IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Category: Uncategorized

XIAOTIME, 4 October 2012: OKTOBERFEST

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 4 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Orihinal na gusali ng Fabrica de Cervesa de San Miguel sa Maynila.

4 October 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=LFBEm6zLr_U&feature=youtu.be

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  122 taon na po ang nakalilipas ngayon, October 4, 1890, nang pasinayaan ang  Fabrica de Cervesa de San Miguel.  122 years old na po ang San Miguel Beer.  Naging simbolo ng pagkakaibigan ang pag-alok nito tulad ng pag-alok ng nganga ng ating mga ninuno noong unang panahon.  Tamang-tama dahil ngayong buwan ding ito ginaganap ang tinatawag na Oktoberfest.  Huh?  Oktoberfest?  What’s that pokemon?  Ang Oktoberfest ay isang 16-day festival na ginaganap sa Munich, Bavaria, Germany o Alemanya mula Setyembre hanggang Oktubre.

Ang mga espesyal na Oktoberfest Beer, halaw sa Wikipedia

Una itong ginanap noong 1810 at ngayon ay itinuturing na pinakamalaking perya sa buong mundo kung saan tinatayang anim na milyon pa ang dumadayo sa Munich para dito, at tumutungga sila ng tinatayang pitong milyong litro ng beer!

Marca Demonio

Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal, Fernando Amorsolo

Ilan pang trivia, ang “Marca Demonio” na trademark ng Ginebra San Miguel na nagpapakita kay San Miguel na pinapatay ang demonyo ay likhang sining ng National Artist for [the Visual Arts] na si Fernando Amorsolo.

Pambansang Alagad ng Sining Nick Joaquin at ang kanyang best friend.

Isa pang National Artist ang nakilala na hindi nakakausap at nakakasulat ng matino kung hindi pa nakakainom ng cervesa.  Walang iba kundi si National Artist Nick Joaquin!  Medyo love-hate relationship ang mayroon tayo sa beer.  Hindi lamang mga maybahay ng asawang umuuwing lasenggo.  Noong Pebrero 1986, nang iprotesta ng maybahay rin na si Cory Aquino ang kanyang pagkatalo sa Snap Elections, nagpatawag siya ng boykot sa mga negosyong sumusuporta sa Pangulong Marcos, ayun naglipatan at nagtiis muna sa whiskey at lambanog ang maraming tao.

Ang isang milyong taong dumalo sa pagpapatawag ng boykot ni Cory Aquino, Pebrero 1986.  Mula sa aklat na “Bayan Ko!”

Ayon kay Angela Stuart Santiago, kung ang EDSA raw ay hindi nangyari, babagsak pa rin ang pamahalaan dahil nang mangyari ang EDSA, pitong araw nang isinasagawa ang civil disobedience na ito.  Ibig sabihin, malaki pa rin ang aktwal na papel ni Tita Cory sa People Power Revolution sa kanyang paghahanda ng puso ng tao para aktwal na makibaka para sa bayan.  At yan po ang isang nakalalasing na kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(William Hall, DLSU Manila, 26 September 2012)

XIAOTIME, 3 October 2012: ANO ANG KASAYSAYAN?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 3 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Dr. Zeus Salazar at ako, nang una kaming magkakilala, Freshman Walk malapit sa Melchor Hall, UP Diliman, 30 Setyembre 2004

