XIAOTIME, 12 October 2012: NAY ISA, Teresa Magbanua: Katangi-tanging Pinunong Babae noong Rebolusyon

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 12 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teresa “Nay Isa” Magbanua

12 October 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=N6pQAY_FAq4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa Lunes, October 15 po, birthday po ng kapatid kong si Michelle Charlene Chua, na mas kilala sa tawag na Chao Chua, isa sa bokalista ng Kapampangan band na Mernuts.  Dahil mas astig siya sa akin, sa tuwing may umaaway sa akin noong prep ako, siya pa na mas nakababata ang nagtatanggol sa akin.  Nabanggit ko ito sapagkat naaalala ko sa kanya ang bayaning kikilalanin natin ngayong araw na ito.  Bukas po ang ika-144 taon ng kapanganakan ni Teresa Magbanua noong October 13, 1868.  Siya ang astig na tanging pinunong babae sa ating rebolusyon laban sa mga Espanyol at mga Amerikano na nakilala sa tawag na “Nay Isa.”  Isinilang siya sa Pototan, Iloilo. Napansin na noong bata pa lamang siya na mas nakikipaglaro siya sa mga kapatid at kapitbahay na lalaki, ipinagtatanggol niya ang mga kapatid niyang lalaki sa mga umaaway sa kanila, mahilig sa paglangoy, umaakyat sa mga puno at mahilig sumakay sa mga kalabaw at kabayo.  Girl Power ang lolah!  Para masaway ang gawi niyang ito na kakaiba noong panahon niya, pinag-aral siya ng pitong taon sa Colegio de San Jose sa Jaro, Iloilo at di pa nasiyahan doon, ipinasok pa siya sa Colegio de Sta. Rosa at Colegio de Sta. Catalina sa Maynila.  Nagtapos sa kursong edukasyon sa Colegio de Sta. Cecilia noong 1894.  Naging guro pagbalik ng Iloilo at nakilala bilang istrikta.  Matapos ang apat na taon, napangasawa niya si Alejandro Balderas at ang lola ay tumigil sa pagtuturo upang maging maybahay at babaeng bukid, kung saan mas nagawa pa niya ang hilig sa pamamaril at pangangabayo.  Kahit ayaw ng asawa, sinamahan niya ang mga kapatid na lalaki sa rebolusyon.  Sa kanyang husay at pagpupumilit sa kabila ng agam-agam ni Hen. Perfecto Poblador, nagpa-appoint na kumander ng Hilagang Iloilo.  At sa unang laban pa lamang nagpakitang gilas na si Nay Isa sa mga labanan sa Pilar, Capiz at Sapong Hills at nanalo laban sa mga Espanyol.  Nang dumating ang mga Amerikano, patuloy siyang namuno ng grupong gerilya at mas matagal na lumaban kaysa ibang heneral.  Nang dumating ang mga Hapones, binenta niya ang lahat ng ari-arian sa Iloilo at pinantulong sa pakikidigmang gerilya.  Namatay siya noong Agosto 1947 sa edad na 78.  Para sa kanyang mga nagawa para sa bayan, binansagan siyang “Joan of Arc of the Visayas.”  Palagay ko colonial mentality ito.  Teh, para siguro mas Pilipino ang pananaw natin, tawagin nalang natin si Joan of Arc na “Teresa Magbanua of France!”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 4 October 2012)

Teresa Magbanua, pinuno ng rebolusyon sa Iloilo, detalye ng isang bas relief.

Girl power ang lolah!