XIAOTIME, 18 October 2012: MALAGIM NA TRAHEDYA SA ISANG KATEDRAL

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 18 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Floro Singson Crisologo, obra maestra sa loob ng Crisologo Memorabilia Museum sa Vigan, Ilocos Sur.

18 October 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=0wSHAIwW2wo&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  42 years ago, October 18, 1970, naganap ang isang malagim ng trahedya.  Habang nakaluhod at nagdarasal sa isang misa sa St. Paul’s Cathedral sa Vigan, Ilocos Sur, si Congressman Floro Singson Crisologo, bigla na lamang itong binaril sa likod ng kanyang ulo, at habang nakahandusay, may isa pang lalaking bumaril sa kanyang puso.

Tumakas patungong Plaza Burgos ang dalawang salarin at naglaho sa mga makasaysayang kalye ng Vigan.  Hindi nalutas ang krimen.

Sa dami ng nakaaway sa pulitika ng kongresista hindi malaman kung sino nga ba ang utak ng pagpatay.  Ang asasinasyon sa kanya ay larawan ng magulong sitwasyong pulitikal noon sa Ilocos Sur na sinasalamin ng mismong poster ni Crisologo, “O Lord, make us Keep the Ballots clean to help our people, use the Bullets well to defend the oppressed, pray the Beads always to save our souls.”

Patayan ng patayan ang mga magkakalaban sa pulitika.  Ang dinastiyang Crisologo ay nagsimula nang maging delegado ng Malolos Congress noong 1898 at gobernador ng Ilocos Sur noong 1901 ang bayani ng rebolusyon at manunulat na si Marcelino “Mena” Crisologo.  Ilang terminong naging kongresista si Floro Crisologo mula 1946, matapos niyang ipagtanggol ang bayan laban sa Hapones sa Bessang Pass bilang bahagi ng USAFIP-Northern Luzon.  Naging pamana niya sa bansa ang Republic Act 4155 na nagpapalakas ng industriya ng Virginia Tobacco, ang Republic Act 4449 na nagtatatag ng University of Northern Philippines, at ang batas na nagtatatag sa Social Security System.

Ang kamatayan ng kongresista ang naging hudyat ng pagtatapos ng kanilang paghahari sa Ilocos Sur.  Nabigo ang kanyang asawang si Carmeling Crisologo na muling mahalal bilang gobernador, at ang kanilang anak na si Vincent, alias Bingbong, ay nahatulang makulong sa salang pagsunog sa Barangay Ora Centro at Ora Este sa bayan ng Bantay noong 1970, mga barangay na sumuporta sa kalaban nila sa pulitika, ang pamangkin ni Congressman Floro na si Luis “Chavit” Singson.

Nang maging Gobernador si Chavit ilang buwan matapos ang asasinasyon, ipinagpatuloy niya ang programang gawing tourist destination ang Vigan na pinasimulan ni Gobernadora Carmeling, at di naglaon, naghari rin ang kapayapaan sa Ilocos Sur.  Si Bingbong Crisologo naman ay nagbagong-buhay, naging isang Born-Again Christian sa kulungan at si Chavit mismo ang lumakad para mapalaya ito bago ang Bagong Taon ng 1981.  Si Bingbong ay naging konsehal at kongresista sa Quezon City, at isa ring pastor ng Bibliya, naghahatid ng mabuting balita.

ALL IS WELL: Sina Kong. Bingbong Crisologo, SPM Jerry Singson, dating Gobernador Carmeling Crisologo, Gob. Luis “Chavit” Singson, at Atty. Joy Crisologo sa pagdiriwang ni Gob. Carmeling ng kanyang ika-88 kaarawan noong 5 June 2011 sa Cordillera Inn, Heritage Village, Vigan City. Kuha ni Dante Tacata ng Tawid News Magazine.

Ang mansyon ng Crisologo sa Vigan ay isa nang museo na nagpapaalala sa atin, nagwawakas din ang mga dinastiyang pulitikal na nag-iiwan sa atin ng pamana ng kanilang paglilingkod bayan at mga aral ng kanilang pagkakamali.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman , 11 October 2012)

Loob ng Crisologo Memorabilia Museum sa Vigan, Ilocos Sur. Mula sa blog ni Mirandablue.