IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: xiaotime

XIAOTIME 22 November 2012: CAMELOT: JFK, Marcos, Aquino

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 22 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Frame 313 ng rolyo ng film ni Abraham Zapruder na nagpapakita ng eksaktong saglit ng pagkabaril sa ulo ni Pangulong John F. Kennedy, 12:30 pm ng November 22, 1963 sa Dallas, Texas.

22 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=70vxV9q88IA&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa ating mga kaibigan sa Aquino Center na sina Maris Corpuz, Lina Bernardino, Rodel Tubangi at ang curator nilang si Karen Lacsamana-Carrera.  Where were you when Kennedy was shot?  Ito ang laging tinatanong ng mga Amerikano sa kanilang sarili upang alalahanin ang mga nangyari 49 years ago, ngayong araw, November 22, 1963 sa oras na 12:30 pm sa Dallas, Texas, Estados Unidos.  Nasa motorcade noon si President John F. Kennedy o JFK kasama ang kanyang maybahay na si Jackie nang dalawang bala kumitil sa buhay ng pangulo, ang isa sa bandang likuran at ang huli naman ay sa ulo.

JFK: Busy in bed, but also in Berlin.

Si JFK ang pinakabatang nahalal na pangulo at dating war hero kaya sinalamin niya ang dinamismo ng kanyang panahon at ang magagawa ng bagong henerasyon ng mga Amerikano.  Well lumabas na ngayon na isa siyang babaero, ngunit ika nga, he was busy in bed, but also in Berlin.  Ang Berlin Wall ang sumalamin sa pagkakaalipin ng isang bahagi ng Europa mula sa mga diktadurang komunista.  Mahinahon niyang napigil ang maaaring naging katapusan ng mundo sa loob ng 13 days sa kanyang pakikipagnegosasyon sa mga Komunistang Sobyet noong Cuban Missile Crisis ng 1962.  Gayundin, maaga pa lamang itinaguyod na niya ang civil rights ng mga Aprikanong-Amerikano at inudyok ang pamahalaan niya na sa katapusan ng Dekada 1960 ay makapagpadala ng tao sa buwan.  Nang mamatay si JFK, kinapanayam ang glamorosang si Jackie Kennedy ni Theodore White at kanyang binanggit ang kanta mula sa isang Broadway musical, ang “Camelot,” upang ipaalala ang administrasyon ng kanyang asawa “Don’t let it be forgot, that once there was a spot, for one brief shining moment that was Camelot.”  Maging sa Pilipinas umalingawngaw ang “Camelot,” sa salaming cabinet ng lola ko, lumaki akong nakikita ang larawan ng pamilya Kennedy.

Philippine Camelot: Ang pamilya Marcos noong unang pagpapasinaya, December 30, 1965.

Tatlong taon matapos ang kamatayan ni JFK, tila nagkaroon din tayo ng Philippine Camelot, nang ang Pangulong Marcos ay mahalal kasama ng kanyang glamorosang asawa at mga batang anak, war hero pa!  Ngunit ang mga Aquino rin ay maituturing na dinastiyang minahal ng tao tulad ng mga Kennedy.  Ang trahedya ni JFK ay nangyari din sa kabayanihan at unsolved murder ni Ninoy Aquino noong 1983.  Sa Tuesday, November 27, ipagdiriwang ang 80th birthday ni Ninoy, NINOY@80!

Kennedy Presidential Library and Museum

The Aquino Center sa San Miguel, Tarlac City. Kung dadaan ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), lumabas sa Hacienda Luisita Exit.

Ang Kennedy Presidential Library and Museum ang isa sa naging inspirasyon ng Aquino Center, isang modernong museo sa San Miguel, Tarlac City na nagkukuwento ng naging karanasan ng mag-asawang Ninoy at Cory Aquino bilang mga pinuno ng bayan.  Dito makikita ang pader ng kulungan ni Ninoy kung saan tinaras niya ang mga araw ng kanyang pagkapiit, ang mga gamit ni Ninoy nang mabaril at ang mga duguang damit niya na patuloy na ipinasuot ng kanyang inang si Doña Aurora noong burol, “Let them see what they did to my son.

“I want them to see what they did to my son…” (Orihinal na poster mula sa Sinupang Xiao Chua, sa kagandahang loob ni G. Linggoy Alcuaz)

Ang mga state gifts ng mga world leaders kay Pangulong Cory na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kanya ng daidig at ang iconic niyang simpleng damit nang manumpa na pangulo.

Simpleng dilaw na damit ni Tita Cory pero maganda ang burda hahaha. Ginamit niya ito noong kanyang pagpapasinaya bilang pangulo ng Pilipinas, 25 Pebrero 1986 sa Club Filipino. Makikita ang damit ngayon sa Aquino Center sa Tarlac.

Halina’t bisitahin ang Aquino Center at nang makilala ang dalawang icon na tulad ni JFK ay nag-ambag ng pagsulong ng demokrasyang pandaigdig.  Ang People Power natin ay naging inspirasyon ng pagkalaya mula sa komunismo ng Europa at ng pagbagsak ng Berlin Wall.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

XIAOTIME 21 November 2012: TARLAC, KABISERA NG UNANG REPUBLIKA

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 21 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Altar-Mayor ng Katedral ng Tarlac na may estatwa ni Apung Basti (San Sebastian),1930s. Ito ang sayt ng pagpapatuloy ng Kongreso ng Unang Republika ng Pilipinas, 1899.

