IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Tag: fpj

KARANASAN SA PAGPUNTA SA LAMAY NI DA KING, Fernando Poe, Jr. (December 18, 2004)

32 tulad ng linya niya bilang si Asedillo

RONALD ALLAN KELLEY POE (1939 – 2004)

Michael Charleston “Xiao” B. Chua

Nais kong ibahagi sa lahat ng mga interesado ang aking mga hindi malilimutang karanasan nang ako’y tumungo sa lamay ni DA KING, Fernando Poe, Jr. sa Simbahan ng Sto. Domingo noong Ika-18 ng Disyembre 2004.  Si FPJ ay kilala sa kanyang mga pagganap bilang Panday, Asedillo, at iba’t ibang mga papel na sumasalamin sa mga mamamayan, kasaysayan at kulturang Pilipino.

Nang maging frontpage ng Abante December 21, 2004 issue kasama ang muslim na fan ni FLJ na si Ma'am Rashila Alpha.  Kuha ni Arnel Petil.

Nang maging frontpage ng Abante December 21, 2004 issue kasama ang muslim na fan ni FLJ na si Ma’am Rashila Alpha. Kuha ni Arnel Petil.

Noong hatinggabi ng Ika-14 ng Disyembre, Martes, ako’y nasa Yakal Residence Hall sa UP at nakikipagtalastasan sa pamamagitan ng Chikka sa aking kaibigan na si Angelito Angeles.  Pinag-uusapan namin si FPJ at ang aming pag-aalala sa kanyang kalusugan, na bagama’t hindi namin siya ibinoto sa pagkapangulo noong nakaraang halalan, hindi maiaalis na kami’y humanga sa kanyang kontribusyon bilang Hari ng Pelikulang Pilipino.  Sa katunayan, sa pagkakataong iyon, si Angelito ay nanunood ng pelikula ni FPJ.  Ngunit hindi siya mapalagay.  Ito ang itinakbo ng aming usapan:

Jose Angelito:

sana gumaling pa c FPJ. Di ako mapalagay. I am a big fan of FPJ. Although d ko cya binoto last election. Actually nanonood ako ngaun ng isa niyang flick noong 1980s with Eddie Garcia as the main antagonist, hehehe

Xiao:

Kanina ko pang umaga ipinagdadasal si FPJ, kahit nung naglalakad ako bago ako pumasok iniisip ko siya.  Sana dinggin ng langit ang panalangin nating lahat.  Naiiyak tuloy ako…

Jose Angelito:

I really like him, d talaga ako mapalagay habang pinapanood ko ang flick niya. =(

Xiao:

Sige, nood ka na dyan, tuloy-tuloy lang sa mga panalangin…

Jose Angelito:

Ok..

Habang nakikipagtalastasan kay Angelito, ako ay nagdodownload naman ng mga mahahalagang larawan ni FPJ mula sa internet upang gawing wallpaper.  Pagkalipas lamang ng ilang minuto, natanggap ko mula kay Angelito ang mensaheng ito sa ganap na 12:53 NU:

Pumanaw na si G. Fernando Poe, Jr.  Pls. pray 4 d eternal repose of his soul.

Dali-dali kong binuksan ang radyo, umaasang nawa ay kuryenteng balita na naman ito tulad kaninang hapon nang kumalat sa text na yumao na si FPJ, ngunit hindi.  Kinumpirma na ito ng media.  Sa DZMM, matapos ang balita mula sa St. Luke’s Hospital, pinatugtog ang Tears in Heaven.

Isinulat ko rin sa bulletin board ng dormitoryo “DA KING IS DEAD, LONG LIVE DA KING!”

Kinabukasan, ang aking pag-uulat sa pamamagitan ng PowerPoint sa kursong Science, Technology and Society.  Sa huling bahagi ng aking ulat, ipinamalas ko sa malaking klase ang dalawang larawan ni FPJ.  Inialay ko ang aking ulat sa kanyang karangalan.

Dahil nasira ang antenna ng dormitoryo, tanging radyo lamang ang aking pinagkukunan ng balita.

Nakauwi na ako sa Tarlac para sa bakasyong pangkapaskuhan nang mapanuod ko ang samut-saring mga programa at balita na nairekord ng aking Tito Kok-Chin sa VHS.  Dahil dito ako ay nagnais na maging bahagi ng mga taong nakikiramay, upang mapadagdag sa mga nakapila at nagsasabing hindi mamamatay ang Hari sa puso ng mga Pilipino.  Ninais kong maging bahagi ng makasaysayang tagpong ito kahit man lang maging isa sa mga nagtyagang pumila upang makita ang Hari.