3 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=4oH8oTl_LHI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong isang linggo tinalakay natin na walang talab sa puso ng marami at boring ang pag-aaral ng history sapagkat kung ito ay nakasulat na dokumento ng nakaraan, ang nagsusulat lamang nito ay ang mga edukado at mayayaman.  Sa Pilipinas, mga dayuhan ang sumulat tungkol sa atin nakaraan.  Kaya naman na mahalaga na magkaroon tayo ng pakahulugan sa pag-aaral ng nakaraan sa saswak sa ating sitwasyon.  At ang katumbas na salita ng History sa pambansang wika natin ay kasaysayan.  Ayon kay Dr. Zeus A. Salazar, ang salitang ugat nito na “saysay” ay dalawa ang kahulugan:  ang saysay ay isang salaysay o kwento at saysay rin ang katuturan, kabuluhan at kahalagahan.  Kaya naman ang kasaysayan ay mga salaysay na may saysay.  Ngunit, kailangang tanungin:  Kung ito ay may saysay, may saysay para kanino?  Siyempre para sa sinasalaysayang grupo o salinlahi.  In short, para sa tao.  Sa ganitong pakahulugan, mga kwentong may kwenta para isang bayan, hindi na nalilimita sa mga opisyal na dokumento nang makapangyarihan ang kasaysayan.  Ang mga pasalitang tradisyon na tulad ng mga epiko, alamat, mito, kwentong bayan at maging at mga kanta at jokes, bagama’t kathang isip ay maaaring maging batis ng kaisipan at paniniwala ng mga tao na hindi nagsisulat ng mga dokumento, lalo na ang mga lolo at lolang ninuno natin.  Halimbawa, sa mito ng mga Bisaya na “Sicalac at Sicavay,” ang lalaki at babae ay sabay na lumabas sa halaman o sa ibang bersyon ay sa kawayan.  Kumalat ito at pinagpasa-pasahan dahil nakarelate ang mga ninuno natin dito tulad ng pagresend natin sa emo texts na natatanggap natin kapag emo din tayo.  Dalawa ang maaaring pinapakita ng kwento ukol sa aktwal na mga ninuno natin.  Sabay lumabas ang lalaki at babae kaya pantay ang pagtingin sa kasarian ng mga ninuno natin noon at itinuturing natin ang kalikasan bilang ating pinagmulan at kasamang may buhay.  Mga teh, ang kasaysayan ay mahalaga sapagkat ito ay sumasalamin sa mga kwento at kaisipan natin.  Sa pamamagitan nito makikilala natin ang ating sarili at ang ating bayan.  Tanging kung kilala lamang natin ang bayan, doon lamang natin pwendeng sabihin na tunay nating minamahal ito.  Paano mo mamahalin ang isang irog kung hindi mo siya kilala.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 27 September 2012)

 

 

XIAOTIME, 2 October 2012: SI AGLIPAY BA ANG NAGTATAG NG AGLIPAYAN CHURCH? (Iglesia Filipina Independiente)

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 2 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Mahal na Birhen ng Balintawak

