XIAO TIME, 15 October 2013: ANG HAJJ AT ANG EID AL-ADHA
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
15 October 2013, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=0Fbipnjf_ow
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Eid Mubárak ang pagbati natin para sa Ummah, o sa buong kapatirang Islam, sa araw ng Eid al-Adha, October 15 2013. Ano ba ang kahulugan ng Eid Mubárak? Ito ay pagbati na kapag isinasalin sa Filipino ay “Mapagpalang Kapistahan.” Kaya po holiday ngayon, in fact, ang Pilipinas tanging bansang hindi Muslim na nagpapahalaga sa kapistahang ito ng ating mga kapatid sa Islam sa ganitong paraan. Ang Eid al-Adha, o ang Kapistahan ng Sakripisyo o Greater Eid, ay ang pagdiriwang ng mga muslim ng pagtatapos ng Hajj. Ang hajj ay paglalakbay patungong Mecca sa Arabia, ang sentro ng Islam, na dapat gawin minsan man lang sa buong buhay ng isang Muslim. Sa hajj, pinapraktis ng mga Muslim ang tawaf, o ang paglakad ng pitong beses counter-clockwise sa paligid ng itinuturing na sentro ng pananampalatayang Islam, ang Kaaba.
Kung saan sa direksyon nito nananalangin ang lahat ng Muslim sa buong mundo. Gayundin ang Ramy al-Jamarat, kung saan pitong beses nilang babatuhin ang isang poste o pader, ang Jamrat’al’Aqabah na kumakatawan sa demonyong uminis kay Abraham o Ibrahim.

Pagbato sa representasyon ng demonyo sa Bundok Arafat, ang Jamrat’al’Aqabah. Hindi si Yasser ha. Mula sa hajjguide.org.
Ang mga nakatungo dito sa paglalakbay na ito ay tinatawag na mga Hajji o Hajja. Sa pagtatapos ng paglalakbay, o ang mismong Eid al-Adha, kumakatay ng mga tupa upang pagsaluhan ng mga nasa Mecca bilang paggunita sa pagnanais ni Propeta Ibrahim na sundin ang kalooban ng Allah na isakripisyo ang kanyang panganay at pinakamamahal na anak bilang tanda ng kanyang pagmamahal sa Allah. Nag-submit si Ibrahim, aslammah, pagsuko, ang kahulugan mismo ng salitang Islam. Sa kabutihan ng Diyos nang saksakin niya ang anak hindi man lamang ito naano at may nakita silang ram o tupa na nakatay na at ito na lamang ang isinakripisyo. Mabuti ang Diyos. Kaibahan lamang, sa kwento ng Biblia ng mga Hudyo at Kristiyano, ang tinutukoy na pinakamamahal na anak ay si Isaac, ang itinuturing na ama ng mga Hudyo. Habang sa Quaran ng mga Muslim, si Ismael, ang ama ng mga Arabo, ang ibinalak na isakripisyo. Sa araw na iyon, pagsikat ng araw, ang mga Muslim ay tumutungo sa Masjid o Mosque, o maging sa eidgah o pook na dinadalanginan tuwing eid upang manalangin. Exempted sa sama-samang pananalangin na ito ang mga may karamdaman, nagbibiyahe, at mga babaeng may dalaw, bagama’t kailangan pagsaluhan din nila ang kabutihan at pakikipagkapatiran ng mga Muslim sa araw na iyon sapagkat kadalasan matapos ang pananalangin, nagpipiging sila at kumakain. At kung nagtataka kayo bakit nag-iiba-iba ang mga petsa ng kapistahang Muslim taon-taon, ito ay dahil ibinabatay ito sa kalendaryo lunaryo o sa paglitaw ng buwan. Ayon kay Prop. Ayshia Fernando Kunting ng Western Mindanao State University ng Zamboanga, “Ang mga eid ang dalawang pagkakataon sa isang taon na nagkakasama-sama ang mga Muslim at nagdiriwang, simpleng pagre-affirm ng kapatiran, walang dekorasyon, walang parade, simpleng salu-salo ng magkakapatid.”
Bilang paggalang sa mga kapatid nating Muslim ang ating pagpapahalaga sa araw na ito, ngunit sana magkaroon din ng Eid al-Adha sa kinabukasan na ipagdiriwang sa isang ganap na mapayapang Muslim Mindanao! Assalamu Alaikum, Sumainyo ang kapayapaan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 October 2013)