IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

XIAOTIME, 19 December 2012: HENRY WARE LAWTON, Pinagmulan ng Pangalan ng Plaza Lawton

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 19 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Plaza Lawton ilang dekada na ang nakararaan. Mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Plaza Lawton ilang dekada na ang nakararaan. Mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

19 December 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=VGfdg_6pW5o

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa Maynila po, ang lugar sa harapan ng neo-classical na post office building ay tinatawag ngayon na Liwasang Bonifacio, naging larangan ng pakikibaka at kilos-protesta simula noong panahon ng diktadura.  Ngunit kilala pa rin ito sa dating pangalan nito.  Ang Plaza Lawton.  Ipinangalan ito ng mga mananakop na Amerikano sa karangalan ng kanilang bayaning si Heneral Henry Ware Lawton.  Lawton??? Huh??? Who’s that Pokemón???

Henry Ware Lawton

Henry Ware Lawton

Isang respetadong sundalong Amerikano na nagsilbi noong kanilang Civil War, noong Apache Wars, Spanish-American War at Philippine-American War.  Sumikat siya nang matugis niya ang matapang na pinuno ng mga Apache Indians na si Gerónimo noong 1886.

Lider Apache na si Gerónimo

Lider Apache na si Gerónimo

Sabi ni Gerónimo, napagod daw sila sa makulit na kakahabol ng mga kawal ni Lawton.  Ngunit ang magaling na heneral na Amerikano ay makakahanap lang pala ng katapat sa Pilipinas!  113 years ago ngayong araw, December 19, 1899, nakipaglaban siya sa mga pwersa ng Republika ng Pilipinas sa San Mateo, Morong, ngayon ay Rizal.  Sa labanang ito, nabaril siya ng isang sharpshooter na sa malaking biro ng tadhana ay nasa ilalim ng heneral na ang pangalan din ay Gerónimo!

Si Hen. Licerio Gerónimo ng Sampaloc!  Si Lawton ang tanging heneral na Amerikano na nasawi sa kanilang pakikidigmang Pilipino-Amerikano.  Si Heneral Licerio Gerónimo naman, sumuko sa mga Amerikano nang mahuli si Heneral Emilio Aguinaldo at naging bahagi ng Philippine Constabulary na nagpasuko ng mga rebolusyunaryo at naging responsable sa pagkagapi at pagkamatay ni Heneral Luciano San Miguel, isang bayani ng Katipunan.  Sa kabila nito, hindi na mabubura ang papel ni Heneral Licerio Gerónimo at ng kanyang mga kawal na inilarawan ni Heneral Lawton sa kanyang report bago ito mamatay, “Taking into account the disadvantages they have to fight against in terms of arms, equipment and military discipline, without artillery, short of ammunition, powder inferior, shells reloaded until they are defective, they are the bravest men I have ever seen…”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Quirino, Manila, 13 December 2012)

Si Lawton habang nangangabayo. Obra mestra mula sa California Military Museum.

Si Lawton habang nangangabayo. Obra mestra mula sa California Military Museum.

XIAOTIME, 18 December 2012: GRACIANO LOPEZ JAENA AT ANG PROPAGANDA MOVEMENT

Broadcast of Xiaotime news segment last Tuesday, 18 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Graciano Lopez-Jaena

Graciano Lopez-Jaena

18 December 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=cY10ILzSqI4

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  156 years ago ngayong araw, December 18, 1856, isinilang sa Jaro, Iloilo ang dakilang orador ng Kilusang Propaganda at unang editor ng pahayagang La Solidaridad na si Graciano Lopez Jaena.

Rizal, M.H. del Pilar at Mariano Ponce

Rizal, M.H. del Pilar at Mariano Ponce

Kasama niya sa Kilusang Propaganda ang iba pang mga bayani natin na katulad nina José Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce, Juan at Antonio Luna, Isabelo de los Reyes, José Ma. Basa, José Ma. Panganiban, Antonio Ma. Regidor, Ariston Bautista Lin, at marami pang iba.  Hindi ba’t kapag sinabing propaganda, negatibo ang naiisip natin, ngunit sa pakahulugan nila noon ito ay pangangampanya para sa reporma sa ilalim ng kolonyalismong Espanyol.

