XIAOTIME, 5 October 2012: BRITISH OCCUPATION OF MANILA

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment yesterday, 5 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang pagsalakay ng mga British sa Maynila, 5 Oktubre 1762. Bisitahin ang Ayala Museum para makita ang dioramang ito at iba pa na nagpapakita ng Kasaysayan ng Pilipinas (Mula sa bidyo na “The Diorama Experience”).

5 October 2012, Friday:  http://www.youtube.com/watch?v=rdXwZNkWegQ&feature=plcp

Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!    Espanya, Amerika at Hapon.  Ito ang lagi nating sinasabing tatlong mananakop ng ating bansa.  Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, hindi lamang tatlo ang nanakop sa atin, kundi APAT!  250 years ngayong araw na ito, October 5, 1762, nang sumuko ang Intramuros, ang sentro ng Emperyong Espanyol sa Malayong Silangan, sa mga British!  Si Simon de Anda y Salazar ay tumakas noong nakaraang gabi mula sa Ilog Pasig patungong Bulakan, ipinroklama ang sarili na Gobernador-Heneral at inilipat ang pamahalaang Espanyol sa Bacolor, Pampanga.  Kung tutuusin, hindi naman tayo kasali sa digmaan, kaso sa “Seven Years War” na ito sa pagitan ng Britanya at Pransiya, kumampi kasi ang mga Espanyol sa mga Pranses kaya ayun, dinamay tayo.  Wala pang cellphone at internet noon kaya ang digmaan na nagsimula noong 1756 sa Europa umabot lang sa atin noong 1762, anim na taon na ang digmaan.  Di man natin pinaghinalaan na ang 13 mga barkong Briton pala na paparating ay hindi mga trade ships kundi mga war ships pala na walang humpay na bumomba sa Intramuros ng ilang araw.  Kaya marahil hindi sila kasama sa mga itinuturing na mananakop ay sapagkat nang makuha nila ang Maynila sa pamumuno ni Gobernador Dawsonne Drake, walang kinalaman kay Jack Dawson ng “Titanic,” ang buong Pilipinas ay sakop pa rin ng mga Espanyol liban sa Ilocos.  Nagdala rin ng mga Sepoy o mga sundalong Indian ang mga British.  Ilan sa kanila ay naiwan sa Pilipinas ay nanirahan sa Cainta at Taytay.  Isang taon matapos ang digmaan sa Europa, doon pa lamang ito nalaman ng mga Briton na kusang umalis noong 1764 matapos ang higit isang taon lamang na pananakop, ngunit dala-dala ang tinaguriang “Ransom of Manila”—ang lahat ng pera ng simbahan at ng pamahalaan, maging ang mga ginto at pilak na kagamitan ng mga kumbento.  Mahalaga ang panahong ito sa atin sapagkat nakita ng mga Pilipinong indio na may kahinaan pala ang mga Espanyol.  Kaya nag-alsa sina Diego at Gabriela Silang sa Ilocos na itinuturing ng maraming historyador na sinaunang porma ng nasyunalismo sa bansa.  Isang pag-aalsa na magiging inspirasyon ng mga sumunod na lumabas upang pataubin ang 333 taong pananakop ng Espanya sa Pilipinas.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 21 September 2012)