IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Month: October, 2012

XIAOTIME, 19 October 2012: PEDRO CALÚNGSOD BISSAYA, Ikalawang Santong Pilipino

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 October 2012, at News@1 PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

San Pedro Calúngsod, Bisaya. TV grab mula sa opisyal na coverage ng Centro Televisivo Vaticano ng beyatipikasyon sa Lungsod ng Vaticano noong 5 Marso 2000. Ang larawan ay ipininta ni Rafael del Casal at ang modelo ay si Ronald Tubid.

19 October 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=dNgj6m4J8-4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa Linggo, 21 October 2012, ipagdiriwang po ng mga Katoliko ang Missions Sunday, kung kailan magdiriwang ang buong bansa sa paghirang kay Beatus Petrus Calúngsod bilang ikalawang Pilipinong Katolikong Santo sa Lungsod ng Vaticano!  Sancti Petri Calúngsod?  Siya na nga!  Ang binatilyong Bisaya na si Pedro Calúngsod.  Ilang trivia, walang larawang aktwal si Pedro pero ang modelo sa pinturang ginawa ni Rafael del Casal na ginamit sa kanyang beyatipikasyon ay ang estudyanteng Ilonggo na ngayon ay basketbolistang si Ronald Tubid ng Barako Bull, Nickname:  “The Saint.”

Mula sa fb page na
“Stunning and Interesting Facts that you didn’t know.” http://www.facebook.com/photo.php?fbid=418697224851901&set=a.289245514463740.77512.289243791130579&type=1&theater

Ayon sa tala ni Padre Catalino G. Arevalo, S.J., katuwang si Pedro ng isang Heswitang si Blessed Diego Luis de San Vítores sa kanilang misyon ng pangangaral na nagsimula noong June 16, 1668 sa mga taga Marianas o Guam.  Kumbaga, “boy” lamang ni Father Diego si Pedro—katulong sa pagbuhat ng gamit at maaaring katulong din sa pangangaral.  Sa edad na 40, malabo na rin ang mata ng pari kaya baka katulong na rin niya sa pagbasa.  Oo, katulong lang siya, ngunit kahit na gayon, nang manganib ang buhay ng Pari, nagpakita siya ng ekstraordinaryong kabayanihan.  Nagpumilit si Padre Diego na binyagan ang isang batang anak ng isang kasike o Chamorro na si Matapang noong April 2, 1672.  Sabi ni Matapang, “Walang silbi ang binyag, pinapatay ninyo ang mga bata… Sawa na kami sa inyong binyag at aral.”  Sagot ng padre, “…Ayaw kong mamatay siyang di binyagan at hindi makarating sa langit.  Kung gusto mo patayin mo ako pagkatapos, ngunit hayaan mo munang binyagan ko ang bata.”  Kasama ang kaibigan na si Hirao na ayaw sanang patayin ang itinuturing niyang mabuting pari ngunit nabuyo nang tawaging “duwag,” kumuha sila ng mga sandata.   Nang lumusob ang dalawang Chamorro sa tabing dagat, si Pedro ang unang nakita at sinibat ng sinibat ngunit maliksi si Pedro at laging nakakaiwas.  Kung sinunod lamang nila ang payo na mag-armas sana naipagtanggol niya ang sarili at ang pari.  Sa huli tinamaan si Pedro sa dibdib.  Matapos nito, biniyak nila ng machete ang kanyang ulo.

Ipininta ni Alfredo Esquillo batay sa mga larawan ni Alan Bengzon ng modelo sa santo na si Ronald Tubid. Nasa bungad na bulwagan ng Loyola School of Theology ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Nilapitan ni San Vitores si Pedro, binulungan ng ilang salita kay Pedro matapos ay bumaling sa dalawa, itinaas ang krusipiho upang sila’y hikayating magsisi.  Kung paano pinatay si Pedro, ganoon din pinatay si Padre Diego.

Ang pagkamartir ni Beato Diego Luis de San Vítores sa mga Isla ng Marianas (Guam), 2 Abril 1672.

Anuman ang ating pananampalataya, si Pedro, ang Kapampangang taga-Bacolor na si Nicolas de Figueroa na namartir din sa Guam isang araw bago sina Pedro, at ang Pilipinong paring si Richie Fernando, S.J. na tinabunan ang granada upang iligtas ang kanyang mga estudyante sa Cambodia noong 1996,

Ang Pilipinong Pari na si Padre Richie Fernando, SJ

at ang ating mga bayani ay huwaran ng sinabi ni Hesus sa ebanghelyo, “Wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13, SND)  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 9 October 2012)

Dahil sa kalituhan sa kung ano ba ang kaibahan ng halos magkaparehong rebulto ni San Lorenzo Ruiz at ni San Pedro Calúngsod lalo na yung tipo na naka-kamisa tsino at may hawak na dahon ng palmera na simbolo ng pagkamartir, nilagyan ng ilang karagdagan ang estatwa ni San Pedro. Si San Lorenzo Ruiz ay may hawak na rosaryo at mukhang Tsino, at si San Pedro naman dahil pinaniniwalaang katulong sa katesismo ay pinaghawak ng aklat na Doctrina Christiana.

