IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: xiaotime

XIAOTIME, 24 December 2012: KASAYSAYAN NG DECEMBER 25 BILANG KAPANGANAKAN NI KRISTO

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 24 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

"Ang Pagsilang ni Kristo."  Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch.  Orihinal sa Kapilya ng  of Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

“Ang Pagsilang ni Kristo.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

24 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=lVl34hy0new

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Usapang kalendaryo po tayo.  Noong Biyernes, December 21, 2012, sinasabing dapat daw ay nagunaw na ang mundo.  Ayon daw ito sa kalendaryong bato ng mga Maya, isang matandang kabihasnan sa Amerika Sentral.

Kalendaryong Maya

Kalendaryong Maya

Biro ng iba, hindi kaya hindi naman katapusan ng mundo ang ibig sabihin nito kundi nagkulang lamang sa bato ang gumawa ng kalendaryo?

06 kundi nagkulang lamang sa bato ang gumawa ng kalendaryo

Ayon sa mga eksperto ng kulturang Maya, exaggerated ang pagpapakahulugan sa petsang ito.  Maaari raw na tumutukoy ito sa katapusan ng isang pulitikal na panahon upang mahinahon ang kanilang kabihasnan na matagal na maghahari ang kanilang kaayusan.  Ito rin ayon sa mga eksperto ay tumutukoy hindi lang sa katapusan ng isang panahon, kundi matapos ang pinakamahabang gabi ay isang bagong araw, bagong simula, bagong panahon.  Akala din natin, alam natin ang araw ng kapanganakan ni Hesus, December 25, Year 0 A.D. (Anno Domini, ang mga taon matapos na maisilang si Kristo).  Una sa lahat, wala pong Year 0 sa kalendaryo ni Papa Gregorio na nag-imbento ng ating kasalulukuyang pagpepetsa.

Monumneto para kay Gregorio XIII

Monumneto para kay Gregorio XIII

Mula Year 1 B.C. Year 1 A.D. agad.  Nabanggit si Haring Herodes na nais ipapatay ang sinasabing bagong silang na hari na si Hesus at ipinapatay ang lahat ng inosente.  Ngunit si Haring Herodes ay namatay noong 4 B.C., kumbaga nagkamali at nahuli ang kalendaryo at isinilang pala si Hesus noon o bago ang 4 B.C.

Herodes Ang Dakila

Herodes Ang Dakila

Sa Bibliya naman walang binabanggit na eksaktong petsa at walang clues sa kung ano ang panahon.  Maraming sinaunang Kristiyano ay ipinagdiwang ang kaarawan ni Hesus December 25 sa mga Romanong Kristiyano sa Kanluran, at January 6 naman sa mga nasa Silangan, o yung mga naging Orthodox.  Ngayon, para sa marami, ang January 6 ay ginawa nilang pista ng mga magong bumisita kay Hesus.  Ang December 25 naman ay tumaon sa pista ng kapanganakan ng Romanong Diyos ng Hindi Magaping Araw o Sol Invictus, kaya sinasabi naman ng iba na itinaon lamang ng mga Kristiyano ang kapanganakan ni Hesus sa pistang ito upang makapang-akit ng mas maraming tagasunod dahil kabertdey si Hesus ng diyos na kanila na ring sinasamba.

Sol Invictus

Sol Invictus

Anuman kailangan malaman na wala ang dahilan na ito sa mga sulatin ng mga lumang Kristiyano at ang pistang ito ay tinaguyod lamang ng emperador Romano noong 274 A.D. na.  Mayroon ding nagsasabi na kung titingnan ang kwento ng mga pastol ng tupa na nakakita ng mga anghel sa parang, hindi pwedeng Disyembre ito dahil mangangatog sa lamig ang mga tupa at hindi ilalabas.

"Pagbabantay ng mga Pastol sa Parang."  Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch.  Orihinal sa Kapilya ng  of Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

“Pagbabantay ng mga Pastol sa Parang.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

Kaya may mga nagsasabi na maaaring sa tagsibol talaga isinilang si Hesus, na malapit sa panahon ng kanyang pagkamatay sa krus sa kalendaryo Hebreo ang Nisan 14 o March 25 sa ating kalendaryo.  Anuman, kung hindi man December 25 isinilang si Hesukristo, mahalagang paalala sa atin ito ng pag-aalay ng sarili para sa kapwa at maaari pa ring ipagdiwang ang diwa nito, ang bagong buhay, bagong simula.  Ngunit aanhin natin ang pagdiriwang ng pasko kung sa ibang araw naman ng taon hindi tayo mabait sa ating kapwa at nag-aaswangan tayo?  Kaya siguro hindi na ipinahintulot na malaman natin ang aktwal na bertdey ng Panginoon, upang araw-araw sa atin ay maging pasko.  God love you.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(William Hall, DLSU Maynila 19 December 2012)

XIAOTIME, 21 December 2012: STATE FUNERAL PARA KAY DR. JOSÉ RIZAL

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 21 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Bungo ni Rizal.  Larawan mula kay Dr. Ambeth Ocampo

Bungo ni Rizal. Larawan mula kay Dr. Ambeth Ocampo

21 December 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=iaqY5uah7hw

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa December 30, muling isasadula ng National Historical Commission of the Philippines at ng Knights of Rizal ang paglilibing kay Gat. Dr. José Rizal sa Luneta makalipas ang isandaang taon.  Masalimuot ang naging paglalakbay ng bangkay ng ating National Hero.

Larawan ni Rizal, obra maestra ni RB Enriquez.  Nasa Department of English and Comparative Lietrature of UP Diliman.  Kuha ni Xiao Chua.

Larawan ni Rizal, obra maestra ni RB Enriquez. Nasa Department of English and Comparative Lietrature of UP Diliman. Kuha ni Xiao Chua.

Matapos niyang mabaril sa Luneta de Bagumbayan, hindi ibinigay ng mga awtoridad ang bangkay niya sa kanyang pamilya sa kabila ng pakiusap ng kaniyang inang si Doña Teodora Alonso.  Agad naghanap ng mga bagong hukay na mga libingan ang kapatid ni Rizal na si Narcisa sa Paang Bundok o North Cemetery kung saan ibinilin ni Rizal na mailibing.  Ngunit nabalitaan niya na mayroong bagong hukay na libingan sa hindi na ginagamit na sementeryo ng Paco.  Noong hapon daw na iyon, binayaran niya ang mga bantay nito at ipinalagay ang panandang marmol ng kanyang nakabaligtad na initials—RPJ, upang hindi nakawin ang bangkay o hindi ilipat ng mga Espanyol.

Isang paggunita ng mga pamilya at kaibigan sa naging libingan ni Rizal sa Sementeryo ng Paco, 1902.  Larawan mula sa eksibit ng Rizal Sesquicentennial International Conference ng Unibersidad ng Pilipinas noong Hunyo 2011.