Nagpaalam ako sa aking ama at sinabi kong makikisabay na ako sa kanya sa kanyang pagbalik sa Maynila, nais kong tumungo sa simbahan ng Sto. Domingo.  Hindi siya pumayag, masama ang kanyang kutob na baka guluhin ang lamay ng mga mapagsamantala, at sundan ko rin si Da King.  Inulit ko ang aking hiling, tumanggi siyang muli.

Pinakiusapan ko ang aking ina na siya na ang makiusap, na sabihin sa kanyang ayokong manghinayang sa huli na hindi ako nakapunta sa lamay ni FPJ.  Na kahit hindi niya ako isama sa Maynila, ako ay aalis din.

Kinabukasan, Sabado, sa oras na 8:00 NU, sabay kami ng aking amang umalis patungong Maynila.

2004-12-18-001 Sto. Domingo Church...

11:00 NU:  Hinatid ako ng aking ama sa Sto. Domingo.  Sinundan ko ang dulo ng pila ng mga taong nagtungo sa lamay ni FPJ, mula Sto. Domingo Ave., natagpuan ko ito sa P. Florentino.  Nakasama ko sa pila si G. Angelo Tabaquero ng Kabite.  Ilang minuto lamang ang lumipas, pagtingin namin sa likuran, ang dami nang tao.  Inilabas ko ang aking dalawang lumang magasin na naiukol sa kasal ni FPJ kay Susan Roces noong Pasko ng 1968.  Biniro ko si Dad noong umaga na kung ipapakita ko ito sa simbahan, baka mapansin ako ng media.  Tinignan ng mga kasama ko sa pila, pati na rin ng mga manlalako, ang aking mga magasin.  Bumili din ako ng bagong edisyon ng Insider na tungkol lahat sa buhay ni FPJ.

2004-12-18-008 FPJ Will Never Be Forgotten

Si Xiao Chua kasama si Angelo Tabaquero.

Si Xiao Chua kasama si Angelo Tabaquero.

11:30 NU:  Tatlumpung minuto lamang ay nasa loob ng ako kapilya ni St. Martin de Porres, tila di gaanong mahaba ang pila sa tanghali.  Yakap-yakap ko ang mga lumang magasin, dumaan ako sa harapan ng kabaong.  Sinulyapan ko ang labi ni Ronald Allan Kelley Poe, tapos ay kinuhanan ko ito ng litrato.  Si FPJ na puno ng aksyon at sigla sa pelikula at pulitika ay nakita ko nang isang malamig na bangkay, ako’y nanlumo, nanginig at nangilabot.  Hinawakan pa ako ng nagbabantay ng kabaong dahil muntik na akong matumba.  Patay na nga ang Hari ng Pelikulang Pilipino.

2004-12-18-011 Da King of Philippine Cinema

Matapos akong pumila, itinanong ko kung paano ko maaaring makausap ang balo na si Ms. Susan Roces upang makapagbigay ng personal na pakikiramay at maipakita ang mga lumang magasin.  Sabi ng aking pinagtanungan na wala pa si Ms. Susan subalit maaari akong magtanong sa gate na pinapasukan ng pamilya.  Pumunta ako, at nagpakilalang estudyante ng kasaysayan sa UP Diliman.  At tulad ng inaasahan, sa tuwing naririnig ang pangalan ng aking eskwelahan, ako’y malugod na tinanggap, at nakilala ko ang mga FPJ Boys (tulad nina Mhon Esguerra, Joe Andrade at Julian Palad, III, at ang tanyag na cinematographer na si Romy Vitug.  Dahil sa mga lumang magasin, naaliw sila sa akin at nakakwentuhan ko na sila.  Nang malaman nilang ako’y estudyante ng kasaysayan, inilabas nila ang iba’t ibang paksa sa usapan—Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio, Balangiga, Ninoy, Erap, etc. etc.  Napakagandang isipin na ang hamak na iskolar ng bayan mula sa Tarlac ay nakaututang-dila ang mga nakasama ni FPJ.

Si Xiao kasama si Romy Vitug.

Si Xiao kasama si Romy Vitug.