XIAOTIME, 17 October 2012: JOSÉ P. LAUREL, TAKSIL O BAYANI?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 17 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

17 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=uE-vz-f63R4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong araw ng Linggo ang ika-69 na anibersaryo ng proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas at pagtatatag ng Ikalawang Republika sa ilalim ni Pangulong José P. Laurel, October 14, 1943.  Sa isang sentimental na tagpo sa gusali ng lehislatura, itinaas ang bandilang Pilipino nina Hen. Artemio Ricarte at Hen. Emilio Aguinaldo.  Nakilala ang pamahalaang iyon bilang “Papet na Republika” at inakala ng marami na papet rin at sipsip sa mga Hapones si Laurel.  Tinatawag siyang kolaboreytor at taksil ng ibang tao ngayon, wala nang punang hindi karapat-dapat!  Liwanagin natin.  Nang umalis si Pang. Manuel Quezon ng Maynila noong 1941 sa pagdating ng mga Hapones, si Laurel na noon ay mahistrado ng Korte Suprema ang pinagbilinan na maiwan at makipagtulungan sa Hapones upang hindi maging mas masama ang sitwasyon.  Nang buuin ng mga Hapones ang isang kapulungan at siya ang hinalal nilang pangulo, inilipad siya sa Tokyo upang kausapin ng Primer Ministro ng Hapon na si Hideki Tojo upang magdeklara ng “State of War” laban sa Estados Unidos na nangangahulugan na tatawagan ang mga ang mga Pilipino para lumaban sa panig ng mga Hapones laban sa mga Amerikano.  Nagulat si Laurel sa kahilingang ito at napadasal ng “Pater Noster.”  Matapos noon ay sinabi sa pinunong Hapon na hindi niya magagawa ang kahilingan nila sapagkat hindi siya popular na pinuno at walang susunod sa kanya.  Sinabi rin niyang hindi papayag ang mga Pilipino dito dahil hindi magiging maganda para sa kanila na kalabanin ang dati nilang kaibigan.  Matapos ang ilang beses na pangungulit at pag-aalok ng pera para sa itatag na bansa, sumuko si Tojo at tinanong kung ano bang tulong ang kailangan ng mga bisitang Pinoy.  Kahit anong kahilingan.  Sabi ni Laurel, “Isang eroplanong pabalik ng Maynila.”  At binigay nga ito sa kanya.  Matapos ang inagurasyon, pagtungo niya sa Palasyo ng Malacañang, nagpakita ang isang opisyal na Hapones at nagpapakilalang magiging tagapayo siya ni Laurel, sabi ng bagong pangulo ayon kay Dr Ricardo Trota José, “I don’t need an adviser.  I could be your adviser, Kihara, but you cannot be my adviser.  You had better get out!”  Inireklamo niya sa mga heneral na Hapones ang opisyal at hiniling na paalisin ang mga guwardiyang Hapones.  Naging bastion ng republika ang palasyo.  May mga kwento rin na nakikipagpulong mismo si Laurel sa mga gerilya sa mismong palasyo kahit na delikado.  Nang iproklama niya na “a state of war exists,” kinilala niya lang ito at hindi na tinawagan ang mga Pilipino na kumampi sa mga Hapones, imagine baka natulad tayo sa Indonesia na ang daming namatay para sa mga Hapones!  Hindi nagpayaman sa puwesto at kahit sa loob ng palasyo ay kinakain ang pagkain din ng mga mahihirap noong digmaan—mga metal foods, metalbos ng kamote, monggo, tuyo at gulay.  Kahit na pinaratangan siyang kolaboreytor ng mga Amerikano, pinagkatiwalaan siya ng bayan bilang number one senator noong 1951 at isinulong ang Rizal Law kasama ni Sen. Claro Recto, kaya may Rizal course tayo.  Itinatag niya ang Lyceum of the Philippines at namatay noong Nobyembre 1959.  Hindi taksil at hindi lamang pulitiko si José P. Laurel.  Si José P. Laurel ay isang bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 11 October 2012)

Ang pagpapasinaya sa Ikalawang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapones, 14 Oktubre 1943 sa Legislative Bldg. sa Maynila (Larawan mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People).