Isang paggunita ng mga pamilya at kaibigan sa naging libingan ni Rizal sa Sementeryo ng Paco, 1902. Larawan mula sa eksibit ng Rizal Sesquicentennial International Conference ng Unibersidad ng Pilipinas noong Hunyo 2011.

Nang masakop ng mga Amerikano ang Maynila matapos ang Mock Battle of Manila, noong Agosto 1898, hinukay na muli ang bangkay ni Rizal at doon napatunayan na inilibing siya ng walang dangal, walang kabaong.

Ang urnong ivory o garing na dinisenyo ni Romualdo Teodoro de Jesus.  Larawan mula kay Dr. Vic Torres.

Ang urnong ivory o garing na dinisenyo ni Romualdo Teodoro de Jesus. Larawan mula kay Dr. Vic Torres.

Dinala sa bahay ni Narcisa sa Binondo ang mga buto, hinugasan at inilagay sa urno garing o ivory na dinisenyo ni Romualdo Teodoro de Jesus.  Doon namalagi ang mga labi ni Rizal hanggang 1912.

Ang ina ni Rizal na si Teodora Alonso habang ipinapamalas ang bungo ng anak sa kanilang tahanan sa Binondo.  Larawan mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

Ang ina ni Rizal na si Teodora Alonso habang ipinapamalas ang bungo ng anak sa kanilang tahanan sa Binondo. Larawan mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

Ang ina ni Rizal, kung maibigan, ay ipakikita pa sa mga bisita ang bungo ng anak.

Ang paglilipat ng mga Caballeros de Rizal at ng mga mason sa mga labi ni Rizal patungo sa huling hantungan nito sa Luneta de Bagumbayan.  Larawan mula sa In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.

Ang paglilipat ng mga Caballeros de Rizal at ng mga mason sa mga labi ni Rizal patungo sa huling hantungan nito sa Luneta de Bagumbayan, Deceber 30, 1912. Larawan mula sa In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.

Noong December 29, 1912, mula sa Kalye Estraude sa Binondo, Maynila, ipinrusisyon ng mga mason at ng mga Caballeros de Rizal o Knights of Rizal ang urno patungo sa Ayuntamiento sa Intramuros kung saan buong gabi itong binantayan.

Isang Cabllero ni Rizal habang binabantayan ang mga labi Rizal sa bulwagang marmol ng Ayuntamiento de Manila.  Larawan mula sa In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.

Isang Cabllero ni Rizal habang binabantayan ang mga labi Rizal sa bulwagang marmol ng Ayuntamiento de Manila. Larawan mula sa In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.

Kinaumagahan, sa isang solemn procession, naglakbay sa huling pagkakataon ang mga labi ni Rizal at inilibing sa magiging paanan ng pambansang monumento para kay Rizal na manggagaling pa sa Switzerland.

Ang mga Caballeros de Rizal (Knights of Rizal) habang dinadala ang mga labi ni Rizal sa isang prusison patungo sa Luneta.  Larawan mula sa koleksyon ni Renato Perdon.

Ang mga Caballeros de Rizal (Knights of Rizal) habang dinadala ang mga labi ni Rizal sa isang prusison patungo sa Luneta. Larawan mula sa koleksyon ni Renato Perdon.

Ngunit hindi lahat ng buto ni Rizal ay nailibing doon.  May nag-iisang piraso, isang vertebra o bahagi ng spine na tinamaan ng bala ang ibinukod at ngayon ay matutunghayan sa isang relikaryo sa Rizal Shrine, ang museo ng pinagkulungan ni sa Fort Santiago.

Ang vertebra ni Rizal na tinamaan daw ng bala.  Nasa Rizal Shrine sa Fort Santiago.  Kuha ni Camille Eva Marie Conde.

Ang vertebra ni Rizal na tinamaan daw ng bala. Nasa Rizal Shrine sa Fort Santiago. Kuha ni Camille Eva Marie Conde.

Ang mangyayaring muling pagsasadula ng paglilibing sa ating National Hero sa Luneta ang siyang tanging pagkakataon na tila magkakaroon muli ng State Funeral si Rizal, ang unang pagkakataon na mapaparangalan ang kanyang mga labi bilang isang malaya at nagsasariling bansa.  Kaya sa prusisyon mula Binondo hanggang Luneta sa umaga ng December 30, 2012, makilahok po tayo!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(PTV, 13 December 2012)

XIAOTIME, 20 December 2012: ANG TITANIC NG ASYA, MV Doña Paz, 25 years

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 20 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

MV Doña Paz ng dating Sulpicio Lines

MV Doña Paz ng dating Sulpicio Lines

20 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=bxCjpeSwPW0

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Ngayong taon na ito, ipinagdiwang natin ang ika-isandaang taon ng trahedya ng RMS Titanic na lumubog noong April 15, 1912.  Naaalala natin ito dahil sa pelikulang kinatampukan nina Leonardo Di Caprio at Kate Winslet, tunay na isa sa pinakamagandang pelikula sa kasaysayan ng daigdig, na may mga hindi malilimutang linyang, “Jack, there’s a boat.”

Orihinal na larawang may kulay ng RMS Titanic

Orihinal na larawang may kulay ng RMS Titanic

Ang Titanic, na may byaheng Inglatera hanggang New York sa Atlantic Ocean, ang itinuturing na pinakamagandang bapor ng kanyang panahon at sa kayabangan ng ilan kanilang nasabi, “Even God cannot sink this ship.”

Ang mga istorbong lifeboats sa ibabaw ng kubyerta ng Titanic

Ang mga istorbong lifeboats sa ibabaw ng kubyerta ng Titanic

Dalawampung lifeboats lamang ang inilagay dahil papangit daw ang paligid ng barko.  Lumubog ito sa unang paglalayag pa lamang.

Matandang paglalarawan ng paglubog ng Titanic sa unang paglalayag pa lamang, April 15, 1912.

Matandang paglalarawan ng paglubog ng Titanic sa unang paglalayag pa lamang, April 15, 1912.

Sa 2,224 na sakay nito, 710 o 32% lamang ang nailigtas, 1,514 o 68% ang namatay.  Dahil binigyan ng prayoridad na makaligtas ang mga mayayaman, 54 % ng nasa third class ang namatay.  Gayundin 52 sa 79 na bata sa third class ay namatay.  Hindi kailangan matandaan ang mga numerong iyan pero ito ang tatandaan ninyo:  Hindi niyo kailangang maging eksperto sa Math para Makita ninyo na sa trahedyang ito, makikita pa rin ang pagkakahati sa pagitan ng mayaman at mahirap at ang bumabata ng mga sakunang ganito ay ang mga mahihirap.  Kung naaalala natin ang trahedya ng Titanic, mas dapat matandaan ang isang mas malaking trahedyang dito lamang naganap sa Pilipinas.