1:00 NH:  Dumating ang kapatid ni FPJ na si Freddie Poe.  Naisipan ni Julian Palad na ipakita ang lumang larawan ni Freddie mula sa aking magasin.  Napawika si Freddie, “Wala namang gaanong nag-iba, di ba?”  Nang makita ng ABS-CBN reporter na si Kristel Aliño ang magasin, kinunan nila ang mga larawan sa loob at itinanong nila kung sino ang may-ari ng mga ito.  Itinuro nila ako at napansin na ako ng media.  Kinapanayam ako ng TV Patrol World at ni Jason Torres, reporter ng ABC-5 sa pag-aakalang ako ay isang fanatico ni FPJ.  Napansin din ako ng isang writer ng ABS-CBN at inalok ako na sumama sa studio at ako ay kakapanayamin ng live sa Ek Channel (Nagtanong ako kung ano yun at isa pala yung programa sa ABS-CBN).  Sumama sa akin si Julian at kami ay dinala sa ABS-CBN Complex.  Nakakwentuhan ko si Julian sa loob ng Studio 5.  Siya raw ay kaklase ni Robin Padilla, lumabas na sa ilang show sa ABS-CBN at nakasama si FPJ sa nakaraang dalawang taon.  Si “manager” (taguri ng mga FPJ Boys kay Da King) ay talagang matulungin raw.  Ayon sa kanya, kung buhay pa ang FPJ, matutuwa daw iyon sa akin pag nakita yung mga magasin at magbibigay daw agad ng Php 20,000.00, ganoon siya kagalante.  Sinabihan ko ang aking ama, ina at ilang kaibigan na ako ay lalabas sa TV.  Pinakiusapan ko si Tito Kok-Chin na irekord ang aking paglabas.

Si Freddie Poe, tinitingnan ang aking PFJ memorabilia, kasama ang stuntman na si Julian Palad.

Si Freddie Poe, tinitingnan ang aking PFJ memorabilia, kasama ang stuntman na si Julian Palad, III.

1:30 NH:  Ipinakilala sa akin ni Julian ang isa sa mga direktor sa ABS-CBN.  Matapos noon, sa pamamagitan ng food stub na ibinigay sa amin ng Ek Channel na nagkakahalaga ng Php 40.00 ang isa, kumain kami ni Julian sa loob ng ABS-CBN.  Nakilala pa namin ang ilang mga babaeng dancer sa MTB.  Sinabi niya sa akin na ang aking pagpunta sa Sto. Domingo ay nagpapatunay na may Diyos at may dahilan na ako’y napadpad sa tamang panahon.  Ang paglabas ko sa TV ay regalo ni FPJ sa akin aniya.  Na kahit na siya ay yumao na ay natulungan pa rin niya ako kahit papaano.

2:00 NH:  Tumungo kami ni Julian sa Studio 4 ng ABS-CBN at naabutan na namin ang mga FPJ fans na nagkakantahan.  Nasasalamin sa kanila di lamang ang kanilang malalim na paghanga kay FPJ, kung hindi ang kanilang desperasyon sa buhay, na kanila nang iniasa ang kanilang kinabukasan kay Panday. Nakita ko rin si Xavier Gravides, ang aking kaklase sa Sosyolohiya 142, na kung dati bilang isang aktibista ay tinitira ang ABS-CBN, ngayo’y nagtatrabaho na dito.

Dominic Ochoa at Jaja Bolivar, mga unang nagpanayam ng live kay Xiao Chua.

Dominic Ochoa at Jaja Bolivar, mga unang nagpanayam ng live kay Xiao Chua.

2:30 NH:  Dumating na ang mga sikat na mga host at panauhin ng Ek Channel-Y Speak Tribute Special na alay sa Da King, Fernando Poe, Jr.  Nang ipakita si Dominic Ochoa na kasama ang mga fans ni FPJ, naroon ako sa kanyang gilid.  Magiliw si Dominic sa mga fans.  Kinausap ko din ang isa pang kakapanayam sa akin, ang cute na cute na si Jaja Bolivar na nagtapos pala sa UP!  Napakabait niya sa akin, actually.  Matapos ang panayam ni Ogie Diaz sa kontrobersyal na si Karen Davila, na pinagtampulan ni Susan Roces ng kanyang galit sa ABS-CBN, ayun na ang aking “Three Minutes Of Fame:”

[Nasa youtube:  http://www.youtube.com/watch?v=6FUUKmAeghY]

Studio 5

Ogie Diaz:  Dominic, heto na… tatawagin naman natin, mga kaibigan, si Dominic para maikwento naman niya sa atin kung ano naman ang mga memorabilia na ipinakita sa kanya ng mga tagahanga ni FPJ.

