IT'S XIAOTIME!

Naglilingkod sa Diyos at sa Bayan sa pagtuturo ng Kasaysayan

Month: October, 2012

XIAOTIME, 5 October 2012: BRITISH OCCUPATION OF MANILA

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 5 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pagsalakay ng mga British sa Maynila, 5 Oktubre 1762. Bisitahin ang Ayala Museum para makita ang dioramang ito at iba pa na nagpapakita ng Kasaysayan ng Pilipinas (Mula sa bidyo na “The Diorama Experience”).

5 October 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=rdXwZNkWegQ&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!    Espanya, Amerika at Hapon.  Ito ang lagi nating sinasabing tatlong mananakop ng ating bansa.  Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi lamang tatlo ang nanakop sa atin, kundi APAT!  250 years ngayong araw na ito, October 5, 1762, nang sumuko ang Intramuros, ang sentro ng Emperyong Espanyol sa Malayong Silangan, sa mga British!  Si Simon de Anda y Salazar ay tumakas noong nakaraang gabi mula sa Ilog Pasig patungong Bulakan, ipinroklama ang sarili na Gobernador-Heneral at inilipat ang pamahalaang Espanyol sa Bacolor, Pampanga.  Kung tutuusin, hindi naman tayo kasali sa digmaan, kaso sa “Seven Years War” na ito sa pagitan ng Britanya at Pransiya, kumampi kasi ang mga Espanyol sa mga Pranses kaya ayun, dinamay tayo.  Wala pang cellphone at internet noon kaya ang digmaan na nagsimula noong 1756 sa Europa umabot lang sa atin noong 1762, anim na taon na ang digmaan.  Di man natin pinaghinalaan na ang 13 mga barkong Briton pala na paparating ay hindi mga trade ships kundi mga war ships pala na walang humpay na bumomba sa Intramuros ng ilang araw.  Kaya marahil hindi sila kasama sa mga itinuturing na mananakop ay sapagkat nang makuha nila ang Maynila sa pamumuno ni Gobernador Dawsonne Drake, walang kinalaman kay Jack Dawson ng “Titanic,” ang buong Pilipinas ay sakop pa rin ng mga Espanyol liban sa Ilocos.  Nagdala rin ng mga Sepoy o mga sundalong Indian ang mga British.  Ilan sa kanila ay naiwan sa Pilipinas ay nanirahan sa Cainta at Taytay.  Isang taon matapos ang digmaan sa Europa, doon pa lamang ito nalaman ng mga Briton na kusang umalis noong 1764 matapos ang higit isang taon lamang na pananakop, ngunit dala-dala ang tinaguriang “Ransom of Manila”—ang lahat ng pera ng simbahan at ng pamahalaan, maging ang mga ginto at pilak na kagamitan ng mga kumbento.  Mahalaga ang panahong ito sa atin sapagkat nakita ng mga Pilipinong indio na may kahinaan pala ang mga Espanyol.  Kaya nag-alsa sina Diego at Gabriela Silang sa Ilocos na itinuturing ng maraming historyador na sinaunang porma ng nasyunalismo sa bansa.  Isang pag-aalsa na magiging inspirasyon ng mga sumunod na lumabas upang pataubin ang 333 taong pananakop ng Espanya sa Pilipinas.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)

XIAOTIME, 4 October 2012: OKTOBERFEST

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 4 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Orihinal na gusali ng Fabrica de Cervesa de San Miguel sa Maynila.

4 October 2012, Thursday:  http://www.youtube.com/watch?v=LFBEm6zLr_U&feature=youtu.be

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  122 taon na po ang nakalilipas ngayon, October 4, 1890, nang pasinayaan ang  Fabrica de Cervesa de San Miguel.  122 years old na po ang San Miguel Beer.  Naging simbolo ng pagkakaibigan ang pag-alok nito tulad ng pag-alok ng nganga ng ating mga ninuno noong unang panahon.  Tamang-tama dahil ngayong buwan ding ito ginaganap ang tinatawag na Oktoberfest.  Huh?  Oktoberfest?  What’s that pokemon?  Ang Oktoberfest ay isang 16-day festival na ginaganap sa Munich, Bavaria, Germany o Alemanya mula Setyembre hanggang Oktubre.