MV Doña Paz sa daungan ng Tacloban.  Mula sa Wikipedia.

MV Doña Paz sa daungan ng Tacloban. Mula sa Wikipedia.

25 years ago ngayong araw, December 20, 1987, lumubog ang MV Doña Paz na byaheng Leyte tungong Maynila matapos na bumangga sa MT Vector, isang oil tanker sa may Marinduque.  Mabilis na kumalat ang krudo nito sa Doña Paz at mabilis na natupok ang barko.  24 lamang ang nailigtas mula sa Doña Paz.  Ang opisyal na tao sa manifest ng barko ay 1,583 na mga pasahero at 58 na mga crew sa isang bapor na makapaglululan ng 1,424.  So medyo overloaded siya.   Ngunit may mga nagbenta pa pala ng ilegal na tiket at higit sa doble pa pala ang sobrang sakay nito dahil sa panahon ito ng kapaskuhan.  Pinaniniwalaan ngayon na 4,000 na katao ang nagbuwis ng buhay sa trahedya.

Mga sunog na bangkay na nakuha mula sa MV Doña Paz.

Mga sunog na bangkay na nakuha mula sa MV Doña Paz.

Ang libo-libong kabaong para sa mga nasawi sa trahedya ng MV Doña Paz.

Ang libo-libong kabaong para sa mga nasawi sa trahedya ng MV Doña Paz.

Tinawag ito ng TIME magazine na pinakamalaking trahedyang pandagat sa kasaysayan ng daigdig sa panahon ng kapayapaan.  Muli, sa kaso kapwa ng Titanic at Doña Paz, ang mga pobre at maralita ang naghihirap dahil sa kasakiman ng ilang tao.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Quirino, Manila, 13 December 2012)

XIAOTIME, 19 December 2012: HENRY WARE LAWTON, Pinagmulan ng Pangalan ng Plaza Lawton

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 19 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Plaza Lawton ilang dekada na ang nakararaan. Mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Plaza Lawton ilang dekada na ang nakararaan. Mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

19 December 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=VGfdg_6pW5o

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa Maynila po, ang lugar sa harapan ng neo-classical na post office building ay tinatawag ngayon na Liwasang Bonifacio, naging larangan ng pakikibaka at kilos-protesta simula noong panahon ng diktadura.  Ngunit kilala pa rin ito sa dating pangalan nito.  Ang Plaza Lawton.  Ipinangalan ito ng mga mananakop na Amerikano sa karangalan ng kanilang bayaning si Heneral Henry Ware Lawton.  Lawton??? Huh??? Who’s that Pokemón???

Henry Ware Lawton

Henry Ware Lawton

Isang respetadong sundalong Amerikano na nagsilbi noong kanilang Civil War, noong Apache Wars, Spanish-American War at Philippine-American War.  Sumikat siya nang matugis niya ang matapang na pinuno ng mga Apache Indians na si Gerónimo noong 1886.

Lider Apache na si Gerónimo

Lider Apache na si Gerónimo

Sabi ni Gerónimo, napagod daw sila sa makulit na kakahabol ng mga kawal ni Lawton.  Ngunit ang magaling na heneral na Amerikano ay makakahanap lang pala ng katapat sa Pilipinas!  113 years ago ngayong araw, December 19, 1899, nakipaglaban siya sa mga pwersa ng Republika ng Pilipinas sa San Mateo, Morong, ngayon ay Rizal.  Sa labanang ito, nabaril siya ng isang sharpshooter na sa malaking biro ng tadhana ay nasa ilalim ng heneral na ang pangalan din ay Gerónimo!

Si Hen. Licerio Gerónimo ng Sampaloc!  Si Lawton ang tanging heneral na Amerikano na nasawi sa kanilang pakikidigmang Pilipino-Amerikano.  Si Heneral Licerio Gerónimo naman, sumuko sa mga Amerikano nang mahuli si Heneral Emilio Aguinaldo at naging bahagi ng Philippine Constabulary na nagpasuko ng mga rebolusyunaryo at naging responsable sa pagkagapi at pagkamatay ni Heneral Luciano San Miguel, isang bayani ng Katipunan.  Sa kabila nito, hindi na mabubura ang papel ni Heneral Licerio Gerónimo at ng kanyang mga kawal na inilarawan ni Heneral Lawton sa kanyang report bago ito mamatay, “Taking into account the disadvantages they have to fight against in terms of arms, equipment and military discipline, without artillery, short of ammunition, powder inferior, shells reloaded until they are defective, they are the bravest men I have ever seen…”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Quirino, Manila, 13 December 2012)

Si Lawton habang nangangabayo. Obra mestra mula sa California Military Museum.

Si Lawton habang nangangabayo. Obra mestra mula sa California Military Museum.

XIAOTIME, 18 December 2012: GRACIANO LOPEZ JAENA AT ANG PROPAGANDA MOVEMENT

Broadcast of Xiaotime news segment last Tuesday, 18 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Graciano Lopez-Jaena

Graciano Lopez-Jaena

18 December 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=cY10ILzSqI4

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  156 years ago ngayong araw, December 18, 1856, isinilang sa Jaro, Iloilo ang dakilang orador ng Kilusang Propaganda at unang editor ng pahayagang La Solidaridad na si Graciano Lopez Jaena.

Rizal, M.H. del Pilar at Mariano Ponce

Rizal, M.H. del Pilar at Mariano Ponce

Kasama niya sa Kilusang Propaganda ang iba pang mga bayani natin na katulad nina José Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Juan at Antonio Luna, Isabelo de los Reyes, José Ma. Basa, José Ma. Panganiban, Antonio Ma. Regidor, Ariston Bautista Lin, at marami pang iba.  Hindi ba’t kapag sinabing propaganda, negatibo ang naiisip natin, ngunit sa pakahulugan nila noon ito ay pangangampanya para sa reporma sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol.

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal at si del Pilar?

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal at si del Pilar?

Ang kanilang layunin ay ang pagpapatalsik sa mga fraile, pagiging lalawigan ng Espanya ng Pilipinas, at pagkakaroon ng representacíon ng Pilipinas sa Cortes o Senado ng Espanya, walang kinalaman kay Rez, lalo na kay Anne.  Huh?  E gusto pala nila tayong maging mamamayan ng Espanya???  E kung ganoon, paano nangyari na mga national heroes pa rin natin ang mga ito kung hindi naman nila isinulong ang pagiging “nation” natin???

Father John Schumacher kasama si Xiao.

Father John Schumacher kasama si Xiao.

