XIAOTIME, 13 December 2012: EMILIO JACINTO, Ang Tunay na Utak ng Himagsikan

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment last Thuesday, 13 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Postcard boy:  Emilio Jacinto

Postcard boy: Emilio Jacinto

13 December 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=Nt_XoWnzxGA

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang episode na ito sa alaala sa namayapang asawa ng aking tita, si Wilmar “Tito Willie” Cadaing na ka-birthday ng bayaning aking tatalakayin sa araw na ito.  Isa pang batang bayani ang ating tatalakayin ngayon araw na ito.  137 years ago sa Sabado, December 15, 1875, ipinanganak sa Trozo, Maynila ang isa sa ating pambansang bayani na si Emilio Jacinto.  Kung si Rizal ang tinatawag kong first emo, puwede kayang si Jacinto ang second emo dahil parehong one sided ang hati ng kanilang buhok, haha, biro lang.

Monumento ni Jacinto malapit sa City Hall ng Maynila sa likod ng Bantayog ni Bonifacio.  Kuha ni Xiao Chua.

Monumento ni Jacinto malapit sa City Hall ng Maynila sa likod ng Bantayog ni Bonifacio. Kuha ni Xiao Chua.

Bata pa lamang siya, natutunan na niyang mangastila, ngunit hindi hadlang ito upang makalimutan niyang hasain ang husay niya sa Wikang Tagalog.  Sa hirap ng buhay, binibili lamang siya ng mga segunda manong damit na hindi natubos sa prendahan, naging tampulan ng tukso si Jacinto.  Sa kabila nito, nakakuha ng magandang edukasyon, sa pribadong paaralan siya nagtapos ng elementarya at nagtapos ng Batsiller en Artes sa Colegio de San Juan de Letran.  Nag-aabogasya siya sa UST nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896.  Kailangan niyang tumigil.

Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, detalye ng monumentong nilikha ni Guillermo Tolentino sa Caloocan.

Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, detalye ng monumentong nilikha ni Guillermo Tolentino sa Caloocan.

Noon kasing 1894, 19 years old pa lamang siya, sumapi siya sa Katipunan at kinuha ang alyas na “Pingkian” na ang kahulugan ay “talaban” halimbawa sa mga bolo.  Napansin siya ng Supremo Andres Bonifacio at ginawang pinakamalapit niyang tagapayo at naupo sa mga posisyong kalihim, piskal, patnugot at naging heneral.

Emilio Jacinto at ang Kartilya, detalye ng bas relief sa Bantayog ng mga Bayani sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Emilio Jacinto at ang Kartilya, detalye ng bas relief sa Bantayog ng mga Bayani sa Mt. Samat, Pilar, Bataan.

Minsan, gumawa silang dalawa ni Bonifacio ng magiging saligang batas ng Katipunan, ngunit nakita ni Bonifacio na mas maganda ang kay Jacinto kaya nagparaya siya kaya ang sa nakababatang Jacinto ang naging opisyal na aral na ginamit sa Katipunan, ang Kartilya.  Na nagpapakita sa atin na sa saligang batas ng Katipunan, mabuting kalooban ang pag-ibig ang kinakailangan upang guminhawa ang bayan, na siyang tunay na kalayaan.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan.  Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Unang pahina ng limbag na edisyon ng Kartilya ng Katipunan. Mula sa pribadong koleksyon ni Emmanuel Encarnacion.

Naging editor ng Kalayaan, ang pahayagan ng Katipunan na sa isang edisyon lamang nito, dumami ang miyembro ng Katipunan mula 300 hanggang 3,000 na kasapi!  Gumamit sila ng mga konsepto at wika na naiintindihan ng bayan kaya sila naging epektibo.

Si Jacinto nagpupunit ng sedula, detalye ng monumento para sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Lungsod Quezon.

Si Jacinto nagpupunit ng sedula, detalye ng monumento para sa Unang Sigaw ng Himagsikan sa Lungsod Quezon.

Sa isang sanaysay dito isinulat ni Jacinto kung saan nagpakita ang isang magandang babae sa isang batang umiiyak, tinanong ng bata kung sino ang babae.   Ang sagot, “Nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat.  Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”  Tama nga naman, tunay lang magiging malaya ang mga tao kung hindi silang nag-aaswangan.  Sa alyas na Dimas-Ilaw, sinulat niya ang mga sanaysay na “Liwanag at Dilim” at ang tulang “A La Patria.”

Si Bonifacio at Jacinto habang nangunguna sa Labanan sa Polvorin, San Juan del Monte.  Likhang Sining ng BayaniArt.

Si Bonifacio at Jacinto habang nangunguna sa Labanan sa Polvorin, San Juan del Monte. Likhang Sining ng BayaniArt.

Sa pagsiklab ng himagsikan, si Bonifacio at Jacinto ang namuno sa pagsalakay ng Katipunan sa Polvorin, San Juan del Monte, at matapos nito ay si Jacinto rin ang nagpanggap na Tsino sa isang barko upang itakas si Rizal.  Tumanggi ang national hero.

Si Emilio Jacinto sa labanan, likhang sining ni Florante “Boy” Beltran Caedo na itinayo noong Sentenaryo ng kapanganakan ni Jacinto.  Dito rin nakalibing ang mga labi ni Jacinto sa Himalayang Pilipino sa Lungsod Quezon.

Pebrero 1898, pinatay na ang kanyang mahal na Bonifacio, nagpatuloy siya sa paglaban sa Maimpis, Magdalena, Laguna.  Nasugatan siya sa hita at nahuli.  Sa kumbento ng Magdalena walang-awa siyang ibinagsak malapit sa hagdan.  Pinaniniwalaang ang mga bakas ng kanyang dugo ay narito pa rin sa mga sahig nito.  Nilinlang niya ang mga Espanyol at nakatakas.

Sahig ng kumbento ng Magdalena kung saan makikita raw ang mga bakas ng dugo ni Emilio Jacinto.  Kuha ni Xiao Chua.

Sahig ng kumbento ng Magdalena kung saan makikita raw ang mga bakas ng dugo ni Emilio Jacinto. Kuha ni Xiao Chua.

Namatay siya sa sakit na malaria sa edad na 23 noong April 6, 1899 sa Santa Cruz, Laguna.  Mukhang nag-iwan pa ng buntis na kabiyak sa puso na si Catalina de Jesus.  Sabi ng ilan, si Apolinario Mabini raw ang Utak ng Himagsikan habang si Jacinto ay Utak lamang ng Katipunan.  Sabi ng asawa ng Supremo, Gregoria de Jesus, paano nangyari yaon e 1898 pa lamang sasali si Mabini sa Himagsikan?  Kaya naman, kailangan talagang kilalanin si Emilio Jacinto bilang Utak ng Himagsikan na nagbigay ng saysay at moralidad sa magiging unang konstistusyunal na demokrasya sa Asya.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(DLSU Manila Library, 5 December 2012)

Ang tanging larawan ni Emilio Jacinto ay ang recuerdo de patay na ito na kinunan nang mamatay ang bayani.  Ang buntis na babae na nakatingin sa kanyang mukha ay si Catalina de Jesus.  Mula kay Dr. Ambeth Ocampo.