2 October 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=1Sgr5BWsyb8&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Kahapon po ang ika-isandaan at sampung anibersaryo ng pagpirma ng sampung sekular na mga pari sa pamumuno ni Obispo Gregorio Aglipay [sa ikalawa sa anim na bahagi ng] konstitusyon ng Iglesia Filipina Independiente sa Sta. Cruz, Maynila.  Idineklara nila ang kanilang sarili bilang isang bagong pananampalataya na hindi kumikilala sa kapangyarihan ng Santo Papa sa Roma.  Nakilala ang Simbahan bilang Aglipayan Church, ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi si Apo Aglipay ang nagtatag nito.  Isa sa mga tagapagtatag nito ay si Don Belong—Isabelo delos Reyes.  Nakita ni Don Belong na sa kanyang mga pag-aaral bilang isang iskolar at folklorista na may potensyal na magkaroon ng pagsasama ng sinaunang mga paniniwala at ng Kristiyanismo, kaya kinumbinsi niya ang nagdadalawang-isip noon na si Apo Aglipay na kumalas na sa Roma upang maiwasan ang sitwasyon baka mapalitan lamang ang mga prayleng kanilang kinamuhian ng mga bagong Amerikanong mga pinunong simbahan.  Itinatag nila ang simbahan noong Agosto [Tres], taon ding iyon ng 1902.  Isang kaibahan nila sa mga paring Katoliko ay maari silang mag-asawa.  Isa sila sa pinakamalaking Kristiyanong denominasyon sa Pilipinas at tinatayang anim na milyon ang kanilang kasapi, ang mga unang kasapi nito ay mga kasapi ng Katipunan at mga rebolusyunaryo.  Si Pangulong Ferdinand Marcos ay bininyagang isang Aglipayano.  Makabayan at progresibo ang oryentasyon ng samahan.  Si Don Belong ay ang unang labor leader ng ating bansa at pinuno ng Union Obrera Democratica Filipina.  Si Apo Aglipay naman ay inatasang mangolekta noon ng pondo sa Ilocos para sa mga rebolusyunaryong Pilipino.  Hindi nakapagtataka na minsan na nilang idinekalarang santo si Gat Dr. José Rizal at nagdarasal sa Mahal na Birhen ng Balintawak, isang birheng Maria sa wangis ni Inang Bayan na may kasamang batang may nakasukbit na itak at may dala-dalang watawat na may nakasulat, “Ama ko, sumilang nawa ang aming pagsasarili.” Ang kanilang pakikisangkot sa bayan ay makikita sa paglingap sa mahirap ng ika-siyam na Obispo Maximo nito na si Alberto Ramento ng Tarlac, Tarlac.  Ninakawan at brutal na pinatay si Ramento.  Isang aral na maaaring makuha mula sa mga Aglipayano:  Kung tunay na mahal mo ang Diyos, dapat mahal mo rin ang bayan mo.  Pro Deo et Patria, para sa Diyos at para sa Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 26 September 2012, pasasalamat po kay Dr. Lars Raymund Ubaldo sa pagtulong sa episode na ito at kay Kristine Conde-Bebis, isang kasapi ng IFI, sa pagwawasto sa ilang mga datos sa blog na ito.)

Isabelo “Don Belong” de los Reyes

Obispo Maximo I Gregorio Aglipay kasama ang dalawa niyang pari.

Obispo Maximo IX Alberto Ramento

XIAOTIME, 1 October 2012: Balik-tanaw sa THRILLA IN MANILA nila Muhammad Ali at Joe Frazier

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 1 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

1 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=QRm-GJEIm4Q&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  37 years ago, October 1, 1975, ginanap ang isa sa pinakasikat na laban sa kasaysayan ng boxing, ang Thrilla in Manila.  Ito ang pangatlong pagkakataon na magkakabuno ang dalawa sa pinakamagagaling na boksingero sa buong mundo:  Si Muhammad Ali at si Joe Frazier.  Nang alukin ng Pangulong Ferdinand Marcos ang Maynila bilang lugar ng makasaysayang laban, kinagat ito ni Don King at ginanap ang laban sa Araneta Coliseum, ang pinakamalaking indoor facility sa Asya.  Bago ang laban, nag-insultuhan ang dalawang boksingero.  Sa isang press conference nagdala si Ali ng manikang Gorilla na kumatawan kay Frazier at sinabing “It’s gonna be a thrilla, and a chilla, and a killa, when I get the Gorilla in Manila.”  Tinawag naman ni Frazier si Ali sa dati niyang pangalan na “Clay” na itinuting na pangalang alipin ni Ali.  Alas 10:45 ng umaga nang magsimula ang laban.  Noong una, tila na kay Ali ang laban at desidido siyang patumbahin ang kalaban sa unang mga round pa lamang ngunit sa kalagitnaan ng laban, hindi pa rin natitinag si Frazier.  Dati rati ang mga championship bouts ay umaabot ng 15 rounds!  Sa ika-14 na round, parehong napagod na ang dalawa.  Bibiyakin na dapat ng kampo ni Ali ang kanyang gloves, simbolo ng pagsuko sa laban, ngunit nauna si Frazier na magdeklara nang pagsuko kaya nanalo si Ali sa pamamagitan ng TKO.  Nang gabing iyon nagpaparty si Frazier, habang ang nanalong si Ali ay naratay sa banig ng karamdaman.  Ayon kay Ali, ang Thrilla in Manila ang pinakamalapit niyang karanasan sa pagkamatay.  Di naglaon, parehong nagretiro ang dalawang boksingero, sa dami ng namamatay sa championship rounds naging 12 rounds na lang ang laban mula 15, at itinayo ang Ali Mall malapit sa Araneta Coliseum bilang parangal sa pagkapanalo ni Muhammad Ali.  Ito ang pinakaunang multi-level indoor mall sa Pilipinas.  Para sa mga tagahanga ng rehimeng Marcos, nagdala ng dangal at mga turista ang Thrilla ni Manila sa ating bansa, ngunit para  rin sa marami, ginanap ito sa Pilipinas dahil nais ni Pangulong Marcos na mailayo ang atensyon ng mga tao sa lagim ng Batas Militar.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 26 September 2012)