Studio 4

Dominic Ochoa:  Yes, thank you so much Ogie and Ms. Karen Davila, at least malinaw na lahat ang mga bagay-bagay na ganyan.  Kasama ko po ngayon si Jaja at si Michael Chua na may-ari ng mga FPJ memorabilia na nakikita po natin ngayon.

Jaja Bolivar:  Yes, thank you, Dominic, on a lighter note Michael ano ba ang hawak mo ngayon?

Michael Chua:  Ito ay isang special magazine noong wedding ni Fernando Poe, Jr at ni Susan Roces noong December 25, 1968.

Jaja:  Yes, bakit ba mayroong kang kopya nito?

Michael:  Ah, ito’y ano…actually ako kasi’y isang Filipiniana collector dahil history student ako sa Diliman.  So, I brought this in a shop sa Cubao.  And then…

Dominic:  Cubao?  Kailan mo binili ito?

Michael:  Ah, last year.

Dominic:  Ah last year lang.

Michael:  Sabi ko, “Wow!  This is [a] historic document.

Dominic: Michael, are you an FPJ fan?

Michael:  Uhm, sasabihin kong tagahanga ako pero hindi kasing lalim ng pagmamahal ng mga tao na nasa paligid ko ngayon, but I can say na, uhm, tayo kasing mga Pilipino, ako lumaki sa mga pelikula ni FPJ, pinapanood ko yan.

Dominic:  Ako kinalakihan ko siya talaga.

Jaja:  Yes, oo, Michael, ano ba ang highlights ng wedding of the year noong 1968.  Can you tell us some trivia about the wedding.

Dominic:  Ako, meron akong alam bago si Michael, sila papunta naghoneymoon sila sa Tokyo, ayan o (tatawa), sige Michael.

Jaja:  ah, ok, ayan.

Michael:  (Bubuklatin ang magasin) Ito yung gown, 3:00 AM palang ay naghahanda na sila for the wedding ano, and then, kasi 7:00 AM yung wedding, napakaunusal nga kung ngayon.  Yan yung gown niya na dinesign ni, if I’m not mistaken, Pitoy Moreno, ano?  Tama ba?

Jaja:  Yes!

Michael:  And then, ito yung hitsura ni Da King nung hinihintay na niya yung ano, ang gwapo…

Jaja:  Sabi nga ni Dominic sino angt kamukha niya?

Dominic:  Kamukha ito nung kaibigan kong si Shintaro Valdez.  Si FPJ.

Jaja:  (Tatawa)

Dominic:  Gwapo at matipuno.

Dominic:  Pero ito mayroon akong nabalitaan dito kay Michael, na si Michael pala ay taga-Tarlac at ikaw ayaw kang payagan ng tatay mong pumunta dito para bisitahin si FPJ, at tumakas ka.

Michael:  Nag-aalala…Hindi ako tumakas, pinilit ko siya, nag-aalala siya na baka raw may mangyari and whatever, but I said, sayang ito, ito yung pagkakataon ko na ipakita sa lahat ng Pilipino na si FPJ, kahit na hindi fan yan, basta lahat ng Pilipino, nakaugat dyan si FPJ…

(Palakpakan)

Michael:  At saka nasa kamalayan na yan ng Pilipino.

Jaja:  Exactly.  Thank you very much Michael Chua.

Dominic:  Right, thank you.

Michael:  Marami pong salamat.

Matapos ng aking munting paglabas sa telebisyon, ilang kaibigan ang nagtext at tumawag.  Matapos noon ay lumapit na ako sa mga personalidad na naroroon upang makapagpalitrato, humingi ng autograph at makipag-ututang dila:  FPJ Impersonator Bobby Henson, Berting Labra, Jaja Bolivar, Angelika dela Cruz, Ryan Agoncillo, Ramon Zamora, Dominic Ochoa, Vandolph Quizon, Dennis Padilla, FPJ Stuntman Andy Laura, Fred Panopio, Matet de Leon, Robert Seña, Jamie Rivera, Amanda Page, Karen Davila, Ogie Diaz, at Rica Peralejo.

Kasama si EPJ.

