XIAOTIME, 8 October 2012: PAGTATAPOS NG KALAKALANG GALYON

by xiaochua

Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 8 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:

Ang galyong Andalucia nang dumako ito sa Pilipinas noong 2010. Kuha ni Fraulaine Rapal.

8 October 2012, Monday:  http://www.youtube.com/watch?v=D13zsLJOaLE&feature=plcp

¡Buenas tardes y buenos noches señoras y señores!  Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime!  197 years ago [ngayon, 8 Oktubre 1815] nagtapos ang Kalakalang Galyon na minonopolyo ng mga mananakop na Espanyol sa loob ng 250 years!

Fray Andres de Urdaneta, tagapagdiskubre ng pinakamahabang rutang pangkalakalan sa Kasaysayan ng Daigdig.

Ang explorer na si Father Andres de Urdaneta ang nakadiskubre ng ruta noong bumalik siya sa Mexico mula sa Pilipinas noong 1565, sinundan niya ang direksyon ng hangin ng mga bagyo sa Pasipiko at nakilala ito sa tawag na Manila-Acapulco Galleon Trade o Nao de China.  Ngunit tila mali ang tawag na ito.  Ang mga produktong mula sa India; Japan; mga produktong Tsino na kinahihibangan ng mga Europeo tulad ng porcelain, ivory, silk o seda, at iba pa

Inmaculada Concepcion na gawa sa ivory, ilan sa mga produktong dinadala ng Kalakalang Galyon. Mula sa Koleksyong Museo ng San Agustin.

; mga pamintang mula sa Moluccas; at ilan lamang na mga produkto ng mga Indio tulad ng mga bulak mula sa Ilocandia at mga likhang sining na nililok, ay isinasakay sa mga Galyon, na tinatawag na Nao.  Ang mga ito ay dadalhin sa Acapulco, ngunit hindi ito natatapos doon.  Dadalhin ang mga produkto sa pamamagitan ng lupa patungong Veracruz, matapos nito ay dadalhin sa Havana, Cuba, at ikakalat na sa mga bansa sa Timog Amerika at dadalhin na rin patungong Sevilla, Espanya.  Kaya mas nararapat na tawagin itong Kalakalang Maynila-Acapulco-Sevilla—Ang pinakamahabang Trade Route sa Kasaysayan ng Daigdig!!!

Kapalit ng lahat ng mga produkto ay ang mga pera na mabilis naman na ipinambabayad sa mga bansang pinagmulan ng produkto.  Dahil din sa kalakalang ito, napadpad sa Pilipinas ang mga halamang nasa Amerika lamang na ngayon ay bahagi na ng buhay ng mga Pilipino:   tabako, mais, cacao, kape, cassava, mani, sili, beans, at kamatis.  Bagama’t kumita ang Espanya sa monopolyo ng pangangalakal na ito sa Pilipinas, ang mga indio ay nakatungangang parang mga timawa, nagsibak lamang ng mga kahoy na ipinanggawa ng mga galyon at kinuhanan ng mga ani, nilaspatangan ang interes ng mga maliliit.  Ang tanging nakinabang ay ang mga Espanyol at iba pang dayuhan.  Noong 1815, dahil na rin sa pakikipaglaban sa kalayaan ng mga Mexicano laban sa mga Espanyol, natigil ang Kalakalang Galyon.  Sa pagtatapos nito, mas naging malaya na makipagkalakalan ang Pilipinas sa daigdig.  Nagbukas sa lahat ang oportunidad kahit sa ilang mga indio na sa kalaunan ay nag-aral at naging mga ilustrado na nakibaka rin para sa pagbubuo ng ating nasyon.  Sabi ng mga eksperto, ang Kalakalang Galyon ay maagang manipestasyon ng globalisasyon na kontrolado lamang ng malalakas na bansa.  Ang malayang kalakalan ay maihahambing sa Cyberspace na parang isang karinderyang bukas sa lahat ng gustong magtinda, bumili at magpahayag ng sarili.  Ang daang matuwid ay nag-aadhika ng isang sistemang liberal ngunit nangangalaga rin sa interes ng maliliit at lokal na negosyo at nagtataguyod ng malayang pagpapahayag ng sarili.  Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.

(Pook Amorsolo, 4 October 2012)