 

XIAOTIME, 16 October 2012: PINAGMULAN NG LA NAVAL

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 16 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Nuestra Señora del Santissimo Rosario de La Naval de Manila, kuha ni Aldwin Ong mula sa aklat na “The Saga of La Naval: Triumph of a People’s Faith.”

16 October 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=6hiqb0vbaak&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong linggo po, 14 October 2012, ang pista ng Our Lady of the Most Holy Rosary of La Naval na ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Oktubre ng bawat taon!  Bakit nga ba may La Naval?  Ano ang La Naval?  363 years ago, mga unang buwan ng taong 1646, tila sunod-sunod ang masamang balita para sa Maynila.  Kakatapos pa lamang ng isa sa pinakamalakas na lindol na naranasan ng Maynila noong nakaraang Nobyembre, nang mabalitaan nila ang obsesyon ng mga Olandes na salakayin ang Maynila, ang sentro ng Imperyong Espanyol sa Silangan!  Upang iharap sa malaking hukbong pandagat ng mga Olandes, hinanda ng mga Espanyol ang… ting!  Dalawang outdated na Galyon—ang Rosario at ang Encarnacion na sinamahan ng dalawang barkomg Tsino o sampan.  Tig-200 tao ang inilagay sa bawat galyon, isandaan sa mga ito ay mga kabataan at mga lalaking mula sa mga prominenteng pamilya sa Maynila, karamihan ay mga nadirigmang Tagalog at Kapampangan.  Magkahiwalay na nangako ang mga pinuno ng hukbo na sina Hen. Lorenzo de Orella y Ugalte at Almirante Sebastían Lopez na lalakad ng nakatapak sa Simbahan ng Sto. Domingo sa harapan ng Mahal na Ina ng Sto. Rosario sa bawat tagumpay na ibibigay sa kanila.  Noong 3 Marso 1646, umalis ng Cavite ang mga galyon.  Limang labanan ang naganap mula 15 Marso hanggang sa huling labanan ng 3 Oktubre 1646.  Sa lahat ng labanan, tinugis at pinaurong ng dalawang lumang galyon ang nakararaming barkong Olandes!  Nanalo ang mga Espanyol at ang mga Indio sa pagtatanggol sa kanilang lupa.  Nagpasalamat at nagdiwang ang kapwa sakop at mananakop at nagtungo sa Sto. Domingo Church sa Intramuros upang magpasalamat.  Ang mga marinero ay tumupad sa kanilang pangako na lumakad ng nakayapak sa paanan ng imahen ng Sto. Rosario.  Napatunayan ng Arsobispado ng Maynila na mahimala ang pagkapanalo sa labanan at tinawag ang Mahal na Ina ng Sto. Rosario bilang La Naval.  Nawasak ng digmaan ang Simbahan ng Sto. Domingo ngunit patuloy na namintuho ang mga tao sa birhen sa bago nitong Simbahan sa Lungsod Quezon, ginawa pang patrona ng lungsod dahil halos magkasabay ang pista sa pagkakatatag nito.  Sa pananaw ng mga relihiyoso, binuhay ng himala ang diwa ng Katolikong Maynila at ipinakita ang kabutihan ng Maykapal sa Pilipinas.  Ngunit para kay Nick Joaquin, dito nadiskubre ang galing ng mga Tagalog at Kapampangan sa pagtatanggol sa mga Espanyol.  Hangga’t kakampi ng mga Espanyol ang Bayang Tagalog at Kapampangan, patuloy na nanaig ang mga Espanyol.  Nang bumitaw ang mga ito sa Himagsikang 1896, doon na nagsimulang lumagapak ang Imperyong Espanyol.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 8 October 2012)

 

Battle of La Naval

La Naval in Blue Lights

 

XIAOTIME, 15 October 2012: ANO ANG KAHULUGAN NG BANGSAMORO?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 15 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Sultan Jamalul Kiram II ng Sulu (nakaupo sa gitna sa itim na kasuotan) at ang kanyang gabinete.

