XIAOTIME, 8 February 2013: SINO SI PADRE JOSÉ BURGOS?
Broadcast of Xiaotime news segment last Friday, 8 February 2013, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
8 February 2013, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=NCIx_f72m_o
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Para sa ating mga guro sa kasaysayan, bisitahin po natin ang filipinana.net, ang corporate social responsibility component ng Vibal Publishing, Inc., na nagbibigay ng libreng mga historikal na larawan at mga primaryang mga dokumento na ating magagamit sa pagtuturo tulad ng mga kumpletong sinulat ni José Rizal at ang Philippine Revolutionary Records. Muli, bisitahin ang filipinana.net, the premiere digital library of the Philippines.
176 years ago bukas, February 9, 1837, isinilang sa Vigan, Ilocos Sur si Padre José Apolonio Burgos. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya ang pangunahing tagapagtaguyod ng sekularisasyon para makuha ng mga sekular na pari noon ang pagiging kura paroko mula sa mga Espanyol na miyembro ng mga relihiyosong orden o mga paring regular. Isa siya sa tatlong paring binitay noong February 17, 1872 na nakilala natin sa kolektibong tawag na GomBurZa.

Padre Mariano Gomes, Padre Jacinto Zamora at Padre José Apolonio Burgos, malamang sa malamang composite na larawan. Mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.
Opisyal ng hukbong Espanyol ang ama ni Burgos, habang mestiza naman ang kanyang ina. Ang bahay kung saan siya lumaki ay tinatayang dalawang siglo na ang tanda at hanggang ngayon at nakatayo pa rin, isa nang museo na maaaring mabisita sa likod ng kapitolyo ng Ilocos Sur. Natuto siyang magbasa sa kanyang ina at nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran at Unibersidad ng Sto. Tomas.
Isa sa pinakamatalinong Pilipino ng kanyang panahon, nagtapos siya ng pitong mga digri, dalawa dito ay doktorado. Dahil dito naging examiner ng mga nais magpari. Siya ay naging mahistradong kanonikal ng Katedral ng Maynila
kaya kung tutuusin, hindi naman niya kailangan ang mga bagay na kanyang ipinaglalaban, napakataas na ng kanyang posisyon sa Simbahang Pilipino, ngunit hindi niya ito inalintala at itinaguyod ang mga sekular na pari tulad ng nauna sa kanya na si Padre Pedro Pelaez na sa kasamaang palad ay namatay sa katedral noong lindol ng 1863.
Dapat kasi bitawan na ng marami sa mga regular na pari ang mga parokya upang ang mga sekular na pari ay makapagpraktis na sa pamumuno nito, ngunit marahil dahil sa kapangyarihan ng kura paroko sa isang bayan, hindi nila mabitawan ito. Sa kanyang kasikatan, ginamit ang kanyang pangalan ni Francsico Zaldua nang ito ay magrekluta para sa pag-aalsa sa Cavite na naganap noong January 20, 1872.
Dali-daling nakakita ang mga kaaway ni Burgos, lalo na si Padre Benito Corominas, rector ng San Juan de Letran ng pagkakataon, pinaaresto si Padre Burgos at nagbigay ng abogado para sa kanya na ibinenta siya at sinabing umamin siya.
Tumayo si Burgos sa harap ng Konseho de Guerra at pinabulaanan nito ngunit hinatulan pa rin siya ng kamatayan. February 17, 1872, sa Luneta, humahagulgol na binalian ng leeg sa pamamagitan ng garote si José Burgos.
Ayon kay Dr. Luis Camara Dery, Pangulo ng Philippine Historical Association, nang dumating ang karwahe ng bangkay ni Burgos sa kanilang tahanan, ang kanyang inang si Florencia Garcia na naghihintay mula sa taas ng hagdan ay dahan-dahan na gumapang pababa at sa kanyang paghihinagpis kinalong ang anak na namatay na parang isang sanggol at dinala sa ikalawang palapag upang ihiga sa kama. Trahedya man ang nangyari kay Padre Burgos, isa siyang taong dapat nating ipagdiwang bilang Pilipino, isang napakatalinong tao na hindi sarili lamang ang inisip, bagkus inalay ang kanyang talino sa kanyang kapwa. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(North Conserve, DLSU Manila, 5 February 2013)