21 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=wK9lWmQHAys&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Pinababatid ng Pamahalaang Panlungsod ng Tarlac at nina Cloydy Manlutac at Dong Bautista:  Magsaya, kumita at bumili para sa tuloy-tuloy na sigla!  May tiangge sa plazuela ng Tarlac City hanggang December 8!  Lingid sa kaalaman ng marami, ang aking bayang sinilangan, ang Tarlac, Tarlac ay hindi lamang bahagi ng walong sinag ng araw sa ating bandila ng mga unang umaban sa mga Espanyol, naging kabisera din ito ng Republika ng Pilipinas mula June 21, 1899.  113 years ago noong isang linggo, November 12, 1899, bumagsak ang kabiserang ito nang sakupin ng mga Amerikano ang bayan.  Bagama’t hindi gaanong nababanggit, ang pananatili ng Unang Konstitusyunal na Republika sa Asya sa Tarlac ay hindi lamang dapat maging isang “footnote” sa ating kasaysayan, sapagkat dito, maraming nangyaring mahalaga.  Matapos masakop ng mga Amerikano ang kabisera ng Republika sa Malolos, muling nagpulong ang Kongreso sa Katedral ng San Sebastian sa Tarlac noong July 14, 1899.

Katedral ng San Sebastian sa Tarlac, Tarlac (ngayo’y lungsod) sa panahon ng Unang Republika, 1899.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pakikipagbakbakan ng sa mga Amerikano, patuloy na gumawa ng batas ang Kongreso na ayon sa constitutional historian na si Sulpicio Guevarra, “[they] marvelously succeeded in producing order out of chaos.”  Ilan sa isinabatas nila ang mga butaw para sa pagkakasal, ang pagbabawal sa mga barkong nagpapalipad ng bandilang Amerikano, ang pagpapatala ng mga dayuhan, ang pagtatatag ng Korte Suprema at mga hukuman, ang promulgasyon ng General Orders ng Hukbong Katihan o Army.  Sa Tarlac rin itinatag ang Bureau of Paper Money kung saan sa palimbagan ni Zacarias Fajardo inilimbag ang mga mamiso, dos, cinco at beinte pesos.  Sa Gerona, Tarlac naman ginawa ang mga barya sa  Smith, Bell, & Co.

Ang mga perang papel at barya na inilibas ng Unang republika sa Tarlac.

Noong June 30, 1899 binigyan ng amnestiya ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora at tinawag na mga “amigos” na nagpapatunay hindi lamang ng tapang ng mga Espanyol kundi ng kabutihan ng mga Pilipino.  Nagpapatunay din ito na ang tunay na nagtagumpay sa himagsikan laban sa mga Espanyol ay tayong mga Pilipino.  Ang araw na ito ay ipinagdiriwang ngayon bilang Philippine-Spanish Friendship Day.

Los Ultimos Filipinos, ang mga huling sundalong Espanyol na sumuko sa Katipunan sa Baler, Aurora na nabigyan ng amnestiya mula sa Unang republika sa Tarlac.

Ang Simbahan ng Baler kung saan nagkuta ang Los Ultimos Filipinos, 1899. Sa mga Espanyol, liban sa Maynila, ang Baler ang naaalala nilang lugar kapag naritinig ang pangalang Pilipinas.

Gayundin, ang unang unibersidad na Pilipino, ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas at ang hayskul na Instituto Burgos mula sa Malolos ayt nagpatuloy sa Kumbento ng Tarlac.  Sa tanging graduation nito noong September 29, 1899, pinirmahan mismo ni Pangulong Aguinaldo ang mga diploma.

Casa Real ng Tarlac, opisina ng panguluhan ni Emilio Aguinaldo, nasa sayt ngayon ng Tarlac State University.

Sa Casa Real ng Tarlac na ngayon ay sayt ng Tarlac State University, nag-opisina si Aguinaldo habang sinusulat ang pinakaunang limbag na tala ukol sa Himagsikan, the True Version of the Philippine Revolution kung saan niya tinuligsa ang mga atrocities o brutalidad ng mga Amerikano sa mga Pilipino.

Ang unang limbag na kwento ng Himagsikan sa perspektibang Pilipino ay isinulat ni Emilio Aguinaldo at isinulat sa Ingles at Espanyol. Maraming mga historyador ang naghinuha na ghost written lamang ito hanggang mahanap ang orihinal sa Tagalog sa sulat kamay ni Aguinaldo.

Ngunit noong November 12, 1899, sa kabila ng pagtatanggol ni Heneral Francisco Makabulos at Heneral Servillano Aquino at ng 400 nilang tauhan, nakuha ni Hen. Arthur MacArthur at ng 3,000 niyang tao ang Tarlac, nagmartsa silang papasok sa bayan, basang-basa sa ulan.

Heneral Francisco Makabulos y Soliman

Heneral Servillano Aquino

Ayon kay Nick Joaquin, sa pagsakop sa Tarlac, “The Republic Had Fallen.”  Tuluyang nahuli si Aguinaldo sa Palanan noong 1901.  Sa pamamagitan ng mga kasaysayang lokal tulad ng mababasa sa bagong aklat na

Kasaysayang Pampook:  Pananaw, Pananaliksik, Pagtuturo ng UP Lipunang Pangkasaysayan, mapapagtanto natin na bawat kwento ng bayan ay mahalaga sa pagbubuo ng isang mas matibay at mapagkaisang pambansang kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 14 November 2012)

XIAOTIME, 20 November 2012: KOLEKSYONG LOPEZ-RIZAL SA DLSU MANILA LIBRARY

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 20 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Isa si Rizal sa mga nagsasayang magkakaibigan dito. Nasaan siya at ano ang kanyang tinutugtog? Basahin sa ibaba?

20 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=DRPtFbGUBbU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang mga pinsan kong sina Carlo at Camille Briones Manlutac na nagdiwang ng kanilang mga kaarawan noong isang linggo.  Sabi nila, marami raw talento ang ating National Hero na si José Rizal, liban sa pag-awit, ngunit may ebidensya bang nagsasabi na mahilig siya sa musika?

Isang silid sa lumang DLSU Manila Library. Kuha ni Xiao Chua.

Ang Aklatan ng Pamantasang De La Salle Maynila ay naglalaman ng 373,081 na mga aklat, maging ang mahahalagang dokumento ng ilang prominenteng mga tao tulad nina Bro. Andrew Gonzales, mga senador Lorenzo Tañada at José Diokno, Peque Gallaga, José Javier Reyes, Doreen Fernandez, historyador na si Zeus A. Salazar at marami pang iba.