15 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=_ezDJtlAQM4

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Makasaysayan talaga ang araw na ito!  Ngayon nakatakdang lagdaan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front ang isang framework peace agreement na naglalayong tapusin ang ilang dekada nang pakikibaka ng MILF para sa pagsasarili ng Mindanao.  Nagkakasundo silang hindi na sila hihiwalay sa Pilipinas bagkus magtatag ng isang bagong juridical entity na tatawaging “Bangsamoro.”  Ano ang pinagmulan ng pangalang ito?  Sabi ng aklat na “A Short History of the Far East” na ginagamit pa rin sa mga paaralan ngayon, ang mga mga Pilipino raw bago dumating ang mga Espanyol ay walang “elaborate political organization and no unified government.”  Papabulaanan ito ng kasaysayan ng mga Muslim sa Mindanao na nagtataglay ng dakilang nakaraan.  Noong unang panahon, ang mga grupo ng tao sa Mindanao ay mga mandirigma, kilala sa tawag na mangangayaw o mga namumugot ng ulo.  Ngunit ang kanilang mga hidwaan sa isa’t isa ay natapos sa pagdating ng Islam noong 900 AD at nang dahil dito ay napagbuklod pagdating ng panahon ang mga mamamayan nito at nabuo ang mga Sultanato, si Sharif Ul’hashim Abubakr ang nagtatag ng Sultanato ng Sulu noong bandang 1450 at si Shariff Mohammed Kabungsuwan ang nagtatag ng Sultanato ng Maguindanao.  Ang sultan ay pinuno ng maraming mga datu, kaya ito ay sentralisadong pamahalaan na may mga ministro, hukbo, burukrasya, at may mga tagapayo na tinatawag na Ruma Bichara at dahil dito sentralisado rin ang pinansya.  Kaya naman yumaman ang mga sultanato at sa perang ito nakipaglaban ng tuloy-tuloy sa mga Espanyol sa loob ng 333 taon, kumukuha ng mga bihag sa mga Kristiyanong lugar at ibinebenta bilang mga slaves.  Sa inis ng mga Espanyol at mga Katoliko, gumawa sila ng palabas na “Moro-Moro” na ukol sa pakikibaka laban sa mga Muslim.  Pansinin, bago pa man maging bansa ang Pilipinas, bansa, o Bangsa na, ang mga Muslim sa Mindanao.  E saan naman nanggaling ang katagang Moro?  Ang Moro ay katawagan ng mga Espanyol sa mga Muslim mula sa Hilagang Africa na sumakop sa kanila sa loob ng 700 taon!  Isang teorya ng pinanggalingan nito ay ang Griyegong mauros o maitim.  Katawagang pang-insulto man ito tulad ng indio, inangkin na rin ito ng mga muslim lalo nang gawin itong pangalan ng armadong grupong Moro National Liberation Front at ng Moro Islamic Liberation Front, gaya ng ginawa ni Rizal sa Indios Bravos.  Kaya ang pangalang Bangsa Moro para sa Muslim Mindanao ay karapat-dapat lamang upang kilalanin na bahagi man sila ng Pilipinas dahil sa pagsang-ayon ng kanilang mga datu sa Administrasyong Amerikano sa Bates Treaty noong 1899 at Carpenter Agreement noong 1919, at dahil na rin sa parehong pinagmulan ng ating sinaunang kultura mula sa mga Austronesyano, pagkilala ito ng kanilang bukod tanging pagkakakilanlan at kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Taft, 9 October 2012)

Pangulong Noynoy Aquino at Tagapangulo ng Moro Islamic Liberation Front chair Ebrahim Murad sa Crowne Plaza ANA Hotel sa Narita, Hapon, 4 Agosto 2011.

XIAOTIME, 12 October 2012: NAY ISA, Teresa Magbanua: Katangi-tanging Pinunong Babae noong Rebolusyon

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 12 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Teresa “Nay Isa” Magbanua