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal at si del Pilar?

Grupo ng mga propagandista sa Espanya, hanapin niyo nga si Rizal at si del Pilar?

Ang kanilang layunin ay ang pagpapatalsik sa mga fraile, pagiging lalawigan ng Espanya ng Pilipinas, at pagkakaroon ng representacíon ng Pilipinas sa Cortes o Senado ng Espanya, walang kinalaman kay Rez, lalo na kay Anne.  Huh?  E gusto pala nila tayong maging mamamayan ng Espanya???  E kung ganoon, paano nangyari na mga national heroes pa rin natin ang mga ito kung hindi naman nila isinulong ang pagiging “nation” natin???

Father John Schumacher kasama si Xiao.

Father John Schumacher kasama si Xiao.

Ayon sa Heswitang Historian na si Fr. John Schumacher sa kanyang aklat na The Propaganda Movement, makikita na ang Hispanisasyon ay isa lamang hakbang upang sa kalaunan, mapayapang hihiwalay ang Pilipinas sa Espanya.  Ayos naman pala.  Nangampanya sila laban sa pagpapadala ng Arsobispo ng Maynila sa mga Igorot at mga Moro upang ieksibit na parang mga hayup sa zoo sa Exposicion General de las Islas Filipinas sa Madrid, kung saan namatay sa pulmunya ang babaeng Muslim na si Basalia noong 1887.  Bilang propagandista sinulat ni Rizal ang kanyang nobelang Noli Me Tangere at iba pang mga sulatin.

Mga simbolo ng masoneriya.  Larawan mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People.

Mga simbolo ng masoneriya. Larawan mula sa Kasaysayan: The Story of the Filipino People.

Lumahok sila sa masoneriya at sumapi sa Lodge Solidaridad, na kaiba sa paninira ng mga prayle na ito ay isang anti-Kristong organisasyon, isa lamang itong brotherhood o fraternity na tinatanggap ang lahat ng relihiyon.  Namayagpag sila sa buong Dekada 1880s at sa huling taon nito itinatag nila ang dyaryong La Solidaridad, isang demokratikong kinsenaryo o forthnightly, ibig sabihin, lumalabas sa bawat kinsenas o every 15 days.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Super liwanag na scan ng La Solidaridad mula sa koleksyon ng larawan ni Dr. Vic Torres.

Ngunit, naging manhid, bingi at bulag ang Espanya sa kanilang mga hinaing.  Nakita na ito ni Rizal noong 1891 kaya bumalik siya ng Pilipinas.  Nagpunyagi pa sina del Pilar at Jaena, naglimbag ng La Solidaridad hanggang maghirap, nagpupulot na lamang ng upos ng sigarilyo sa kalsada at mga basurahan, hihithitin ang mga ito upang makalimutan ang kanilang gutom, nagsara ito noong 1895.  Namatay sa sakit na tuberculosis kapwa sina Jaena at del Pilar noong 1896 sa Espanya.  Si del Pilar mismo ay nagnais nang magplano ng isang armadong rebolusyon.  Nabigo man ang Kilusang Propaganda, hindi matutumbasan ang kanilang mga pagsisikap para sa bayan, mga pagsisikap na hindi kinalimutan ng mga Anak ng Bayan, dinakila si del Pilar bilang ghost editor ng pahayagan ng Katipunan, ang Kalayaan, ang pangalang “Rizal” naman ay ginawang password ng pinakamataas ng antas ng Katipunan, ang “Bayani.”  Nang hindi na umubra ang santong dasalan ng mga ilustradong may kaisipang kanluranin, kinailangan na rin daanin sa santong paspasan ng mga Anak ng Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 8 November 2012)

Marcelo H. del Pilar bilang patnugot ng La Solidaridad.  Mga dibuho mula sa Adarna Publishing House.

Marcelo H. del Pilar bilang patnugot ng La Solidaridad. Mga dibuho mula sa Adarna Publishing House.

XIAOTIME, 17 December 2012: DECEMBER 15 MANIFESTO NI RIZAL, Mga Kwestiyon sa Kanyang Pagiging National Hero

Broadcast of Xiaotime news segment last Monday, 17 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.