Ayon sa Heswitang Historian na si Fr. John Schumacher sa kanyang aklat na The Propaganda Movement, makikita na ang Hispanisasyon ay isa lamang hakbang upang sa kalaunan, mapayapang hihiwalay ang Pilipinas sa Espanya.  Ayos naman pala.  Nangampanya sila laban sa pagpapadala ng Arsobispo ng Maynila sa mga Igorot at mga Moro upang ieksibit na parang mga hayup sa zoo sa Exposicion General de las Islas Filipinas sa Madrid, kung saan namatay sa pulmunya ang babaeng Muslim na si Basalia noong 1887.  Bilang propagandista sinulat ni Rizal ang kanyang nobelang Noli Me Tangere at iba pang mga sulatin.

Mga simbolo ng masoneriya.  Larawan mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People.

Mga simbolo ng masoneriya. Larawan mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Lumahok sila sa masoneriya at sumapi sa Lodge Solidaridad, na kaiba sa paninira ng mga prayle na ito ay isang anti-Kristong organisasyon, isa lamang itong brotherhood o fraternity na tinatanggap ang lahat ng relihiyon.  Namayagpag sila sa buong Dekada 1880s at sa huling taon nito itinatag nila ang dyaryong La Solidaridad, isang demokratikong kinsenaryo o forthnightly, ibig sabihin, lumalabas sa bawat kinsenas o every 15 days.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Ngunit, naging manhid, bingi at bulag ang Espanya sa kanilang mga hinaing.  Nakita na ito ni Rizal noong 1891 kaya bumalik siya ng Pilipinas.  Nagpunyagi pa sina del Pilar at Jaena, naglimbag ng La Solidaridad hanggang maghirap, nagpupulot na lamang ng upos ng sigarilyo sa kalsada at mga basurahan, hihithitin ang mga ito upang makalimutan ang kanilang gutom, nagsara ito noong 1895.  Namatay sa sakit na tuberculosis kapwa sina Jaena at del Pilar noong 1896 sa Espanya.  Si del Pilar mismo ay nagnais nang magplano ng isang armadong rebolusyon.  Nabigo man ang Kilusang Propaganda, hindi matutumbasan ang kanilang mga pagsisikap para sa bayan, mga pagsisikap na hindi kinalimutan ng mga Anak ng Bayan, dinakila si del Pilar bilang ghost editor ng pahayagan ng Katipunan, ang Kalayaan, ang pangalang “Rizal” naman ay ginawang password ng pinakamataas ng antas ng Katipunan, ang “Bayani.”  Nang hindi na umubra ang santong dasalan ng mga ilustradong may kaisipang kanluranin, kinailangan na rin daanin sa santong paspasan ng mga Anak ng Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 8 November 2012)

Marcelo H. del Pilar bilang patnugot ng La Solidaridad.  Mga dibuho mula sa Adarna Publishing House.

Marcelo H. del Pilar bilang patnugot ng La Solidaridad. Mga dibuho mula sa Adarna Publishing House.

XIAOTIME, 17 December 2012: DECEMBER 15 MANIFESTO NI RIZAL, Mga Kwestiyon sa Kanyang Pagiging National Hero

Broadcast of Xiaotime news segment last Monday, 17 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.

17 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=8FHGGOnUmFc

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa December 30, ating gugunitain ang 116th anniversary ng kabayanihan ni Gat Dr. José Rizal, itinuturing na National Hero ng Pilipinas.  Lingid sa kaalaman ng marami, walang batas na nagpoproklama kay Rizal bilang National Hero, tinanggap ito ng bayan.

Renato Constantino.  Mula sa Bantayog ng mga Bayani

Renato Constantino. Mula sa Bantayog ng mga Bayani

Ngunit, para kay Renato Constantino, bagama’t hindi makakaila na nag-ambag si Rizal ng kanyang buhay para sa bayan, hindi raw dapat maging National Hero si Rizal.  Isa sa dahilan nito ayon sa kanyang essay na Veneration Without Understanding na may salin sa Pilipino na Bulag na Pagdakila, si Rizal habang nakakulong noong December 15, 1896, 116 years ago noong Sabado, ay sumulat ng pahayag para sa ilang Pilipino na itinatakwil ang himagsikan, ang himagsikan ni Andres Bonifacio na niloob at ninais na ng bayan.  Ginamit raw ang kanyang pangalan nang hindi niya nalalaman at gumamit ng mga sumusunod na salita upang batikusin ang himagsikan: mapanlilang, imposible, absurd, mapanira, walang saysay, katawa-tawa, barbaro, nakawawalang-dangal, at kriminal.  Sa madaling salita, ang himagsikan para kay Rizal ay isang malaking kalokohan.  Sa ibang mga bansa, ang kanilang pinakasikat na mga bayani ay mga namuno at sumama sa himagsikan ng kani-kanilang mga bayan.  Kaya kailangang pag-isipan kung kinakailangan pang itanghal na pangunahing bayani ng bayan si Rizal.

Pabalat ng A Nation Aborted:  Rizal, American hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen.  Mula sa Ateneo Press

Pabalat ng A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen. Mula sa Ateneo Press

Ngunit, ayon pagsusuri ni Floro Quibuyen sa kanyang aklat na “A Nation Aborted,” hindi totoong lubos na hindi sumang-ayon si Rizal sa himagsikan, kung ito ay kinakailangan.  Paano raw nangyari na nagpayo pa siya sa Katipunerong si Dr. Pio Valenzuela na maging handa muna, humingi ng tulong sa mga mayayaman para dumami ang armas at ang chance na manalo?  Paano raw na nangyari na kung talagang tutol siya sa himagsikan, hindi niya pinagalitan ang kanyang mga kapatid na bahagi ng Katipunan tulad nina Paciano, Trinidad at Josefa na naging unang pangulo ng sangay pangkababaihan ng Katipunan?  Paano raw nangyari na ang kanyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken ay sumama pa kina Andres Bonifacio sa Cavite, naging Katipunera, at nakapatay pa ng isang Espanyol kung alam niyang lubos na hindi sumang-ayon si Rizal.  Si Josephine pa ang nagbigay ng huling tula ni Rizal sa Supremo Bonifacio upang maisalin ito sa unang pagkakataon sa Tagalog at maipamudmod sa mga rebolusyunaryo.  At sa kanyang huling tula na ito, sa ikalawang saknong, pinuri na niya ang mga rebolusyunaryo na nasa larangan ng labanan na iniaalay ang kanilang buhay ng walang duda at walang kalungkutan at hindi alintana kung saan at paano mamatay kung ito ang kahilingan ng bayan at tahanan.  Samakatuwid, hindi lubos na itinakwil ni Rizal ang himagsikan, ambivalent siya o nag-alinlangan ukol dito.  Nais lamang niya na maging huling opsyon ito, kung kinakailangan lamang at dapat may laban kung gagawin ito.  At sa kanyang huling pahayag, na lubos nating pinahahalagahan natin, sumang-ayon na rin siya rito.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(On the bus, 13 December 2012)

XIAOTIME, 14 December 2012: IMAHE NG BAYANI, Pagbabalik-tanaw sa Alaala ni Fernando Poe, Jr.

