XIAOTIME, 15 March 2013: ANG PAGDATING NI MAGELLAN SA PILIPINAS, DISCOVERY OF THE PHILIPPINES NGA BA?
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 15 March 2013, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
15 March 2013, Friday:
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 492 years ago bukas (kakanta) “On March 16, Fifteen hundred twenty one, when Philippines was discovered by Magellan.” Ayon nga sa kanta ni Yoyoy Villame. Natagpuan ni Fernando de Magallanes ang isla ng Homonhon sa Samar.
Bakit nga ba nandito noong 1500s ang mga Europeo? Kasi po, nagpapataasan ng ihi ang Portugal at Espanya sa pananakop ng mga lupa kahit na kulang ang mga likas na yaman ng kanilang mga bansa. Ang Espanya ay nais na maging superpower sa Europa kahit na may tagtuyot sa central table land nito at hindi makapagtanim. Hinati pa ng malokong Pope Alexander The Sixth ang mundo para sa dalawang bansang ito nang di na mag-away. Pinagiinteresan nila ang Moluccas at ang area natin sa Southeast Asia dahil sa mga rekadong kinahiligan nila at sa lapit sa isa pang mayamang emperyo, ang Tsina.

Hinati ng Papa Alejandro VI ang mundo para sa Espanya at Portugal sa papal bull na “Inter Caetera.” Dahil Espanyol siya, kinailangan muling mag-usap sa Tordesillas upang ayusin ang paghahati,
E sino naman si Magellan? Isinilang na isang Portuges na ang pangalan ay Fernão de Magalhães noong bandang 1480, naging sundalo na siya ng mga kolonisador na mga Portuges sa mga isla ng Moluccas. Pagbalik niya sa Portugal, isinangguni niya sa hari ng Portugal ang kanyang balak na maglakbay sa direksyong Atlantiko upang lumusot sa Asya dahil naniniwala siyang bilog ang mundo. Noon ang mga tao ay naniniwala na sa dulo ng isang daigdig na patag, ay mahuhulog ang iyong barko sa kawalan sa mga tinatawag na ends of the world.
Hindi siya sinuportahan ng hari ng kanyang sariling bayan. Kaya lumipat sa karibal na kaharian ng Espanya kung saan nakumbinsi nga niya ang hari nitong si Carlos na bilog nga ang mundo. Binigyan siya ng limang barko, ang Trinidad, San Antonio, Concepcion, Victoria, at Santiago at lumisan ng Espanya noong September 20, 1519.
Sa limang barko, tatlong barko lamang ang nagpatuloy. Ang galing ni Magellan ay masusubok nang madaanan niya ang isa sa pinakamahirap na kipot na nalaman ng tao sa Tierra del Fuego sa dulong ilalim ng South America. Maluwalhati niya itong nadaanan kaya ipinangalan ito sa kanya—Magellan Strait. Matapos nito nakita niyang mapayapa ang karagatan kaya pinangalanan niya itong Pacific Ocean. Ang hindi niya alam, ang daming bulkan na sumasabog at mga bagyo na nagmumula dito kaya it’s far from peaceful kumbaga.
Nanakawan pa sila sa Guam kaya tinawag nila itong isla ng mga magnanakaw, Los Ladrones. Kaya imagine kung anong saya nila, ilang taon na kulang sa suplay ng sariwang tubig at pagkain, nang masayang salubungin ng mga Pinoy sa Samar noong March 16, 1521. Hindi sila itunuring na kaaway sapagkat kadalasan ang mga bisita ng mga kapuluang ito ay itinuturing na business opportunities.
Tinawag itong discovery of the Philippines by Magellan. Ngunit paano niya ito na-discover e mayroon nang tao dito at libong taon nang nakikipagkalakalan maging ang Tsina sa atin? Nais itama ito sa pagsasabing re-discovery of the Philippines. Malaking kalokohan. Hindi naman lumubog ang Piipinas at lumitaw ulit para muling matuklasan. Mas tama sigurong ganito ang kanta, “On March 16, Fifteen hundred twenty one, when Magellan was discovered by Philippines…” Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, UP Diliman, 9 March 2013)