XIAOTIME, 17 October 2012: JOSÉ P. LAUREL, TAKSIL O BAYANI?

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 17 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

17 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=uE-vz-f63R4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong araw ng Linggo ang ika-69 na anibersaryo ng proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas at pagtatatag ng Ikalawang Republika sa ilalim ni Pangulong José P. Laurel, October 14, 1943.  Sa isang sentimental na tagpo sa gusali ng lehislatura, itinaas ang bandilang Pilipino nina Hen. Artemio Ricarte at Hen. Emilio Aguinaldo.  Nakilala ang pamahalaang iyon bilang “Papet na Republika” at inakala ng marami na papet rin at sipsip sa mga Hapones si Laurel.  Tinatawag siyang kolaboreytor at taksil ng ibang tao ngayon, wala nang punang hindi karapat-dapat!  Liwanagin natin.  Nang umalis si Pang. Manuel Quezon ng Maynila noong 1941 sa pagdating ng mga Hapones, si Laurel na noon ay mahistrado ng Korte Suprema ang pinagbilinan na maiwan at makipagtulungan sa Hapones upang hindi maging mas masama ang sitwasyon.  Nang buuin ng mga Hapones ang isang kapulungan at siya ang hinalal nilang pangulo, inilipad siya sa Tokyo upang kausapin ng Primer Ministro ng Hapon na si Hideki Tojo upang magdeklara ng “State of War” laban sa Estados Unidos na nangangahulugan na tatawagan ang mga ang mga Pilipino para lumaban sa panig ng mga Hapones laban sa mga Amerikano.  Nagulat si Laurel sa kahilingang ito at napadasal ng “Pater Noster.”  Matapos noon ay sinabi sa pinunong Hapon na hindi niya magagawa ang kahilingan nila sapagkat hindi siya popular na pinuno at walang susunod sa kanya.  Sinabi rin niyang hindi papayag ang mga Pilipino dito dahil hindi magiging maganda para sa kanila na kalabanin ang dati nilang kaibigan.  Matapos ang ilang beses na pangungulit at pag-aalok ng pera para sa itatag na bansa, sumuko si Tojo at tinanong kung ano bang tulong ang kailangan ng mga bisitang Pinoy.  Kahit anong kahilingan.  Sabi ni Laurel, “Isang eroplanong pabalik ng Maynila.”  At binigay nga ito sa kanya.  Matapos ang inagurasyon, pagtungo niya sa Palasyo ng Malacañang, nagpakita ang isang opisyal na Hapones at nagpapakilalang magiging tagapayo siya ni Laurel, sabi ng bagong pangulo ayon kay Dr Ricardo Trota José, “I don’t need an adviser.  I could be your adviser, Kihara, but you cannot be my adviser.  You had better get out!”  Inireklamo niya sa mga heneral na Hapones ang opisyal at hiniling na paalisin ang mga guwardiyang Hapones.  Naging bastion ng republika ang palasyo.  May mga kwento rin na nakikipagpulong mismo si Laurel sa mga gerilya sa mismong palasyo kahit na delikado.  Nang iproklama niya na “a state of war exists,” kinilala niya lang ito at hindi na tinawagan ang mga Pilipino na kumampi sa mga Hapones, imagine baka natulad tayo sa Indonesia na ang daming namatay para sa mga Hapones!  Hindi nagpayaman sa puwesto at kahit sa loob ng palasyo ay kinakain ang pagkain din ng mga mahihirap noong digmaan—mga metal foods, metalbos ng kamote, monggo, tuyo at gulay.  Kahit na pinaratangan siyang kolaboreytor ng mga Amerikano, pinagkatiwalaan siya ng bayan bilang number one senator noong 1951 at isinulong ang Rizal Law kasama ni Sen. Claro Recto, kaya may Rizal course tayo.  Itinatag niya ang Lyceum of the Philippines at namatay noong Nobyembre 1959.  Hindi taksil at hindi lamang pulitiko si José P. Laurel.  Si José P. Laurel ay isang bayani.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 11 October 2012)

Ang pagpapasinaya sa Ikalawang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapones, 14 Oktubre 1943 sa Legislative Bldg. sa Maynila (Larawan mula sa Kasaysayan:  The Story of the Filipino People).