ANO ANG RAMADHAN AT EID AL-FITR: Pananaw ng Isang Pilipinong Muslim

by xiaochua

Kanina, unang idineklara ng Saudi ang pagsisimula ng Eid nang magpakita sa crescent moon sa kanilang bansa.  Nasa larawan ang Hagia Sophia sa Turkey.  Mula sa english.alarabiya.net.

Kanina, unang idineklara ng Saudi ang pagsisimula ng Eid nang magpakita sa crescent moon sa kanilang bansa. Nasa larawan ang Hagia Sophia sa Turkey. Mula sa english.alarabiya.net.

Panayam ni Xiao Chua kay Prop. Ayshia Fernando Kunting ng Western Mindanao State University ng Zamboanga.

  1.  Ano ang batayang iskriptural at panrelihiyon ng Ramadan, ang katapusan nito ang ipinagdiriwang tuwing Eid al-Fitr?

Ang Surah 2: verse 183 ng Quran:  “O you who have believed, decreed upon you is fasting as it was decreed upon those before you that you may become righteous.”

2_183

Bukod sa Quran, kabilang ang pag-aayuno sa tinatawag na “5 pillars of Islam” o limang haligi ng Islam… ito ay pang-apat sa lima.  Ngunit sa pangkalahatan at pangkabuuan, ang limang haligi na ito ay kailangang magampanan ng isang Muslim para siya ay maging “tunay” na nananampalataya.

Sinabi sa Quran na buwan ng Ramadhan noong nireveal ang unang verse ng Quran, ang salita ng Diyos na gabay para sa sangkatauhan.  Sa hadith naman sinasaad na tuwing ramadhan, bukas ang mga gate ng paraiso.  May isang gate doon, ang Al-Raiyan, na sa araw ng paghuhukom ay magpapasok lamang ng mga nag-aayuno noong buhay pa sila.  Ang implikasyon nito ay habang andito pa sa mundo, at habang buwan ng Ramadhan, mainam na gumawa ng maraming kabutihan dahil ang mga ito ay nagmu-multiply ng 10 times sa reward.  Habang ang mga nagdadasal naman nang most sincerely and most ardently na sila ay mapatawad, ay patatawarin ng Allah—kahit ano pa man ang kasalanan na iyon.

Ayshia Fernando Kunting, UP Diliman, August 2012.  Kuha ni Xiao Chua.

Ayshia Fernando Kunting, UP Diliman, August 2012. Kuha ni Xiao Chua.

  1.  Paano isinasagawa ang pag-aayuno tuwing Ramadhan?

Ang pag-aayuno ay hindi simpleng pag-iwas o paggutom sa sarili mula 4:30 ng umaga hanggang 6 ng gabi sa loob ng isang buwan. Bukod sa pag-iwas sa pagkain, kasama dito ang pag-iwas sa lahat ng masasama: salita, gawa, at isip.  Lahat ng nasa edad na ng “puberty” babae o lalaki man ay kailangang mag-ayuno; maliban na lamang sa mga may sakit, nasa byahe, o mga babaeng may dalaw.  Ngunit kailangan pa rin nilang mag-ayuno pagkatapos ng ramadhan bilang kabayaran.

  1.  Liban sa espituwal na aspekto, mayroon bang ibang dimensyon ang Ramadhan?

Sa pisikal, natutulungan ng pag-aayuno ang katawan ng tao upang luminis naman ito at magkaroon ng pahinga ang “digestive system” mula sa isang taon na halos walang tigil sa pagkain at kung ano-anong kinakain.  Nililinis natin ang ating katawan sa pamamamgitan ng pagbabawas (moderate) ng ating mga kinakain.  Hindi tama na nagtiis ng gutom buong araw at magpipiyesta naman pagdating ng sunset.  Kinakailanganang normal pa rin ang dami/kaunti ng isang meal.
Sa panlipunan naman, sa pagsagawa ng pag-aayuno ay magbibigay ng kapantayan sa mayaman at mahirap.  Tuwing Ramadhan, nararanasan ng lahat ng Muslim ang pagkagutom kahit pa sila ay mayaman.  Kayang kaya niyang bumili ng pagkain ngunit pinipigilan siya ng pag-aayuno.  Dito niya mararamdaman ang gutom—na halos hindi niya nararamdaman sa pang-araw araw niya.  Kaya’t ang objective din ng pag-aayuno ay ang marealize ng mga mayayaman na wala silang pinagkaiba sa mahihirap at na si Allah ang nagtatakda ng mga blessings sa natatamasa nila. kapag nag-aayuno nang taos-puso ang isang muslim lalo na ang mayaman, siya ay magiging mapagkumbaba at magkakaroon ng affection sa mahihirap o less fortunate na kagaya niya dahil naiintindihan na niya na kung wala ang biyaya ni Allah, wala rin siya sa kganoong katayuan.  Bukod sa pagpapakumbaba, dapat rin siyang maging matulungin sa kapwa at maging grateful sa tinatamasa niya.