XIAOTIME, 28 September 2012: SAN LORENZO RUIZ

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 28 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

St. Laurentius Ruiz of Manila, likhang-sining sa hagdan ng Seminaryo ng San Carlos sa Lungsod ng Makati

28 September 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=cdzvmu7u9Cw&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  375 years ago bukas, noong September 29, 1637, namatay si Saint Laurentius Ruiz.  Huh?  Who’s that Pokemon?  Ito pala ang pangalan sa Latin ni Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo.  Ipinanganak si Lorenzo sa isang amang Tsino at Inang India at ipinangalan sa Kristiyanong martir na si St. Lawrence.  Lumaki siya sa Binondo, kung saan inilagay ng mga Espanyol ang mga Tsino na naging mga Katoliko na.  Siya ay naging sakristan at kalaunan, sa ganda ng kanyang sulat ay naging isang escribano ng simbahan.  Ang ating unang santo ay nakapag-asawa ng isang girl na ang pangalan ay Rosario, at nagkaroon pa sila ng tatlong anak.  Ang kanilang mapayapang buhay ay mababago nang mapagbintangan siyang pumatay ng isang Espanyol.  Dali-dali itong sumama sa mga Dominikano sa kanilang paglalakbay bilang misyunero papunta sa Japan noong 1636.  Ang Japan noon ay nasa ilalim ng tinatawag na Tokugawa Shogunate, tulad ng napanood ninyo sa Samurai X, na may patakarang close-door at ayaw madumihan ang kanilang kultura ng dayuhang impluwensya.  Nang ang mga paring dayuhan na kasama niya ay nahuli, ang saling pusang mestizo-indio na si Lorenzo ay kasama sa mga nagdanas ng tortyur tulad ng pagpasok ng mga malalaking karayom sa bawat daliri.  Ang tanging dapat niyang gawin upang mapalaya ay bumaligtad at maging Shinto.  Ngunit kanya diumanong sinabi, “Isa akóng Katoliko at buong-pusóng tinátanggáp ang kamatayan para sa Panginoón. Kung ako man ay may ‘sanlibong buhay, lahát ng iyón ay iaálay ko sa Kaniyá.  Kaya gawin niyo na ang nais ninyo sa akin.”  September 27, 1637 nang sila ay dalhin sa Nishizaka Hill sa Nagasaki, ang burol ng mga martir, kung saan sila ay binitin ng patiwarik sa isang butas, isang masakit at mabagal na pagpatay na tinawag na ana-tsurushi.  Tatlong araw pa bago tuluyang pumanaw si Lorenzo, umaawit ng papuri sa Diyos.  Upang bigyan ng importansya ang mga Third World countries, ang saling pusang si Lorenzo ay ginawang bida ni John Paul II nang gawin niya itong Beato noong 1981 sa Luneta, sa unang beyatipikasyon na ginawa sa labas ng Vaticano.  Sa isang martir ng simbahan hindi kailangan ng milagro upang maging Beato, ngunit nang gumaling diumano sa pananalangin kay Lorenzo ang 2-year old na batang si Cecilia Alegria Policarpio sa sakit na hydrocephalus, ito ang isang kailangang milagro para siya ay gawing santo noong 1987.  Ngayong ang araw ng kanyang pista.  Anuman ang ating relihiyon, si Lorenzo ay huwaran ng isang ordinaryong tao na maaaring magkaroon ng ekstra-ordinaryong paninindigan sa pinaniniwalaan, sa harap ng kamatayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