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 14 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Ronald Allan Kelley Poe noong kanyang kasal kay Jesusa Purificacion Sonora a.k.a. Susan Roces, noong December 25, 1968, mula sa koleksyon ng Sinupang Xiao Chua.

Si Ronald Allan Kelley Poe noong kanyang kasal kay Jesusa Purificacion Sonora a.k.a. Susan Roces, noong December 25, 1968, mula sa koleksyon ng Sinupang Xiao Chua.

14 December 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=13oRBZq4aOw

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang mga delegado ng National Rizal Youth Leadership Institute na ngayon ay nasa Lungsod ng Baguio mula sa amin sa Order of the Knights of Rizal.  Enjoy tayo diyan.  Walong taon na ang nakalilipas ngayong araw, December 14, 2004 nang sumakabilang buhay si Ronald Allan Kelley Poe.  Huh???  Who’s that Pokemón???  Siya na nga ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. na mas kilala bilang si FPJ, o Da King.  Noong December 18, 2004, sa kabila ng alinlangan ng aking nanay, lumuwas ako mula sa aking pagbabakasyon sa Tarlac pa-Maynila at hinatid ako ng aking ama upang makipila upang matanaw ang labi ni FPJ.

Ang larawan ng pagbisita ni Xiao Chua sa labi ni Fernando Poe, Jr. dala-dala ang kanyang FPJ memorabilia ay naging frontpage pa ng Abante, December 18, 2004.

Ang larawan ng pagbisita ni Xiao Chua sa labi ni Fernando Poe, Jr. dala-dala ang kanyang FPJ memorabilia ay naging frontpage pa ng Abante, December 18, 2004.

Ang haba ng pila.  Bakit ganoon na lamang ang pagmamahal ng mga tao kay Da King, e artista lang naman daw siya.  Liwanagin natin.  Isinilang si FPJ noong August 20, 1939 kina Allan Fernando Poe y Reyes at Elizabeth “Bessie” Kelley y Gatbonton.

Mula sa bahay-dagitab na Video 48, na pinagkunan ng maraming larawan ng TV segment.

Mula sa bahay-dagitab na Video 48, na pinagkunan ng maraming larawan ng TV segment.

Kahit anak ni Fernando Poe, Sr. na isa sa pinakasikat na artista ng kanyang panahon, nagsimula siya bilang messenger ng mga film company at di naglaon, stuntman???  Ang pelikulang Lo Waist Gang ang nagpasikat sa kanya noong 1957.  Di naglaon, hindi lamang siya naging action star, naging direktor na rin ng pelikula sa ngalang Ronwaldo Reyes.  Nagkamit ng maraming parangal at naging box office king.  Ngunit bakit nga ba nag-click si FPJ?  Ayon sa mga sanaysay nina Zeus Salazar, Prospero Covar at Agustin Sotto sa aklat na “Unang Pagtingin sa Pelikulang Bakbakan,” ang pelikulang aksyon ay maituturing na modernong bersyon ng mga sinaunang epiko na nagpapakita ng naratibong liwanag-dilim-liwanag.  Isasalaysay ang mapayapang buhay ng bida o bayani ng epiko at nang kanyang pamilya sa kanyang bayan, matapos ay darating ang kalaban na sisira sa kaayusan, at sa huli, ipaglalaban ng bayani ang kanyang bayan at matatamo ang magandang katapusan ng kwento.

Si FPJ bilang bayani sa pelikula.  Mula sa PCIJ.

Si FPJ bilang bayani sa pelikula. Mula sa PCIJ.

Si FPJ bilang bida sa pelikula ay tila kinatawan din ang bayani ng mga epiko sa Pilipinas.  Makisig, may mabuting kalooban, may charm sa kababaihan, matapat na kaibigan, simpleng manamit at hindi hiwalay sa bayan at mga maralita, protektor ng mga maliliit, pasensyoso pero pag nagalit parang bulkan, hindi nananakit ng babae, at puwede mo siyang saktan pero hindi ang kanyang pamilya.  Kahit ang pinakasikat niyang papel bilang “Ang Panday” ay kaugnay ng sinaunang manglilinang sa Pilipinas.

Lam-ang, bayani ng epiko.

Lam-ang, bayani ng epiko.

Ang panday, bayani.

Ang panday, bayani.

Kaya ang kanyang isinabuhay sa pinilakang tabing ay ang modelo ng isang tunay na Pilipino.  Kaya naman ang laking kabalintunaan na ang modelo ng tunay na Pilipino ay pinaratangan nang siya ay tumakbo bilang pangulo noong 2004 na may dugong Amerikano na dapat ay madisqualify.  Ang katanungan na lamang ay ito:  ang imahe ba ni FPJ ay pareho rin sa kanyang imahe sa likod ng pinilakang tabing.  Lumabas na lamang ang mga kasagutan nang siya ay mamatay.  Hindi man siya perpekto at terrible raw kung magalit, siya ay simpatiko at mapagmahal lalo na sa kanyang swani, si Ma’am Susan Roces.

Tatlong hari:  Sina Dolphy,  FPJ at Erap Estrada sa Palasyo ng Malacanang.

Tatlong hari: Sina Dolphy, FPJ at Erap Estrada sa Palasyo ng Malacanang.

Nagnais arugain ang mga maliliit sa industriya ng pelikula at isa sa mga nag-isip ng MOWELFUND kasama sina Erap at Dolphy.  May mga aktibista rin na nagsasabi na kahit na ninong niya sa kasal ang Pangulong Marcos, hindi nagkait ng tulong sa mga nakikibaka laban sa diktadura.

Ninong Andy:  Si Ferdinand Marcos noong kasal nina FPJ at Susan Roces, Pasko ng 1968.

Ninong Andy: Si Ferdinand Marcos noong kasal nina FPJ at Susan Roces, Pasko ng 1968.

Kapag nagbibigay ng relief goods, hindi nagsasabi na ito ay galing sa kanya.  Nitong nakaraang Hulyo, tinanggap na ng pamilya ni FPJ mula kay Pangulong Noynoy Aquino ang gawad para sa kanya na Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, pagkilala sa kanya bilang tunay na bayani ng ating sining at kultura.

Paggawad ng Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula para kay Fernando Poe, Jr. mula sa "tunay" na pangulo ng Pilipinas, Noynoy Aquino.  Tinanggap nina Susan Roces at ng kanilang anak na si Grace Poe-Llamanzares, 2012.

