XIAO TIME, 19 July 2013: KASAYSAYAN NG STATE OF THE NATION ADDRESS
by xiaochua
Text of the broadcast of the news segment Xiao Time, the three-minute history documentaries at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

The Congress during the State of the Nation Address of President Benigno Aquino, III. Mula sa malacanang.gov.ph. From malacanang.gov.ph.
19 July 2013, Friday:
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa July 22, 2013, ibabahagi ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang ika-apat na talumpati ukol sa kalagayan ng bansa o State of the Nation Address. Noong 2009, isang pangunahing pahayagan ang naglathala ng isang artikulo ukol sa kasaysayan ng State of the Nation Address at sinabi nito na ang unang manipestasyon ng SONA ay ang tinawag nilang “State of the Katipunan Address” o SOKA na ibinahagi ni Supremo Andres Bonifacio bilang pangulo ng pamahalaang mapanghimagsik noong Tejeros Convention na umagaw sa kanyang puwesto noong March 22, 1897. Lumaganap ang impormasyon na ito sa internet, tradisyunal na media at maging sa mga billboard sa paaralan.
SOKA??? Kaloka. Liban sa katunog ito ng SOCO, walang record na nagsuka, este, nagtalumpati si Bonifacio ukol sa kalagayan ng Katipunan sa kapulungan na iyon. Salamat kay Undersecretary Manolo Quezon, tinama niya gamit ang mga historikal na batis sa kanyang mga sulatin ang kasaysayan ng napakahalagang taunang kaganapang ito. Ang terminong “State of the Nation” ay hiniram sa ulat na “The State of the Union” na binibigkas ng Pangulo ng Estados Unidos ng Amerika sa kanyang kongreso.

Si Xiao Chua kasama sina Undersecretary Manuel Quezon, III (ikatlo mula sa kaliwa), kasama sina Dr. Evelyn Songco at Dr. Cesar Pobre, mga dating pangulo ng Kapisanang Pagkasaysayan ng Pilipinas, Tejeros Hall, AFP Commissioned Officers Club, Camp Aguinaldo, March 2011. Mula sa Sinupan ng Aklatang Xiao Chua.

The Joint Session of Congress listening to Barack Obama’s State of the Union Address. From whitehouse.gov.
Sa 1935 constitution nasasaad na isa sa tungkulin ng Pangulo ng Pilipinas “from time to time” ay ang pagbibigay ng ulat ukol sa “State of the Nation,” at una itong isinakatuparan ni Pangulong Manuel Quezon noong November 25, 1935 sa harapan ng Pambansang Asembleya. Tanging si Pangulong Elipidio Quirino lamang ang nag-SONA na wala sa kongreso. Noong January 23, 1950, ang maysakit na Quirino ay iniradyo na lamang ang kanyang SONA sa kongreso mula sa John Hopkins Hospital sa Baltimore.

Fom gov.ph: President Manuel L. Quezon delivers his 1940 message to the National Assembly in front of its Speaker Jose Yulo and United States High Commissioner Francis B. Sayre.

From tumblr.malacanang.gov.ph: President Manuel Roxas, as he delivers his first State of the Nation Address, on June 3, 1946.
Si Pangulong Ferdinand Marcos, liban sa may hawak na record na pinakamaraming SONA na naibigay—20, ang nagbigay rin ng pinakamahabang SONA noong 1969, 29,335 words, isang libro!
Noong January 26, 1970, nagkaroon ang malaking rally ang mga kabataan sa harapan mismo ng Kongreso at matapos na magtalumpati ang Pangulong Ferdinand Marcos, pinaulanan siya ng bato. At dito nagkaroon tayo ng dalawang SONA, ang SONA ng pangulo at ang tinatawag na “SONA ng Bayan” na nagpapakita ng dalawang mukha ng bayan, ang mga tagumpay at kabiguan ng pamahalaan.

Ang mga binti ni Prop. Judy Taguiwalo at patuloy na hinampas ng mga awtoridad. Mula sa Militant But Groovy.

Xiao Chua with UP ALYANSA, participating during the protests for the last SONA of President Gloria Macapagal-Arroyo, 2009. Photo by Marlon Cornelio.
Natigil ang SONA nang iproklama ni Marcos ang Martial Law noong 1972 at napalitan ito ng Ulat sa Bayan tuwing Thanksgiving Day o Anibersaryo ng Martial Law, September 21 hanggang ibalik niya muli ang praktis ng SONA noong 1978 at mula noon sa Batasang Pambansa na ito ginawa.

From gov.ph: President Ferdinand E. Marcos delivering the 1972 SONA in the Legislative Building in Manila (Ang huling SONA bago ang Batas Militar).

Si Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang SONA sa harapan ng Batasang Pambansa. Mula sa The New Republic.
Mahalaga ang unang SONA ng Pangulong Noynoy Aquino noong 2010 sapagkat ito ang unang SONA na ibinahagi halos sa Wikang Pambansa. Sa wakas, may nakaisip na dapat nakikipag-usap ang pangulo hindi lamang sa iilang mga kongresista at mga diplomatiko kundi sa buong bayan. Nasabi ng aking ina, ang sarap palang pakinggan ng SONA kapag naiintindihan mo.
Ang bansa ay parang isang relihiyon din, kailangan nito ng mga ritwal na nagpapaalala sa atin na nasa iisang bangka tayo, na isang bansa tayo anuman ang mangyari sa atin, at ang SONA ang okasyon na kung saan ang pangulo, bilang punong saserdote ng bansa, ay magsasalita. Ang lahat, magkakalaban man at magkakakampi, nagiging isa sa pakikinig. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Jollibee Philcoa, 11 July 2013)
Maraming salaamt po video #183
XIAO TIME, 19 July 2013: KASAYSAYAN NG STATE OF THE NATION ADDRESS
[…] https://xiaochua.net/2013/07/21/xiao-time-19-july-2013-kasaysayan-ng-state-of-the-nation-address/ […]