Kasama si EPJ

Kasama si Berting Labra

Kasama si Berting Labra

Kasama si Ramon Zamora

Kasama si Ramon Zamora

Kasama si Vandolph Quizon

Kasama si Vandolph Quizon

Kasama si Fred Panopio (umawit ng Pitong Gatang)

Kasama si Fred Panopio (umawit ng Pitong Gatang)

Kasama si Karen Davila

Kasama si Karen Davila

Ilang mahahalagang tagpo ng aking pakikipag-ulayaw sa mga personalidad.  Nakipagkwentuhan ako kay Berting Labra tungkol kay FPJ na kanyang nakasama sa maraming pelikula, unang-una na ang Lo-waist Gang.  Ako’y nag “Sieg Heil” kay Ramon Zamora at kinuwento sa kanya na nirekord ko ang panayam sa kanya sa dokumentaryo ng ABS-CBN.  Sinabi ko na ipagpatuloy ni Bobby Henson ang kanyang sinagawa upang kahit papaano manatiling buhay si FPJ, ikinuwento rin niya sa akin ang kanyang karanasan sa huling rally ni FPJ noong tumakbo siya sa pagpangulo, na nang tawagin si FPJ, siya ang unang lumabas.  Nang sabihin ko kay Vandolph na napanood ko ang kanyang ipinakitang emosyon nang mabalitaang mamatay ang kanyang ninong, kanyang winika sa akin, “Hindi nila ako naintindihan noon, mali naman ako.”  At sinabi kong naiintindihan ko siya sapagkat hindi inaasahan ang kanyang pagyao, na akala ko ay nakakaligtas pa siya.  At sinabi niyang hindi rin niya ito mapaniwalaan dahil si FPJ ay malakas pa naman.  Kapansin-pansin na si Vandolph pala ay magalang, madaling lapitan ay accommodating naman.  At kahit medyo hindi ako sang-ayon sa kanyang ginawa sa harapan ni Susan Roces, pinuri ko naman si Karen Davila sa kanyang pagiging totoo sa napakahirap na sitwasyon na iyon.  Kung saan siya ay nagpasalamat.

2004-12-18-039 Da King Is Dead...

5:00 NH:  Kinapanayam ako ng TV Patrol World ukol sa mga memorabilia at kay FPJ.

Kinapanayam para sa TV Patrol World pero actually, wala silang pinalabas.  Ginamot lang nila ito para makuha ang mga imahe sa aking memorabilia.

Kinapanayam para sa TV Patrol World pero actually, wala silang pinalabas. Ginamot lang nila ito para makuha ang mga imahe sa aking memorabilia.

5:30 NH:  Bumalik ako sa Sto. Domingo.  At dahil kilala na ako ng bantay, ako ay pinapasok sa gate ng mga pamilya at media.  Tinangka kong pumasok sa pintuan ng pamilya subalit ako ay pinigil.  Naghintay pa ako ng tamang panahon upang makapasok sa kapilya.  May nakakilala pa sa akin na dalawang dilag dahil sa aking paglabas sa telebisyon kanina.  Pinanood ko din ng live ang news update ng ABC-5 ng 7:00 NG.  Wala pa ring patid ang pila.  At kung makakapagtiis sila ng tatlo hanggang apat na oras sa pagpila, isang pilang kilometro ang haba, ay masasabing mahal nga talaga ng Pilipino si FPJ.  At dahil alam kong marahil hindi ko na maipapahatid kay Ms. Susan Roces ang aking personal na pakikiramay at paghanga, ay minabuti kong lapitan ang kapatid ni FPJ na si Freddie Poe upang ibigay ang pakikiramay ng pamilya Chua ng Tarlac sa pamilya Poe.

