XIAOTIME, 23 October 2012: HAPPY BIRTHDAY JUAN LUNA

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment two days ago, 23 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Juan Luna y Novicio sa Roma

23 October 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=4fWjJeMU3sA&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Bago ang lahat pinapabati po ng mga manonood natin na sila Princess and friends si Jecel B. Pelongco, happy birthday raw!  Well, may ka-birthday ka!  155 years ago, October 23, 1857, isinilang sa Badoc, Ilocos Norte si Johnny Moon?  Huh?  Who’s that Pokemon?

Salin pala ito sa Ingles ng pangalan ni Juan Luna y Novicio, bayani at pintor.  Sa panahon na ang mga indio ay minamaliit ng mga Espanyol bilang mga mababang uri ng tao, si Juan Luna ay ginantimpalaan ng una sa tatlong gintong medalya na iginawad sa Exposition of Fine Arts sa Madrid noong 1884 para sa kanyang Spoliarium na nagpapakita ng eksena sa ilalim ng colosseum sa panahon ng mga Romano kung saan dinadala ang mga patay.  “Spoliarium” mula sa Latin na spoliatus o pagnakawan, ang mensahe ng mural:  Taking advantage of misfortune of others.  Habang pinagnanakawan ang mga patay na mga gladiator ng kanilang mga mahahalagang gamit, mga bakal na sinturon, sandalyas at iba pa, sa kabilang banda ng malaking mural naroon ang mga nagdadalamhati: isang babaeng naka-asul na tumatangis para sa kanyang nasawing asawa at ang halos hindi makitang imahe ng isang matandang may sulo, hinahanap ang anak na hindi pa makita.

Spoliarium (1884), nasa National Art Gallery, National Museum of the Philippines

Sa kasamaang palad naging kontrobersyal ang patimpalak dahil hindi ibinigay sa taong iyon ang Medal of Honor, ang pinakamataas na premyo.  Suspetsa ng ilan ito ay dahil indiong taga Pilipinas ang pinakamahusay, si Juan Luna raw ay nararapat raw na magwagi.  Anuman, ipinagbunyi ng mga ilustrado sa Espanya ang kanilang mga kasama na nagpatunay na kayang sabayan ng mga indio ang mga Espanyol sa kahit anong larangan.  Isang estudyante ng medisina ang nagtalumpati bilang brindis sa isang piging para kay Luna.  Naging kontrobesyal ang kanyang sinabi, “genius knows no country, it is the patrimony of all.”  Walang kinikilalang bansa ang henyo at maaaring sumibol kahit saan.  Sa mga Espanyol at prayle sa Pilipinas, hindi katanggap-tanggap ang kaisipang ito at mula noon markado nang tao ang estudyanteng ito na si José Rizal.  Isa pang hindi masyadong alam ukol kay Juan Luna.  Bago ito naging pintor, sea man muna siya na nakapagtapos ng lisensyado sa pagkapiloto sa karagatan, kaya naman hanggang ngayon ang obra niyang “Battle of Lepanto” na kinabiliban sa husay ng detalye sa isang labanang pandagat, ay nakasabit pa rin sa Senado ng Espanya at binuksan noon ng Reyna Rehente Maria Cristina noong 1887, na siya ring nagpalaya sa kanya nang makulong noong Himagsikan!

La Batalla de Lepanto (1887), nasa Senado ng Espanya, mula sa koleksyong Dr. Eric Zerrudo

Nanirahan sa Madrid at Paris at umuwi sa Pilipinas noong 1894, sinamahan sa rebolusyon ang kanyang nakababatang kapatid na si Hen. Antonio Luna noong 1898, nagdisenyo ng bersyong Pilipino ng uniporme ng mga rebolusyunaryo, ang rayadillo, at isa sa naging mga unang Pilipinong diplomat.  Namatay na naglilingkod sa Unang Republika ng Pilipinas sa Hongkong dahil sa sakit sa puso noong December 7, 1899.

Burol ni Juan Luna sa Hongkong, mula sa koleksyon ni Dr. Jose Victor Torres

Para sa iyo Juan Luna, bilang payunir naming achiever sa malayong lupaing Espanya, ang una naming Manny Pacquiao, isang saludo at salud!  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, UP Diliman, 18 October 2012)

Kamukha lang ni Juan Luna, isang dangal ng bayan sa ibayong dagat.