Si Zeus Salazar nang idoneyt niya ang kanyang mga papeles sa DLSU Manila Library, kasama sina Ana Maria B. Fresnido at Willian S.A. Frias, ang Library Director at Assistant Director for External Operations kapwa, 30 Agosto 2007.

Gayundin ang mga palayok na ginawa pa ng ating mga ninuno bago dumating ang mga Espanyol.  Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, bahagi ng mga koleksyon nito ang aklatan ni Asuncion Lopez-Bantug.  Huh??? Who’s that Pokemón?

Ang Koleksyong Rizal-Lopez. Kuha ni Xiao Chua

Siya lang naman ang anak ni Dr. Leoncio Lopez-Rizal na pamangkin naman ng ating Pambansang Bayani na si Gat Dr. José Rizal.  Samakatuwid, LOLO talaga niya si Rizal.  Sumali siya sa Commonwealth Biography Contest para kay Rizal at nagwagi pa bilang honorable mention kasama ng tanyag na historyador na si Carlos Quirino.  Sa kakatanong ng mga anak ukol sa kanilang sikat na lolo, inilathala niya sa wakas noon lamang 1982 ang kanyang Lolo José:  An Intimate Portrait of Rizal na hitik sa mga kwento ng pamilya mismo na bumubuhay kay Rizal sa bawat pahina nito.

Asuncion “Siony” Lopez-Bantug

Leoncio Lopez-Rizal

Ang kanyang ama naman na si Dr. Leoncio ay bahagi ng José Rizal National Centennial Commission kaya ang kanyang koleksyon ng mga aklat ukol sa ating mga bayani ay hindi matatawaran lalo na ang isang orihinal na manuskrito ng isang akdang isinali sa patimpalak para sa sentenaryo noong 1961 mula sa isang nagtatago sa pangalang “Aries.”  Ito pala ang “The First Filipino” ng nagwaging awtor at diplomat na si León Ma. Guerrero.

Orihinal na manuskrito ng “The First Filipino” ni Aries

Si “Aries” si Leon Ma. Guerrero

Noong buwan ng 150th birthday ni Rizal itinampok ko sa isang eksibisyon ang mga importanteng aklat ng Lopez-Rizal-Bantug Collection sa DLSU Library na kinabilangan ng isang orihinal na sipi ng ensayklopidyang Historia Universal ni Cesaré Cantu na sinasabing nakuha ng batang si Rizal sa pamamagitan ng panlilinlang sa kanyang ama na kailangan niya ito sa klase.  Marahil ganitong kopya, kung hindi man, ito mismo ang kopyang pagmamay-ari ni Pepe.

“Historia Universal” ni Cesaré Cantu.

Bahagi ng koleksyong Bantu gang ilang alaala mula sa pamilya Rizal lalo na ang isang flute na pagmamay-ari mismo ni Rizal!  Si Rizal ay nagtangkang mag-compose ng ilang awitin tulad ng “Canto del Viajero,” “Canto Patriotico de Maria Clara” at “Himno a Talisay.”  Sa isang larawan makikita si Rizal na tila nagsasaya kasama ng kanyang naka-cosplay na barkada, nakasumbrero ng Romanong sundalo at nagpaplawta.  Ang koleksyon at ang buong aklatan ay ililipat na sa bago nitong lokasyon sa Henry Sy Sr. Hall ng DLSU Manila.  Ebidensya ang plawta sa Koleksyong Lopez-Rizal-Bantug na si Rizal ay hindi lamang isang matigas na mukha sa piso kundi taong-tao na marunong magsaya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(The Library, DLSU Manila, 14 November 2012)

Ang bagong Henry Sy, Sr. Centennial Hall ng DLSU Manila

XIAOTIME, 19 November 2012: Istorya sa Likod ng MANILA FILM CENTER

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pagguho ng Manila Film Center, 17 November 1981, kuha ng GMA News

19 November 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=JkITPw4SYxw&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  31 years ago noong Sabado, November 17, 1981, bandang alas tres ng madaling araw, nang gumuho ang ginagawang Manila Film Center na proyekto ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.  Sinasabing hanggang ngayon marami pa rin daw na katawan na nakalibing doon at nagmumulto sila?  Huh?

Sino kaya ang nagsulat ng mga nakasulat sa pader ng hindi napupuntahang bahagi ng Manila Film Center, at kaninong anino ito? Kay Howie Severino, sa kanyang dokumentaryong “Multo ng Nakaraan.”

Liwanagin natin.  Noong 1981, hiniraya ni Gng Marcos na magkaroon ng isang sinupan na mag-iingat ng mga pelikula sa Pilipinas at magtataguyod din ng masining na paggawa nito.  Si Arkitekto Froilan Hong ang nagdisenyo nito na inspired ng Parthenon sa Athens, Greece at nagkakahalaga ng tinatayang Php 200 Milyon.

Parthenon sa Atenas, Gresya

Sinasabing nais ni Gng. Marcos na maging “Cannes of Asia” ang Maynila at ninais raw niya na maglagay ng white sand sa bahagi ng CCP Complex upang makumpleto ang ilusyon.  Araw-gabi na trabaho upang madaliin ang gusali para umabot sa pagbubukas ng Manila International Film Festival o MIFF noong January 18, 1982.  Hindi pa gaanong natutuyo ang semento, naglalagay muli ng bagong palapag ang mga trabahador.

Noong madaling araw ng November 17 1981, gumuho ang bandang bubungan ng tinatayong gusali, natabunan ng sementong madaling matuyo maging ang ilang mga bata dahil may mga pamilya pala na nakatira doon.  Kinordunan ang eksena at maging ang mga ambulansya at nakapasok lamang matapos ang siyam na oras.