Paggawad ng Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula para kay Fernando Poe, Jr. mula sa “tunay” na pangulo ng Pilipinas, Noynoy Aquino. Tinanggap nina Susan Roces at ng kanilang anak na si Grace Poe-Llamanzares, 2012.

Sa kanyang mga pelikula, ipinakita ni FPJ na ang bayani ay hindi dapat nahihiwalay sa kanyang bayan tulad ng linya niya bilang si Asedillo, “San Antonio, hindi ako maaaring magtaksil sa inyo.  Huwag niyo akong talikuran, kayo ang batis, ang ilog at ang dagat, at ako ay isda, paano ako mabubuhay kung wala kayo.”

32 tulad ng linya niya bilang si Asedillo

Ang bayani rin ay laging nagbibigay ng pag-asa, tulad ng kanyang paalala ukol sa ating maralita, “Huwag niyo silang aalisan ng pag-asa. Baka yun na lang ang natitira.”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Zaide DLSU Manila at PTV, 6 December 2012)

XIAOTIME, 13 December 2012: EMILIO JACINTO, Ang Tunay na Utak ng Himagsikan

Broadcast of Xiaotime news segment last Thuesday, 13 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Postcard boy:  Emilio Jacinto

Postcard boy: Emilio Jacinto

13 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=Nt_XoWnzxGA

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang episode na ito sa alaala sa namayapang asawa ng aking tita, si Wilmar “Tito Willie” Cadaing na ka-birthday ng bayaning aking tatalakayin sa araw na ito.  Isa pang batang bayani ang ating tatalakayin ngayon araw na ito.  137 years ago sa Sabado, December 15, 1875, ipinanganak sa Trozo, Maynila ang isa sa ating pambansang bayani na si Emilio Jacinto.  Kung si Rizal ang tinatawag kong first emo, puwede kayang si Jacinto ang second emo dahil parehong one sided ang hati ng kanilang buhok, haha, biro lang.

Monumento ni Jacinto malapit sa City Hall ng Maynila sa likod ng Bantayog ni Bonifacio.  Kuha ni Xiao Chua.

Monumento ni Jacinto malapit sa City Hall ng Maynila sa likod ng Bantayog ni Bonifacio. Kuha ni Xiao Chua.

Bata pa lamang siya, natutunan na niyang mangastila, ngunit hindi hadlang ito upang makalimutan niyang hasain ang husay niya sa Wikang Tagalog.  Sa hirap ng buhay, binibili lamang siya ng mga segunda manong damit na hindi natubos sa prendahan, naging tampulan ng tukso si Jacinto.  Sa kabila nito, nakakuha ng magandang edukasyon, sa pribadong paaralan siya nagtapos ng elementarya at nagtapos ng Batsiller en Artes sa Colegio de San Juan de Letran.  Nag-aabogasya siya sa UST nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896.  Kailangan niyang tumigil.

Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, detalye ng monumentong nilikha ni Guillermo Tolentino sa Caloocan.

Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, detalye ng monumentong nilikha ni Guillermo Tolentino sa Caloocan.

Noon kasing 1894, 19 years old pa lamang siya, sumapi siya sa Katipunan at kinuha ang alyas na “Pingkian” na ang kahulugan ay “talaban” halimbawa sa mga bolo.  Napansin siya ng Supremo Andres Bonifacio at ginawang pinakamalapit niyang tagapayo at naupo sa mga posisyong kalihim, piskal, patnugot at naging heneral.

Emilio Jacinto at ang Kartilya, detalye ng bas relief sa Bantayog ng mga Bayani sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Emilio Jacinto at ang Kartilya, detalye ng bas relief sa Bantayog ng mga Bayani sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Minsan, gumawa silang dalawa ni Bonifacio ng magiging saligang batas ng Katipunan, ngunit nakita ni Bonifacio na mas maganda ang kay Jacinto kaya nagparaya siya kaya ang sa nakababatang Jacinto ang naging opisyal na aral na ginamit sa Katipunan, ang Kartilya.  Na nagpapakita sa atin na sa saligang batas ng Katipunan, mabuting kalooban ang pag-ibig ang kinakailangan upang guminhawa ang bayan, na siyang tunay na kalayaan.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan.  Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan. Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Naging editor ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan na sa isang edisyon lamang nito, dumami ang miyembro ng Katipunan mula 300 hanggang 3,000 na kasapi!  Gumamit sila ng mga konsepto at wika na naiintindihan ng bayan kaya sila naging epektibo.

Si Jacinto nagpupunit ng sedula, detalye ng monumento para sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Lungsod Quezon.

Si Jacinto nagpupunit ng sedula, detalye ng monumento para sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Lungsod Quezon.

Sa isang sanaysay dito isinulat ni Jacinto kung saan nagpakita ang isang magandang babae sa isang batang umiiyak, tinanong ng bata kung sino ang babae.   Ang sagot, “Nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat.  Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”  Tama nga naman, tunay lang magiging malaya ang mga tao kung hindi silang nag-aaswangan.  Sa alyas na Dimas-Ilaw, sinulat niya ang mga sanaysay na “Liwanag at Dilim” at ang tulang “A La Patria.”

Si Bonifacio at Jacinto habang nangunguna sa Labanan sa Polvorin, San Juan del Monte.  Likhang Sining ng BayaniArt.

Si Bonifacio at Jacinto habang nangunguna sa Labanan sa Polvorin, San Juan del Monte. Likhang Sining ng BayaniArt.

Sa pagsiklab ng himagsikan, si Bonifacio at Jacinto ang namuno sa pagsalakay ng Katipunan sa Polvorin, San Juan del Monte, at matapos nito ay si Jacinto rin ang nagpanggap na Tsino sa isang barko upang itakas si Rizal.  Tumanggi ang national hero.

Si Emilio Jacinto sa labanan, likhang sining ni Florante “Boy” Beltran Caedo na itinayo noong Sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto.  Dito rin nakalibing ang mga labi ni Jacinto sa Himalayang Pilipino sa Lungsod Quezon.

Si Emilio Jacinto sa labanan, likhang sining ni Florante “Boy” Beltran Caedo na itinayo noong Sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto. Dito rin nakalibing ang mga labi ni Jacinto sa Himalayang Pilipino sa Lungsod Quezon.

Pebrero 1898, pinatay na ang kanyang mahal na Bonifacio, nagpatuloy siya sa paglaban sa Maimpis, Magdalena, Laguna.  Nasugatan siya sa hita at nahuli.  Sa kumbento ng Magdalena walang-awa siyang ibinagsak malapit sa hagdan.  Pinaniniwalaang ang mga bakas ng kanyang dugo ay narito pa rin sa mga sahig nito.  Nilinlang niya ang mga Espanyol at nakatakas.

Sahig ng kumbento ng Magdalena kung saan makikita raw ang mga bakas ng dugo ni Emilio Jacinto.  Kuha ni Xiao Chua.

