XIAOTIME, 11 December 2012: SIMULA NG WORLD WAR 2 SA PILIPINAS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 11 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
11 December 2012, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=tdD5CEZWgQE
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay ito sa isa sa aking mentor at kuya sa disiplina ng Kasaysayan, ang aking thesis adviser na si Dr. Ricardo Trota José ng Unibersidad ng Pilipinas na eksperto sa kasaysayang pang-militar ng bansa, at sa kaibigan kong matalik na nais na sumunod sa kanyang yapak, si John Ray Ramos. 71 years ago sa mga araw na ito nagsisimula na ang World War 2 sa Pilipinas. Nakilala rin ito bilang Digmaang Pasipiko sa pagitan ng Estados Unidos at ng Hapon. Nagsimula ito noong December 7, 1941, 7:55 ng umaga sa Hawaii nang sorpresang sinalakay ng Hukbong Hapones ang base militar ng hukbong dagat ng Estados Unidos sa Pearl Harbor.
Madaling araw na noon ng December 8 sa Pilipinas. Ayon sa aklat na “American Caesar” ni William Manchester, ang kinabibiliban natin at dini-diyos na si Heneral Douglas MacArthur ay hindi mahagilap sa mga mahahalagang unang oras na iyon at hindi naging mapagpasya ang kanyang mga kilos. Tila natameme siya at nasorpresa tulad ng iba. Nasa Baguio noon ang Pangulong Manuel Quezon at kanyang ipinroklama sa isang radio address, “The Zero Hour has arrived. Every man and woman must be at his post to do the duty assigned to him and her, Let us place out trust in God who never forsakes our people.” Buong umaga na lumipad ang mga modernong eroplanong Amerikano sa Clarkfield, Pampanga bilang paghahanda sa pag-atake ng mga Hapones. Nang bumaba sila upang muling magkarga ng gasolina, sumalakay ang mga Hapones bandang tanghali at nawasak ang lahat ng kanilang mga eroplano. Planadong-planado ang paglusob. Lubos na pinaghandaan ng mga Hapones ang digmaan at ilan taon nang may mga spies o tiktik sila dito at nagkaroon sila ng mga mahahalagang trabaho sa mga istratehikong maaaring pagkunan ng impormasyon bilang mga hardinero, barbero, tindero, potograpo, atbp. Marami ang nakabalita sa mga Pilipino na nagsimula na ang digmaan matapos ang misa ng pista para sa Inmaculada Concepcion. Paglabas nila ng simbahan, tumambad na sa kanila ang mga ekstra ng diyaryo na nagbabalita na dahil nasa ilalim tayo ng Estados Unidos, ipaglalaban natin ang seguridad ng ating bansa laban sa mga Hapones.

Pagkalabas ng simbahan matapos ang misa para sa Inmaculada Concepcion, tumambad ang balita ng digmaan, December 8, 1941. Paglalarawan mula sa Childcraft ng World Book.
Noong December 10, 1941, binomba ng mga Hapones ang Maynila. Kahit kulang sa training at mga gamit, maraming nagnais na ipagtanggol ang bayan. Akala ng iba “picnic” lang ang digmaan. Akala rin ng iba, dalawang linggo lamang magtatagal ang digmaan dahil maliliit naman sila at hindi matibay ang mga produktong Hapones. May mga kabataang nais na pumasok bilang sundalo ngunit pinauwi dahil hindi sila sumapat sa gulang. Kahit ganoon, marami sa kanila ang nagtuloy at dumiretso sa Bataan. Panahon ng Kapaskuhan noon ngunit handing lumaban ang mga Lolo at Lola natin na beterano. Sinalubong ng mga sundalong Pilipino ang malaking pwersang Hapones sa Lingayen, Pangasinan noong December 22 karga ang mahigit kumulang 12 bala bawat isa! Malakas pala ang mga Hapones! Kinailangang lumikas! Lumikas ang pamahalaan ni Quezon at tumungo sa Corregidor, Cavite. Noong December 26, ipinroklama ni MacArthur ang Maynila bilang “Open City,” ibig sabihin kung sakaling sakupin ng mga Hapones ang Maynila, huwag nang mambomba at walang lalaban sa kanila. Sa kabila ng proklamasyong ito, binomba pa rin ang Maynila. Kulit. Kailangan liwanagin, kahit na ang Pilipinas ay hindi bahagi ng America, lulusubin pa rin ito dahil sa istratehikong lokasyon ng Pilipinas sa puso ng Timog Silangang Asya. Nilalagay na nila ang Pilipinas sa kanilang mga mapa sa kanilang pagtatatag ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere na may tagline na “Asya Para sa Mga Asyano, Pilipinas Para sa mga Pilipino!”
Ang kagyat at napakaraming mga tao na nagtungo sa mga mobilization centers sa simula ng digmaan ang nagsasabi na handa talaga ang Pinoy na ipaglaban ang kalayaan kapag tinawagan na ng Inang Bayan. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(North Conserve, DLSU Manila, 5 December 2012)
IT IS VERY SAD
wow.. ganon pala ang mga pilipino lumalaban para sa kalayaan..:)