XIAOTIME, 19 October 2012: PEDRO CALÚNGSOD BISSAYA, Ikalawang Santong Pilipino

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 19 October 2012, at News@1 PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

San Pedro Calúngsod, Bisaya. TV grab mula sa opisyal na coverage ng Centro Televisivo Vaticano ng beyatipikasyon sa Lungsod ng Vaticano noong 5 Marso 2000. Ang larawan ay ipininta ni Rafael del Casal at ang modelo ay si Ronald Tubid.

19 October 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=dNgj6m4J8-4&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Sa Linggo, 21 October 2012, ipagdiriwang po ng mga Katoliko ang Missions Sunday, kung kailan magdiriwang ang buong bansa sa paghirang kay Beatus Petrus Calúngsod bilang ikalawang Pilipinong Katolikong Santo sa Lungsod ng Vaticano!  Sancti Petri Calúngsod?  Siya na nga!  Ang binatilyong Bisaya na si Pedro Calúngsod.  Ilang trivia, walang larawang aktwal si Pedro pero ang modelo sa pinturang ginawa ni Rafael del Casal na ginamit sa kanyang beyatipikasyon ay ang estudyanteng Ilonggo na ngayon ay basketbolistang si Ronald Tubid ng Barako Bull, Nickname:  “The Saint.”

Mula sa fb page na
“Stunning and Interesting Facts that you didn’t know.” http://www.facebook.com/photo.php?fbid=418697224851901&set=a.289245514463740.77512.289243791130579&type=1&theater

Ayon sa tala ni Padre Catalino G. Arevalo, S.J., katuwang si Pedro ng isang Heswitang si Blessed Diego Luis de San Vítores sa kanilang misyon ng pangangaral na nagsimula noong June 16, 1668 sa mga taga Marianas o Guam.  Kumbaga, “boy” lamang ni Father Diego si Pedro—katulong sa pagbuhat ng gamit at maaaring katulong din sa pangangaral.  Sa edad na 40, malabo na rin ang mata ng pari kaya baka katulong na rin niya sa pagbasa.  Oo, katulong lang siya, ngunit kahit na gayon, nang manganib ang buhay ng Pari, nagpakita siya ng ekstraordinaryong kabayanihan.  Nagpumilit si Padre Diego na binyagan ang isang batang anak ng isang kasike o Chamorro na si Matapang noong April 2, 1672.  Sabi ni Matapang, “Walang silbi ang binyag, pinapatay ninyo ang mga bata… Sawa na kami sa inyong binyag at aral.”  Sagot ng padre, “…Ayaw kong mamatay siyang di binyagan at hindi makarating sa langit.  Kung gusto mo patayin mo ako pagkatapos, ngunit hayaan mo munang binyagan ko ang bata.”  Kasama ang kaibigan na si Hirao na ayaw sanang patayin ang itinuturing niyang mabuting pari ngunit nabuyo nang tawaging “duwag,” kumuha sila ng mga sandata.   Nang lumusob ang dalawang Chamorro sa tabing dagat, si Pedro ang unang nakita at sinibat ng sinibat ngunit maliksi si Pedro at laging nakakaiwas.  Kung sinunod lamang nila ang payo na mag-armas sana naipagtanggol niya ang sarili at ang pari.  Sa huli tinamaan si Pedro sa dibdib.  Matapos nito, biniyak nila ng machete ang kanyang ulo.

Ipininta ni Alfredo Esquillo batay sa mga larawan ni Alan Bengzon ng modelo sa santo na si Ronald Tubid. Nasa bungad na bulwagan ng Loyola School of Theology ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Nilapitan ni San Vitores si Pedro, binulungan ng ilang salita kay Pedro matapos ay bumaling sa dalawa, itinaas ang krusipiho upang sila’y hikayating magsisi.  Kung paano pinatay si Pedro, ganoon din pinatay si Padre Diego.

Ang pagkamartir ni Beato Diego Luis de San Vítores sa mga Isla ng Marianas (Guam), 2 Abril 1672.

Anuman ang ating pananampalataya, si Pedro, ang Kapampangang taga-Bacolor na si Nicolas de Figueroa na namartir din sa Guam isang araw bago sina Pedro, at ang Pilipinong paring si Richie Fernando, S.J. na tinabunan ang granada upang iligtas ang kanyang mga estudyante sa Cambodia noong 1996,

Ang Pilipinong Pari na si Padre Richie Fernando, SJ

at ang ating mga bayani ay huwaran ng sinabi ni Hesus sa ebanghelyo, “Wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa rito, na ang isang tao ay mag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13, SND)  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(North Conserve, DLSU Manila, 9 October 2012)

Dahil sa kalituhan sa kung ano ba ang kaibahan ng halos magkaparehong rebulto ni San Lorenzo Ruiz at ni San Pedro Calúngsod lalo na yung tipo na naka-kamisa tsino at may hawak na dahon ng palmera na simbolo ng pagkamartir, nilagyan ng ilang karagdagan ang estatwa ni San Pedro. Si San Lorenzo Ruiz ay may hawak na rosaryo at mukhang Tsino, at si San Pedro naman dahil pinaniniwalaang katulong sa katesismo ay pinaghawak ng aklat na Doctrina Christiana.