Sahig ng kumbento ng Magdalena kung saan makikita raw ang mga bakas ng dugo ni Emilio Jacinto. Kuha ni Xiao Chua.

Namatay siya sa sakit na malaria sa edad na 23 noong April 6, 1899 sa Santa Cruz, Laguna.  Mukhang nag-iwan pa ng buntis na kabiyak sa puso na si Catalina de Jesus.  Sabi ng ilan, si Apolinario Mabini raw ang Utak ng Himagsikan habang si Jacinto ay Utak lamang ng Katipunan.  Sabi ng asawa ng Supremo, Gregoria de Jesus, paano nangyari yaon e 1898 pa lamang sasali si Mabini sa Himagsikan?  Kaya naman, kailangan talagang kilalanin si Emilio Jacinto bilang Utak ng Himagsikan na nagbigay ng saysay at moralidad sa magiging unang konstistusyunal na demokrasya sa Asya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(DLSU Manila Library, 5 December 2012)

Ang tanging larawan ni Emilio Jacinto ay ang recuerdo de patay na ito na kinunan nang mamatay ang bayani.  Ang buntis na babae na nakatingin sa kanyang mukha ay si Catalina de Jesus.  Mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

Ang tanging larawan ni Emilio Jacinto ay ang recuerdo de patay na ito na kinunan nang mamatay ang bayani. Ang buntis na babae na nakatingin sa kanyang mukha ay si Catalina de Jesus. Mula kay Dr. Ambeth Ocampo.

XIAOTIME, 11 December 2012: SIMULA NG WORLD WAR 2 SA PILIPINAS

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 11 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Manila: Open City

Manila: Open City

11 December 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=tdD5CEZWgQE

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ito sa isa sa aking mentor at kuya sa disiplina ng Kasaysayan, ang aking thesis adviser na si Dr. Ricardo Trota José ng Unibersidad ng Pilipinas na eksperto sa kasaysayang pang-militar ng bansa, at sa kaibigan kong matalik na nais na sumunod sa kanyang yapak, si John Ray Ramos.  71 years ago sa mga araw na ito nagsisimula na ang World War 2 sa Pilipinas.  Nakilala rin ito bilang Digmaang Pasipiko sa pagitan ng Estados Unidos at ng Hapon.  Nagsimula ito noong December 7, 1941, 7:55 ng umaga sa Hawaii nang sorpresang sinalakay ng Hukbong Hapones ang base militar ng hukbong dagat ng Estados Unidos sa Pearl Harbor.

Pagsalakay sa Pearl Harbor

Pagsalakay sa Pearl Harbor

Madaling araw na noon ng December 8 sa Pilipinas.  Ayon sa aklat na “American Caesar” ni William Manchester, ang kinabibiliban natin at dini-diyos na si Heneral Douglas MacArthur ay hindi mahagilap sa mga mahahalagang unang oras na iyon at hindi naging mapagpasya ang kanyang mga kilos.  Tila natameme siya at nasorpresa tulad ng iba.  Nasa Baguio noon ang Pangulong Manuel Quezon at kanyang ipinroklama sa isang radio address, “The Zero Hour has arrived.  Every man and woman must be at his post to do the duty assigned to him and her, Let us place out trust in God who never forsakes our people.”  Buong umaga na lumipad ang mga modernong eroplanong Amerikano sa Clarkfield, Pampanga bilang paghahanda sa pag-atake ng mga Hapones.  Nang bumaba sila upang muling magkarga ng gasolina, sumalakay ang mga Hapones bandang tanghali at nawasak ang lahat ng kanilang mga eroplano.  Planadong-planado ang paglusob.  Lubos na pinaghandaan ng mga Hapones ang digmaan at ilan taon nang may mga spies o tiktik sila dito at nagkaroon sila ng mga mahahalagang trabaho sa mga istratehikong maaaring pagkunan ng impormasyon bilang mga hardinero, barbero, tindero, potograpo, atbp.  Marami ang nakabalita sa mga Pilipino na nagsimula na ang digmaan matapos ang misa ng pista para sa Inmaculada Concepcion.  Paglabas nila ng simbahan, tumambad na sa kanila ang mga ekstra ng diyaryo na nagbabalita na dahil nasa ilalim tayo ng Estados Unidos, ipaglalaban natin ang seguridad ng ating bansa laban sa mga Hapones.

Pagkalabas ng simbahan matapos ang misa para sa Inmaculada Concepcion, tumambad ang balita ng digmaan, December 8, 1941.  Paglalarawan mula sa Childcraft ng World Book.

Pagkalabas ng simbahan matapos ang misa para sa Inmaculada Concepcion, tumambad ang balita ng digmaan, December 8, 1941. Paglalarawan mula sa Childcraft ng World Book.

Noong December 10, 1941, binomba ng mga Hapones ang Maynila.  Kahit kulang sa training at mga gamit, maraming nagnais na ipagtanggol ang bayan.  Akala ng iba “picnic” lang ang digmaan.  Akala rin ng iba, dalawang linggo lamang magtatagal ang digmaan dahil maliliit naman sila at hindi matibay ang mga produktong Hapones.  May mga kabataang nais na pumasok bilang sundalo ngunit pinauwi dahil hindi sila sumapat sa gulang.  Kahit ganoon, marami sa kanila ang nagtuloy at dumiretso sa Bataan.  Panahon ng Kapaskuhan noon ngunit handing lumaban ang mga Lolo at Lola natin na beterano.  Sinalubong ng mga sundalong Pilipino ang malaking pwersang Hapones sa Lingayen, Pangasinan noong December 22 karga ang mahigit kumulang 12 bala bawat isa!  Malakas pala ang mga Hapones!  Kinailangang lumikas!  Lumikas ang pamahalaan ni Quezon at tumungo sa Corregidor, Cavite.  Noong December 26, ipinroklama ni MacArthur ang Maynila bilang “Open City,” ibig sabihin kung sakaling sakupin ng mga Hapones ang Maynila, huwag nang mambomba at walang lalaban sa kanila.  Sa kabila ng proklamasyong ito, binomba pa rin ang Maynila.  Kulit.  Kailangan liwanagin, kahit na ang Pilipinas ay hindi bahagi ng America, lulusubin pa rin ito dahil sa istratehikong lokasyon ng Pilipinas sa puso ng Timog Silangang Asya.  Nilalagay na nila ang Pilipinas sa kanilang mga mapa sa kanilang pagtatatag ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere na may tagline na “Asya Para sa Mga Asyano, Pilipinas Para sa mga Pilipino!”