Sinasabing ang supervisor ng proyekto ay nag-utos “pour the cement” sa bangkay ng mga biktima at kahit ang mga hindi mabunot ay lagariin na lamang dahil ayaw maantala ng Unang Ginang ang pagpapatayo ng gusali.  Ayon sa opisyal na tala na lumabas sa mga dyaryong kontrolado ng rehimen, 25 lang ang namatay kabilang ang isang inhinyero, na si Benigno G. Aquino.  Hanep ang nilabas pang pangalan kapangalan pa ng kalaban ni Pangulong Marcos!  Ayon kay Gng. Marcos mismo, “…may nabaon na ilang taon doon, pero hindi totoo na meron kaming iniwan na patay d’yan.  Yan naman Diyos ang may alam.  Maski natin hukayin piece by piece, stone by stone d’yan, ni isang buto ng tao wala d’yan naiwan.  Totoo ‘yan.  I will never do that.”  Ang tunay na taya ay 168 ang nasawi, ang mga katawan ng marami sa mga ito ay sinunog sa tabing-dagat.  Matapos ang trahedya, hinarang ni Prime Minister Cesar Virata ang pagpapalabas ng karagdagang $ 5 Milyong pondo para sa MIFF.  Trenta minutos bago ang inaugural program naglalagay pa rin ng mga silya.  Ang mga damo ay kinulayan ng berde na dumikit naman sa gowns ng mga bisita.  Sa sumunod na taon 1983, flopchina na ang MIFF kaya pinayagan na rin ang mga experimental films o mga pelikulang hubaran.  Nakilala ang MIFF bilang Manila International Fighting Fish, Fighting Fish ay kolokyal na ekspresyon para sa torohan noon.  Pero in fairness maaari ngang totoo ang sinasabing wala ngang naiwan na patay doon.  Nang ilabas ni Howie Severino ang dokumentaryo niya ukol sa trahedya, “Multo ng Nakaraan” noong 2005, nanawagan siya para sa mga taong may kamag-anak pa na nabaon sa Film Center, walang tumugon.  Wala rin naming nagtitirik ng bulaklak doon tuwing Todos Los Santos.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 14 November 2012)

XIAOTIME, 14 November 2012: KABATAAN ANG GAGAWA NG KASAYSAYAN

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 14 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

14 November 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=_im1rsC0SPQ&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ang episode na ito sa aking kaibigan at housemate na si Joshua Duldulao.  Sa December 17, 2012, inanyayahan niya akong maging tagapagsalita para sa paksang “Learning from Our Heroes” na isa sa magbubukas sa National Youth Development Summit o N-Y-D-S ng Kaakbay Youth Development Initiatives na gaganapin sa Silliman University sa Dumaguete City na may temang “Reclaiming the past, imagineering the future.”  Magiging kasama kong tagapagsalita sina Tony Meloto, Liling Briones, Etta Rosales, Erin Tañada, Anna Oposa, Bam Aquino, Juana Change, Sherwin Gatchalian at marami pang iba at tatalakayin dito ang apat na pangunahing mga isyu:  Accountability in Public Finance, Environmental Accountability, Idealism, at Nationalism.  Sinasabing ito ang “most holistic youth development conference in the Philippines yet.”  Ito po ay endorsado na ng DILG para sa mga SK leaders, ng DepEd at ng CHED.  Para sa karagdagang impormasyon, puntahan ang http://www.nydsph.org.  Magkita-kita po tayo doon.  Pero nasaan na nga ba tayong kabataan na sinasabi ni Rizal na pag-asa ng bayan.  Wala daw tayong pakialam, wala daw tayong inatupag kundi ang pagkahumaling sa kulturang kanluranin at sa kanilang mga video games.

Si Rizal, obra maestra ni RC Mananquil

Sa kanyang El Filibusterismo tila kinakausap pa rin tayo ng ating National Hero, “A, kayong kayo bago pa man dumating ang inyong kamatayan!”  Bahagi ng aking talk ang pagpapakita mga kabataan! Nanaginip pa rin kayo! …Gusto n’yong maging mga Kastila din kayo, pero hindi n’yo nakikitang ang pinapatay n’yo ay ang inyong pagkabansa! Ano ang inyong magiging kinabukasan? Isang bansang walang pagkatao at kalayaan? Lahat sa inyo ay hiniram, pati na ang inyong mga depekto. Mamamatay ng mga patunay na hindi hadlang ang pagiging kabataan upang paglingkuran ang bayan.  Huh???  Paano maglilingkod, e bata pa, wala pang kapangyarihan, wala pang kayamanan?  Paano???  Liwanagin natin.  137 years ago ngayong araw, November 14, 1875, isinilang si Gregorio del Pilar sa San José, Bulacan.  Nang ipagtanggol niya ang Republika ng Pilipinas mula sa mga Amerikano sa Tirad Pass, Ilocos Sur noong December 2, 1899, ang kanyang edad:  24 years old.

Gregorio del Pilar

Nang ipalimbag ni Rizal ang kanyang unang nobela, ang Noli Me Tangere na naglantad ng mga pang-aabuso ng kolonyal na sistema, ang kanyang edad:  26 years old.  Nang isulat ni Emilio Jacinto ang Kartilya ng Katipunan na naging batas at doktrina ng mga Anak ng Bayan, ang kanyang edad: 18 years old.

Emilio Jacinto

Nang binusalan ang malayang media sa panahon ng diktadura, ang Philippine Collegian na pinamatnugutan ni Abraham “Ditto” Sarmiento, Jr. ang naglabas ng katotohanan.

35 years ago rin ngayong araw na ito, November 14, 1977, namatay si Ditto sa edad na 27 years old sa sakit sa puso, epekto ng kanyang pagkakakulong ng ilang buwan sa mga kampo militar noong 1976.

