XIAOTIME, 22 October 2012: LEYTE LANDING, Ang Kuwento ni General Douglas MacArthur

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 22 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

22 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=hnwZVPLoiAo&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Alay po ang episode na ito sa isang taong hindi pinapalampas ang araw na hindi nanonood ng News@1, si Bb. Mari Clare Junio.  Salamat po sa inyo at sa lahat ng tumatangkilik sa aming pagbabalita.  (Mimicking MacArthur: “When I landed on your soil, I said to the people of the Philippines once I came, I shall return.”)  Noong Sabado ang 68th anniversary ng pagtupad ni Hen. Douglas MacArthur na siya ay muling magbabalik sa Pinas nang siya ay nag-landing sa Red Beach, Palo, Leyte noong October 20, 1944.  Dramatiko niyang nilusong ang katubigan ganap na 1:30 ng hapon kasama si Hen. Carlos P. Romulo at ang bagong pangulo ng Pilipinas na si Sergio Osmeña.  Sa isang naghihintay na radyo kanyang ibinalita sa Pilipinas ang napipinto nilang pagkalaya mula sa mga Hapones, “People of the Philippines, I have returned! By the grace of Almighty God, our forces stand again on Philippine soil.”  Sinundan ito ng tinatawag na Battles for Leyte Gulf na pinaglabanan ng mga Amerikano at ng mga mananakop na Hapones na ayon sa Guinness Book of Records ay itinuturing na pinakamalaking labanan sa dagat sa kasaysayan ng daigdig!  Dahil sa mga dramatikong mga eksenang ito, napakaraming mga tao ang sobrang halos i-Diyos na si MacArthur bilang siyang tagapagligtas ng mga Pilipino laban sa mga Hapones.  Kung tutuusin may kinalaman talaga si MacArthur sa paglikha sa mitong ito.  Kilala si MacArthur na masyadong conscious sa kanyang imahe at nais niyang itanghal ang sarili bilang isang heroic figure.  Si MacArthur ay dating Chief of Staff of the United States Army noong Dekada 1930 nang kunin ni Pangulong Manuel Luis Quezon bilang tagapayo.  Ang haba ng hair ng lolo Quezon niyo di ba?  Kinuhang adviser ang dating Chief of Staff ng bansang mananakop who happened to be a good friend at ginawa niyang Field Marshal of the Philippine Army.  Nang sorpresang atakehin ang Pearl Harbor, Hawaii ng mga Hapones ayon sa talambuhay na ginawa ni William Manchester, American Caesar, nahirapan ang mga tauhan niyang hagilapin si MacArthur sa mga unang oras na iyon na tulad ng lahat ay nasorpresa, tila natameme.  Pinilit siya ni Pangulong Franklin Roosevelt na iwan ang Pilipinas nang magdesisyon siya na huwag munang tulungan ang mga sundalong Pilipino-Amerikano sa Pilipinas upang magapi muna si Hitler sa Europa noong 1942.  Nalungkot si MacArthur at nangako nga na babalik.  Sa kanyang pagbabalik noong 1944, siya at ang mga Amerikano ang pinagkakautangan ng marami ng kalayaan.  Ngunit ayon kay Samuel K. Tan kailangan ding kilalanin ang papel ng mga Pilipinong gerilya bilang tunay na nagpalaya ng bansa.  Sa mga gerilya ng Hilagang Luzon sumuko si Yamashita noong Setyembre 1945!  Lubos din na nasira ng mga Amerikano ang Maynila noong Pebrero 1945 kaya ito ay naging “Second Most-Destroyed Allied City in the World.”  Oo, hinahangaan natin si MacArthur, pinasasalamatan din natin ang Amerika, pero huwag nating kakalimutan na tunay ring bayani at nagpanalo sa atin sa digmaan, ay ating mga lolo at lola beterano.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 18 October 2012)