2004-12-18-056 Inside The Chapel of Da King

7:30 NG:  Nakita ko si G. Joe Andrade na pinuno ng mga taga-suporta ni FPJ at ngayon ay koordineytor sa libing ni FPJ.  Naalala naman niya ako ngunit sinabi niya sa akin na ako na ang humanap ng diskarte kung paano papasok sa loob ng kapilya.  Kaya naman, nagpakilala akong isang estudyante ng UP at pinakiusapan ko ang mga pulis na padaanin ako sa rehas.  Noong una ay hindi sila pumayag ngunit pagtalikod ko, muli akong tinawag at pinapasok rin ako.  Umupo ako at nakatabi ang isang muslim na babae na ang pangalan ay Rashila Alpha na nagmula pa sa Visayas at palilipasin na lang ang mga araw sa Sto. Domingo upang sa huling sandali ay makapiling si FPJ, pinakain pa niya ako ng biskwit ng muslim at nag-aalok pa ng baon-baong tubig.  At dahil napansin na naman ang memorabilia kong mga magasin, kaming dalawa ay kinapanayam ng isang taga Abante Tonite na si G. Aries Cano na ilalabas sa mismong araw ng libing ni FPJ.  Isa pa sa aking mga nakilala ay isang kompositor na si Rey M. Grande na nagmula sa Amerika at inalayan si Susan Roces ng mga awit para kay FPJ, ilan sa mga ito ay ang “Ninakaw na Pangarap,” at “The Final Battle.”  Mayaman o mahirap, may-pinag-aralan o wala, Kristiyano o Muslim, kaming lahat ay nagsama-sama sa pagdadalamhati, at pinagkaisa ng aming paghanga sa Hari ng Pelikulang Pilipino, na hindi lamang pala bayani sa pelikula, kundi bayani sa tunay na buhay sa dami ng kanyang natulungan at hindi ipinaalam sa madla.  Sa tagpong iyon, inisip ko na ako ang kinatawan ng mga bagong henerasyon, na hindi naman talagang tagahanga ni FPJ, ni hindi nga siya ibinoto noong nakaraang halalan, subalit lumaki pa rin sa panonood ng kanyang mga pelikula at subconsciously ay ginawa siyang modelo ng lalaking Pilipino at naging tagasunod ng mga aral na kanyang ibinabahagi sa pelikula.  At kahit na siya’y nabahiran na ng putik ng maruming pulitika, na maaaring naging sanhi pa ng kanyang kamatayan, ay mahirap ng matibag ang kanyang limang dekadang ambag na nagpataas ng antas ng pelikula at kalinangang Pilipino.  Nagpapatunay lamang na tunay nga, kahit hindi die-hard FPJ fan, basta ikaw ay Pilipino at nakapanood ng kanyang mga pelikula, nakapaloob sa ‘yo si FPJ.  Si FPJ ay nakapaloob na sa kalinangan at kamalayang Pilipino.

Mula sa Abante Tonite December 22, 2004.

Mula sa Abante Tonite December 22, 2004.

9:30 NG:  Natapos na ang misa sa Sto. Domingo ngunit hindi ko pa rin makita si Ms. Susan Roces, hindi na ako makakapaghintay at lumalalim na rin ang gabi.  Muli ko binalikan ang labi ni FPJ.  Kinuhanan ko ulit siya ng larawan, yumuko at ibinulong, “Rest in peace po!”

2004-12-18-057 Ronald Allan Kelley Poe (1939-2004)

Sa aking paglabas, inabutan ako ng Royal Lite, at tila hindi pa rin gabi at nagpapatuloy ang piyesta.  Mas marami na ang mga tao.  May ilang malalaking tabing na ipinapalabas ang pelikulang Hagedorn na kinatampukan siyempre ni Da King.  Ang pila ay lalong mas mahaba, at kinausap ko ang Hari sa aking isipan, “Look, there’s a line out there that stretches for miles, it only goes to show that your efforts were not wasted and recognized.  And through your excellence and dedication in cinema you showed your love to the Filipino people, you are now loved in turn.”

At kahit nakalayo na ako ng Sto. Domingo, tumatakbo pa rin sa akin ang awit ni FPJ sa pelikulang Batang Quiapo na paulit-ulit na pinatutugtog sa paligid ng simbahan—na sa kanyang pagkamatay ay lalong nagkaroon ng kahulugan at naging mas makabagbag-damdamin:

Kung natapos ko ang aking pag-aaral

Disin sana’y mayroon na akong dangal

Na ihaharap sa ‘yo at ipagyayabang

Sa panaginip lang ako ay magdiriwang

 

Kung di dahil sa barkada ay tapos ko na

Ang pag-aaral na nagbibigay ng halaga

Sa awitin kong ito ko lang madarama

Mga pangarap kong walang pangamba

 

Doon ay kaya kong ipunin lahat ng bituin

Doon ay kaya kong igapos ihip ng hangin

Doon ay kaya kong ipagbawal buhos ng ulan

Sa panaginip lang kita nahahagkan twina

Doon lang…

Ngunit hindi lamang sa panaginip natin makakadaupang-palad muli si Da King, kundi sa ating mga puso at mga isipan.  Pinupuri ko ang Diyos na nabuhay at lumakad sa mundo ang isang FPJ, na lalong nagbigay kulay sa ating pagka-Pilipino.

