1st XIAOTIME broadcast, 10 September 2012: SINO ANG PILIPINO
by xiaochua
The first broadcast of Xiaotime news segment earlier at 2:30 pm at News@1 of PTV 4.
10 September 2012, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=pE56kAgmCCU
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa ating unang usapan, ating pag-isipan: SINO NGA BA ANG PILIPINO? May mga Pilipino dahil ang parehong magulang nila ay mga Pilipino, jus sanguni. At may mga Pilipino naman dahil ipinanganak sila sa Pilipinas, jus soli. Ito ang isinasaad ng ating mga batas. Ngunit sapat na bang maging Pilipino lamang sa dugo at papel? May mga tao nga na naniniwala na wala namang Pilipinas dahil iba-iba naman ang ating kultura at wika sa loob mismo ng bansa. Marami ring mga Pilipino na nasa Pilipinas pa ang mga paa ngunit ang kaisipan nila ay nakalutang na sa ibang bansa. Sana matupad ang hiraya ng mga lolo at lola ng ating sambayanan para sa atin. Para kay José Rizal nang itatag niya ang Liga Filipina, hindi sinusukat sa dugo ang pagka-Pilipino, kundi sa pagtutulungan sa isa’t isa at pagkakaroon ng bawat isa ng damdaming makabansa na nakabatay sa ating kultura at mga magagandang ugali. Para kay Andres Bonifacio at Emilio Jacinto sa Katipunan, ang Pilipino ay nagkakaisang magkakalahi’t magkakapatid na may kalayaan, na ang tunay na kahulugan ay pag-iisip ng higit na kabutihan ng lahat. Sama-sama po tayong maniwala sa ating sarili na ang Pilipino ay bayani—mga ordinaryong tao na nagbibigay ng paglingap sa bayan ng walang hinihinging kapalit. Ang Pilipino, iba-iba man ang pakuhulugan natin dito, ay pinipiling maging Pilipino at sinisikap na tulungan na umunlad at magkaisa ang bayan at ang kapwa sa kanyang sariling kakayahan, anuman ang kanyang kahinaan. Sana hindi lamang natin nakikita ang pagiging Pilipino ng Luzon, Visayas at Mindanao kapag may mga sakuna. Ako po si Xiao Chua, and that was Xiaotime.
(Palace in the Sky, 9 September 2012)