XIAOTIME, 15 October 2012: ANO ANG KAHULUGAN NG BANGSAMORO?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 15 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Sultan Jamalul Kiram II ng Sulu (nakaupo sa gitna sa itim na kasuotan) at ang kanyang gabinete.

15 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=_ezDJtlAQM4

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Makasaysayan talaga ang araw na ito!  Ngayon nakatakdang lagdaan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front ang isang framework peace agreement na naglalayong tapusin ang ilang dekada nang pakikibaka ng MILF para sa pagsasarili ng Mindanao.  Nagkakasundo silang hindi na sila hihiwalay sa Pilipinas bagkus magtatag ng isang bagong juridical entity na tatawaging “Bangsamoro.”  Ano ang pinagmulan ng pangalang ito?  Sabi ng aklat na “A Short History of the Far East” na ginagamit pa rin sa mga paaralan ngayon, ang mga mga Pilipino raw bago dumating ang mga Espanyol ay walang “elaborate political organization and no unified government.”  Papabulaanan ito ng kasaysayan ng mga Muslim sa Mindanao na nagtataglay ng dakilang nakaraan.  Noong unang panahon, ang mga grupo ng tao sa Mindanao ay mga mandirigma, kilala sa tawag na mangangayaw o mga namumugot ng ulo.  Ngunit ang kanilang mga hidwaan sa isa’t isa ay natapos sa pagdating ng Islam noong 900 AD at nang dahil dito ay napagbuklod pagdating ng panahon ang mga mamamayan nito at nabuo ang mga Sultanato, si Sharif Ul’hashim Abubakr ang nagtatag ng Sultanato ng Sulu noong bandang 1450 at si Shariff Mohammed Kabungsuwan ang nagtatag ng Sultanato ng Maguindanao.  Ang sultan ay pinuno ng maraming mga datu, kaya ito ay sentralisadong pamahalaan na may mga ministro, hukbo, burukrasya, at may mga tagapayo na tinatawag na Ruma Bichara at dahil dito sentralisado rin ang pinansya.  Kaya naman yumaman ang mga sultanato at sa perang ito nakipaglaban ng tuloy-tuloy sa mga Espanyol sa loob ng 333 taon, kumukuha ng mga bihag sa mga Kristiyanong lugar at ibinebenta bilang mga slaves.  Sa inis ng mga Espanyol at mga Katoliko, gumawa sila ng palabas na “Moro-Moro” na ukol sa pakikibaka laban sa mga Muslim.  Pansinin, bago pa man maging bansa ang Pilipinas, bansa, o Bangsa na, ang mga Muslim sa Mindanao.  E saan naman nanggaling ang katagang Moro?  Ang Moro ay katawagan ng mga Espanyol sa mga Muslim mula sa Hilagang Africa na sumakop sa kanila sa loob ng 700 taon!  Isang teorya ng pinanggalingan nito ay ang Griyegong mauros o maitim.  Katawagang pang-insulto man ito tulad ng indio, inangkin na rin ito ng mga muslim lalo nang gawin itong pangalan ng armadong grupong Moro National Liberation Front at ng Moro Islamic Liberation Front, gaya ng ginawa ni Rizal sa Indios Bravos.  Kaya ang pangalang Bangsa Moro para sa Muslim Mindanao ay karapat-dapat lamang upang kilalanin na bahagi man sila ng Pilipinas dahil sa pagsang-ayon ng kanilang mga datu sa Administrasyong Amerikano sa Bates Treaty noong 1899 at Carpenter Agreement noong 1919, at dahil na rin sa parehong pinagmulan ng ating sinaunang kultura mula sa mga Austronesyano, pagkilala ito ng kanilang bukod tanging pagkakakilanlan at kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Taft, 9 October 2012)

Pangulong Noynoy Aquino at Tagapangulo ng Moro Islamic Liberation Front chair Ebrahim Murad sa Crowne Plaza ANA Hotel sa Narita, Hapon, 4 Agosto 2011.