12 October 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=N6pQAY_FAq4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa Lunes, October 15 po, birthday po ng kapatid kong si Michelle Charlene Chua, na mas kilala sa tawag na Chao Chua, isa sa bokalista ng Kapampangan band na Mernuts.  Dahil mas astig siya sa akin, sa tuwing may umaaway sa akin noong prep ako, siya pa na mas nakababata ang nagtatanggol sa akin.  Nabanggit ko ito sapagkat naaalala ko sa kanya ang bayaning kikilalanin natin ngayong araw na ito.  Bukas po ang ika-144 taon ng kapanganakan ni Teresa Magbanua noong October 13, 1868.  Siya ang astig na tanging pinunong babae sa ating rebolusyon laban sa mga Espanyol at mga Amerikano na nakilala sa tawag na “Nay Isa.”  Isinilang siya sa Pototan, Iloilo. Napansin na noong bata pa lamang siya na mas nakikipaglaro siya sa mga kapatid at kapitbahay na lalaki, ipinagtatanggol niya ang mga kapatid niyang lalaki sa mga umaaway sa kanila, mahilig sa paglangoy, umaakyat sa mga puno at mahilig sumakay sa mga kalabaw at kabayo.  Girl Power ang lolah!  Para masaway ang gawi niyang ito na kakaiba noong panahon niya, pinag-aral siya ng pitong taon sa Colegio de San Jose sa Jaro, Iloilo at di pa nasiyahan doon, ipinasok pa siya sa Colegio de Sta. Rosa at Colegio de Sta. Catalina sa Maynila.  Nagtapos sa kursong edukasyon sa Colegio de Sta. Cecilia noong 1894.  Naging guro pagbalik ng Iloilo at nakilala bilang istrikta.  Matapos ang apat na taon, napangasawa niya si Alejandro Balderas at ang lola ay tumigil sa pagtuturo upang maging maybahay at babaeng bukid, kung saan mas nagawa pa niya ang hilig sa pamamaril at pangangabayo.  Kahit ayaw ng asawa, sinamahan niya ang mga kapatid na lalaki sa rebolusyon.  Sa kanyang husay at pagpupumilit sa kabila ng agam-agam ni Hen. Perfecto Poblador, nagpa-appoint na kumander ng Hilagang Iloilo.  At sa unang laban pa lamang nagpakitang gilas na si Nay Isa sa mga labanan sa Pilar, Capiz at Sapong Hills at nanalo laban sa mga Espanyol.  Nang dumating ang mga Amerikano, patuloy siyang namuno ng grupong gerilya at mas matagal na lumaban kaysa ibang heneral.  Nang dumating ang mga Hapones, binenta niya ang lahat ng ari-arian sa Iloilo at pinantulong sa pakikidigmang gerilya.  Namatay siya noong Agosto 1947 sa edad na 78.  Para sa kanyang mga nagawa para sa bayan, binansagan siyang “Joan of Arc of the Visayas.”  Palagay ko colonial mentality ito.  Teh, para siguro mas Pilipino ang pananaw natin, tawagin nalang natin si Joan of Arc na “Teresa Magbanua of France!”  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 4 October 2012)

Teresa Magbanua, pinuno ng rebolusyon sa Iloilo, detalye ng isang bas relief.

Girl power ang lolah!

XIAOTIME, 11 October 2012: ANG ASASINASYON KAY GOBERNADOR-HENERAL FERNANDO BUSTAMANTE

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 11 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

“Ang Pagpaslang Kay Gobernador Heneral Bustamante at sa Kanyang Anak” Mural ni Felix Resurrecion Hidalgo na nakalagak ngayon sa Pambansang Sinupan ng Sining sa Pambansang Museo ng Pilipinas.

11 October 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=uxtQoPLCpDU

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  293 years ago, pinatay ng mga prayle at ng kanilang mga kabig si Gobernador Heneral Fernando Manuel de Bustamante y Bustillo, October 11, 1719.  Paano nangyari ito.  Matatandaan na nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ginamit nila ang Katolisismo bilang isang ideological state apparatus upang itanim sa puso ng mga tao ang pagsunod sa layunin ng kanilang pananakop—ang pagkakaroon ng mga kayamanan para sa Espanya.  Walang separation of church and state noon.   Ang prayle ang kaagapay sa pamamahala.  Ngunit isa sa mga pinunong sibil ang nagpasaway.  Patuloy na pinaaresto ng liberal na gobernador heneral na si Fernando Bustamante ang mga may utang sa gobyerno kahit sila ay humihingi ng sanktwaryo sa simbahan.  Itinuring itong pambabastos sa simbahan ng mga Obispo kaya nagtangka sila kay Bustamante, “Ipapa-excommunicate ka namin!”  Kaya lalo niyang ipinakulong ang mga Obispo, pati na ang Arsobispo ng Maynila.  Kaya ang mga paring Agustino, Dominikano, Pransiskano at Rekoleto ay nagbalak.  October 11, 1719, nagtipon ang mga pari kasama ang kanilang mga kabig mula sa Simbahan ng San Agustin at nagmartsa patungong Palacio del Gobernador sa loob ng Intramuros.  Hindi sila napigilan ng mga bantay.  Sinugod nila ang ikalawang palapag, dinampot ang Gobernador Heneral, kinaladkad at pinagsasaksak hanggang mamatay.  Dumating ang kanyang anak upang iligtas siya ngunit ang anak niya rin ay napatay.  Dalawang asasinasyon ang nangyari.  Matapos noon, nagmartsa sila patungong Fort Santiago, pinalaya ang mga obispo at arsobispo, at ang Arsobispo ng Maynila ay ginawang interim na Gobernador Heneral sa loob ng ilang linggo.  Nang isang obispo ang magbiro sa Pang. Noynoy Aquino na siya ay ipapaeksgumulgado sa kanyang pagsuporta sa Reproductive Health Bill, naalala ng mga historyador ang insidente noong 1719.  Tunay na malaki ang impluwensya ng Simbahang Katoliko sa buhay ng mga Pilipino noon at ngayon.  Wala mang tinatawag na Catholic vote, ang kanilang kaparian ay umaabot sa liblib na mga lugar ng bayan.  Ang kanilang pakikialam sa pulitika at itinuturing nilang tungkulin sa paggabay sa kanilang mga tagasunod.  Para sa akin, may kalayaan ang mga paring ipahayag ang kanilang mga paniniwala bilang mga mamamayan ng Pilipinas.  Kung nagpapaapekto ang ilang mga lider natin sa kanilang mga nais na ipatupad dahil sa pakikialam ng simbahan, problema na nila iyon, at natin.  May kalayaan din ang pamahalaan na gawin ang sa tingin niya ay nararapat.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Kalaw FX at Yuchengco Hall, DLSU Manila, 4 October 2012)