Kung ang Ramadhan ay panahon na malinis ang katawan, higit na mahalagang banggitin na ito ay panahon ng paglilinis ng isip, salita, at gawa—o spiritual cleansing.  Panahon ito na maalala ng Muslim ang Allah, ang Kanyang patuloy na paggabay, at ang Kanyanh hindi mabilang na mga biyaya sa sangkatauhan.

  1. E paano niyo naman ipinagdiriwang ang pagtatapos ng Ramadhan, o ang Eid?

Pagkatapos ng buwan ng Ramadhan, nasa hadith na dapat ay magtipon ang mga Muslim para magdasal bandang 7 ng umaga.  Nasa hadith na dapat ay gawin ito sa isang lugar ba bukas (open field) at para sa isang area, iisa lamang ang lugar ng pagdadasalan.  Para hindi magkaroon ng “watak watak” at iisa ang damdamin ng mga muslim.  Pagkatapos ng maikling pagdarasal ay magkakaroon ng maikling sermon.  Dito sa Zamboanga, sa granstand ginanap ang pagdarasal kani-kanina lamang at ang sermon ay tungkol sa pagwawasasak sa arrogance natin laban sa kapwa/kapatid dahil pakiramdam natin ay nakatataas na tayo sa kanila.  Dapat laging tandaan na tayo ay magkakapantay-pantay.

Piging para sa Eid

Piging para sa Eid

  1. E ano naman ang masasabi mo na ang Pilipinas ang tanging hindi-Islamikong bansa sa mundo na ginawang holiday ang mga Eid?

Nakakatuwa ito na kinikilala na ang mga Muslim sa bansa, na hindi na binabalewala at minimisunderstand ang mga islamic practice.  Natutuwa rin ako na may mga programa na rin na naghahangand maipaliwanag sa bansa ang kagandahan ng mga katuruang Islamiko.  Nakakataba ito ng puso at nakakaluha na rin na sa wakas, unti-unti na kaming nauunawaan at natatanggap.

  1. Ang ginawang holiday ng estado ay August 9, 2013 para sa Eid ngunit bakit ngayon pa lamang August 8 ay nagdiriwang na kayo?  Bakit ang gulo ata ng kalendaryo niyo? LOL

Sa kabila ng mga advancement sa science at ang “accurate” na pagtakda ng araw ng eid, katuruan pa rin sa Islam na kailangang abangan ang crescent moon sa gabi upang malaman kung simula/tapos na ba ang Ramadhan.  Para sa akin, isa ito sa mga biyaya/awa ng Allah sa sangakatauhan na paalalahanan tayo na kahit tayo ay hitik na sa teknolohiya at napakatatalino.  Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama tayo.  Ang talino natin, ang progreso ay biyaya lahat ng Allah.  Na Siya lamang ang nakaaalam ng patungkol sa lahat ng bagay na nilikha Niya.

  1. Sa tuwing Ramadhan lamang ba dapat nag-aayuno ang mga Muslim?

Ang pag-aayuno sa Ramadhan at pagwawakas nito sa pamamagitan ng pagcecelebrate ng Eid al-Fitr, ay hindi nagtatapos doon.  Sabi sa hadith, ang pinakamagandang pag-aayuno ay ang pag-ayuno ng Propeta David.  Paano ba siya nag-ayuno?  Siya ay nag-aayuno sa alternate days sa buong taon!  Ang ibig sabihin nito ay hindi nagtatapos ang paglilinis sa sarili sa pagtatapos ng Ramadhan, ang buwan na ito ay parang “check point” lamang upang paalalahanan ang sangkatauhan na kailangang kilalanin si Allah, ang Kanyang paggabay, at pagbiyaya sa buong taon.

EID MUBARAK SA LAHAT NG MGA KAPATID NATING MUSLIM-xiao chua