Ang pangalawang saknong ng huling tula ni Rizal ang magbibigay ng kasagutan sa kung ano ang kanyang tunay na tindig ukol sa himagsikan.

17 December 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=8FHGGOnUmFc

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa December 30, ating gugunitain ang 116th anniversary ng kabayanihan ni Gat Dr. José Rizal, itinuturing na National Hero ng Pilipinas.  Lingid sa kaalaman ng marami, walang batas na nagpoproklama kay Rizal bilang National Hero, tinanggap ito ng bayan.

Renato Constantino.  Mula sa Bantayog ng mga Bayani

Renato Constantino. Mula sa Bantayog ng mga Bayani

Ngunit, para kay Renato Constantino, bagama’t hindi makakaila na nag-ambag si Rizal ng kanyang buhay para sa bayan, hindi raw dapat maging National Hero si Rizal.  Isa sa dahilan nito ayon sa kanyang essay na Veneration Without Understanding na may salin sa Pilipino na Bulag na Pagdakila, si Rizal habang nakakulong noong December 15, 1896, 116 years ago noong Sabado, ay sumulat ng pahayag para sa ilang Pilipino na itinatakwil ang himagsikan, ang himagsikan ni Andres Bonifacio na niloob at ninais na ng bayan.  Ginamit raw ang kanyang pangalan nang hindi niya nalalaman at gumamit ng mga sumusunod na salita upang batikusin ang himagsikan: mapanlilang, imposible, absurd, mapanira, walang saysay, katawa-tawa, barbaro, nakawawalang-dangal, at kriminal.  Sa madaling salita, ang himagsikan para kay Rizal ay isang malaking kalokohan.  Sa ibang mga bansa, ang kanilang pinakasikat na mga bayani ay mga namuno at sumama sa himagsikan ng kani-kanilang mga bayan.  Kaya kailangang pag-isipan kung kinakailangan pang itanghal na pangunahing bayani ng bayan si Rizal.

Pabalat ng A Nation Aborted:  Rizal, American hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen.  Mula sa Ateneo Press

Pabalat ng A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony and Philippine Nationalism ni Floro Quibuyen. Mula sa Ateneo Press

Ngunit, ayon pagsusuri ni Floro Quibuyen sa kanyang aklat na “A Nation Aborted,” hindi totoong lubos na hindi sumang-ayon si Rizal sa himagsikan, kung ito ay kinakailangan.  Paano raw nangyari na nagpayo pa siya sa Katipunerong si Dr. Pio Valenzuela na maging handa muna, humingi ng tulong sa mga mayayaman para dumami ang armas at ang chance na manalo?  Paano raw na nangyari na kung talagang tutol siya sa himagsikan, hindi niya pinagalitan ang kanyang mga kapatid na bahagi ng Katipunan tulad nina Paciano, Trinidad at Josefa na naging unang pangulo ng sangay pangkababaihan ng Katipunan?  Paano raw nangyari na ang kanyang huling pag-ibig na si Josephine Bracken ay sumama pa kina Andres Bonifacio sa Cavite, naging Katipunera, at nakapatay pa ng isang Espanyol kung alam niyang lubos na hindi sumang-ayon si Rizal.  Si Josephine pa ang nagbigay ng huling tula ni Rizal sa Supremo Bonifacio upang maisalin ito sa unang pagkakataon sa Tagalog at maipamudmod sa mga rebolusyunaryo.  At sa kanyang huling tula na ito, sa ikalawang saknong, pinuri na niya ang mga rebolusyunaryo na nasa larangan ng labanan na iniaalay ang kanilang buhay ng walang duda at walang kalungkutan at hindi alintana kung saan at paano mamatay kung ito ang kahilingan ng bayan at tahanan.  Samakatuwid, hindi lubos na itinakwil ni Rizal ang himagsikan, ambivalent siya o nag-alinlangan ukol dito.  Nais lamang niya na maging huling opsyon ito, kung kinakailangan lamang at dapat may laban kung gagawin ito.  At sa kanyang huling pahayag, na lubos nating pinahahalagahan natin, sumang-ayon na rin siya rito.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(On the bus, 13 December 2012)