XIAOTIME, 29 October 2012: MGA PINAGDAANAN NI ANTONIO LUNA

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 29 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Antonio Luna, pinunong heneral ng rebolusyon

29 October 2012, Monday:

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ngayon ang 146th birthday ni Antonio Narciso Luna de San Pedro y Novicio, na isinilang noong October 29, 1866 sa Binondo Maynila.  Huh???  Who’s that Pokemón???  Siya po ang bayaning Heneral ng Himagsikan na si Antonio Luna.  Ilang trivia.  Noong bata pa ang bunsong si Antonio, ayon sa biographer niyang si Vivencio José, hindi siya iyakin, minsan nagka-sprain siya ngunit hindi siya nagpakita na siya ay nasaktan hanggang sa gumaling na lamang ito.  Lumaki siyang matapang at malakas at walang nangangahas na siya ay ma-bully kahit na ng pinakasiga sa kanilang lugar.  Lingid din sa kaalaman ng marami, kung sining ang pinagkaabalahan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Juan Luna, siya naman ay nahilig at nag-aral ng pharmacy sa UST, at nang mag-aral sa Espanya nakilala bilang eksperto sa chemistry at sa sakit na malaria!  Biruin niyo yun!

Antonio Luna, chemist???

Ngunit magaling din ang mga Luna sa eskrima at kilala rin bilang mga sharpshooters.  Kayang patayin ni Antonio sa isang bala lamang ang isang sindi ng kandila!  Sumama sa kilusang propaganda at nagsulat sa La Solidaridad, pumirpirma sa alyas na Taga-Ilog.  Naging karibal ni José Rizal sa isang babae sa Parnsiya at muntik nang magduwelo, kung natuloy edi natodas ang isa, o dalawa, sa ating mga bayani.  Ngunit sa kabila nito, nang mangailangan si Rizal ng pera, binigyan siya ni Antonio ng kanyang napanalunan sa isang writing contest.  Nang umuwi sa Pilipinas noong 1894, nagtatag ng fencing school at naging estudyante pa si Apolinario Mabini!!!  Imagine.

Antonio Luna, fencing teacher

Pinayo ni Rizal sa Katipunan na kunin siyang heneral ngunit nang lapitan nila ito, siya ay tumanggi.  Kaya idinawit siya ng Katipunan at nakulong.  Nang makalaya siya, naglakbay sa Europa upang matutunan ang pakikidigmang gerilya at pag-uwi niya, siya mismo ang sumapi sa rebolusyon.  Naging editor pa ng La Independencia at naging guro pa sa Universidad de Malolos habang nakikidigma sa mga Amerikano.  Naging pinakamagaling na heneral na nagtagumpay sa mga labanan sa La Loma, Caloocan, Pulilan, Kalumpit-Bagbag, Apalit, Rio Grande at Santo Tomas.  Umangat hangang maging commander-in-chief of operations ng hukbo ni Pangulong Emilio Aguinaldo.  Ngunit nang mapansin ang kawalang disiplina ng ilan sa hukbo, lalo na nang suwayin siya ng Batalyong Kawit, mga kababayan ni Aguinaldo, sa hindi nila paglusob sa labanan sa Caloocan, ayun na!  Ninais nang magbitiw ni Antonio.  Hindi ito tinanggap ni Aguinaldo.  Mainitin din ang kanyang ulo, ito ang kanyang kahinaan, at mahilig na pagsasampalin ang mga pasaway.  Slapper.  Dahil dito, nagkaroon na ng intrigahan na ang naging resulta ay ang pagpapatawag kay Antonio sa isang pulong sa Kumbento ng Cabanatuan noong June 5, 1899, doon na nga siya pinagtulungan ng Batalyong Kawit, pinagsasaksak at pinagbabaril hanggang mamatay.

Ang kanyang mga huling salita, “Mga duwag!  Mga mamamatay-tao!”  Hindi perpekto ang ating mga bayani, paalala sa atin na hindi hadlang ang ating mga kahinaan upang gamitin natin ang ating mga talento at kalakasan para sa bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 25 October 2012)