XIAOTIME, 9 October 2012: SI JOHN LENNON AT ANG BEATLES SA PILIPINAS
by xiaochua
Broadcast of Xiaotime news segment earlier, 9 October 2012, at News@1 and News@6 of PTV 4, simulcast over Radyo ng Bayan DZRB 738 khz AM:
9 October 2012, Tuesday: http://www.youtube.com/watch?v=hz8tDJfT6ZE&feature=plcp
Makasaysayang araw po, it’s Xiaotime! Alay ko ang episode na ito sa best friend kong si Jeremiah “Mayo” Baluyut na nagpakilala sa akin sa taong ating tatalakayin ngayon. Kung buhay pa si John Lennon ngayon, 72 years old na siya ngayong araw na ito, kaarawan niya ay October 9, 1940. Nakilala siya bilang bokalista ng sikat na bandang The Beatles na nagmula sa Liverpool, England kasama sina Paul McCartney, George Harrison at Ringo Starr. Sa panahon ng kalituhan at tawag ng pagbabago ng Dekada 1960—pagbaril kina John F. Kennedy, Robert Kennedy at Martin Luther King, at mga pagkilos laban sa Vietnam War, deskriminasyon sa mga itim at paniniil sa kababaihan, ang mga awitin at “Yeah, Yeah, Yeah” ng Beatles ang naging larawan ng mga pagbabagong ito. Sa panahon ng kanilang kasikatan, tumungo sila sa Maynila noong July 3, 1966. Agad silang dinala sa isang pribadong yate ng isang negosyante na kanilang ikinayamot. Kinabukasan, July 4, habang sila ay natutulog sa Manila Hotel, bigla na lamang silang ipinasundo ng Palasyo. Bagong pangulo noon si Pang. Ferdinand Marcos at First Lady Imelda Marcos na inaanyayahan sila sa isang courtesy call sa Malacañang. Ilang buwan ang nakalipas, ipinagwalang bahala pala ng manager na si Brian Epstein ang imbitasyon ng palasyo at inakalang naman natin na ang hindi nito pagsagot ay pagsang-ayon na. Hindi ginising ng manager ang mga Beatles. Nabastos ang unang pamilya sa inaakalang pag-snub sa kanila ng Beatles mismo. Matapos ang kanilang dalawang konsyerto noong hapon na iyon sa Rizal Memorial Football Stadium na sabi ng Beatles ay sumobra sa bilang ng kapasidad ng lugar, kinabukasan July 5, walang naghatid sa kanila sa airport, walang tumulong sa kanila sa pagbuhat ng kanilang mga gamit, at nang sila ay nasa airport na, pinatay ang mga escalator at ang mga naka-barong na mga guwardiya nila ay tinatakid at sinisiko pa sila. Ilan sa mga kasama ng Beatles ang nasugatan sa insidenteng ito. May mga kwento na sa tindi ng takot, sina John at Ringo ay nagtago sa mga madre dahil alam nilang hindi sasaktan ang mga madre sa isang Katolikong bansa. Sa pag-aakalang pagsakay nila sa eroplano ng British Airways tapos na ang kanilang kalbaryo, pinababa ang manager at ang mga kasama ng Beatles. Kinuha pala ang cash na kinita ng grupo. Isa sa mga dahilan ng kanilang pagtigil sa pagtotour at pagkokonsyerto ang nangyari sa kanila sa Maynila. Sa mga sigawan ng tao, ni hindi na nila naririnig ang kanilang sariling tumutugtog, hindi na rin sila lumago. Kaya ang insidente sa Maynila ay nagbunga rin ng magandang epekto. Mula noon, nagpokus na lamang sila sa studio at nilikha ang mas magaganda nilang album tulad ng Sgt. Pepper’s Lonely Hearts Club Band, Let It Be at Abbey Road. Nang magkahiwalay na sila noong 1970, si John Lennon ang naging pangunahing boses ng peace movement sa pamamagitan ng kanyang kantang “Imagine” na binoto bilang isa sa mga pinakadakilang “Music of the Millennium” noong 1999. Binaril siya ng isang nabaliw na dating tagahanga noong December 8, 1980 sa New York. Nabastos ang maraming Pilipino sa Beatles noong 1966 dahil popular pa ang Pang. Marcos noon. Ngunit sabi ng ilan, tila naging preview ito sa magiging lagim ng Batas Militar. Ako po si Xiao Chua para sa Telebisyon ng Bayan, and that was Xiaotime.
(Pook Amorsolo, 4 October 2012)