Ang mga espesyal na Oktoberfest Beer, halaw sa Wikipedia

Una itong ginanap noong 1810 at ngayon ay itinuturing na pinakamalaking perya sa buong mundo kung saan tinatayang anim na milyon pa ang dumadayo sa Munich para dito, at tumutungga sila ng tinatayang pitong milyong litro ng beer!

Marca Demonio

Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal, Fernando Amorsolo

Ilan pang trivia, ang “Marca Demonio” na trademark ng Ginebra San Miguel na nagpapakita kay San Miguel na pinapatay ang demonyo ay likhang sining ng National Artist for [the Visual Arts] na si Fernando Amorsolo.

Pambansang Alagad ng Sining Nick Joaquin at ang kanyang best friend.

Isa pang National Artist ang nakilala na hindi nakakausap at nakakasulat ng matino kung hindi pa nakakainom ng cervesa.  Walang iba kundi si National Artist Nick Joaquin!  Medyo love-hate relationship ang mayroon tayo sa beer.  Hindi lamang mga maybahay ng asawang umuuwing lasenggo.  Noong Pebrero 1986, nang iprotesta ng maybahay rin na si Cory Aquino ang kanyang pagkatalo sa Snap Elections, nagpatawag siya ng boykot sa mga negosyong sumusuporta sa Pangulong Marcos, ayun naglipatan at nagtiis muna sa whiskey at lambanog ang maraming tao.

Ang isang milyong taong dumalo sa pagpapatawag ng boykot ni Cory Aquino, Pebrero 1986.  Mula sa aklat na “Bayan Ko!”

Ayon kay Angela Stuart Santiago, kung ang EDSA raw ay hindi nangyari, babagsak pa rin ang pamahalaan dahil nang mangyari ang EDSA, pitong araw nang isinasagawa ang civil disobedience na ito.  Ibig sabihin, malaki pa rin ang aktwal na papel ni Tita Cory sa People Power Revolution sa kanyang paghahanda ng puso ng tao para aktwal na makibaka para sa bayan.  At yan po ang isang nakalalasing na kasaysayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(William Hall, DLSU Manila, 26 September 2012)

XIAOTIME, 3 October 2012: ANO ANG KASAYSAYAN?

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 3 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Si Dr. Zeus Salazar at ako, nang una kaming magkakilala, Freshman Walk malapit sa Melchor Hall, UP Diliman, 30 Setyembre 2004

