XIAOTIME, 14 December 2012: IMAHE NG BAYANI, Pagbabalik-tanaw sa Alaala ni Fernando Poe, Jr.
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 14 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Ronald Allan Kelley Poe noong kanyang kasal kay Jesusa Purificacion Sonora a.k.a. Susan Roces, noong December 25, 1968, mula sa koleksyon ng Sinupang Xiao Chua.
14 December 2012, Friday: http://www.youtube.com/watch?v=13oRBZq4aOw
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Binabati ko ang mga delegado ng National Rizal Youth Leadership Institute na ngayon ay nasa Lungsod ng Baguio mula sa amin sa Order of the Knights of Rizal. Enjoy tayo diyan. Walong taon na ang nakalilipas ngayong araw, December 14, 2004 nang sumakabilang buhay si Ronald Allan Kelley Poe. Huh??? Who’s that Pokemón??? Siya na nga ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. na mas kilala bilang si FPJ, o Da King. Noong December 18, 2004, sa kabila ng alinlangan ng aking nanay, lumuwas ako mula sa aking pagbabakasyon sa Tarlac pa-Maynila at hinatid ako ng aking ama upang makipila upang matanaw ang labi ni FPJ.

Ang larawan ng pagbisita ni Xiao Chua sa labi ni Fernando Poe, Jr. dala-dala ang kanyang FPJ memorabilia ay naging frontpage pa ng Abante, December 18, 2004.
Ang haba ng pila. Bakit ganoon na lamang ang pagmamahal ng mga tao kay Da King, e artista lang naman daw siya. Liwanagin natin. Isinilang si FPJ noong August 20, 1939 kina Allan Fernando Poe y Reyes at Elizabeth “Bessie” Kelley y Gatbonton.
Kahit anak ni Fernando Poe, Sr. na isa sa pinakasikat na artista ng kanyang panahon, nagsimula siya bilang messenger ng mga film company at di naglaon, stuntman??? Ang pelikulang Lo Waist Gang ang nagpasikat sa kanya noong 1957. Di naglaon, hindi lamang siya naging action star, naging direktor na rin ng pelikula sa ngalang Ronwaldo Reyes. Nagkamit ng maraming parangal at naging box office king. Ngunit bakit nga ba nag-click si FPJ? Ayon sa mga sanaysay nina Zeus Salazar, Prospero Covar at Agustin Sotto sa aklat na “Unang Pagtingin sa Pelikulang Bakbakan,” ang pelikulang aksyon ay maituturing na modernong bersyon ng mga sinaunang epiko na nagpapakita ng naratibong liwanag-dilim-liwanag. Isasalaysay ang mapayapang buhay ng bida o bayani ng epiko at nang kanyang pamilya sa kanyang bayan, matapos ay darating ang kalaban na sisira sa kaayusan, at sa huli, ipaglalaban ng bayani ang kanyang bayan at matatamo ang magandang katapusan ng kwento.
Si FPJ bilang bida sa pelikula ay tila kinatawan din ang bayani ng mga epiko sa Pilipinas. Makisig, may mabuting kalooban, may charm sa kababaihan, matapat na kaibigan, simpleng manamit at hindi hiwalay sa bayan at mga maralita, protektor ng mga maliliit, pasensyoso pero pag nagalit parang bulkan, hindi nananakit ng babae, at puwede mo siyang saktan pero hindi ang kanyang pamilya. Kahit ang pinakasikat niyang papel bilang “Ang Panday” ay kaugnay ng sinaunang manglilinang sa Pilipinas.
Kaya ang kanyang isinabuhay sa pinilakang tabing ay ang modelo ng isang tunay na Pilipino. Kaya naman ang laking kabalintunaan na ang modelo ng tunay na Pilipino ay pinaratangan nang siya ay tumakbo bilang pangulo noong 2004 na may dugong Amerikano na dapat ay madisqualify. Ang katanungan na lamang ay ito: ang imahe ba ni FPJ ay pareho rin sa kanyang imahe sa likod ng pinilakang tabing. Lumabas na lamang ang mga kasagutan nang siya ay mamatay. Hindi man siya perpekto at terrible raw kung magalit, siya ay simpatiko at mapagmahal lalo na sa kanyang swani, si Ma’am Susan Roces.
Nagnais arugain ang mga maliliit sa industriya ng pelikula at isa sa mga nag-isip ng MOWELFUND kasama sina Erap at Dolphy. May mga aktibista rin na nagsasabi na kahit na ninong niya sa kasal ang Pangulong Marcos, hindi nagkait ng tulong sa mga nakikibaka laban sa diktadura.
Kapag nagbibigay ng relief goods, hindi nagsasabi na ito ay galing sa kanya. Nitong nakaraang Hulyo, tinanggap na ng pamilya ni FPJ mula kay Pangulong Noynoy Aquino ang gawad para sa kanya na Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, pagkilala sa kanya bilang tunay na bayani ng ating sining at kultura.

Paggawad ng Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula para kay Fernando Poe, Jr. mula sa “tunay” na pangulo ng Pilipinas, Noynoy Aquino. Tinanggap nina Susan Roces at ng kanilang anak na si Grace Poe-Llamanzares, 2012.
Sa kanyang mga pelikula, ipinakita ni FPJ na ang bayani ay hindi dapat nahihiwalay sa kanyang bayan tulad ng linya niya bilang si Asedillo, “San Antonio, hindi ako maaaring magtaksil sa inyo. Huwag niyo akong talikuran, kayo ang batis, ang ilog at ang dagat, at ako ay isda, paano ako mabubuhay kung wala kayo.”
Ang bayani rin ay laging nagbibigay ng pag-asa, tulad ng kanyang paalala ukol sa ating maralita, “Huwag niyo silang aalisan ng pag-asa. Baka yun na lang ang natitira.” Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.
(Zaide DLSU Manila at PTV, 6 December 2012)