Inuudyukan tayong mga kabataan ng ating mga bayani na gamitin ang ating talento at hilig upang ma-inspire din ang iba pa na paglingkuran ang sambayanan, tulad ng iniwang mga bilin sa atin ni Ditto, “Kung hindi tayo kikibo, sino ang kikibo?  Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos?  Kung hindi ngayon, kalian pa?”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)

XIAOTIME, 13 November 2012: ANG HALAGA NG PAGKAKAROON NG PAMBANSANG WIKA

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 13 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang tanggapan ng Surian ng Wikang Pambansa sa Maynila noong Dekada 1950. Larawan mula sa SIL Philippines.

13 November 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=IWhcOF9Rni4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  76 years ago ngayon, November 13, 1936, itinatag ang Institute of National Language of the Philippines.  Ano ba ang halaga na may pambansang wika tayo?  Madalas kong makita mga karatula sa mga paaralan ngayon na ipinagmamalaki na “This is an English-Speaking Zone.”

Si Joel Costa Malabanan, kompositor ng “Speak in English Zone” : “Ang bayan ko ay Speak in English Zone / Alipin kami noon hanggang ngayon / Ang pagbabago ang tanging solusyon / Durugin ang kolonyal na edukasyon!”

Diumano upang tayo ay maging “globally-competitive,” ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang polisiya na halos lahat ng asignatura ay dapat itinuturo sa Ingles.  Dito, kapag ikaw ay nagsasalita sa Ingles, kahit wala namang laman ang sinasabi mo, ang tingin sa iyo ay matalino.  Sa isang mamahaling kolehiyo aming nakita minsan ni Dr. Zeus Salazar, “English is the language of leaders.”

Sabi niya, “Bakit?  Si Napoleon ba iningles ang mga Pranses?  Si Mao ba iningles ang mga Tsino?”  Kahit marami ngayon ang “wrong grammar” sa paggamit ng Ingles, ipinagmamalaki natin na mas marami pa ring nagsasalita ng Ingles dito sa Pilipinas kaysa sa Inglatera.  Kung totoo ito, bakit tila hindi tayo mga pinuno sa daigdig?  Bakit tayo naghihirap?  Bakit walang sapat na marangal na trabaho sa bansa na kinakailangan na matuto tayo ng Ingles upang magsilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan sa mga kasambahay, nars at caregiver at tagasagot ng telepono?  Bakit ang Hapon, Tsina, Europa ay mayaman kahit na maging ang mga CEO ng kanilang mga kumpanya ay bobo sa Ingles?  Sapagkat ang biyaya ng edukasyon, ekonomiya at pulitika dito sa Pilipinas ay nananatili lamang sa mga marunong mag-Ingles.  Ang may kontrol sa wika ay may bahagi sa kapangyarihan.  Maraming dahilan kung bakit tayo mahirap, ngunit hindi ba’t kabilang dito ang katotohanang hindi talaga makasawsaw ang mas nakararami sa mga isyu ng pagkabansa?  It’s the language… .  Samahan niyo ako mag-imagine:  Sa kabila ng iba’t ibang wika na nakapaloob sa Kapilipinuhan, tayo ay nagkakaintindihan sa isang wika na mula sa ating kapuluan.  Ayon kay Dr. Salazar, “Gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, …pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa.  Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang ‘code’—ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali.  Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.”  Imbes na sa Ingles lamang nakalimbag ang Harry Potter o Twilight saga, ito ay isinasalin sa wikang mababasa na rin ng mas nakararaming Pilipino; na naglilimbag na tayo ng mga aklat ukol sa pilosopiya, quantum physics o quantum mechanics sa ating sariling wika; Na sa sistemang legal sa Pilipinas hindi na naagrabyado sa kaso ang mga mahihirap dahil wala silang maintindihan; Na naisasama na ang mahihirap sa biyaya ng ating ekonomiya dahil naiintindihan na nila ito; Na unti-unting nabubuo ang ating bansa dahil “nag-uusap tayo,” tulad ng sinasabi ni Boy Abunda, ukol sa ating sariling kasaysayan at karanasan, natutuklasan natin ang ating sariling lakas, at sa pagkakaintindihan nabubuo ang respeto sa isa’t isa, na nagbubunsod ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.  Hindi ba napakaganda ng bansa natin kung ganoon?  Kailangan magkaintindihan muna tayo at makilala ang ating sarili bilang bayan bago tayo makaharap sa iba.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Manila, 8 November 2012)

XIAO TIME, 12 November 2012 / 8 January 2014: ANG TAGUMPAY SA LABANAN SA BINAKAYAN

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 12 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang Labanan sa Binakayan, diorama na nasa Dambana ng Kasarinlan, Dambanang Pangkasaysayang Emilio Aguinaldo, Kawit, Cavite.

12 November 2012 / 8 January 2014:  http://www.youtube.com/watch?v=JScdpPxzLmY

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  116 years ago kahapon, November 11, 1896, nang magtagumpay ang Katipunan sa Battle of Binakayan sa Kawit, Cavite laban sa mga Espanyol.  Ito ang itinuturing na isa sa unang malaking tagumpay ng himagsikan laban sa mananakop at pinangunahan ito ni Heneral Emilio Aguinaldo.  Paano nangyari ito?  November 8, 1896, dumating sa mga dalampasigan ng Binakayan ang isang batalyon ng mga sundalong Espanyol na may mga suportang kanyon at nakubkob ang mga kuta ng mga rebolusyunaryo kinabukasan.  Dadalawang pulutong lamang sila ngunit kahit na nakuha na ang kanilang trintsera, hindi sila tumigil.

Monumento ni Candido Tria Tirona, mula kay Dr. Isagani Medina

Kagagaling lamang noon sa Labanan sa Talisay, Batangas ni Heneral Candido Tria Tirona nang samahan sila at mapasabak ulit sa labanan sa Binakayan alas-cuatro y media ng hapon noong araw na iyon.  Subalit napagod sila at nagsipagpahinga.  Kinabukasan, dumating ang tropa ni Heneral Crispulo Aguinaldo at sabay-sabay na nilang inatake ang napakalaking pwersang Espanyol.

