XIAOTIME, 21 December 2012: STATE FUNERAL PARA KAY DR. JOSÉ RIZAL
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 21 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
21 December 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=iaqY5uah7hw
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa December 30, muling isasadula ng National Historical Commission of the Philippines at ng Knights of Rizal ang paglilibing kay Gat. Dr. José Rizal sa Luneta makalipas ang isandaang taon. Masalimuot ang naging paglalakbay ng bangkay ng ating National Hero.

Larawan ni Rizal, obra maestra ni RB Enriquez. Nasa Department of English and Comparative Lietrature of UP Diliman. Kuha ni Xiao Chua.
Matapos niyang mabaril sa Luneta de Bagumbayan, hindi ibinigay ng mga awtoridad ang bangkay niya sa kanyang pamilya sa kabila ng pakiusap ng kaniyang inang si Doña Teodora Alonso. Agad naghanap ng mga bagong hukay na mga libingan ang kapatid ni Rizal na si Narcisa sa Paang Bundok o North Cemetery kung saan ibinilin ni Rizal na mailibing. Ngunit nabalitaan niya na mayroong bagong hukay na libingan sa hindi na ginagamit na sementeryo ng Paco. Noong hapon daw na iyon, binayaran niya ang mga bantay nito at ipinalagay ang panandang marmol ng kanyang nakabaligtad na initials—RPJ, upang hindi nakawin ang bangkay o hindi ilipat ng mga Espanyol.

Isang paggunita ng mga pamilya at kaibigan sa naging libingan ni Rizal sa Sementeryo ng Paco, 1902. Larawan mula sa eksibit ng Rizal Sesquicentennial International Conference ng Unibersidad ng Pilipinas noong Hunyo 2011.
Nang masakop ng mga Amerikano ang Maynila matapos ang Mock Battle of Manila, noong Agosto 1898, hinukay na muli ang bangkay ni Rizal at doon napatunayan na inilibing siya ng walang dangal, walang kabaong.

Ang urnong ivory o garing na dinisenyo ni Romualdo Teodoro de Jesus. Larawan mula kay Dr. Vic Torres.
Dinala sa bahay ni Narcisa sa Binondo ang mga buto, hinugasan at inilagay sa urno garing o ivory na dinisenyo ni Romualdo Teodoro de Jesus. Doon namalagi ang mga labi ni Rizal hanggang 1912.

Ang ina ni Rizal na si Teodora Alonso habang ipinapamalas ang bungo ng anak sa kanilang tahanan sa Binondo. Larawan mula kay Dr. Ambeth Ocampo.
Ang ina ni Rizal, kung maibigan, ay ipakikita pa sa mga bisita ang bungo ng anak.

Ang paglilipat ng mga Caballeros de Rizal at ng mga mason sa mga labi ni Rizal patungo sa huling hantungan nito sa Luneta de Bagumbayan, Deceber 30, 1912. Larawan mula sa In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.
Noong December 29, 1912, mula sa Kalye Estraude sa Binondo, Maynila, ipinrusisyon ng mga mason at ng mga Caballeros de Rizal o Knights of Rizal ang urno patungo sa Ayuntamiento sa Intramuros kung saan buong gabi itong binantayan.

Isang Cabllero ni Rizal habang binabantayan ang mga labi Rizal sa bulwagang marmol ng Ayuntamiento de Manila. Larawan mula sa In Excelsis ni Felice Prudente Sta. Maria.
Kinaumagahan, sa isang solemn procession, naglakbay sa huling pagkakataon ang mga labi ni Rizal at inilibing sa magiging paanan ng pambansang monumento para kay Rizal na manggagaling pa sa Switzerland.

Ang mga Caballeros de Rizal (Knights of Rizal) habang dinadala ang mga labi ni Rizal sa isang prusison patungo sa Luneta. Larawan mula sa koleksyon ni Renato Perdon.
Ngunit hindi lahat ng buto ni Rizal ay nailibing doon. May nag-iisang piraso, isang vertebra o bahagi ng spine na tinamaan ng bala ang ibinukod at ngayon ay matutunghayan sa isang relikaryo sa Rizal Shrine, ang museo ng pinagkulungan ni sa Fort Santiago.

Ang vertebra ni Rizal na tinamaan daw ng bala. Nasa Rizal Shrine sa Fort Santiago. Kuha ni Camille Eva Marie Conde.
Ang mangyayaring muling pagsasadula ng paglilibing sa ating National Hero sa Luneta ang siyang tanging pagkakataon na tila magkakaroon muli ng State Funeral si Rizal, ang unang pagkakataon na mapaparangalan ang kanyang mga labi bilang isang malaya at nagsasariling bansa. Kaya sa prusisyon mula Binondo hanggang Luneta sa umaga ng December 30, 2012, makilahok po tayo! Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(PTV, 13 December 2012)