XIAOTIME, 26 October 2012: EID AL-ADHA, bakit isa sa dalawang malalaking kapistahan sa Islam?
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
26 October 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=ZDzg17Km8Qc&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Eid Mubárak ang pagbati natin para sa Ummah, o sa buong kapatirang Islam, ngayong araw ng Eid al-Adha, 26 October 2012. Ano ba ang kahulugan ng Eid Mubárak! Ito ay pagbati na kapag isinasalin sa Filipino ay “Mapagpalang Kapistahan” tulad ng pagbabatian ng “Merry Christmas and a Happy New Year ng mga Kristiyano. Ngayon, sasagutin naman natin ang tanong ng mga bata ngayong araw, “Mommy, bakit po ba wala kaming pasok???” Bakit nga ba holiday ngayon? Ano ang Eid al-Adha? Ito po ang pagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim sa pagtatapos ng Hajj, ang paglalakbay patungong Mecca sa Arabia, ang sentro ng Islam, na dapat gawin minsan man lang sa buong buhay ng isang Muslim. Ito rin ay kapistahan din ng sakripisyo, ginugunita ang pagsubok ni Allah kay Propeta Ibrahim nang utusan nito na patayin ang kanyang pinakamamahal na anak para mapatunayan ang pagmamahal ng propeta sa kanya. Nag-submit si Abraham, aslammah, pagsuko, ang kahulugan mismo ng salitang Islam.
May malaking kaibahan nga lamang, sa mga Hudyo at Kristiyano, ang tinutukoy na pinakamamahal na anak ay si Isaac, ang itinuturing na ama ng mga Hudyo. Habang sa Quaran ng mga Muslim, si Ismael, ang ama ng mga Arabo, ang ibinalak na isakripisyo. Ngunit mabuti ang Diyos at hindi niya itinuloy ang sakripisyo. Ang mahalagang pangyayaring ito ay pinaniniwalaan na naganap sa mga bato sa ilalim ng moskeng The Dome of the Rock sa Herusalem na may gintong bubungan!
Ito rin ang itinuturing na Greater Eid, o mas dakilang kapistahan kaysa sa isa pang mahalagang kapistahang Muslim, ang Eid ul-Fitr, o ang kapistahan ng pagtatapos ng pag-aayuno o pagfafasting ng 40 days, ang Ramadan, na sa ibang lugar lalo sa Pilipinas ay tinatawag na Hari Raya Puasa. Ipinagdiwang natin ito noong nakaraang Agosto. Nag-iiba-iba ang mga petsa ng kapistahang Muslim taon-taon dahil ibinabatay ito sa kalendaryo lunaryo. Sa aking pagtatanong sa aking kaibigan, ang historyador at guro sa Mindanao na si Ayshia Kunting, kadalasan matapos ang kanilang pagdarasal para sa eid, sila ay nagpipiging at kumakain. Sa Mecca raw ang mga nasa Hajj ay kumakatay ng mga tupa upang pagsaluhan. Ayon kay Ayshia, “Ang mga eid ang dalawang pagkakataon sa isang taon na nagkakasama-sama ang mga Muslim at nagdiriwang, simpleng pagre-affirm ng kapatiran, walang dekorasyon, walang parade, simpleng salu-salo ng magkakapatid.” Tulad ng pagkakaroon ng mga pista opisyal na Kristiyano tulad ng Christmas, All Saints’ Day, Maundy Thursday at Good Friday, ang pagkakaroon ng holiday sa dalawang malalaking kapistahang Muslim sa Pilipinas ay pagkilala ng malaking bahagi at papel ng mga kapatid nating Muslim sa ating lipunan at kasaysayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Andrew Hall, DLSU Manila, 18 October 2012)