Ana-tsurushi

XIAOTIME, 27 September 2012: HEN. MIGUEL MALVAR: Rebolusyunaryong May Balbas

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 27 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Heneral Miguel Malvar, ang pangulo ng Pilipinas matapos si Hen. Emilio Aguinaldo, larawan sa kagandahang loob ng Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar sa Sto. Tomas, Batangas / Gng. Zarah Escueta

27 September 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=wCr4sahvE4c&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sabi ng Parokya ni Edgar sa kanilang kantang “Yes Yes Show”:  “Huwag kang mag-aangas sa lalaking may balbas.”  Lalo na siguro sa rebolusyunaryong heneral na may balbas, si Heneral Miguel Malvar ng Batangas na nagdiriwang ngayon ng kanyang 147th birthday.  Ipinanganak si Malvar noong 1865 sa Sto. Tomas, Batangas, at naging schoolmate ni Apolinario Mabini.  Ngunit siya ay nagdrop-out.  Naging negosyante na lamang siya ng mga manok at hayup.  Pinahiram pa ni Saturnina Rizal, kapatid ng ating pambansang bayani, si Miguel ng puhunan.  Maging ang Tsinong si Carlos Palanca pinahiram siya ng puhunan ng walang kolateral, at lumawak pa ang negosyo niya maging sa industriya ng asukal.  Bumili siya ng mga lupa sa Sto. Tomas at Banahaw at nagpatanim ng mga oranges at sumikat ang brand na “Naranjita-Malvar” sa buong Pilipinas!  Dahil sa pagiging matipid at marunong makisama, dumoble ang kanyang kita at naging tanyag sa kanyang bayan.  Ginawa siyang gobernadorcillo o mayor.  Astig si Malvar, naging bukas sa kanyang mga opinyon sa harap ng mga prayle at gobernador-heneral, at nang pumutok ang Himagsikang 1896, dinis-armahan ang lokal na pulisya upang itatag ang sariling hukbo na matagumpay na nilusob ang yunit ng mga Espanyol sa Talisay, Batangas, napalaya pa ang nakakulong niyang ama.  Sumama kay Heneral Emilio Aguinaldo at nagtagumpay sa Zapote, at matapos ang maraming labanan, magiging pinunong hukbo ng Batangas, at sa kalaunan ng buong Timog Luzon.  Nang dumating ang mga Amerikano, lumaban siya sa Muntinlupa, Tunasan at sa maraming bayan sa Laguna.  Nang dakpin si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela ng mga Amerikano noong 1901, bilang pangalawa kay Heneral Aguinaldo bilang pinunong hukbo ng Timog Luzon, siya ay itinuturing ng marami na sumunod na Pangulo ng Pilipinas matapos si Aguinaldo.  Sa pag-iisip ng kapakanan ng pamilya at mga tapat na tauhan, sumuko si Malvar sa mga Amerikano noong 1903, isa sa pinakahuli noong Digmaang Pilipino-Amerikano.  Sa edad lamang na 46, namatay si Malvar noong 1911.  Sa kabila ng pagiging magaling na negosyante, nakilalang hindi sakim si Miguel Malvar, isang pahiwatig na imbes na isigaw na ibagsak ang mga mayayaman, kailangang ipakita sa mayayaman na maaari rin nilang mahalin ang bayan at mga kababayan.  Pangulong Miguel Malvar, isa kang bayani!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012, pasasalamat kay Gng. Zarah Escueta ng National Historical Commission of the Philippines sa pagtulong sa akin sa episode na ito)

Si Miguel Malvar, tsinito kapag walang balbas

Heneral Miguel Malvar, rebolusyunaryong may balbas.

Si Miguel Malvar sa kamatayan, dinagsa ang kanyang burol at libing noong 1911. Larawan mula sa Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar.