Crispulo Aguinaldo, mula kay Dr. Isagani Medina

Nang matapos ang labanan, 600 na mga bangkay ang natagpuan, tinatayang 500 ang namatay sa mga pwersa ng Espanyol kabilang na ang isang komandante, isang kapitan, ang hepe ng marine infantry, at anim na tinyente.  Nakuha nila ang 26 na bihag, 200 mga baril na Mauser at Remington, ilang kanyon, mga gamit pang-inhinyero, daang-daang probisyon at supplies, at libo-libong mga bala.  Sa kasamaang palad, si Hen. Candido Tria Tirona, na nagpapahinga sa ilalim ng isang puno, ay natiyempuhan ng isang Espanyol na sinaksak siya sa ulo, patay.

Monumento para sa Labanan sa Binakayan sa harapan ng Island Cove Resort sa Kawit, Cavite.

Sa katotohanan, may kasabay na tagumpay ang labanan sa Binakayan na hindi gaanong nababanggit, ang labanan sa Dalahican, Noveleta, may anim na kilometro mula Binakayan.  Nabawi ang mga kutang rebolusyunaryo sa pamumuno ng mga Magdiwang na sina Heneral Santiago at Pascual Alvarez, Heneral Artemio Ricarte, Heneral Mariano Riego de Dios at Henerala Gregoria Montoya, na sa kasamaang palad ay namatay din sa labanang iyon.

Detalye ng monumento para sa Labanan ng Binakayan, Kawit, Cavite.

Ito ang pinakamalaking pagkabigo na nalasap ni Gobernador Heneral Ramon Blanco na mismong nanguna sa laban.  Naging sikreto ng mga taga-Kabite noon ang mga Western-style na mga trenches na itinatag ng inihinyerong nag-aral sa Belgium na si Edilberto Evangelista.

“Governor Blanco and His Troops” ni Felix Martinez, 1895. Nakasabit sa Pambansang Sinupan ng Sining ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Sa kasamaang palad nang lumusob ang mga bagong pwersang Espanyol, ang marami ay pinabalik ng Maynila mula sa pakikipagbakbakan sa mga Moro, ang mga trintserang nagpanalo sa Cavite ay makukubkob din sa mga susunod na mga buwan dahil madaling palibutan ang mga ito, kabisado ang istilo at nagamit pa ng mga Espanyol.

Ang mga trintserang itinatag ng mga taga-Cavite na gamit-gamit ng mga Amerikano, mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Ngunit ang Labanan sa Binakayan ang nagbigay ng status noon kay Heneral Aguinaldo bilang buhay na alamat at magaling na pinuno na nauna nang nagtagumpay at nakuha pa ang espada ni Heneral Ernesto de Aguirre, chief of the general staff ng pwersang Espanyol sa Pilipinas sa Labanan sa Imus noong September 3, 1896, isang espada na gawa sa Toledo, Spain noong 1869, ang taon ng kanyang kapanganakan.

Heneral Ernesto de Aguirre, mula kay Dr. Isagani Medina

Emilio Aguinaldo at ang espada ni Hen. Aguirre, mula sa Philippines Free Press.

Nagpatunay din ito sa tapang at galing ng mga anak ng bayan noong Himagsikan.  Ito ang dapat nating sariwain.  Kasi naman, kadalasan kasi, mas naaalala pa natin ang ating mga pagkatalo.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 7 November 2012)

XIAOTIME, 9 November 2012: TEODORO AGONCILLO CENTENNIAL

Broadcast of Xiaotime news segment today, 9 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teodoro Agoncillo, “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas” sa kanyang pagreretiro. Mula sa Kasaysayan 1, dyornal ng Departamento ng Kasaysayan na inedit ni Dr.Zeus A. Salazar.

9 November 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=CpWS1CA3rJc&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang segment na ito sa aking ama na si Charles Chua.  Happy birthday, dad.  Ito ay tungkol din sa isang itinuturing na ama ng maraming historyador.  100 years ago ngayon, November 9, 1912, isinilang sa Lemery, Batangas si Teodoro Andal Agoncillo.  Kilala natin siya na senior author ng isa sa pinakapopular na teksbuk sa nakalipas na limang dekada, ang History of the Filipino People na malamang sa malamang nagamit natin noong tayo ay nag-aaral pa.  Nagtapos siya ng BA at MA sa Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas.  Ngunit marahil, kaya naging popular na historyador ay dahil sa galing ng kanyang panulat.  Bago kasi siya nagturo sa UP ay nagtrabaho muna siya sa Surian ng Wikang Pambansa, kilala sa kanyang mga tula at kwento.

Si Ser Agô noong kanyang kabataan. Larawan mula sa “Bahaghari’t Bulalakaw: Katipunan Ng Mga Sanaysay at Mga Pag-Aaral” ni Teodoro Agoncillo

Isa sa kanyang mga tula ay ang “Republikang Basahan” na isinulat noong panahon ng mga Hapones:  “Republika baga itong busabos ka ng dayuhan, ang tingin sa tanikala’y busilak na kalayaan?  Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi, ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?”

Mula sa Koleksyon ni Prop. Dante Ambrosio sa kamay ng Xiao Chua Archives.

Nagwagi siya ng unang gantimpala sa Paligsahan ng Republika ukol kay Andres Bonifacio noong 1948 para sa kanyang obra maestrang The Revolt of the Masses:  The Story of Bonifacio and the Katipunan.  Dahil sa kanyang mga aklat ukol sa Rebolusyong Pilipino at panahon ng mga Hapones sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, walang nais na magturo ng mga subject na ito sa Unibersidad ng Pilipinas kahit wala siyang doktorado.  Sabi niya kay Ambeth Ocampo, “Sinong magtuturo sa akin?”

Teodoro Agoncillo at ang batang Ambeth Ocampo, 1984.