3 October 2012, Wednesday:  http://www.youtube.com/watch?v=4oH8oTl_LHI&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Noong isang linggo tinalakay natin na walang talab sa puso ng marami at boring ang pag-aaral ng history sapagkat kung ito ay nakasulat na dokumento ng nakaraan, ang nagsusulat lamang nito ay ang mga edukado at mayayaman.  Sa Pilipinas, mga dayuhan ang sumulat tungkol sa atin nakaraan.  Kaya naman na mahalaga na magkaroon tayo ng pakahulugan sa pag-aaral ng nakaraan sa saswak sa ating sitwasyon.  At ang katumbas na salita ng History sa pambansang wika natin ay kasaysayan.  Ayon kay Dr. Zeus A. Salazar, ang salitang ugat nito na “saysay” ay dalawa ang kahulugan:  ang saysay ay isang salaysay o kwento at saysay rin ang katuturan, kabuluhan at kahalagahan.  Kaya naman ang kasaysayan ay mga salaysay na may saysay.  Ngunit, kailangang tanungin:  Kung ito ay may saysay, may saysay para kanino?  Siyempre para sa sinasalaysayang grupo o salinlahi.  In short, para sa tao.  Sa ganitong pakahulugan, mga kwentong may kwenta para isang bayan, hindi na nalilimita sa mga opisyal na dokumento nang makapangyarihan ang kasaysayan.  Ang mga pasalitang tradisyon na tulad ng mga epiko, alamat, mito, kwentong bayan at maging at mga kanta at jokes, bagama’t kathang isip ay maaaring maging batis ng kaisipan at paniniwala ng mga tao na hindi nagsisulat ng mga dokumento, lalo na ang mga lolo at lolang ninuno natin.  Halimbawa, sa mito ng mga Bisaya na “Sicalac at Sicavay,” ang lalaki at babae ay sabay na lumabas sa halaman o sa ibang bersyon ay sa kawayan.  Kumalat ito at pinagpasa-pasahan dahil nakarelate ang mga ninuno natin dito tulad ng pagresend natin sa emo texts na natatanggap natin kapag emo din tayo.  Dalawa ang maaaring pinapakita ng kwento ukol sa aktwal na mga ninuno natin.  Sabay lumabas ang lalaki at babae kaya pantay ang pagtingin sa kasarian ng mga ninuno natin noon at itinuturing natin ang kalikasan bilang ating pinagmulan at kasamang may buhay.  Mga teh, ang kasaysayan ay mahalaga sapagkat ito ay sumasalamin sa mga kwento at kaisipan natin.  Sa pamamagitan nito makikilala natin ang ating sarili at ang ating bayan.  Tanging kung kilala lamang natin ang bayan, doon lamang natin pwendeng sabihin na tunay nating minamahal ito.  Paano mo mamahalin ang isang irog kung hindi mo siya kilala.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 27 September 2012)

 

 

XIAOTIME, 2 October 2012: SI AGLIPAY BA ANG NAGTATAG NG AGLIPAYAN CHURCH? (Iglesia Filipina Independiente)

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 2 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Mahal na Birhen ng Balintawak

2 October 2012, Tuesday:  http://www.youtube.com/watch?v=1Sgr5BWsyb8&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  Kahapon po ang ika-isandaan at sampung anibersaryo ng pagpirma ng sampung sekular na mga pari sa pamumuno ni Obispo Gregorio Aglipay [sa ikalawa sa anim na bahagi ng] konstitusyon ng Iglesia Filipina Independiente sa Sta. Cruz, Maynila.  Idineklara nila ang kanilang sarili bilang isang bagong pananampalataya na hindi kumikilala sa kapangyarihan ng Santo Papa sa Roma.  Nakilala ang Simbahan bilang Aglipayan Church, ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi si Apo Aglipay ang nagtatag nito.  Isa sa mga tagapagtatag nito ay si Don Belong—Isabelo delos Reyes.  Nakita ni Don Belong na sa kanyang mga pag-aaral bilang isang iskolar at folklorista na may potensyal na magkaroon ng pagsasama ng sinaunang mga paniniwala at ng Kristiyanismo, kaya kinumbinsi niya ang nagdadalawang-isip noon na si Apo Aglipay na kumalas na sa Roma upang maiwasan ang sitwasyon baka mapalitan lamang ang mga prayleng kanilang kinamuhian ng mga bagong Amerikanong mga pinunong simbahan.  Itinatag nila ang simbahan noong Agosto [Tres], taon ding iyon ng 1902.  Isang kaibahan nila sa mga paring Katoliko ay maari silang mag-asawa.  Isa sila sa pinakamalaking Kristiyanong denominasyon sa Pilipinas at tinatayang anim na milyon ang kanilang kasapi, ang mga unang kasapi nito ay mga kasapi ng Katipunan at mga rebolusyunaryo.  Si Pangulong Ferdinand Marcos ay bininyagang isang Aglipayano.  Makabayan at progresibo ang oryentasyon ng samahan.  Si Don Belong ay ang unang labor leader ng ating bansa at pinuno ng Union Obrera Democratica Filipina.  Si Apo Aglipay naman ay inatasang mangolekta noon ng pondo sa Ilocos para sa mga rebolusyunaryong Pilipino.  Hindi nakapagtataka na minsan na nilang idinekalarang santo si Gat Dr. José Rizal at nagdarasal sa Mahal na Birhen ng Balintawak, isang birheng Maria sa wangis ni Inang Bayan na may kasamang batang may nakasukbit na itak at may dala-dalang watawat na may nakasulat, “Ama ko, sumilang nawa ang aming pagsasarili.” Ang kanilang pakikisangkot sa bayan ay makikita sa paglingap sa mahirap ng ika-siyam na Obispo Maximo nito na si Alberto Ramento ng Tarlac, Tarlac.  Ninakawan at brutal na pinatay si Ramento.  Isang aral na maaaring makuha mula sa mga Aglipayano:  Kung tunay na mahal mo ang Diyos, dapat mahal mo rin ang bayan mo.  Pro Deo et Patria, para sa Diyos at para sa Bayan.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 26 September 2012, pasasalamat po kay Dr. Lars Raymund Ubaldo sa pagtulong sa episode na ito at kay Kristine Conde-Bebis, isang kasapi ng IFI, sa pagwawasto sa ilang mga datos sa blog na ito.)

