XIAOTIME, 30 October 2012: PAGTAKAS NI MARCELO H. DEL PILAR

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 30 October 2012, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Marcelo Hilario del Pilar, ang founder ng Pringles???

30 October 2012, Tuesday:

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong linggo ang 124th anniversary ng pagtakas mula sa Maynila patungong Espanya ni Marcelo Hilario del Pilar, October 28, 1888.  Bakit kinailangan niyang umalis ng Pilipinas?  Si del Pilar, sa kanyang bigote, ay ang founder ng Pringles.  Biro lang po.  Siya ay isang propagandista, ngunit hindi katulad ng mga propagandistang mga indio sa Espanya, ang karamihan sa kanyang mga pakikibaka ay dito niya ginawa sa Pilipinas.  Pansinin na ang nakababatang si José Rizal at mga kasama ay nasa Europa na noong 1882 pa lamang, si del Pilar ay tumungo lamang doon noong 1888.  Si del Pilar ay mahilig magpiyano, magbiyolin at magplawta, ngunit minsan nakasagutan niya ang isang prayle dahil ang mahal nitong maningil ng binyag, dahil dito ay nakulong siya.  Ito ang simula ng marami niyang pakikibaka laban sa praylokrasya.  Noong 1882 inilathala niya ang Diariong Tagalog para mabasa ng kapwa niya mga Pilipino.  Sumulat din siya ng isang satire ukol sa mga prayleng mapagsamantala sa Pilipinas, ang “Dasalan at Tocsohan.”  Tinutulungan siya ng kanyang batang pamangkin na si Goyo, ang magiging Heneral Gregorio del Pilar, na pinagpapalit ang misal sa simbahan sa mga sinulat ng tiyuhin.  Kapag ipinamudmod na ang mga babasahin, magtataka ang prayle bakit nagtatawanan ang mga tao.  Ito pala ang mababasa, “Amain namin sumasaconvento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, quitlin ang liig mo dito sa lupa para nang sa langit. Saul[i]an mo cami ngayon nang aming kaning iyong inarao-arao at patauanin mo kami sa iyong pag-[at]ungal para nang pag taua mo kung kami nacucualtahan; at huag mo kaming ipahintulot sa iyong manunukso at iadya mo kami sa masama mong dila, Amen.”  Hindi lamang ang kanyang mga isinulat tulad ng “Monastic Supremacy in the Philippines” ang kanyang ginawa, aktwal siyang nag-organisa ng mga rally laban sa mga prayle sa Binondo at Navotas sa panahon na delikadong gawin ito.  Kaya naman minabuti niyang tumakas noong 1888. Sa pagsakay sa barko kanyang winika, “Tapos na ang tungkulin ko sa Pilipinas; sa iba namang dako ako tinatawagan, sa España, at doon sa lilim ng kalayaa’y maaari kong ipagsanggalang ang mga kabaguhang nararapat sa Pilipinas… Mapapalagi ang España sa Pilipinas, kung didinggin ang mga Pilipino.”  Noon lamang dumating siya sa Espanya nagsimula ang pahayagang La Solidaridad at siyang ang naging pangalawang editor nito, pumipirma sa matalas niyang pluma sa ngalang Plaridel.  Kalaunan kinilalang pinuno ng mga propagandista.  Ngunit hindi nakinig ang Espanya, naghirap siya at maghitit na lamang ng upos para makaraos.  Namatay siya sa sakit na tuberculosis noong 1896 habang nagbabalak na bumalik sa Pilipinas upang planuhin ang rebolusyon.  Ayon mismo kay Gobernador Heneral Ramon Blanco, “Marcelo H. del Pilar es el mas inteligente, el verdadero Verbo de los separatistas, muy superior a Rizal…”  Ayon kay Rizal, “…Bakit ‘di tayo nagkaroon ng sandaang Marcelo H. Del Pilar?”  Ang tindi ni Plaridel, hindi lamang pala siya Mr. Suave dahil sa kanyang bigote, kundi dahil inalay niya ang anumang talento na mayroon siya para sa bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Lulan ng taxi, 25 October 2012, pasasalamat kay Ian Alfonso at Ka Alex Balagtas na nag-udyok sa akin na kilalanin pang lalo si Plaridel.  Ang Pringles joke ay nagmula kay Prop. Alvin Campomanes)

Ang Triumvirate ng Kilusang Propaganda: Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar at Mariano Ponce

Mga propagandista din: Antonio Luna, Eduardo de Lete at Marcelo H. del Pilar

Si Xiao Chua bilang tagapagsalita para sa anibersaryo ng kapanganakan ni Marcelo H. del Pilar sa kanyang pook sinilangan sa Bulakan, Bulacan kasama ang ilang lokal na mga personalidad tulad ng historyador na si Ian Alfonso, Direktor ng Bahay Saliksikan ng Bulacan Dr. Agnes Crisostomo, Resurreccion Gatchalian-Villanueva ng Bulakan Parish Commission on Cultural Heritage, Curator ng Pook Pangkasaysayang Marcelo H. del Pilar Ka Alex Balagtas, at mga kaanak ng mga del Pilar, at Ka Baby Lava na apo nina Dr. Jesus Lava ng HUKBALAHAP, 4 Hulyo 2012.