21 nagtungo sa mga mobilization centers sa simula ng digmaan

Ang kagyat at napakaraming mga tao na nagtungo sa mga mobilization centers sa simula ng digmaan ang nagsasabi na handa talaga ang Pinoy na ipaglaban ang kalayaan kapag tinawagan na ng Inang Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 5 December 2012)

22 ang nagsasabi na handa talaga ang Pinoy

XIAOTIME, 10 December 2012: TREATY OF PARIS, Nang Ipagbenta ang Pilipinas sa US

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 10 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pag-uusap para sa kapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Espanya sa Paris noong 1898.

Ang pag-uusap para sa kapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Espanya sa Paris noong 1898.

10 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=8SRRsToc8gc

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Nais kong magpaalam sa aking mga estudyante sa DLSU Manila ngayong ikalawang termino ng taong akademiko 2012-2013, salamat sa ating samahan at magkita-kita tayo sa kampus, sana batiin niyo pa rin ako.  114 years ago ngayong araw, December 10, 1898, nang pirmahan ng Estados Unidos at ng Espanya ang Treaty of Paris na nagtatapos ng Spanish-American War.  Huh?  E ano naman sa atin ito???  Liwanagin natin.

Pagsasalarawan ng pagsabog ng USS Maine sa pantalan ng Havana, Cuba.

Pagsasalarawan ng pagsabog ng USS Maine sa pantalan ng Havana, Cuba.

Noong February 15, 1898 , sumabog ang USS Maine, isang barkong Amerikano na nasa pantalan ng Havana, Cuba.  Sinisi ang mga submarinong Espanyol sa paglubog nito bagama’t matapos ang 100 years kanilang natuklasan na sunog sa coal bunker ng mismong barko ang dahilan ng paglubog nito.  Anuman, nagamit ang insidente upang magdeklara ang Estados Unidos ng Estado ng Pakikidigma sa mga Amerikano.

Detalye ng mural ukol sa kasaysayan ng Pilipinas sa bukana ng ikalawang palapag ng Palma Hall (AS 2nd floor lobby) na nagpapakita ng pakikipag-usap ni Hen. Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano.

Detalye ng mural ukol sa kasaysayan ng Pilipinas sa bukana ng ikalawang palapag ng Palma Hall (AS 2nd floor lobby) na nagpapakita ng pakikipag-usap ni Hen. Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano.

Sa kontekstong ito, nakipag-usap sa Singapore si Heneral Emilio Aguinaldo kay Consul E. Spencer Pratt at Consul Rounceville Wildman upang tulungan ang mga Pilipino na makamit ang kasarinlan mula sa Espanya.  Ayon kay Aguinaldo, sinabi raw sa kanya na aalagaan ng mga Amerikano ang Pilipinas at pananatilihin ang kasarinlan nito tulad ng ginawa nila sa Cuba.  Samantalang sa mga aklat ng mga Amerikano, makikita nila na wala naming dokumentasyon na nagpapatunay ng mga sinabi ni Pratt.  Kumbaga, para sa kanila dapat hindi lamang ito verbal para maging opisyal habang sapat na sa ating mga Asyano ang palabra de honor at kung minsan insult pang magpasulat.  Pinadala ng Amerika si George Dewey upang pataubin ang pwersang pandagat ng mga Espanyol at nabansagang “Hero of Manila” habang sa buong Pilipinas, ang mga bayan ay pinapalaya na ng mga Anak ng Bayan.

George Dewey, larawan na nasa National Portrait Gallery ng Estados Unidos

George Dewey, larawan na nasa National Portrait Gallery ng Estados Unidos

Paglalarawan sa Battle of Manila Bay na pinagwagian ni Dewey laban sa armadang Espanyol, May 1, 1898.

Paglalarawan sa Battle of Manila Bay na pinagwagian ni Dewey laban sa armadang Espanyol, May 1, 1898.

Sa napipintong pagkapanalo ng ating himagsikan, isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas na nilagdaan noong June 12, 1898 na ang ating bansa ay, “…under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America.”

Proklamasyon ng Pagsasarili sa Kawit, Cavite, June 12, 1898.

Proklamasyon ng Kasarinlan sa Kawit, Cavite, June 12, 1898.

Naku sa Proklamasyon pala natin ng Independensya, itinali na natin ang sarili natin sa kanila, kaya nariyan pa rin ang impluwensya nila.  Sa pag-asa sa isang salita ng isang dakilang bansa ipinahayag natin ang ating kasarinlan.  Ngunit, pasikreto palang nakikipag-usap ang mga Amerikano at ang mga Espanyol.  Noong August 13, 1898, ginanap ang Mock Battle of Manila kung saan nakuha ng mga Amerikano ang Maynila mula sa mga Espanyol.

Nang makuha ng mga Amerikano ang Fort San Antonio Abad sa Ermita mula sa mga Espanyol matapos ang pekeng labanan sa Maynila, August 13, 1898.

Nang makuha ng mga Amerikano ang Fort San Antonio Abad sa Ermita mula sa mga Espanyol matapos ang pekeng labanan sa Maynila, August 13, 1898.

Mock sapagkat peke pala ito.  Niluto na ito upang matalo ang mga Espanyol ng may dangal.  Nagsimulang magpulong ang dalawang imperyo sa mga suite rooms ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas sa Paris, Pransiya noong October 1, 1898.

Huling araw ng pulong para sa pagbubuo ng Tratado ng Paris, December 10, 1898.

Huling araw ng pulong para sa pagbubuo ng Tratado ng Paris, December 10, 1898.

Tulad ng isang sariling estado, ipinadala ng Kongreso ng Malolos ang matalinong abogado na si Felipe Agoncillo upang katawanin ang Pilipinas, pinagsarhan lamang siya ng pintuan at hindi pinansin ng dalawang panig sa Paris.

11 Felipe Agoncillo

Nilagdaan ang tratado noong December 10, 1898 at napagkasunduan na ibigay ang Cuba, Puerto Rico, Guam at Pilipinas sa Estados Unidos.  Ang Pilipinas nakuha sa halagang $ 20 Million.  Hindi raw pagbebenta ito, bayad lamang ito sa mga nagastos ng Espanya upang “paunlarin” ang mga lugar na ito.  Nang ang maling balita na ang mga Pilipino ang unang nagpaputok sa pagsisimula ng Philippine-American War noong February 2, 1899, after two days, ang hating Kongreso ng Estados Unidos ay bumoto sa ratipikasyon ng tratado,  sa botong 57 to 27, isang boto lamang ang sobra upang sumapat sa 1/3 vote na kinakailangan sa ratipikasyon.

17 “special relations” sa Estados Unidos

Naging legal sa pananaw ng Amerikano ang kanilang pananakop sa atin.  At dito nagsimula ang isang siglo na nating “special relations” sa Estados Unidos, kung saan, tulad sa pananalita ni Renato Perdon, tayo ay naging Brown Americans of Asia.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Makati City, 6 December 2012)