XIAOTIME, 10 October 2012: GINTONG PAMANA NG MGA NINUNO NATIN

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 10 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang mga katutubong Tagalog na nararamtam ng ginto, mula sa manuskritong Espanyol, ang Boxer Codex.

10 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=pYEnAS3UdUI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  May isang aklat na hanggang ngayon ay available sa isang sikat na bookstore chain at ginagamit sa ating mga pamantasan, “A Short History of the Far East” mula sa isang propesor sa Yale University na inilimbag noong 1964 pa.  Ayon sa aklat na ito sa pahina 287, basa:  “Before the coming of the Spaniards, as we have hinted, the Philippines were backward in civilization as compared with most of the rest of the Far East….  The Filipinos were still but partly removed from the primitive stages of culture…. “ In short, sa pananaw ng dayuhan, na pinaniwalaan ng marami sa atin, bobs ang mga ninuno natin at may kultura sila na primitive.  Nawalan tuloy tayo ng tiwala sa ating mga sarili.  Ngunit, noong April 27, 1981, habang nag-ooperyt ng bulldozer sa Magroyong, San Miguel, Surigao, natisod sa lupa ni Edilberto Morales ang ilang gintong kagamitan.  Ipinagbenta niya ang mga ito.  Ang mga natisod pala niyang ginto ay mga gintong pamana na pag-aari ng ating mga ninuno.  Ang ilan sa mga ito ay maaari niyong mabisita sa Metropolitan Museum, lalo na sa Ayala Museum “Gold of Ancestors” exhibit kasama ng iba pang mga arkeolohikal na mga ginto na natagpuan sa Surigao, Butuan, Batangas, Mindoro, at Samar:  Mga kandit o sash, sinturon, hebilya o buckle, hawakan ng punyal, sinturon sa braso, at mga barter rings.  May teknolohiya sa paglinang ng ginto ang mga ninuno na tinatawag na pagbatbat, na sa sobrang ganda at pulido sa maliliit na detalye mahirap makopya kahit ng mga magagaling na alahero ngayon.  Hindi lamang abubot o status symbol ang ginto sa ating mga ninuno.  Ayon kay Dr. Bernadette Abrera, naniniwala ang mga ninuno natin na kapag natutulog ang tao, lumalabas ang kanyang kaluluwa sa mga butas ng katawan, sa mga kamay at paa.  Kaya naman kailangan palibutan ang mga ito ng ginto upang mapanatiling matuwid ang kaluluwa at hindi mapasok ng masamang kaluluwa sapagkat natatakot ang dilim sa liwanag ng ginto.  Ang ginto ay isang anting-anting o agimat!  Kaya sa hindi iilang pagkakataon, nakakakita ng mga gintong maskara para sa patay na mga sinaunang Pilipino na tinatakpan ang mga mata, ilong, bibig at ulo.  Ang tradisyong ito ay hindi nawala sa pagpasok ng Katolisismo, bagkus, nagpapatuloy at marami sa mga disenyo nito ay Katoliko na.  Simbolo ang anting-anting ng pagnanais natin na mapanatili ang ating kaluluwa na mabuti.  Kaya naman kapag binisita natin sa Ayala Museum ang ginto ng ating mga ninuno, hindi lamang ito paalala na magaling ang mga Pilipino bago pa man dumating ang banyaga, espirituwal din tayo at maka-Diyos!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Palma Hall, UP Diliman, 4 October 2012)

Sila “eating in silver spoons,” tayo kumakain na sa mga gintong mangkok! Mula sa Ayala Museum.