Sa mga akda raw naaalala ang mga tao, hindi sa mga titik na sinusundan ng kanyang pangalan.  Tomoh!  Isa sa tagapagtatag ng Philippine Historical Association noong 1955 at naging tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan mula 1963 hanggang 1969.  Kung tutuusin, ipinagpatuloy niya ang hindi natapos na gawain na sinimulan ni José Rizal sa kanyang mga anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga, ang pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa pananaw ng mga Pilipino.  Bago kasi si Agoncillo, nagsikap ang mga historyador na Pilipino na sumulat sa positibistang pananaw, obhektibo, isalaysay ang nakaraan batay sa mga nakasulat na dokumento.  Ngunit, alam naman natin na ang mga dokumento ay isinulat ng mga dayuhan at mga mayayaman kaya tila naging litanya lamang ito ng mga datos na hindi tayo maka-relate.  Kay Agoncillo, nabigyan ng kulay sa kanyang panulat at damdaming makabayan sa kanyang pananaw ang pagbabasa ng nakaraan.  Hindi raw maaaring maging objective ang isang historian, “Show me a historian, a real historian who is not biased!”  Sa kanyang pagreretiro noong 1977, pinuri siya ng kanyang mga kasama bilang “Ama ng Maka-Pilipinong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas.”  Namatay siya noong 1985.  Maaaring may mga mas bago nang pananaw sa kasaysayan ngunit hindi ibig sabihin ibabasura na natin silang naunang historians.  Bahagi sila ng ating pag-unlad.  Bilang isa historian na nagtapos at nagturo rin sa kanyang departamento, aking nadarama ang minsang sinabi ni Isaac Newton, “Nakakakita ako ng mas malawak dahil nakatungtong ako sa balikat ng mga higante.”  Salamat Ser Agô!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 30 October 2012)

Teodoro A. Agoncillo, 1985. Kuha ni Dr. Ambeth R. Ocampo

Autographed copy ng isang aklat ni Agoncillo na nailathala sa ibang bansa na napasakamay ng Xiao Chua Archives mula sa isang ukay-ukay sa Yakal Residence Hall ng UP Diliman.

Si Xiao Chua, ika-9 mula sa kaliwa, kasama ang mga guro at estudyante ng UP Departamento ng Kasaysayan, Hunyo 2005.

XIAOTIME, 8 November 2012: TEODORA ALONSO, Ang Dakilang Ina ng Ating Bayaning si Dr. Jose Rizal

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 8 November 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teodora Alonso de Rizal, larawan mula sa Vibal Foundation

8 November 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=uKHxATs7-kI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang segment na ito sa aking mahal na mama na si Vilma Briones Chua.  Kwento ito ng isang ina.  185 years ago bukas, November 9, 1827 isinilang sa Meisic, Maynila si Teodora Alonso Morales Realonda y Quintos.  Siya na nga ang ina ng ating National Hero na si José Rizal, kilala noon sa tawag na Doña Lolay.  Ang ama ni Lolay ay isang dating delegado ng Cortes o ng Senado ng Espanya.  Si Lolay mismo ay nag-aral at nakapagtapos sa paaralang kumbento ng Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros.

Colegio de Sta. Rosa sa Intramuros, larawan mula sa Vibal Foundation

Bihira noon ang india na nakapag-aral at may personal na aklatan na may isang libong aklat.  Kaya bilang ina naipasa niya sa kanyang mga anak, lalo na si José Rizal o si Pepe, ang pagmamahal sa kaalaman.  Walang José Rizal na dakilang tao kung walang Doña Lolay.  Labing-isa ang naging anak niya kay Francisco Mercado, wala pang RH noon, ngunit magaling si Lolay sa negosyo.

Francisco Mercado, larawan mula sa Vibal Foundation

Ang mga pananim ng kanilang plantasyon na nirerentahan sa mga prayle ay kanilang ibinebenta sa isang sari-sari store sa unang palapag ng kanilang bahay na bato sa Calamba, Laguna.  Naging kumportable ang buhay ng pamilya Mercado-Rizal.  Ngunit lumabo ang kanyang mga mata at sinasabing isa ito sa dahilan kung bakit nag-aral si Pepe ng optalmolohiya sa ibang bansa.

Obra na nasa Rizal Shrine sa Fort Santiago, Maynila.

Hindi lamang ang kanyang mata ang pagkawalay sa anak ang ininda niya.  Nakulong siya ng dalawang taon dahil pinagbintangan siyang nilalason ang kanyang hipag.  Binitawan sila ng kanilang mga kaibigang prayle at Espanyol.  Sa edad na 64, pinalakad naman siya mula Maynila hanggang Sta. Cruz, Laguna dahil hindi raw niya ginamit ang tamang apelyido.  Pinalaki niyang maayos ang kanyang mga anak na may pagmamahal sa bayan.  Si Paciano, Josefa at Trinidad halimbawa ay naging mga kasapi ng Katipunan.

Si Lolay at mga anak at apo matapos na mabaril si Rizal, nakapamburol, larawan mula sa Vibal Foundation

Ngunit noong bata pa si Rizal, pinag-ingat niya rin ito sa ukol sa pagkukuwento ng nangyari sa isang gamu-gamo na nasilaw sa apoy ng karunungan at nasunog sa kabila ng babala ng ina.

Obra ni Benedicto Cabrera

O anong pait sa kanyang puso na makita sa huling pagkakataon ang kanyang anak na si Pepe isang araw bago ito barilin noong 1896, hindi man lamang pinayagan na magyakap sila.  Hindi na kailangan ng salita, tanging nasulat ni Rizal sa huling pagkakataon para sa ina, “A mi muy amada madre…”  “Sa aking mahal na ina, Sra. Da. Teodora Alonso, A las 6 de la mañana del 30 Deciembre de 1896.”

