XIAOTIME, 24 December 2012: KASAYSAYAN NG DECEMBER 25 BILANG KAPANGANAKAN NI KRISTO

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 24 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

"Ang Pagsilang ni Kristo."  Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch.  Orihinal sa Kapilya ng  of Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

“Ang Pagsilang ni Kristo.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

24 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=lVl34hy0new

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Usapang kalendaryo po tayo.  Noong Biyernes, December 21, 2012, sinasabing dapat daw ay nagunaw na ang mundo.  Ayon daw ito sa kalendaryong bato ng mga Maya, isang matandang kabihasnan sa Amerika Sentral.

Kalendaryong Maya

Kalendaryong Maya

Biro ng iba, hindi kaya hindi naman katapusan ng mundo ang ibig sabihin nito kundi nagkulang lamang sa bato ang gumawa ng kalendaryo?

06 kundi nagkulang lamang sa bato ang gumawa ng kalendaryo

Ayon sa mga eksperto ng kulturang Maya, exaggerated ang pagpapakahulugan sa petsang ito.  Maaari raw na tumutukoy ito sa katapusan ng isang pulitikal na panahon upang mahinahon ang kanilang kabihasnan na matagal na maghahari ang kanilang kaayusan.  Ito rin ayon sa mga eksperto ay tumutukoy hindi lang sa katapusan ng isang panahon, kundi matapos ang pinakamahabang gabi ay isang bagong araw, bagong simula, bagong panahon.  Akala din natin, alam natin ang araw ng kapanganakan ni Hesus, December 25, Year 0 A.D. (Anno Domini, ang mga taon matapos na maisilang si Kristo).  Una sa lahat, wala pong Year 0 sa kalendaryo ni Papa Gregorio na nag-imbento ng ating kasalulukuyang pagpepetsa.

Monumneto para kay Gregorio XIII

Monumneto para kay Gregorio XIII

Mula Year 1 B.C. Year 1 A.D. agad.  Nabanggit si Haring Herodes na nais ipapatay ang sinasabing bagong silang na hari na si Hesus at ipinapatay ang lahat ng inosente.  Ngunit si Haring Herodes ay namatay noong 4 B.C., kumbaga nagkamali at nahuli ang kalendaryo at isinilang pala si Hesus noon o bago ang 4 B.C.

Herodes Ang Dakila

Herodes Ang Dakila

Sa Bibliya naman walang binabanggit na eksaktong petsa at walang clues sa kung ano ang panahon.  Maraming sinaunang Kristiyano ay ipinagdiwang ang kaarawan ni Hesus December 25 sa mga Romanong Kristiyano sa Kanluran, at January 6 naman sa mga nasa Silangan, o yung mga naging Orthodox.  Ngayon, para sa marami, ang January 6 ay ginawa nilang pista ng mga magong bumisita kay Hesus.  Ang December 25 naman ay tumaon sa pista ng kapanganakan ng Romanong Diyos ng Hindi Magaping Araw o Sol Invictus, kaya sinasabi naman ng iba na itinaon lamang ng mga Kristiyano ang kapanganakan ni Hesus sa pistang ito upang makapang-akit ng mas maraming tagasunod dahil kabertdey si Hesus ng diyos na kanila na ring sinasamba.

Sol Invictus

Sol Invictus

Anuman kailangan malaman na wala ang dahilan na ito sa mga sulatin ng mga lumang Kristiyano at ang pistang ito ay tinaguyod lamang ng emperador Romano noong 274 A.D. na.  Mayroon ding nagsasabi na kung titingnan ang kwento ng mga pastol ng tupa na nakakita ng mga anghel sa parang, hindi pwedeng Disyembre ito dahil mangangatog sa lamig ang mga tupa at hindi ilalabas.

"Pagbabantay ng mga Pastol sa Parang."  Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch.  Orihinal sa Kapilya ng  of Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

“Pagbabantay ng mga Pastol sa Parang.” Obra maestra ni Carl Heinrich Bloch. Orihinal sa Kapilya ng Kastilyo ng Frederiksborg, Denmark (Frederiksborg Museum).

Kaya may mga nagsasabi na maaaring sa tagsibol talaga isinilang si Hesus, na malapit sa panahon ng kanyang pagkamatay sa krus sa kalendaryo Hebreo ang Nisan 14 o March 25 sa ating kalendaryo.  Anuman, kung hindi man December 25 isinilang si Hesukristo, mahalagang paalala sa atin ito ng pag-aalay ng sarili para sa kapwa at maaari pa ring ipagdiwang ang diwa nito, ang bagong buhay, bagong simula.  Ngunit aanhin natin ang pagdiriwang ng pasko kung sa ibang araw naman ng taon hindi tayo mabait sa ating kapwa at nag-aaswangan tayo?  Kaya siguro hindi na ipinahintulot na malaman natin ang aktwal na bertdey ng Panginoon, upang araw-araw sa atin ay maging pasko.  God love you.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(William Hall, DLSU Maynila 19 December 2012)