Si Xiao Chua ang opisyal na tagapagsalita ukol sa mga aral ng pamumuno ni Miguel Malvar noong Lunes, 24 Setyembre 2012 sa Pook Pangkasaysayang Miguel Malvar, Sto. Tomas, Batangas sa imbitasyon ng curator nito na si Gng. Zarah Escueta.

XIAOTIME, 26 September 2012: DEATH PENALTY SA PILIPINAS, Nakabuti nga ba?

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 26 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Paghahanda sa silya elektrika upang gamitin kinabukasan, 1969, larawan mula sa http://billgann.smugmug.com/Travel/Philippines/7788532_HKdK8p/507111649_HhBEp.

26 September 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=06gJuT1jGck&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  13 years ago, namatay sa pamamagitan ng lethal injection ang convicted rapist na si Pablito Andan noong 1999.  Napatunayan siyang nagkasala sa panggagahasa at pagpatay ng isang babae sa Bataan noong 1994.  Mahaba ang kasaysayan ng Death Penalty sa Pilipinas.  Sinasabing nasa dokumentong nagmula raw sa ating mga ninuno na itinuro sa atin sa paaralan, ang Kodigo ni Kalantiyaw, na ang mga nag-iingay sa mga libingan ay pinapakain sa langgam hanggang mamatay.  Napaparusahan din ng kamatayan ang mga bumibigay sa sobrang pagnanasa, pumapatay ng mga punong mukhang kagalang-galang, o namamana ng mga matatanda kung gabi.  E paano kung sa umaga namana o bata ang pinana?  Well, eventually, napatunayan ni William Henry Scott na fake ang dokumento at sinulat ito lamang ng isang Jose Marco.  Ayos naman pala.  Noong panahon ng mga Espanyol, binabaril tulad ng kay Rizal at ginagarote tulad ng sa GomBurZa ang mga sinasabing taksil sa Inang Espanya.  Sa panahon na wala pang sine, TV at internet, panonood ng pagbitay ang libangan sa Luneta.  Paglilinaw ni Ambeth Ocampo at Vic Torres, hindi pagsakal ang pagpatay ng garote kundi mabilis na pagputol ng spine at mabilis na kamatayan, para humane pa rin.  Well, wala nang makapagsasabi, wala pang nabuhay upang ikwento kung humane nga ito.  Noong panahon ng mga Amerikano, lubid na ang pagbitay tulad ng ginawa kay Sakay noong 1907.  Mula 1926-1976, tayo lamang ang tanging bansa sa mundo liban sa Estados Unidos na gumamit ng silya elektrika.  Itinigil ni Pangulong Tita Cory noong 1986 ang pagbibigay ng parusang kamatayan, na itinuloy naman ng Pangulong FVR, at una ngang nasampolan si Leo Echagaray noong 1999.  Tuluyang ipinatigil ni Pangulong GMA ang death penalty at iniregalo ng personal kay Pope Benedict XVI ang kopya ng batas.   Nang ikomyut tungong habambuhay na pagkakabilanggo ang kaso ng 1,230 na death convicts noong 2006, tinawag ito ng Amnesty International na “largest ever commutation of death sentences.”  Sa aking pananaw, ang parusang kamatayan ay hindi nakakapagpigil ng krimen sa bansa, at sa nakaraang panahon wala pa akong naririnig na mayaman na nabigyan ng parusang bitay, puro mga mahihirap.  Ang layunin ng bilangguan ay hindi talaga parusa kundi pagbabago.  Paano magbabago ang patay na?  Mas mainam pang magpalaya ng maraming nagkasala kaysa kumitil ng buhay ng isang inosente.  Teh, alam niyo ba kung ano ang tunay na nakakapagpapigil ng krimen?  Ang kaalamang hindi ka makakalusot sa krimeng gagawin mo dahil sa tamang pagpapatupad ng batas ng pamahalaan, anuman ang kapurasahan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

XIAOTIME, 25 September 2012: HISTORY SUBJECT, BORING NGA BA?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 25 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

THE DEAN AND I: Ito ang larawan ko kasama si Dekana Gloria Santos sa aking unang kumperensya ng Philippine Historical Association bilang bahagi ng lupon nito, sa Unibersidad ng Sto. Tomas noong 19 Setyembre 2008.

