XIAOTIME, 19 December 2012: HENRY WARE LAWTON, Pinagmulan ng Pangalan ng Plaza Lawton
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 19 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
19 December 2012, Wednesday: http://www.youtube.com/watch?v=VGfdg_6pW5o
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Sa Maynila po, ang lugar sa harapan ng neo-classical na post office building ay tinatawag ngayon na Liwasang Bonifacio, naging larangan ng pakikibaka at kilos-protesta simula noong panahon ng diktadura. Ngunit kilala pa rin ito sa dating pangalan nito. Ang Plaza Lawton. Ipinangalan ito ng mga mananakop na Amerikano sa karangalan ng kanilang bayaning si Heneral Henry Ware Lawton. Lawton??? Huh??? Who’s that Pokemón???
Isang respetadong sundalong Amerikano na nagsilbi noong kanilang Civil War, noong Apache Wars, Spanish-American War at Philippine-American War. Sumikat siya nang matugis niya ang matapang na pinuno ng mga Apache Indians na si Gerónimo noong 1886.
Sabi ni Gerónimo, napagod daw sila sa makulit na kakahabol ng mga kawal ni Lawton. Ngunit ang magaling na heneral na Amerikano ay makakahanap lang pala ng katapat sa Pilipinas! 113 years ago ngayong araw, December 19, 1899, nakipaglaban siya sa mga pwersa ng Republika ng Pilipinas sa San Mateo, Morong, ngayon ay Rizal. Sa labanang ito, nabaril siya ng isang sharpshooter na sa malaking biro ng tadhana ay nasa ilalim ng heneral na ang pangalan din ay Gerónimo!
Si Hen. Licerio Gerónimo ng Sampaloc! Si Lawton ang tanging heneral na Amerikano na nasawi sa kanilang pakikidigmang Pilipino-Amerikano. Si Heneral Licerio Gerónimo naman, sumuko sa mga Amerikano nang mahuli si Heneral Emilio Aguinaldo at naging bahagi ng Philippine Constabulary na nagpasuko ng mga rebolusyunaryo at naging responsable sa pagkagapi at pagkamatay ni Heneral Luciano San Miguel, isang bayani ng Katipunan. Sa kabila nito, hindi na mabubura ang papel ni Heneral Licerio Gerónimo at ng kanyang mga kawal na inilarawan ni Heneral Lawton sa kanyang report bago ito mamatay, “Taking into account the disadvantages they have to fight against in terms of arms, equipment and military discipline, without artillery, short of ammunition, powder inferior, shells reloaded until they are defective, they are the bravest men I have ever seen…” Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Quirino, Manila, 13 December 2012)