XIAOTIME, 11 October 2012: ANG ASASINASYON KAY GOBERNADOR-HENERAL FERNANDO BUSTAMANTE
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 11 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

“Ang Pagpaslang Kay Gobernador Heneral Bustamante at sa Kanyang Anak” Mural ni Felix Resurrecion Hidalgo na nakalagak ngayon sa Pambansang Sinupan ng Sining sa Pambansang Museo ng Pilipinas.
11 October 2012, Thursday: http://www.youtube.com/watch?v=uxtQoPLCpDU
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! 293 years ago, pinatay ng mga prayle at ng kanilang mga kabig si Gobernador Heneral Fernando Manuel de Bustamante y Bustillo, October 11, 1719. Paano nangyari ito. Matatandaan na nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ginamit nila ang Katolisismo bilang isang ideological state apparatus upang itanim sa puso ng mga tao ang pagsunod sa layunin ng kanilang pananakop—ang pagkakaroon ng mga kayamanan para sa Espanya. Walang separation of church and state noon. Ang prayle ang kaagapay sa pamamahala. Ngunit isa sa mga pinunong sibil ang nagpasaway. Patuloy na pinaaresto ng liberal na gobernador heneral na si Fernando Bustamante ang mga may utang sa gobyerno kahit sila ay humihingi ng sanktwaryo sa simbahan. Itinuring itong pambabastos sa simbahan ng mga Obispo kaya nagtangka sila kay Bustamante, “Ipapa-excommunicate ka namin!” Kaya lalo niyang ipinakulong ang mga Obispo, pati na ang Arsobispo ng Maynila. Kaya ang mga paring Agustino, Dominikano, Pransiskano at Rekoleto ay nagbalak. October 11, 1719, nagtipon ang mga pari kasama ang kanilang mga kabig mula sa Simbahan ng San Agustin at nagmartsa patungong Palacio del Gobernador sa loob ng Intramuros. Hindi sila napigilan ng mga bantay. Sinugod nila ang ikalawang palapag, dinampot ang Gobernador Heneral, kinaladkad at pinagsasaksak hanggang mamatay. Dumating ang kanyang anak upang iligtas siya ngunit ang anak niya rin ay napatay. Dalawang asasinasyon ang nangyari. Matapos noon, nagmartsa sila patungong Fort Santiago, pinalaya ang mga obispo at arsobispo, at ang Arsobispo ng Maynila ay ginawang interim na Gobernador Heneral sa loob ng ilang linggo. Nang isang obispo ang magbiro sa Pang. Noynoy Aquino na siya ay ipapaeksgumulgado sa kanyang pagsuporta sa Reproductive Health Bill, naalala ng mga historyador ang insidente noong 1719. Tunay na malaki ang impluwensya ng Simbahang Katoliko sa buhay ng mga Pilipino noon at ngayon. Wala mang tinatawag na Catholic vote, ang kanilang kaparian ay umaabot sa liblib na mga lugar ng bayan. Ang kanilang pakikialam sa pulitika at itinuturing nilang tungkulin sa paggabay sa kanilang mga tagasunod. Para sa akin, may kalayaan ang mga paring ipahayag ang kanilang mga paniniwala bilang mga mamamayan ng Pilipinas. Kung nagpapaapekto ang ilang mga lider natin sa kanilang mga nais na ipatupad dahil sa pakikialam ng simbahan, problema na nila iyon, at natin. May kalayaan din ang pamahalaan na gawin ang sa tingin niya ay nararapat. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Kalaw FX at Yuchengco Hall, DLSU Manila, 4 October 2012)