Isabelo “Don Belong” de los Reyes

Obispo Maximo I Gregorio Aglipay kasama ang dalawa niyang pari.

Obispo Maximo IX Alberto Ramento

XIAOTIME, 1 October 2012: Balik-tanaw sa THRILLA IN MANILA nila Muhammad Ali at Joe Frazier

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 1 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

1 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=QRm-GJEIm4Q&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  37 years ago, October 1, 1975, ginanap ang isa sa pinakasikat na laban sa kasaysayan ng boxing, ang Thrilla in Manila.  Ito ang pangatlong pagkakataon na magkakabuno ang dalawa sa pinakamagagaling na boksingero sa buong mundo:  Si Muhammad Ali at si Joe Frazier.  Nang alukin ng Pangulong Ferdinand Marcos ang Maynila bilang lugar ng makasaysayang laban, kinagat ito ni Don King at ginanap ang laban sa Araneta Coliseum, ang pinakamalaking indoor facility sa Asya.  Bago ang laban, nag-insultuhan ang dalawang boksingero.  Sa isang press conference nagdala si Ali ng manikang Gorilla na kumatawan kay Frazier at sinabing “It’s gonna be a thrilla, and a chilla, and a killa, when I get the Gorilla in Manila.”  Tinawag naman ni Frazier si Ali sa dati niyang pangalan na “Clay” na itinuting na pangalang alipin ni Ali.  Alas 10:45 ng umaga nang magsimula ang laban.  Noong una, tila na kay Ali ang laban at desidido siyang patumbahin ang kalaban sa unang mga round pa lamang ngunit sa kalagitnaan ng laban, hindi pa rin natitinag si Frazier.  Dati rati ang mga championship bouts ay umaabot ng 15 rounds!  Sa ika-14 na round, parehong napagod na ang dalawa.  Bibiyakin na dapat ng kampo ni Ali ang kanyang gloves, simbolo ng pagsuko sa laban, ngunit nauna si Frazier na magdeklara nang pagsuko kaya nanalo si Ali sa pamamagitan ng TKO.  Nang gabing iyon nagpaparty si Frazier, habang ang nanalong si Ali ay naratay sa banig ng karamdaman.  Ayon kay Ali, ang Thrilla in Manila ang pinakamalapit niyang karanasan sa pagkamatay.  Di naglaon, parehong nagretiro ang dalawang boksingero, sa dami ng namamatay sa championship rounds naging 12 rounds na lang ang laban mula 15, at itinayo ang Ali Mall malapit sa Araneta Coliseum bilang parangal sa pagkapanalo ni Muhammad Ali.  Ito ang pinakaunang multi-level indoor mall sa Pilipinas.  Para sa mga tagahanga ng rehimeng Marcos, nagdala ng dangal at mga turista ang Thrilla ni Manila sa ating bansa, ngunit para  rin sa marami, ginanap ito sa Pilipinas dahil nais ni Pangulong Marcos na mailayo ang atensyon ng mga tao sa lagim ng Batas Militar.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 26 September 2012)