ang bayani ng ating bansa, tuklasin natin ang mga bayani ng ating mga lokal na bayan.  Kung hindi natin malalaman ang kwento ng mga probinsya natin, hindi mabubuo ang kwento ng ating watak-watak na bansa.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 13 September 2012)

Tagapagpalaya ng Tarlac at Pangasinan