Mga katutubong nararamtan ng ginto. Mula sa Boxer Codex.

Golden regalia tulad ng suot noong nasa Boxer Codex, sash na suot ng mga ninuno natin. Mula sa Ayala Museum.

Detalye ng sinturong ginto, at makikitang mahirap gayahin. Mula sa Ayala Museum.

Maliit na estatwang ginto, kinnari. Mula sa Ayala Museum.

Pares ng palamuting garuda. Mula sa Ayala Museum.

Bisitahin ang Ayala Museum.

Bisitahin ang Ayala Museum.

XIAOTIME, 9 October 2012: SI JOHN LENNON AT ANG BEATLES SA PILIPINAS

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 9 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

John Lennon (1940-1980)

9 October 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=hz8tDJfT6ZE&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay ko ang episode na ito sa best friend kong si Jeremiah “Mayo” Baluyut na nagpakilala sa akin sa taong ating tatalakayin ngayon.  Kung buhay pa si John Lennon ngayon, 72 years old na siya ngayong araw na ito, kaarawan niya ay October 9, 1940.  Nakilala siya bilang bokalista ng sikat na bandang The Beatles na nagmula sa Liverpool, England kasama sina Paul McCartney, George Harrison at Ringo Starr.  Sa panahon ng kalituhan at tawag ng pagbabago ng Dekada 1960—pagbaril kina John F. Kennedy, Robert Kennedy at Martin Luther King, at mga pagkilos laban sa Vietnam War, deskriminasyon sa mga itim at paniniil sa kababaihan, ang mga awitin at “Yeah, Yeah, Yeah” ng Beatles ang naging larawan ng mga pagbabagong ito.  Sa panahon ng kanilang kasikatan, tumungo sila sa Maynila noong July 3, 1966.  Agad silang dinala sa isang pribadong yate ng isang negosyante na kanilang ikinayamot.  Kinabukasan, July 4, habang sila ay natutulog sa Manila Hotel, bigla na lamang silang ipinasundo ng Palasyo.  Bagong pangulo noon si Pang. Ferdinand Marcos at First Lady Imelda Marcos na inaanyayahan sila sa isang courtesy call sa Malacañang.  Ilang buwan ang nakalipas, ipinagwalang bahala pala ng manager na si Brian Epstein ang imbitasyon ng palasyo at inakalang naman natin na ang hindi nito pagsagot ay pagsang-ayon na.  Hindi ginising ng manager ang mga Beatles.  Nabastos ang unang pamilya sa inaakalang pag-snub sa kanila ng Beatles mismo.  Matapos ang kanilang dalawang konsyerto noong hapon na iyon sa Rizal Memorial Football Stadium na sabi ng Beatles ay sumobra sa bilang ng kapasidad ng lugar, kinabukasan July 5, walang naghatid sa kanila sa airport, walang tumulong sa kanila sa pagbuhat ng kanilang mga gamit, at nang sila ay nasa airport na, pinatay ang mga escalator at ang mga naka-barong na mga guwardiya nila ay tinatakid at sinisiko pa sila.  Ilan sa mga kasama ng Beatles ang nasugatan sa insidenteng ito.  May mga kwento na sa tindi ng takot, sina John at Ringo ay nagtago sa mga madre dahil alam nilang hindi sasaktan ang mga madre sa isang Katolikong bansa.  Sa pag-aakalang pagsakay nila sa eroplano ng British Airways tapos na ang kanilang kalbaryo, pinababa ang manager at ang mga kasama ng Beatles.  Kinuha pala ang cash na kinita ng grupo.  Isa sa mga dahilan ng kanilang pagtigil sa pagtotour at pagkokonsyerto ang nangyari sa kanila sa Maynila.  Sa mga sigawan ng tao, ni hindi na nila naririnig ang kanilang sariling tumutugtog, hindi na rin sila lumago.  Kaya ang insidente sa Maynila ay nagbunga rin ng magandang epekto.  Mula noon, nagpokus na lamang sila sa studio at nilikha ang mas magaganda nilang album tulad ng Sgt. Pepper’s Lonely Hearts Club Band, Let It Be at Abbey Road.  Nang magkahiwalay na sila noong 1970, si John Lennon ang naging pangunahing boses ng peace movement sa pamamagitan ng kanyang kantang “Imagine” na binoto bilang isa sa mga pinakadakilang “Music of the Millennium” noong 1999.  Binaril siya ng isang nabaliw na dating tagahanga noong December 8, 1980 sa New York.  Nabastos ang maraming Pilipino sa Beatles noong 1966 dahil popular pa ang Pang. Marcos noon.  Ngunit sabi ng ilan, tila naging preview ito sa magiging lagim ng Batas Militar.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 4 October 2012)

Beatles namilosopo sa press conference sa Maynila, 3 July 1966.