25 September 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=I-VT_-n7NHU&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Aminin na natin mga chong, ang History para sa mas nakararami ang pinaka-boring na subject sa balat ng lupa.  Malungkot na nagbalik-tanaw ang Dakilang Dean Gloria Santos ng Philippine Historical Association.  Ang nangyayari raw ngayon na kawalan ng pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino ay maituturing na kabiguan, kung hindi man krimen, ng mga guro ng kasaysayan.  Bakit kaya?  Sa pagtatanong ko sa mga estudyante kanilang sinabi sa akin, kasi raw puro memorization—pinapamemorya ng mga hindi maispeling na pangalan, mga mahirap na matandaan na mga lugar at petsa.  Bakit?  Kung alam ba natin ng December 30, 1896 nabaril si Rizal ay magagamit ba natin ito sa pagpunta sa palengke?  Sa palagay ko mayroon pang isang dahilan kung bakit hindi tayo maka-relate gaano sa history.  Kung titingnan sa diskyunaryo ang kahulugan ng History, ito ay “chronological record of significant events.”  Kung ito ay rekord o dokumento ng nakaraan, sino lamang ba ang mga sumulat nito?  Ang mga edukado at nakakapagsulat.  At bakit sila naging edukado?  Dahil sila ay may pera.  Samakatuwid, kung ang History ay written record, ito ay nakaraan lamang ng mga mayayaman at nasa kapangyarihan.  Ika nga “History is written by the victors.”  Tama nga naman, kung titingnan ang History books natin, marami sa mga ito ay kwento lamang ng mga pinuno at heneral o listahan lamang ng mga nagawa ng mga presidente.  Nasaan ang kwento ng mga magsasaka, mga manggagawa, mga mahihirap?  Sabi rin ng mga kababaihan, sa history nasaan ang her-story?  Isa pang problema ang kakulangan ng rekord ng ating mga ninuno ukol sa ating sarili na pasalita kung magsalaysay ng mga epiko at kwentong-bayan.  Kaya darating ang dayuhan at sasabihin sa atin, “Wala kayo na historia?  Isusulat naming ang inyo na historia!  Wala kayo na cultura, bibigyan naming kayo na cultura.”  Kaya naman, binasa natin ang mga isinulat nila ukol sa atin na may pananaw na tayo ay mga barbaro at bobo.  Pinaniwalaan na rin natin na ibinigay nila lahat ng magandang bagay sa atin:  Ang ating relihiyon, ang ating demokrasya, ang ating edukasyon.  Kaya naman, akala lagi natin, ang dayuhan ay laging mas magaling sa atin at sila ang tanging pagmumulan natin ng ginhawa.  Hangga’t ang nakaraan na isinasalaysay ay hindi kwento ng mga Pilipino, maka-Pilipino at para sa Pilipino, ang bayan ay mananatiling alipin lamang ng sariling kamangmangan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

XIAOTIME, 24 September 2012: PROPETA MUHAMMAD (PBUH), Panahon pa ni Mahoma

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 24 September 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Pangalan sa Arabe ng pangalan ni Propeta Mahoma (PBUH) sa Lumang Masjid, Edirne, Turkey. Kuha ni Nevit Dilmen, mula sa http://commons.wikimedia.org/wiki/File:Edirne_7331_Nevit.JPG

