XIAOTIME, 25 October 2012: ANG TUNAY NA BALANGIGA MASSACRE

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 25 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Shoot Filipinos ten years and above, kartun na Amerikano na nagpoprotesta laban sa sarili nilang hukbo, 1902.

25 October 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=0Fohr1dHVZI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa linggo ang 110th Anniversary ng tagumpay ng mga Samareño laban sa mga Amerikano sa Balangiga, Samar noong October 28, 1901.  Para sa mga Amerikanong peryodista, tinawag nila itong “Balangiga Massacre,” ang sinasabing pinakamalaking pagkatalo ng United States Army mula noong Battle of the Little Bighorn noong 1876.  Ngunit para sa mga Pilipinong historyador, tinatawag nating ito na “Balangiga Incident,” ang isa sa pinakamatapang nating mga labanan sa pagtatanggol ng kalayaan mula sa mga Amerikano.  Ang tunay na “Balangiga Massacre” raw ay ang mga ginawa ng mga Amerikano pagkatapos ng laban.  Ano nga ba ang tunay na Balangiga Massacre?  Liwanagin natin.  Nang pa-sukuin ang Pangulo ng Republika na si Hen. Emilio Aguinaldo noong Marso 1901, inakala ng marami na tapos na ang Digmaang Pilipino-Amerikano.  Ngunit sa Samar, ginalit ng mga aksyon ng mga sundalong Amerikano ang ilang mga residente.  Ang utak sa pag-atake ay ang hepe ng pulisya na si Valeriano Abanador, na nakuhanan pang kasama sa larawan ng mga sundalong kanilang papatayin.

Si Valeriano Abanador kasama ng mga sundalong kanyang papatayin, Company C ng 9th U.S. Infantry Regiment.

Gabi ng October 27, nagkaroon ng prusisyon ng sinasabing patay na mga bata dahil sa epidemya ng kolera kasama ang maraming mga kababaihan.  Ipinasok sa simbahan ang prusisyon.  Iyon pala, ang mga babae ay mga lalaki na nag-disguise at may mga tagong baril, at may mga baril ding nakatago sa mga kabaong.  Kinabukasan, sa pagtunog ng kampana ng simbahan sa ganap na 6:20 am, nilusob nila ang mga pupungas-pungas pa at nag-aalmusal na mga kasapi ng Company C ng 9th U.S. Infantry Regiment, sa 74 na mga sundalong Amerikano, 36 ang namatay mismo sa labanan o killed in action, na sinundan ng walo pang kamatayan, 22 ang sugatan, apat ang nawawala.  Apat lang ang natirang walang sugat.  Sa tinatayang 500 Pilipinong lumusob, 30-50 ang namatay.

Balangiga Incident, mula sa diorama ng Ayala Museum

Bilang ganti, iniutos ni Heneral Jacob Smith, “I want no prisoners. I wish you to kill and burn; the more you kill and burn, the better it will please me… The interior of Samar must be made a howling wilderness…”  Iniutos na barilin ang mga taong sampung taong gulang pataas.  Tinatayang 2,500 ang namatay sa marahas na sagot ng mga Amerikano sa himagsikan, ang tunay na Balangiga Massacre.

Adna R Chaffee MGen sa BGen Jacob Smith sa Tacloban, Leyte ,1902

Maraming nakisimpatiya na mamamayan ng Amerika sa mga Samareño.  Hanggang ngayon, isyu pa rin na ni isa sa tatlong kampana na inarbor ng mga Amerikano ay hindi pa rin naibabalik sa Balangiga.

Hindi pa tuluyang naghihilom ang sugat na nilikha ng insidente.  Ang pakikibaka ng mga Pilipino at Moro laban sa mga Amerikano ay magpapatuloy hanggang 1913, ang tunay na wakas ng Digmaang Pilipino-Amerikano.  “Benevolent Assimilation” o mabuting pananakop daw ang ginawa sa ating ng mga Amerikano, ngunit dapat kilalanin na sa kabila ng public school education at A is for Apple na pamana nila sa atin, sa digmaang iyon tinatayang 200,000 ang namatay sa bansa, pangmamasaker sa mga sibilyan na muling mauulit sa Digmaan sa Vietnam.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman , 18 October 2012, mula sa mga datos ni Rolando Borrinaga)