Ang konsyerto ng Beatles sa Rizal Memorial Football Stadium, 4 July 1966. Ang front act ay si Pilita Corrales.

Overcrowded. Imahe mula sa The Beatles Anthology.

Manila Blues, pag-alis sa tarmac ng MIA.

XIAOTIME, 8 October 2012: PAGTATAPOS NG KALAKALANG GALYON

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 8 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang galyong Andalucia nang dumako ito sa Pilipinas noong 2010. Kuha ni Fraulaine Rapal.

8 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=D13zsLJOaLE&feature=plcp

¡Buenas tardes y buenos noches señoras y señores!  Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  197 years ago [ngayon, 8 Oktubre 1815] nagtapos ang Kalakalang Galyon na minonopolyo ng mga mananakop na Espanyol sa loob ng 250 years!

Fray Andres de Urdaneta, tagapagdiskubre ng pinakamahabang rutang pangkalakalan sa Kasaysayan ng Daigdig.

Ang explorer na si Father Andres de Urdaneta ang nakadiskubre ng ruta noong bumalik siya sa Mexico mula sa Pilipinas noong 1565, sinundan niya ang direksyon ng hangin ng mga bagyo sa Pasipiko at nakilala ito sa tawag na Manila-Acapulco Galleon Trade o Nao de China.  Ngunit tila mali ang tawag na ito.  Ang mga produktong mula sa India; Japan; mga produktong Tsino na kinahihibangan ng mga Europeo tulad ng porcelain, ivory, silk o seda, at iba pa

Inmaculada Concepcion na gawa sa ivory, ilan sa mga produktong dinadala ng Kalakalang Galyon. Mula sa Koleksyong Museo ng San Agustin.

; mga pamintang mula sa Moluccas; at ilan lamang na mga produkto ng mga Indio tulad ng mga bulak mula sa Ilocandia at mga likhang sining na nililok, ay isinasakay sa mga Galyon, na tinatawag na Nao.  Ang mga ito ay dadalhin sa Acapulco, ngunit hindi ito natatapos doon.  Dadalhin ang mga produkto sa pamamagitan ng lupa patungong Veracruz, matapos nito ay dadalhin sa Havana, Cuba, at ikakalat na sa mga bansa sa Timog Amerika at dadalhin na rin patungong Sevilla, Espanya.  Kaya mas nararapat na tawagin itong Kalakalang Maynila-Acapulco-Sevilla—Ang pinakamahabang Trade Route sa Kasaysayan ng Daigdig!!!

Kapalit ng lahat ng mga produkto ay ang mga pera na mabilis naman na ipinambabayad sa mga bansang pinagmulan ng produkto.  Dahil din sa kalakalang ito, napadpad sa Pilipinas ang mga halamang nasa Amerika lamang na ngayon ay bahagi na ng buhay ng mga Pilipino:   tabako, mais, cacao, kape, cassava, mani, sili, beans, at kamatis.  Bagama’t kumita ang Espanya sa monopolyo ng pangangalakal na ito sa Pilipinas, ang mga indio ay nakatungangang parang mga timawa, nagsibak lamang ng mga kahoy na ipinanggawa ng mga galyon at kinuhanan ng mga ani, nilaspatangan ang interes ng mga maliliit.  Ang tanging nakinabang ay ang mga Espanyol at iba pang dayuhan.  Noong 1815, dahil na rin sa pakikipaglaban sa kalayaan ng mga Mexicano laban sa mga Espanyol, natigil ang Kalakalang Galyon.  Sa pagtatapos nito, mas naging malaya na makipagkalakalan ang Pilipinas sa daigdig.  Nagbukas sa lahat ang oportunidad kahit sa ilang mga indio na sa kalaunan ay nag-aral at naging mga ilustrado na nakibaka rin para sa pagbubuo ng ating nasyon.  Sabi ng mga eksperto, ang Kalakalang Galyon ay maagang manipestasyon ng globalisasyon na kontrolado lamang ng malalakas na bansa.  Ang malayang kalakalan ay maihahambing sa Cyberspace na parang isang karinderyang bukas sa lahat ng gustong magtinda, bumili at magpahayag ng sarili.  Ang daang matuwid ay nag-aadhika ng isang sistemang liberal ngunit nangangalaga rin sa interes ng maliliit at lokal na negosyo at nagtataguyod ng malayang pagpapahayag ng sarili.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 4 October 2012)