“Sa aking mahal na ina…”  Larawan mula sa facebook page ni Dr. Ambeth Ocampo

Sa kabila nito, nang alayan ng mga Amerikano ng pensyon si Lolay, kanyang sinabi sa kanila, “Ang aking pamilya ay hindi kailanman naging makabayan dahil sa pera.”  Namatay si Teodora Alonso noong 1911.  Ang magsilang at magpalaki ng mga anak na iniaalay sa ikauunlad ng bayan ay kabayanihan.  Ang atin pong mga ina ay mga bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Maynila, 29 October 2012)

Teodora Alonso habang itinatanghal ang bungo ng kanyang anak na si Jose Rizal, larawan mula sa Vibal Foundation

Larawan mula sa Vibal Foundation

XIAOTIME, 6 November 2012: KRUS NA LIGAS SA UP DILIMAN, Bahagi ng Ating Kasaysayan

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 6 November 2012, at News@1 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang lumang visita ng Krus na Ligas sa Diliman, Lungsod Quezon. Sa kagandahang loob ni Fr. Ron Mariano Roberto.

6 November 2012, Tuesday:  www.youtube.com/watch?v=G_cM7HV-gDE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ang pamanang kultural ay hindi lamang nasa museo ng mga elitista.  Kahit sa mga lugar na dinadaan-daanan natin nariyan ang pamana.  Ang kultura at pamumuhay sa ating mga maliliit na barrio at barangay ay karapat-dapat ring pangalagaan.  Ito ang kwento ng Krus na Ligas sa UP Diliman, Quezon City.  Ilang buwan noong 2005, tumira ako sa gusali ng mga Fajardo sa Plaza Sta. Ines ng Krus na Ligas, o para sa mga UP students, KNL Heights.  Dito ako kumakain ng burger gabi-gabi, nakikita ang huntahan ng mga tao.  Hanggang ngayon, kapag nagugutom ako sa gabi, lumilipat barangay ako at ang pumapawi ng aking gutom ay ang mga tindahan ng plaza ng KNL.

Plaza Sta Ines, 2005. Kuha ni Xiao Chua.

Ang dating pangalan ng Krus na Ligas ay Gulod.  Noong panahon ng Espanyol, visita ito ng mga pari ng Marikina kaya nagkaroon dito ng isang matandang kapilya at plaza.  Ang Gulod, Balara at Diliman noon ay magubat at may mga bukirin.  Ayon sa kuwento ng mga matatanda, sa isa sa mga bahay na nasa tapat ng simbahan at plaza nagpupulong ang Katipunan.  Hindi ito nakapagtataka sapagkat ang Gulod at Balara ayon sa mga historyador na sina Atoy Navarro at Raymund Abejo ay pinagrealan o pinagkutaan ni Bonifacio dahil sa pagiging masukal nito.  Noong katanghalian ng August 26, 1896, matapos ang pangalawang laban ng himagsikan sa Pasong Tamo o Tandang Sora nagtungo sa Gulod sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Guillermo Masangkay, Pio Valenzuela at iba pang Katipunero, “habang ayaw pa ring huminto ang ulan, nangagsipahinga at pagkatapos ay nagpulong ang gutom na gutom at nanginginig sa kanilang basang damit.”  Mula sa KNL itinuloy nila ang himagsikan patungong Pinaglabanan.  Nang umatras si Aguinaldo mula sa Cavite, pinaniniwalaang tinanggap din siya ng real ng Krus na Ligas.

Ang marker ng UP ukol sa kasaysayan ng Krus na Ligas na ibinatay sa pananaliksik nina Atoy Navarro at Raymund Abejo.  Nakalagak sa harapan ng Simbahan ng Krus na Ligas.

Sa loob ng mahigit isang siglo, ang plaza ng makasaysayang barangay ay naging pook ng paglalaro ng mga bata, ng sama-samang pakikinig sa radio sa dapithapon, ng pagliligawan ng mga magsing-irog.  Nitong nakaraang mga araw, sinimulan nang patayuan ng Sangguniang Barangay ng extension ng Barangay Hall ang maliit na plaza, na magbubura nito sa mapa.

Plaza Sta. Ines, 2012. Kuha ni Xiao Chua.

Higit tatlong libo ang lumagda upang mapatigil ito ngunit tila ayaw makinig ng kinauukulan.  Noong 28 Oktubre, tumungo kami nina Juana Change, Carlos Celdran, ang Anti-Epal Movement at ang DAKILA upang samahan ang mga tila nawalan ng kapangyarihan na mga mamamayan ng KNL upang patuloy na makiusap.

Si Juana Change at ang mga Krusians, 28 October 2012. Si Xiao Chua ay nasa entablado sa bandang likuran. Larawan mula sa Philippine Daily Inquirer.

Kinabukasan, nagpahayag ang Chair ng National Historical Commission, ang aking naging guro ko na si Dr. Maris Diokno, na ipatigil ang pagtatayo ng barangay hall.  Nakinig din ang lokal na pamahalaan sa isang People Power.  Sabi nila, wala raw pakialam ang tao sa pamana.  Ngunit sa KNL, ipinakita ng mga ordinaryong mamamayan tulad ng 85-year-old na si Lola Francisca Dizon na hindi nila hahayaang mawala ang isang lugar na naging bahagi na ng kanilang buhay.

85-year-old na si Lola Francisca Dizon kasama si Mae Paner aka Juana Change: “Kaya kong mamatay para sa Krus na Ligas… Dito na ako nagkamulat sa Krus na Ligas, ang bilin sa akin ng aking mga magulang ay ingatan ang simbahan at ang Plaza.” Mula sa fb page ni Mae Paner.

Masasabi na nila sa mga apo nila, “isa ako sa nakipaglaban para manatili ang plaza para sa inyo.”  Krusians, tagumpay natin ito!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Andrew Hall, DLSU Maynila, 29 October 2012)

Si Juana Change, Carlos Celdran, Xiao Chua, Fr. Ron Roberto (tagapanguna ng kampanyanat Parish Priest ng Krus Na Ligas) kasama ang Anti-Epal Movement at DAKILA. Kuha ni Nap Beltran.

Mula sa fb page ni Mae Paner.

Mula sa fb page ni Mae Paner.

Mula sa fb page ni Mae Paner.

Xiao Chua nagsasaysay ng kasaysayan ng Krus na Ligas, kuha ni Nap Beltran