Ika-21 ng Disyembre 2004, 11:00 NU,

5058 Polara Lane,Fairlane Subd.,

Lungsod ng Tarlac

Post Script:

Si Da King, Fernando Poe, Jr. ay hinimlay ng kanyang pamilya, kasama ng sambayanang Pilipino, noong umaga ng Ika-22 ng Disyembre 2004 sa libingan ng mga Poe sa Manila North Cemetery, matapos ang isang apat na oras na martsa mula sa Simbahan ng Sto. Domingo na dinaluhan ng daan-daang libong tao.  Bukang liwayway nang magsimula ang martsa, na tila sumasagisag na nagsimula na rin ang ang martsa tungo sa minimithiing Bagong Umaga ni Da King.  Bagama’t ang masa ay galit na galit sa sinasabing pag-agaw ng kasalukuyang pangulo sa panalo ni Da King, nakitang ang lahat ay nagkaisa sa kapayapaan upang ihatid si Da King sa huling hantungan, wala nang iba pa…

FPJ - Martsang Libing Tungo sa Bagong Umaga 08

XIAOTIME, 14 December 2012: IMAHE NG BAYANI, Pagbabalik-tanaw sa Alaala ni Fernando Poe, Jr.

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 14 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Ronald Allan Kelley Poe noong kanyang kasal kay Jesusa Purificacion Sonora a.k.a. Susan Roces, noong December 25, 1968, mula sa koleksyon ng Sinupang Xiao Chua.

Si Ronald Allan Kelley Poe noong kanyang kasal kay Jesusa Purificacion Sonora a.k.a. Susan Roces, noong December 25, 1968, mula sa koleksyon ng Sinupang Xiao Chua.

14 December 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=13oRBZq4aOw

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Binabati ko ang mga delegado ng National Rizal Youth Leadership Institute na ngayon ay nasa Lungsod ng Baguio mula sa amin sa Order of the Knights of Rizal.  Enjoy tayo diyan.  Walong taon na ang nakalilipas ngayong araw, December 14, 2004 nang sumakabilang buhay si Ronald Allan Kelley Poe.  Huh???  Who’s that Pokemón???  Siya na nga ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. na mas kilala bilang si FPJ, o Da King.  Noong December 18, 2004, sa kabila ng alinlangan ng aking nanay, lumuwas ako mula sa aking pagbabakasyon sa Tarlac pa-Maynila at hinatid ako ng aking ama upang makipila upang matanaw ang labi ni FPJ.

Ang larawan ng pagbisita ni Xiao Chua sa labi ni Fernando Poe, Jr. dala-dala ang kanyang FPJ memorabilia ay naging frontpage pa ng Abante, December 18, 2004.

Ang larawan ng pagbisita ni Xiao Chua sa labi ni Fernando Poe, Jr. dala-dala ang kanyang FPJ memorabilia ay naging frontpage pa ng Abante, December 18, 2004.

Ang haba ng pila.  Bakit ganoon na lamang ang pagmamahal ng mga tao kay Da King, e artista lang naman daw siya.  Liwanagin natin.  Isinilang si FPJ noong August 20, 1939 kina Allan Fernando Poe y Reyes at Elizabeth “Bessie” Kelley y Gatbonton.

Mula sa bahay-dagitab na Video 48, na pinagkunan ng maraming larawan ng TV segment.

Mula sa bahay-dagitab na Video 48, na pinagkunan ng maraming larawan ng TV segment.

Kahit anak ni Fernando Poe, Sr. na isa sa pinakasikat na artista ng kanyang panahon, nagsimula siya bilang messenger ng mga film company at di naglaon, stuntman???  Ang pelikulang Lo Waist Gang ang nagpasikat sa kanya noong 1957.  Di naglaon, hindi lamang siya naging action star, naging direktor na rin ng pelikula sa ngalang Ronwaldo Reyes.  Nagkamit ng maraming parangal at naging box office king.  Ngunit bakit nga ba nag-click si FPJ?  Ayon sa mga sanaysay nina Zeus Salazar, Prospero Covar at Agustin Sotto sa aklat na “Unang Pagtingin sa Pelikulang Bakbakan,” ang pelikulang aksyon ay maituturing na modernong bersyon ng mga sinaunang epiko na nagpapakita ng naratibong liwanag-dilim-liwanag.  Isasalaysay ang mapayapang buhay ng bida o bayani ng epiko at nang kanyang pamilya sa kanyang bayan, matapos ay darating ang kalaban na sisira sa kaayusan, at sa huli, ipaglalaban ng bayani ang kanyang bayan at matatamo ang magandang katapusan ng kwento.

