XIAOTIME, 10 December 2012: TREATY OF PARIS, Nang Ipagbenta ang Pilipinas sa US
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 10 December 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
10 December 2012, Monday: http://www.youtube.com/watch?v=8SRRsToc8gc
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Nais kong magpaalam sa aking mga estudyante sa DLSU Manila ngayong ikalawang termino ng taong akademiko 2012-2013, salamat sa ating samahan at magkita-kita tayo sa kampus, sana batiin niyo pa rin ako. 114 years ago ngayong araw, December 10, 1898, nang pirmahan ng Estados Unidos at ng Espanya ang Treaty of Paris na nagtatapos ng Spanish-American War. Huh? E ano naman sa atin ito??? Liwanagin natin.
Noong February 15, 1898 , sumabog ang USS Maine, isang barkong Amerikano na nasa pantalan ng Havana, Cuba. Sinisi ang mga submarinong Espanyol sa paglubog nito bagama’t matapos ang 100 years kanilang natuklasan na sunog sa coal bunker ng mismong barko ang dahilan ng paglubog nito. Anuman, nagamit ang insidente upang magdeklara ang Estados Unidos ng Estado ng Pakikidigma sa mga Amerikano.

Detalye ng mural ukol sa kasaysayan ng Pilipinas sa bukana ng ikalawang palapag ng Palma Hall (AS 2nd floor lobby) na nagpapakita ng pakikipag-usap ni Hen. Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano.
Sa kontekstong ito, nakipag-usap sa Singapore si Heneral Emilio Aguinaldo kay Consul E. Spencer Pratt at Consul Rounceville Wildman upang tulungan ang mga Pilipino na makamit ang kasarinlan mula sa Espanya. Ayon kay Aguinaldo, sinabi raw sa kanya na aalagaan ng mga Amerikano ang Pilipinas at pananatilihin ang kasarinlan nito tulad ng ginawa nila sa Cuba. Samantalang sa mga aklat ng mga Amerikano, makikita nila na wala naming dokumentasyon na nagpapatunay ng mga sinabi ni Pratt. Kumbaga, para sa kanila dapat hindi lamang ito verbal para maging opisyal habang sapat na sa ating mga Asyano ang palabra de honor at kung minsan insult pang magpasulat. Pinadala ng Amerika si George Dewey upang pataubin ang pwersang pandagat ng mga Espanyol at nabansagang “Hero of Manila” habang sa buong Pilipinas, ang mga bayan ay pinapalaya na ng mga Anak ng Bayan.

Paglalarawan sa Battle of Manila Bay na pinagwagian ni Dewey laban sa armadang Espanyol, May 1, 1898.
Sa napipintong pagkapanalo ng ating himagsikan, isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Pilipinas na nilagdaan noong June 12, 1898 na ang ating bansa ay, “…under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America.”
Naku sa Proklamasyon pala natin ng Independensya, itinali na natin ang sarili natin sa kanila, kaya nariyan pa rin ang impluwensya nila. Sa pag-asa sa isang salita ng isang dakilang bansa ipinahayag natin ang ating kasarinlan. Ngunit, pasikreto palang nakikipag-usap ang mga Amerikano at ang mga Espanyol. Noong August 13, 1898, ginanap ang Mock Battle of Manila kung saan nakuha ng mga Amerikano ang Maynila mula sa mga Espanyol.

Nang makuha ng mga Amerikano ang Fort San Antonio Abad sa Ermita mula sa mga Espanyol matapos ang pekeng labanan sa Maynila, August 13, 1898.
Mock sapagkat peke pala ito. Niluto na ito upang matalo ang mga Espanyol ng may dangal. Nagsimulang magpulong ang dalawang imperyo sa mga suite rooms ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas sa Paris, Pransiya noong October 1, 1898.
Tulad ng isang sariling estado, ipinadala ng Kongreso ng Malolos ang matalinong abogado na si Felipe Agoncillo upang katawanin ang Pilipinas, pinagsarhan lamang siya ng pintuan at hindi pinansin ng dalawang panig sa Paris.
Nilagdaan ang tratado noong December 10, 1898 at napagkasunduan na ibigay ang Cuba, Puerto Rico, Guam at Pilipinas sa Estados Unidos. Ang Pilipinas nakuha sa halagang $ 20 Million. Hindi raw pagbebenta ito, bayad lamang ito sa mga nagastos ng Espanya upang “paunlarin” ang mga lugar na ito. Nang ang maling balita na ang mga Pilipino ang unang nagpaputok sa pagsisimula ng Philippine-American War noong February 2, 1899, after two days, ang hating Kongreso ng Estados Unidos ay bumoto sa ratipikasyon ng tratado, sa botong 57 to 27, isang boto lamang ang sobra upang sumapat sa 1/3 vote na kinakailangan sa ratipikasyon.
Naging legal sa pananaw ng Amerikano ang kanilang pananakop sa atin. At dito nagsimula ang isang siglo na nating “special relations” sa Estados Unidos, kung saan, tulad sa pananalita ni Renato Perdon, tayo ay naging Brown Americans of Asia. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Makati City, 6 December 2012)
Reblogged this on A Collective Consciousness and TJP Production.
Just read trending Columbus Day in the USA. Daming comments why celebrated as it was start ng pananakop ng native Indians at atrocities committed to take their lands from them. Parang Lupa mo pin Alis ka
Tama
Good day Mr. Chua, i’ve been subscribing to your videos and lectures including lourd de veyra’s history. I am writing a novel related to the untold stories of treaty of paris. Some are fiction some are facts. i hope you can help me. thanks