24 September 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=ui-Q4Y-ZYYo&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Nitong nakaraang mga linggo, nakita natin na maraming nagalit na mga Muslim sa pelikulang “Innocence of Muslims” ni Sam Bacile kung saan ipinakita ang propeta Muhammad (Peace be upon him) bilang isang anak sa labas, babaero, pirata at child-molester.  Kailangan nating maintindihan na sa relihiyong Islam bawal na bawal po ang paggawa ng wangis ng kahit na sino, lalo na ng Propeta Muhammad.  Sa mga mosque, tanging pangalan lamang niya ang isinasabit.  Malalim din ang debosyon ng mga Muslim sa alaala ng kanilang propeta, at itinuturing na tila paglapastangan sa kapamilya ang paglapastangan sa kanya, kaya ganoon na lamang ang kanilang damdamin ukol sa pelikula.  Sino nga ba ang Propeta Muhammad?  Kung naririnig niyo ang katagang “Panahon pa ni Mahoma,” si Mahoma po ay hindi isang Heneral na Hapones kundi ang salin sa Espanyol ng pangalan ng propeta Muhammad.  Taong 570 sinasabing ipinanganak si Mahoma sa Mecca sa may Arabia.  Nahiligan niyang manalangin sa mga kuweba at dito raw niya natanggap mula kay Anghel Gabriel ang mga pahayag ng Diyos na si Allah.  Naisulat ang mga pahayag na ito sa banal na aklat ng Islam, ang Koran na nagpapakita ng halos parehong mga karakter sa Bibliang itinataguyod din ng mga Kristiyano.  Dumami ang kanyang tagasunod ngunit dumami rin ang kanyang mga kaaway, kaya naglakbay siya patungong Medina noong 622.  Ang paglalakbay na ito na tinatawag na Hijra ang siyang simula ng kalendaryong Muslim. Bumalik siya sa Mecca at halos mapayapa niyang nasakop ito.  Ipinasira niya ang mga diyos-diyosan dito.  Dahil sa relihiyong kanyang pinasimulan, ang Arabia ay nagkaisa bilang isang bansa.  Ngunit kahit isa na siyang tinitingalang pinuno, namuhay ng simple sa isang kwarto lamang at patuloy na nakikitang nagwawalis pa ng bakuran, naghanda ng pagkain, nanahi at naghanda ng mga sapatos, ala Secretary Robredo.  Pumanaw si Mahoma noong 632.  Pinili ni Michael Hart si Mahoma bilang una sa listahan ng The 100: A Ranking of the Most Influential Persons in History (1978) dahil hindi lang siya naging matagumpay sa pananampalataya kung hindi gayun din sa pulitika.  Hindi na maitatanggi ang malaking papel ni Mahoma sa kasaysayan ng daigdig.  Kailangang ipagdiwang ang kalayaan sa pamamahayag ngunit maganda rin namang ugali ang rumespeto ng paniniwala ng iba.  Ngunit kung ikaw naman ay malapastangan, sana ay huwag namang ilalagay ang batas sa sarili nating mga kamay.  Muli, isang panawagan ng hinahon.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012, pasasalamat kay Prop. Ayshia F. Kunting sa pagtulong sa akin sa episode na ito)

FM DECLARES MARTIAL LAW: You Saw The Most Famous Headline in Philippine History, Now Read The Rest

Xiao Chua talks about the day Martial Law was proclaimed and shows his personal copy of the most famous headline in Philippine History (Courtesy of The Lasallian).

Daily Express, 24 September 1972: The most famous headline in Philippine History. Now read the rest of the paper scanned from photocopies of the original in the possession of Michael Charleston “Xiao” Chua.  The original I bought for only Php 150.00 when I was still in college in a thrift shop near the Cubao post office now demolished.  Personally signed by First Lady Imelda Romualdez Marcos in 2005.  Download and use but please cite me whenever possible. Thanks.

Published in WordPress to commemorate the 40th anniversary of the headline on the Proclamation of Martial Law, in the service of Filipino teachers and history enthusiasts.

WHY SEPTEMBER 23, WHY NOT 21?  Read this by Manolo Quezon:  http://www.gov.ph/featured/declaration-of-martial-law/

THE DAY MARTIAL LAW WAS PROCLAIMED, read this by Rod Vincent Yabes:  http://www.philstar.com/Article.aspx?articleid=401934

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Image

Xiao Chua, with the most famous headline in Philippine History, 203 Yakal Residence Hall, UP Diliman, December 2003