Si FPJ bilang bayani sa pelikula.  Mula sa PCIJ.

Si FPJ bilang bayani sa pelikula. Mula sa PCIJ.

Si FPJ bilang bida sa pelikula ay tila kinatawan din ang bayani ng mga epiko sa Pilipinas.  Makisig, may mabuting kalooban, may charm sa kababaihan, matapat na kaibigan, simpleng manamit at hindi hiwalay sa bayan at mga maralita, protektor ng mga maliliit, pasensyoso pero pag nagalit parang bulkan, hindi nananakit ng babae, at puwede mo siyang saktan pero hindi ang kanyang pamilya.  Kahit ang pinakasikat niyang papel bilang “Ang Panday” ay kaugnay ng sinaunang manglilinang sa Pilipinas.

Lam-ang, bayani ng epiko.

Lam-ang, bayani ng epiko.

Ang panday, bayani.

Ang panday, bayani.

Kaya ang kanyang isinabuhay sa pinilakang tabing ay ang modelo ng isang tunay na Pilipino.  Kaya naman ang laking kabalintunaan na ang modelo ng tunay na Pilipino ay pinaratangan nang siya ay tumakbo bilang pangulo noong 2004 na may dugong Amerikano na dapat ay madisqualify.  Ang katanungan na lamang ay ito:  ang imahe ba ni FPJ ay pareho rin sa kanyang imahe sa likod ng pinilakang tabing.  Lumabas na lamang ang mga kasagutan nang siya ay mamatay.  Hindi man siya perpekto at terrible raw kung magalit, siya ay simpatiko at mapagmahal lalo na sa kanyang swani, si Ma’am Susan Roces.

Tatlong hari:  Sina Dolphy,  FPJ at Erap Estrada sa Palasyo ng Malacanang.

Tatlong hari: Sina Dolphy, FPJ at Erap Estrada sa Palasyo ng Malacanang.

Nagnais arugain ang mga maliliit sa industriya ng pelikula at isa sa mga nag-isip ng MOWELFUND kasama sina Erap at Dolphy.  May mga aktibista rin na nagsasabi na kahit na ninong niya sa kasal ang Pangulong Marcos, hindi nagkait ng tulong sa mga nakikibaka laban sa diktadura.

Ninong Andy:  Si Ferdinand Marcos noong kasal nina FPJ at Susan Roces, Pasko ng 1968.

Ninong Andy: Si Ferdinand Marcos noong kasal nina FPJ at Susan Roces, Pasko ng 1968.

Kapag nagbibigay ng relief goods, hindi nagsasabi na ito ay galing sa kanya.  Nitong nakaraang Hulyo, tinanggap na ng pamilya ni FPJ mula kay Pangulong Noynoy Aquino ang gawad para sa kanya na Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, pagkilala sa kanya bilang tunay na bayani ng ating sining at kultura.

Paggawad ng Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula para kay Fernando Poe, Jr. mula sa "tunay" na pangulo ng Pilipinas, Noynoy Aquino.  Tinanggap nina Susan Roces at ng kanilang anak na si Grace Poe-Llamanzares, 2012.

Paggawad ng Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula para kay Fernando Poe, Jr. mula sa “tunay” na pangulo ng Pilipinas, Noynoy Aquino. Tinanggap nina Susan Roces at ng kanilang anak na si Grace Poe-Llamanzares, 2012.

Sa kanyang mga pelikula, ipinakita ni FPJ na ang bayani ay hindi dapat nahihiwalay sa kanyang bayan tulad ng linya niya bilang si Asedillo, “San Antonio, hindi ako maaaring magtaksil sa inyo.  Huwag niyo akong talikuran, kayo ang batis, ang ilog at ang dagat, at ako ay isda, paano ako mabubuhay kung wala kayo.”

32 tulad ng linya niya bilang si Asedillo

Ang bayani rin ay laging nagbibigay ng pag-asa, tulad ng kanyang paalala ukol sa ating maralita, “Huwag niyo silang aalisan ng pag-asa. Baka yun na lang ang natitira.”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan and that was Xiao Time.

(Zaide DLSU Manila at PTV, 6 December 2012)