XIAOTIME, 11 September 2012: ANG ISLAM BA AY RELIHIYON NG TERORISMO? (Terrorist Attacks)
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier at 2:15 pm at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
11 September 2012, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=n7pf3WjKPD0
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 11 taon na ang nakalilipas nang salakayin at pabagsakin ng mga terorista ang World Trade Center sa New York. Inakala na ng marami na ito na ang sinasabi ni Samuel Huntington na “Clash of Civilizations”—na ang susunod na malaking digmaan ay hindi na sa mga bansa kundi sa pagitan na ng mga relihiyon: ng mga Kristiyano at mga Muslim. Ngunit kung titingnan, ang pinakamalapit na relihiyon sa mundo ay ang Kristiyanismo at ang Islam. Parehong iisang Diyos ang sinasamba. Parehong ginagalang ang mga propeta Adan, Abraham o Ibrahim, Moises o Musa, at Hesus o Isa, maging ang kanyang inang si Maria o Mariam. Parehong naniniwala sa mga anghel na katulad ni Gabriel o Gibril, mga banal na aklat at sa araw ng paghuhukom. Ang iba nga kapag nakakita ng taong mukhang Muslim ang tingin na sa kanila ay mukhang terorista! Ngunit ang salitang Islam mismo ay nagmula sa salitang “salam” o kapayapaan. Ang Islam ay relihiyon ng kapayapaan, hindi ng terorismo. Sa Mindanao noong Ramadan, sa kabila ng malapit nang pagkakasundo ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front, naging biktima na mismo maging ang mga kababayan nating Moro ng pagbomba ng isang bagong grupong nagpapakilalang ipinaglalaban ang karapatan ng mga Muslim. Dito makikita natin na anumang sinasabing hidwaan ng mga relihiyon, ito ay hindi dahil sa pinaniniwalaan kundi dahil sa pagnanais lamang ng iilan na makuha ang kapangyarihan at pulitika gamit ang pangalan ng Diyos. May pag-asa po sa pagkakaintindihan. Magmahalan po tayo. Ako po si Xiao Chua, and that was Xiaotime.
(70s Bistro, 8-9 September 2012)
Tama po kayo Mr. Xiao!