XIAOTIME, 17 December 2012: DECEMBER 15 MANIFESTO NI RIZAL, Mga Kwestiyon sa Kanyang Pagiging National Hero
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment last Monday, 17 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.
17 December 2012, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=8FHGGOnUmFc
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa December 30, ating gugunitain ang 116th anniversary ng kabayanihan ni Gat Dr. José Rizal, itinuturing na National Hero ng Pilipinas. Lingid sa kaalaman ng marami, walang batas na nagpoproklama kay Rizal bilang National Hero, tinanggap ito ng bayan.
Ngunit, para kay Renato Constantino, bagama’t hindi makakaila na nag-ambag si Rizal ng kanyang buhay para sa bayan, hindi raw dapat maging National Hero si Rizal. Isa sa dahilan nito ayon sa kanyang essay na Veneration Without Understanding na may salin sa Pilipino na Bulag na Pagdakila, si Rizal habang nakakulong noong December 15, 1896, 116 years ago noong Sabado, ay sumulat ng pahayag para sa ilang Pilipino na itinatakwil ang himagsikan, ang himagsikan ni Andres Bonifacio na niloob at ninais na ng bayan. Ginamit raw ang kanyang pangalan nang hindi niya nalalaman at gumamit ng mga sumusunod na salita upang batikusin ang himagsikan: mapanlilang, imposible, absurd, mapanira, walang saysay, katawa-tawa, barbaro, nakawawalang-dangal, at kriminal. Sa madaling salita, ang himagsikan para kay Rizal ay isang malaking kalokohan. Sa ibang mga bansa, ang kanilang pinakasikat na mga bayani ay mga namuno at sumama sa himagsikan ng kani-kanilang mga bayan. Kaya kailangang pag-isipan kung kinakailangan pang itanghal na pangunahing bayani ng bayan si Rizal.

Pabalat ng A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen. Mula sa Ateneo Press
Ngunit, ayon pagsusuri ni Floro Quibuyen sa kanyang aklat na “A Nation Aborted,” hindi totoong lubos na hindi sumang-ayon si Rizal sa himagsikan, kung ito ay kinakailangan. Paano raw nangyari na nagpayo pa siya sa Katipunerong si Dr. Pio Valenzuela na maging handa muna, humingi ng tulong sa mga mayayaman para dumami ang armas at ang chance na manalo? Paano raw na nangyari na kung talagang tutol siya sa himagsikan, hindi niya pinagalitan ang kanyang mga kapatid na bahagi ng Katipunan tulad nina Paciano, Trinidad at Josefa na naging unang pangulo ng sangay pangkababaihan ng Katipunan? Paano raw nangyari na ang kanyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken ay sumama pa kina Andres Bonifacio sa Cavite, naging Katipunera, at nakapatay pa ng isang Espanyol kung alam niyang lubos na hindi sumang-ayon si Rizal. Si Josephine pa ang nagbigay ng huling tula ni Rizal sa Supremo Bonifacio upang maisalin ito sa unang pagkakataon sa Tagalog at maipamudmod sa mga rebolusyunaryo. At sa kanyang huling tula na ito, sa ikalawang saknong, pinuri na niya ang mga rebolusyunaryo na nasa larangan ng labanan na iniaalay ang kanilang buhay ng walang duda at walang kalungkutan at hindi alintana kung saan at paano mamatay kung ito ang kahilingan ng bayan at tahanan. Samakatuwid, hindi lubos na itinakwil ni Rizal ang himagsikan, ambivalent siya o nag-alinlangan ukol dito. Nais lamang niya na maging huling opsyon ito, kung kinakailangan lamang at dapat may laban kung gagawin ito. At sa kanyang huling pahayag, na lubos nating pinahahalagahan natin, sumang-ayon na rin siya rito. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(On the bus, 13 December 2012)