XIAO TIME, 28 September 2017: ANG TAGUMPAY SA BALANGIGA (Balangiga Massacre Episode)

Shoot Filipinos ten years and above, kartun na Amerikano na nagpoprotesta laban sa sarili nilang hukbo, 1902.
GMA News Report:
Xiao Time New Revised Episode:
September 28, 1901. Nagtagumpay ang mga Samareño laban sa mga Amerikano sa Balangiga, Samar. Tinawag ito ng mga Amerikano na “Balangiga Massacre,” ang pinakamalaking pagkatalo ng United States Army mula noong Battle of the Little Bighorn noong 1876.
Ngunit para sa mga Pilipinong historyador, tinatawag natin ito na “Balangiga Conflict,” at ang tunay na “Balangiga Massacre” raw ay nang balikan ng mga Amerikano ang mga Samareño. Ngunit, ano nga ba talaga kuya?
Liwanagin natin. Nang pa-sukuin ang Pangulo ng Republika na si Hen. Emilio Aguinaldo noong March 1901, inakala ng marami na tapos na ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Ngunit sa Samar, ginalit ng mga aksyon ng mga sundalong Amerikano ang ilang mga residente sa panahong matagal nang tapos ang pag-aani—pagsunog sa mga pananim, pagbunot sa mga kamote, pagtrato sa mga kababaihan at pagkulong sa ilang mga kalalakihan.
Ang pag-atake ay pinlano mismo ng mga taga Balangiga. Ang utak nito, ang hepe ng pulisya na si Valeriano Abanador, na sinasabing kasama sa larawan na ito ng mga sundalong kanyang binabalakan.

Si Valeriano Abanador kasama ng mga sundalong kanyang papatayin, Company C ng 9th U.S. Infantry Regiment.
Gabi ng September 27, nagkaroon ng prusisyon ng sinasabing patay na mga bata dahil sa epidemya ng kolera kasama ang maraming mga kababaihan. Ipinasok sa simbahan ang prusisyon. Iyon pala, ang mga babae ay mga lalaki na nag-disguise nagtatago ng mga itak, sa kanilang mga kasuotan at mga kabaong.
Kinabukasan, September 28, matapos na agawan ni Abanador at mapabagsak sa sariling baril si Private Adolph Gamlin, nagpaputok, pinulot niya ang kanyang baston, iwinasiwas ito at sumigaw “Atake, mga Balangigan-on!” Tumunog ang kampana ng simbahan sa ganap na 6:20 am. Nilusob nila kapwa ang kumbento at ang kampo malapit sa munisipyo ng mga pupungas-pungas pa at nag-aalmusal na mga kasapi ng Company C ng 9th U.S. Infantry Regiment. Matapos ang ilang sandali, ang pagpatay ay natigil nang ang bumangong si Gamlin kasama ang isa pa ay nakaakyat ng gusali at nagpaputok sa mga Pilipino. Sa 74 na mga sundalong Amerikano, 36 ang namatay mismo sa labanan o killed in action, na sinundan ng walo pang kamatayan, 22 ang sugatan, apat ang nawawala. Apat lang ang natirang walang sugat. Sa tinatayang 500 mga Pilipinong lumusob, 28 ang namatay, 22 ang sugatan.
Bilang ganti, iniutos ni Heneral Jacob Smith kay Major Littleton Waller, “I want no prisoners. I wish you to kill and burn; the more you kill and burn, the better it will please me… The interior of Samar must be made a howling wilderness…” Iniutos na barilin ang mga taong sampung taong gulang pataas.
Ayon sa ilang historyador, 50,000 ang pinatay ng mga Amerikano sa tinatawag na tunay na Balangiga Massacre. Ito ang natatak sa mga Pilipino. Ngunit ito ay isang eksaherasyon, ayon na rin sa mga dokumentong nakuha nina Rolando Borrinaga, awtor ng aklat na The Balangiga Conflict Revisited, at maging ng British writer na si Bob Couttie, awtor ng Hang The Dogs: The True Tragic History of the Balangiga Massacre, bagama’t nanunog ng mga bayan ang mga Amerikano, ang utos na pumatay nang pumatay ay hindi nila sinunod, “counter-manded.” Bagama’t may mga napatay sa retalyasyon ng mga Amerikano, ang pagkasunog ng mga ari-arian, kabuhayan at pagpatay sa mga hayup ang nagkaroon ng mas malaking epekto sa pagiging lugmok at walang-wala, waray-waray, ng mga Samareño.
Sa pagsunog sa Balangiga, kinuha ng mga Amerikano ang tatlong kampana na naging hudyat sa pagsalakay bilang war trophy ng kanilang tagumpay na maipaghiganti ang kanilang mga bayani. Hanggang ngayon, isyu pa rin na ni isa sa tatlong kampana na inarbor ng mga Amerikano bilang war trophy, ang dalawa ay nasa isang kampo sa Wyoming, ang isa naman ay nasa isang base militar Amerikano sa Korea, ay hindi pa rin naibabalik sa nararapat nitong tahanan sa Balangiga.
Patuloy na ginagawang sariwa ang sugat na nilikha ng insidente.
Ang pakikibaka ng mga Pilipino at Moro laban sa mga Amerikano ay magpapatuloy hanggang 1913, ang tunay na wakas ng Digmaang Pilipino-Amerikano. “Benevolent Assimilation” o mabuting pananakop daw ang ginawa sa ating ng mga Amerikano, ngunit dapat kilalanin na sa kabila ng public school education at A is for Apple na pamana nila sa atin, sa digmaang iyon tinatayang 200,000 ang namatay sa bansa, pangmamasaker sa mga sibilyan na muling mauulit sa Digmaan sa Vietnam.
Ngunit sana, maalala din natin na ang Balangiga ay katibayan ng giting, tapang at kakayahang magtagumpay ng mga Pilipino kahit sa napakalakas na kalaban. Ako po si Xiao Chua, para sa Project Vinta. And that was Xiao Time!
Sources:
In Our Image: The United States and the Philippines, Public Broadcasting System
Philippine-American War, 1899-1902 website by Arnaldo Dumindin
The Balangiga Conflict Revisited, by Rolando Borrinaga (New Day, 2003)
Hang The Dogs: The True Tragic History of the Balangiga Massacre, by Bob Couttie (New Day, 2004)